ANG MATAAS NA KAWANÍ

L’Espagne et sa vertu, l’Espagne et sa grandeur

Tout s’en va!

(VICTOR HUGO.)

Ang mg̃a pamahayagan sa Maynilà ay nang̃alululong sa pagsasalaysáy

ng̃ ukol sa isáng nábunyág na patayang nangyari sa Europa, sa mg̃a

pagpupuri at pagbibigáy karang̃alan sa iláng _predicador_ sa Maynilà,

sa lalò’t lalò pang masigabóng pagtatatagumpáy ng̃ operetang pransés,

kayâ babahagyâ nang makapaglaán ng̃ gayón ó ganitóng balitàng ukol sa

mg̃a katampalasanang ginágawâ sa mg̃a lalalawigan ng̃ isáng pulutóng

ng̃ tulisán na pinang̃ung̃uluhan ng̃ isáng pinunòng mabang̃ís at ganid

na nagpapamagát na _Matanglawin_. Tang̃ì lamang, kung ang nilolooban

ay isáng kombento ó isáng kastilà, ay sakâ lumálabás ang mahahabàng

salaysáy na nagsisiwalat ng̃ mg̃a kakilakilabot na pangyayari at

hinihing̃î ang _estado de sitio_, mg̃a matitindíng panupil, ibp.

Kayâ’t hindî rin naatupag ang nangyari sa bayan ng̃ Tiani, ni hindî

man nagkaroon ng̃ isá mang banggít ni isáng aling̃awng̃áw. Sa mg̃a

lipunáng tang̃ì ay may kauntìng bulungbulung̃an, ng̃unì’t nápakalabò,

nápakamahinà, napaka walâng katibayan na hindî man lamang nabatíd

ang pang̃alan ng̃ nasawî, at yaóng mg̃a nagpakita ng̃ malakíng

nasàng makaalám ay madalîng nakalimot, na naniwalàng nagkaroon nang

kasundùan sa kaanák ó mg̃a kamag-anak na may galit. Ang tang̃ìng

tiyák na napag-alamán ay ang pag-alís sa bayang iyon ni P. Camorra

upang lumipat sa ibá ó manirahan ng̃ kauntîng panahón sa kombento

sa Maynilà.

--¡Kaawaawàng P. Camorra!--ang bulalás ni Ben-Zayb na nagwarìng

mahabagin,--gayóng kasayá, gayóng kabuting pusò!

Tunay ng̃â na ang mg̃a nag-aaral ay nang̃akalayà sa kálalakad ng̃

kaniláng mg̃a kamag-anak, na hindî tiningnán ang magugugol, mg̃a

handóg at mg̃a paghihirap. Ang uná unang nakalayà, gaya ng̃ maaantáy,

ay si Makaraíg, at ang hulí’y si Isagani, sapagkâ’t si P. Florentino

ay hindî nakaratíng sa Maynilà kung dî nang makaraan muna ang isáng

linggó sapol ng̃ mangyari ang mg̃a bagaybagay. Ang gayóng karaming

pagkahabág ay nagíng sanhî upang bigyan ang General ng̃ palayaw na

mahabagin at maawàín na dalìdalìng idinagdág ni Ben-Zayb sa mahabàng

kabilang̃an ng̃ kaniyáng mg̃a palayaw.

Ang tang̃ìng hindî nakalayà ay si Basilio, na násasakdál pa sa

kasalanang pagkakaroon ng̃ mg̃a aklát na bawal. Hindî namin malaman

kung ang sinasabi nilá’y ang aklát na _Medicina Legal y Toxicología_

ni Dr. Mata ó ang iláng pahayagan na ukol sa mg̃a bagay bagay sa

Pilipinas na natagpûán sa kaniyá, ó magkasama na ang dalawáng bagay

na iyon; ng̃unì’t sinasabi rin namán na nagbibilíng palihím ng̃ mg̃a

aklát na bawal at napataw sa kaawàawàng binatà ang boông bigát ng̃

timbang̃an ng̃ katwìran.

