Nang nasa sa daán na si Basilio ay iniisip kung anó ang kaniyang
mágagawâ hanggáng sa sumapit ang kalagím lagím na sandalî; mag-iika
pitó pa lamang. Panahón niyon nang pamamahing̃á sa pag-aaral at ang
mg̃a nag-aaral ay nasa sa kaníkaniláng bayan. Si Isagani ang tang̃ìng
hindî umuuwî, ng̃unì’t nawalâ mulâ ng̃ umagang iyon at hindî maalaman
kung saan nároroon. Itó ang sinabi kay Basilio, ng̃ makapanggaling sa
bilanggûan at dinalaw ang kaniyang kaibigan upang makituloy. Hindî
maalaman ni Basilio kung saan siya páparoon, walâ siyang kualta,
walâ siyang anoman, liban na lamang sa rebolber. Ang pagkaalaala sa
lámpara ang siyáng gumiít sa kaniyáng pag-iisip: sa loób ng̃ dalawáng
oras mangyayari ang malakíng sakunâ at, kung maalaala ang gayón, sa
warì niya’y pawàng walâng ulo ang mg̃a lalaking nagdadaán sa kaniyáng
harapán: nagdamdám siya ng̃ isáng mabang̃ís na katuwàan sa pagsasabi
sa sarili, na kahì’t gayóng dayukdók sa gabíng iyon ay magiging
siyang kakilakilabot, na kahì’t galing sa pagka nag-aaral at alilà
marahil ay makita siya ng̃ araw na kasindáksindák at kalagímlagím,
na nakatayô sa ibabaw ng̃ buntón ng̃ mg̃a bangkáy, naglalagdâ ng̃
mg̃a kautusán doon sa mg̃a nagdadaang nakalulan sa kaniláng maiinam
na sasakyán. Humalakhák na warì’y isáng napakasamâ, at kinapâ ang
puluhán ng̃ rebolber: ang mg̃a kaha ng̃ punglô ay nasa sa kaniyáng
mg̃a bulsá.
Bumukó sa kaniyang loob ang isáng katanung̃an ¿saan magsisimulâ ang
patayan? Sa kaniyáng kalituhán ay hindî niya naisip ang itanóng
kay Simoun, ng̃unì’t sinabi sa kaniyá ni Simoun na lumayô sa
daang Anloague.
Nang magkagayó’y nagkaroon siya ng̃ isáng hinalà; nang kinahapunang
iyon, ng̃ siya’y lumabás sa bilanggûan, ay tumung̃o siya sa dating
bahay ni kapitáng Tiago, upang hanapin ang kaniyáng kauntìng
kasangkapan, at nátagpûan niyáng ibá ang anyô at laan sa isáng pistá;
yaon ang kasál ni Juanito Pelaez!
May sinabing isáng pistá si Simoun.
Nákitang nagdaan sa harapán niya ang isáng mahabàng hanay ng̃ mg̃a
sasakyán na punô ng̃ babai’t lalaking kaginoohan na nang̃agsasalitâan;
warìng nakakita siya sa loób ng̃ malalakíng kumpol ng̃ bulaklák,
ng̃unì’t hindî niya pinuná ang bagay na iyon. Ang mg̃a karuahe
ay patung̃o sa daang Rosario, at sa dahiláng násagupà sa mg̃a
nanggagaling namán sa tuláy ng̃ España, ay nang̃áhihintông madalás
at dahandahan ang lakad. Sa isáng sasakyán ay nakita si Juanito
Pelaez sa piling ng̃ isáng babai na putî ang bihis at may talukbong
na madalang; nákilala niyang iyon ay si Paulita Gomez.
--¡Si Paulita!--ang bulalás na pamanghâ.
At nang makitang tunay ng̃âng siyá, gayák ikinasal, na kasama si
Juanito Pelaez, na warìng nang̃agsipanggaling sa simbahan.
--¡Kaawàawàng Isagani!--ang bulóng--¿anó kayâ ang nangyari sa kaniyá?
Inalalang iláng sumandalî ang kaniyáng kaibigan, káluluwáng dakilà,
mahabagin, at itinanóng sa sarili niya kung hindî kayâ mabuting
balítàan ng̃ balak, ng̃unì’t sinagót din niya ang sarili, na si
Isagani ay hindî makíkialám magpakailan man sa gayóng patayan....
Hindî inasal kay Isagani ang ginawâ sa kaniyá.