May nagbalitàng sinabi sa General:

--Kailang̃an na magkaroon ng̃ isá upang máligtás ang karang̃alan ng̃

kapangyarihan at huwag masabing tayo’y nag-ing̃áy nang katakot-takot

ng̃ walâ namáng sanhî. Una muna sa lahát ang kapangyarihan.

Kailang̃ang may mátira!

--Iisá na lamang ang nátitirá, isá na, alinsunod kay P. Irene ay,

nagíng alilà ni kapitáng Tiago.... Walâng naghahabol sa kaniyá....

--¿Alilà at nag-aaral?--ang tanóng ng̃ General:--kung gayón ay iyan,

mátirá, iyan!

--Maipahintulot po sa akin ng̃ inyóng Karilagán--ang sabi ng̃ mataas

na kawaní na nagkátaóng kaharáp;--ng̃unì’t may nagsabi sa akin

na ang binatàng iyan ay nag-aaral sa Medicina, ang kaniyáng mg̃a

gurô’y mabutí ang sinasabing ukol sa kanyá.... kung magpapatuloy sa

pagkábilanggô ay masasayang̃an ng̃ isáng taón, at sa dahiláng sa

taóng itó magtátapós....

Ang pamamagitnâ ng̃ mataas na kawaní na ayon kay Basilio, sa lugal

na makabutí dito, ay nakasamâ pa. Malaon nang ang kawaní at ang

General ay nagkakabigatan, may samàan ng̃ loob, na naragdagán ng̃

mg̃a salísalitàan. Ang General ay ng̃umitî at sumagót:

--¿Siya ng̃â ba? Kung gayó’y lalò pa ng̃âng dapat na magpatuloy sa

pagkakábilanggô; isáng taón pang pag-aaral, sa lugal na makasasamâ, ay

makabubutí sa kaniyá, sa kaniyá at sa lahát ng̃ mahuhulog pagkatapos

sa kaniyáng mg̃a kamáy. Dahil sa maraming pagsasanay ay hindî magiging

masamâng manggagamot ang isáng tao. Isá pa ng̃âng katwiran upang

mátirá! At pagkatapos ay sasabihin ng̃ mg̃a mapagbagong pilibustero

na hindî namín ináalagatâ ang bayan!--ang dagdág ng̃ General na

tumatawang paaglahì.

Nakilala ng̃ mataás na kawaní ang kaniyáng kamalìan at pinang̃atawanán

na ang usap ni Basilio.

--Dátapwâ’y sa ganáng akin ay inaakalà kong ang binatàng iyán ay

siyáng lalòng walâng kakasákasalanan sa lahát,--ang tugón na may

kauntìng katakutan.

--Náhulihan siya ng̃ mg̃a aklát,--ang sagót ng̃ kalihim.

--Oo, mg̃a aklát sa panggagamot at mg̃a pahayagang sinulat ng̃ mg̃a

taga España.... na hindî pa nagugupít ang mg̃a dahon.... at ¿anó

ang ìbig sabíhin nitó? At sakâ, ang binatàng iyan ay walâ sa pigíng

na idinaos sa magpapansít, ni hindî nakihimások sa anómán.... Gaya

ng̃ sinabi ko, siyá ang lalòng walâng kakasákasalanan....

--¡Lalò’t lalò pa ng̃âng mabuti!--ang masayáng bulalás ng̃

General;--sa gayóng paraán, ang parusa, ay magigíng lalòng malunas

at katang̃ìtang̃ì sapagkâ’t makasisindák pang lalò! Mamahalà ay

ang umasal ng̃ ganiyán, ginoo; madalás na kailang̃ang ipailalim

ang ikabubuti ng̃ isá sa ikabubuti ng̃ marami.... Datapwâ’y higít

pa sa roón ang ginágawâ ko: sa ikabubuti ng̃ isá, kinukuha ko ang

ikabubuti ng̃ lahát, inalíligtás ko ang tibay ng̃ kapangyarihan

na nápapang̃anib, ang karang̃alan ay naigagalang at tumátatág. Sa

ginawâ kong itó ay naaayos ko ang mg̃a kamalìán ng̃ mg̃a tagarito’t

ng̃ mg̃a hindî tagarito!

Gumamit ng̃ malakíng lakás ang mataás na kawaní upang makapagpigil,

hindî pinuná ang mg̃a parunggít, at nagtangkâng humanap ng̃ ibáng

paraán.

--¿Ng̃unì’t hindî pô ba ninyó kinatatakutan ang kapanagutan?

--¿Anó ang ikatatakot ko?--ang paklíng nayayamót ng̃ General;--¿hindî

ba mayroón akóng kapangyarihang magagamit ng̃ alinsunod sa sariling

kapasiyahan? ¿hindî ko ba magagawâ ang máibigan sa ikabubuti ng̃

pamamahalà sa kapulùáng itó? ¿Anó ang ikatatakot ko? ¿Maaarì bagáng

ipagsakdál akó sa mg̃a hukuman ng̃ isáng alilà at akó’y hing̃án ng̃

kapanagutan? ¡Ba! At kahì’t na mayroón siyáng magagamit na kaparaanan

ay dadaán muna sa Ministerio, at ang Ministro....

Ikinumpáy ang kamáy at nagtawá.

--Ang Ministrong naghalál sa akin, ay ang diablo lamang ang nakaaalám

kung saán na nároroón, at aarìin na niyáng malakíng karang̃alan ang

akó’y kaniyáng mábatì sa aking pagbalík! Ang kasalukuyan, iyán ay

pararaanín ko sa.... at dadalhín din iyán ng̃ diablo.... Ang hahalili

diyán ay malilitó sa bago niyáng tungkulin na hindî makukuhang pumuná

ng̃ mg̃a mumuntîng bagay. Akó, ginoo, walâ akóng anomán kundî ang

budhî ko lamang, gumágawâ akó ng̃ alinsunod sa aking budhî, ang

budhî ko ay nasisiyahán, at walâng kakabukabuluhán sa akin ang hakà

ni ganoón ó ni ganitó. Ang aking budhî, ginoo, ang aking budhî!

--Opò, aking General, ng̃unì’t ang bayan....

--Tu, tu, tu, tu! Ang bayan, ¿anó ang mayroon sa akin ng̃ bayan?

¿Nagkaroón bagá akó ng̃ pakikipagkasundùan sa kaniyá? ¿Utang ko ba

sa kaniyá ang aking katungkulan? ¿Síya ba ang naghalál sa akin?

Nagkaroon ng̃ muntîng pananahimik. Ang mataas na kawaní’y nakatung̃ó.

Pagkatapos, warìng may tinangkâ nang gawín, ay tuming̃alâ, tinitigan

ang General at, namumutlâng nang̃ing̃iníg ng̃ kauntì, ay nagsabing

pigil ang katigasan:

--¡Walâng kailang̃an, aking General, walâng kailang̃an iyan! Kayó’y

hindî inihalál ng̃ bayang pilipino kundî ng̃ España, katwiran pa ng̃â

upang pagpakitaan ninyó ng̃ mabuti ang mg̃a pilipino upáng walâng

maisisi sa España! Katwiran pa ng̃â, aking General! Sa pagparito

ninyó ay nang̃akòng ilalagáy sa katwiran ang pamamahalà, hahanapin

ang kabutihan....

--¿At hindî ko ba ginagawâ?--ang tanóng na pabugnót ng̃ General na

humakbáng,--¿hindî ko ba sinabi sa inyó na kinukuha ko sa ikabubuti

ng̃ isá ang ikabubuti ng̃ lahát? ¿Tuturùan pa ba ninyó akó ng̃ayón?

Kung hindî ninyó maliwanagan ang aking mg̃a gawâ ¿anó ang kasalanan

ko? ¿Pinipilit ko ba kayóng makihatî sa aking kapanagutan?