Pagkatapos ay naisip na kung hindî sa pagkakabilanggô, sa mg̃a oras
na iyon, siya’y ikinákasal ó may asawa na, _licenciado_ sa Medicina,
namumuhay at nanggagamót sa isáng sulok ng̃ kaniyáng lalawigan. Ang
larawan ni Hulî, na lurayluráy dahil sa pagkakalagpák, ay nagdaán
sa kaniyáng pag-iisip; mg̃a maitím na lagabláb ng̃ pagtataním ang
nag-apóy sa kaniyáng balintatáw, at mulîng hinimas ang puluhán ng̃
rebolber na dináramdám ang hindî pa pagsapit ng̃ kakilakilabot na
sandalî. Sa gayó’y nákita si Simoun na lumabás sa pintô ng̃ kaniyáng
bahay na tagláy ang sisidlán ng̃ lámpara, na nababalot nang boông
ing̃at, lumulan sa isáng sasakyáng nakisunód sa hanay ng̃ mg̃a umaabay
sa mg̃a bagong kasál. Upang huwag maligtâan ni Basilio si Simoun ay
kinilala ang kotsero, at namanghâ siya ng̃ mákilala na iyón ay ang
kaawàawàng naghatíd sa kaniyá sa S. Diego, si Sinong, ang binugbóg
ng̃ Guardia Civil, iyón ding nagbabalità sa kaniyá sa bilanggûan
ng̃ lahát ng̃ nangyayari sa Tiani. Sa pagkukuròkurò niya na ang
daang Anloague ay siyang pangyayarihan, ay doon tumung̃o ang binatà,
na nagmadalî’t nagpáuna sa mg̃a karuahe. Tunay ng̃â, ang lahát ay
tung̃o sa dating bahay ni kapitang Tiago: doon nagkakatipong ang
hanap ay isáng sáyawan upang magsiikot sa hang̃in! Nátawá si Basilio
nang makita ang mg̃a Guardia Veterana na nang̃ag-aayos doon. Dahil
sa kaniláng dami ay mahúhulàan ang kahalagahan ng̃ pistá at ng̃ mg̃a
panaohin. Siksikan ang tao sa bahay, ang liwanag ay tumatapon sa
kaniyáng mg̃a durung̃awán; ang silong ay nakakalatan ng̃ alpombra at
punô ng̃ bulaklák; sa itaás, marahil ay sa kaniyáng ulila at dating
silíd, tumútugtóg ang orkesta ng̃ masasayáng tugtugin, na hindî
namán nakatatakíp na lubós sa magusót na aling̃awng̃áw ng̃ tawanan,
salitàan at halakhakan.
Si D. Timoteo Pelaez ay umaabot sa tugatog ng̃ kapalaran, ng̃unì’t
ang mg̃a nákikitang iyón ay higít sa kaniyáng mg̃a pinang̃arap.
Naipakasál din ang kaniyáng anák sa isáng binibining magmamana sa
mg̃a Gómez, at salamat sa salapîng ipinautang sa kaniyá ni Simoun,
ay nábilí niya ang bahay na iyon sa kalahatì ng̃ halagá, doon niya
ginawâ ang pistá, at ang mg̃a pinakamalalakíng diosdiosan ng̃ Olimpo
sa Maynilâ ay kaniyáng magiging panaohin, upang sapuhín siya sa
kináng ng̃ kaniláng mg̃a karang̃alan. Sapol sa umaga ay masidhîng
pumapasok sa kaniyáng kalooban, na warì’y isáng karaniwang awit,
ang isáng malabòng sambít na nábasa sa kaniyáng mg̃a pakikinabang:
“¡Sumapit na ang oras na mapalad! Lumapít na ang sandalîng maligaya!
Matutupad nang madalî sa iyó ang mg̃a kahang̃àhang̃àng salitâ ni
Simoun: Buháy akó, ng̃unì’t hindî akó kundî ang Capitán General
ang nabubuhay sa akin, at ibp.” Ang Capitán General ay ináama ng̃
kaniyáng anák! Tunay ng̃â’t hindî kaharáp sa kasál, kinatawán siya
ni D. Custodio, ng̃unì’t páparoong hahapon, at magdadalá ng̃ isáng
handóg sa ikinasál, isáng lámpara na kahì’t ang kay Aladín ay hindî
makapapantáy....--sa lihim--si Simoun ang nagbigáy ng̃ lámpara.
Timoteo ¿anó pa ang ibig mo?
Ang pagkakabago ng̃ bahay ni kapitáng Tiago ay lubhâng malakí;
diniktán ng̃ mg̃a bagong papel na maiinam; ang usok at amóy ng̃ apian
ay nawalâ. Ang malakíng salas na lalòng pinaluluwang ng̃ malalakíng
salamín na nakapagpaparami pa sa mg̃a ilaw ng̃ mg̃a _araña_, ay
nalalatagan ng̃ alpombra: may alpombra ang mg̃a salón sa Europa, at
kahì’t ang daling ay makintáb na makintáb at malalapad ang tablá,
ay dapat ding magkaroon ng̃ alpombra ang kaniyang salas, sapagkâ’t
¡hindî mangyayaring hindî magkágayon! Ang maiinam na _sillería_
ni kapitang Tiago ay nawalâ, siya’y napalitán ng̃ ayos Luis XV,
malalakíng tabing na tersiopelong pulá na may burdáng gintô, may
letra ng̃ pang̃alan ng̃ mg̃a ikinasál, at napipiglán ng̃ tinuhog na
bulaklák ng̃ suhàng huwad, ang nang̃akasabit sa mg̃a _portiers_ at
nagwawasiwas sa sahíg ng̃ kaniláng malapad na laylayang gintô rin.
Sa mg̃a sulok ay may malalakíng pasông yarì sa Japón na násasalít sa
mg̃a gawâ sa Sevres, na kulay bugháw na malinis, na nang̃alalagáy
sa mg̃a pedestal na kahoy na may lílok. Ang tang̃ìng walâ sa ayos
ay ang mg̃a matitingkád na _cromo_ na ipinalít ni D. Timoteo sa
mg̃a dating _grabado_ at mg̃a larawan ng̃ santó ni kapitang Tiago.
Hindî siya nahikayat ni Simoun; ayaw ng̃ mg̃a _cuadrong óleo_ ang
mang̃ang̃alakal, bakâ may maghinalàng gawâ ng̃ mg̃a artistang
pilipino.... ¡siya ay magbigáy buhay sa mg̃a artistang pilipino, iyan
ang hindî mangyayari kailan man! sa gayó’y mahahalò ang kaniyáng
katiwasayán at marahil ay sampû ng̃ buhay, at alám niya kung papano
ang pamamangkâ sa Pilipinas! Tunay ng̃â’t nakáding̃íg siya ng̃
pag-uusap na ukol sa mg̃a artistang taga ibáng lupà na gaya nina
Rafael, Murillo, Velázquez, ng̃unì’t hindî niya maísip kung papano
ang gágawíng pakikipagalám sa mg̃a taong yaón, at sakâ ang isá pa’y
bakâ mang̃agsilabás na may laban sa pamahalàan..... Sa cromo ay walâ
siyang ináalaalang anomán, hindî gawâng pilipino, mura pa, gayon din
ang anyô, kundî lalong mabuti, ang mg̃a kulay ay lalòng makikináng
at mabuti ang pagkakayarì! Alám ni D. Timoteo kung papano ang dapat
ugalìin sa Pilipinas!
Ang malakíng _caida_, na nahiyasán ng̃ mg̃a bulaklák, ay siyang nagíng
kakainán, isáng malakíng dulang na sukat sa tatlóng pû katao ang
nasa gitnâ, at sa mg̃a paligid, nátatabí sa mg̃a pader, ay may iláng
maliliít na sukat sa dalawá ó tatló katao. Mg̃a kumpól na bulaklák,
mg̃a buntón ng̃ bung̃ang kahoy na kahalò ng̃ mg̃a sintás at ilaw ang
siyáng namumunô sa gitnâ ng̃ mg̃a dulang. Ang pinggán ng̃ ikinasál
na lalaki ay may tandâng isáng kumpol na alehandría, ang sa babai ay
isá namáng kumpol na bulaklák ng̃ suhà at asusena. Sa haráp nang
gayóng karing̃alan at karaming bulaklák ay papasok sa guníguní ng̃
kahì’t sino, na mg̃a _ninfa_ na madalang ang damít at mg̃a kupidong
malilíit, na ang pakpák ay makulay, ang siyáng magdudulot ng̃ mg̃a
alak at pagkain ng̃ mg̃a dioses sa mg̃a panaohing taga alapaap, na
sinasaliwán ng̃ mg̃a kudyapî at alpá ng̃ mg̃a taga Eolia.
Gayón man, ang dulang na ukol sa malalakíng dioses, ay walâ roón,
nálalagáy sa gitnâ ng̃ malapad na asotea, sa isáng magandáng kiosko,
na sadyâng niyarìng ukol doon. Isáng persianang kahoy na ginintûan,
na kinákapitan ng̃ mg̃a punòng gumágapang, ang nagkakanlóng ng̃
pinakaloób sa malas ng̃ madlâ, ng̃unì’t hindî nakapipigil sa
paglalabás pumasok ng̃ hang̃in, upang mapalagì ang masaráp na simoy
na kailang̃an. Isáng mataás na tuntung̃an ang pinagpatung̃an ng̃ mesa
upang tumaás kay sa ibáng dulang na kakanan ng̃ mg̃a tao lamang, at
isáng bubóng, na pinalamutihan ng̃ lalòng mabubuting artista, ang
magsasanggaláng sa mg̃a tuktók harì sa mg̃a may inggit na tanáw ng̃
mg̃a bitûin.
Doó’y walâ kun dî pípitóng _cubiertos_; ang mg̃a kagamitán ay pawàng
pilak, ang mg̃a mantel at serbilyeta ay manipís na lino, ang mg̃a alak
ay yaóng lalòng pinakamahál at masaráp. Hinanap ni D. Timoteo ang
lalòng bibihirà at mahalagá at hindî siyá marahil nag-alinlang̃ang
gumawâ ng̃ isáng kabuktután kung násabi sa kaniyáng ang General ay
maibigíng kumain ng̃ lamán ng̃ tao.