--Hindî ng̃â!--ang paklí ng̃ mataas na kawaní na tumuwíd ng̃ may

halòng pagkamataas.--Hindî ninyó akó pinipilit, hindî ninyó _akó_

mapipilit na makihatî sa _inyóng_ kapanagutan! Ibá ang pagkakilala ko

sa aking sariling kapanagutan, at sapagkâ’t akó’y mayroon din namán,

ay magsasalitâ akó, yamang hindî akó umimík ng̃ mahabàng panahón. ¡Oh

huwag iayos ng̃ inyóng karang̃alan ang mg̃a ganiyáng anyô, sapagkâ’t

ang pagkáparitó ko, na gayón ó ganitó ang katungkulan, ay hindî ang

pagtakwíl ko na sa aking mg̃a karapatán ang ibig sabihin at manirá

na lamang akó sa pagiging alipin, na walâng bibíg ni karang̃alan!

Hindî ko ibig na mawalay sa España ang magandáng lupàíng itó, iyang

walóng ang̃aw na sakop na masunurin at mapagtiís na nabubuhay sa

mg̃a pag-asa at pagkakilala ng̃ mg̃a pagkakámalî, ng̃unì’t hindî

ko rin namán ibig na dung̃isan ang aking mg̃a kamáy sa ganid na

pang̃ang̃alakal sa kaniyá; ayokong masabi kailan man, na matapos

lumipas ang pagbibili ng̃ tao, ay ipinatuloy ng̃ lalò pang malusog

ng̃ España, na kinákanlung̃án ng̃ kaniyáng bandilà, at lalò pang

iniayos sa ilalim ng̃ maraming magagarang kapasiyahan. Hindî, upang

ang España ay magíng malakí ay hindî niya kailang̃an ang magíng

maniniíl; sukat na ang España sa kaniyáng sarili, lalò pang malakí

ang España noong walâng arì kundî ang sarili niyáng lupaín na naagaw

sa kukó ng̃ moro! Akó ma’y kastilà rin, ng̃unì’t bago ang aking

pagkakastilà ay naroroon ang aking pagkatao at bago ang España at

sa ibabaw ng̃ España ay nároroon ang kaniyáng karang̃alan, nároroon

ang matataás na turò ng̃ magandáng aral, ang mg̃a walâng lipas na

batayán ng̃ dî mababalìng katwiran. ¡Ah! namamanghâ kayó na akó’y

mag-isip ng̃ gayón, sapagkâ’t hindî ninyó nauunawà ang kalakhán ng̃

pang̃alang kastilà, hindî ninyó kilalá, hindî; ikinakapit ninyó

sa mg̃a tao, sa mg̃a pag-aarì; sa ganang inyó, ang kastilà, ay

mangyayaring magíng mangdadambóng, mangyayaring magíng mamamatáy,

mapagbalatkayô, bulàan, lahát na, matang̃anan lamang ang kaniyáng

inaarì; sa ganang akin, ang kastilà, ay dapat na iwan ang lahát,

ang sakop, ang kapangyarihan, ang kayamanan, ang lahát na, lahát

bago ang karang̃alan! A, aking ginoo! Tayo’y tumututol kung nababasa

nating ang lakás ay nápapaibabaw sa katwiran, at pinapupurihan

natin kung sa pag-gawâ ay nákikita nating siya’y balatkayô na hindî

lamang inilílikô kundî ipinaiilalim sa inyóng kapasiyahan upang

kayó’y makapangyari.... Sa dahilán ng̃âng iniibig ko ang España, ay

nagsásalitâ ako dito at hindî ko pinang̃ang̃aniban ang pang̃ung̃unót

ng̃ inyóng noo! Ayokong sa mg̃a daratíng na panahón ay masabing siya’y

inainahan ng̃ mg̃a bansâ, manghihitít ng̃ mg̃a bayan, maniniíl ng̃

maliliít na pulô, sapagkâ’t ang gayó’y kakilakilabot na laít sa mg̃a

mararang̃al na adhikâ ng̃ ating mg̃a unang harì! ¿Papano ang ginágawâ

nating pagtupád sa kaniláng mg̃a banál na habilin? Pinang̃akùan nilá

ang mg̃a pulông itó ng̃ pag-aampón at matuwíd, at pinaglalarùan natin

ang mg̃a buhay at kalayàan ng̃ kaniyáng mámamayán; pinang̃akùan nilá

ng̃ kabihasnán, at pinagkákaitán natin, sa katakutang magnasà ng̃

isáng lalòng marang̃al na kabuhayan; pinang̃akùan silá ng̃ liwanag,

at binúbulag natin ang kaniláng mg̃a matá upang huwag mákita ang

ating mg̃a kalaswâan; pinang̃akùang tuturùan silá ng̃ mg̃a kabaitan

at pinaaayùan natin ang kaniláng masasamâng hilig at, sa lugál ng̃

kapayapàan at ng̃ katuwiran, ang naghaharì ay ang pag-aalinlang̃an,

ang kalakal ay namamatáy at ang dî pananalig ay lumalaganap sa taong

bayan. Lumagáy tayo sa lagay ng̃ mg̃a pilipino at itanóng natin sa

sarili kung anó ang ating gágawín kung tayo ang nasa gayóng kalagayan!

¡Ay! sa inyóng hindî pag-imík ay nábabasa ko ang inyóng karapatán

sa panghihimagsík, at kung ang mg̃a bagaybagay ay hindî bubuti ay

mang̃aghihimagsik balang araw at ang katuwiran ay málalagáy sa

kaniláng panig at kasama pa ang pagling̃ap ng̃ lahát ng̃ taong may

puri, ng̃ lahát ng̃ bayani sa sangsinukob! Kapag ipinagkákait sa

isáng bayan ang liwanag, ang tahanan, ang kalayàan, ang katwiran,

mg̃a biyayang kung walâ ay hindî maaring mabuhay at dahil ng̃â

doo’y silá ang taglayin ng̃ tao, ang bayang iyan ay may karapatáng

arìin, ang sa kaniya’y nag-aalís ng̃ mg̃a gayón, na warìng isáng

magnanakaw na humaharang sa atin sa daan: walâng kabuluhán ang

pagtatang̃ì, walâ kundî iisáng pangyayari, isàng pag-aarì, isáng

pagtatangkâ, at ang sino mang taong may kapurihán na hindî kumampí

sa hinalay, ay nakikitulong at dinudung̃isan ang sariling budhî.

Oo, hindî akó militar, at pinápatáy ng̃ kagulang̃an ang kauntìng

sulák ng̃ aking dugô; ng̃unì’t gaya rin namán ng̃ pangyayari na

ipagúgutáy ko ang aking katawán sa pagtatanggól sa katibayan ng̃

España na laban sa isáng mananalakay na taga ibáng lupà ó laban sa

mg̃a walâng katwirang paggaláw ng̃ kaniyáng mg̃a lalawigan, gayon

din namáng pinatutunayan ko sa inyó na makikipiling akó sa mg̃a

pilipinong sinísiíl, sapagkâ’t nasà ko pa ang mamatáy nang dahil sa

mg̃a niyuyurakang karapatán, ng̃ sangkatauhan, kay sa magtagumpáy sa

piling ng̃ mg̃a hang̃arìng ikagagalíng ng̃ isáng bansâ, kahì’t na

ang bansâng itó’y may pang̃alang kagaya ng̃ pang̃alan ng̃ España!

--¿Alám bagá ninyó kung kaílan áalís ang _correo_?--ang malamíg na

tanóng ng̃ General ng̃ matapos nang makapagsalitâ ang mataas na

kawaní.

Tinitigan siyang mabuti ng̃ mataas na kawaní, pagkatapos ay ibinabâ

ang ulo at iniwang walâng imík ang palasyo.

Sa halamanan nátagpûan ang kaniyáng sasakyáng nag-aantáy sa kaniyá.

--Kapag balang araw ay nakapagsarilí na kayó,--ang sabing natutubigan

sa indiong _lacayo_ na nagbukás ng̃ pintùan ng̃ sasakyán,--ay

alalahanin ninyó na sa España ay hindî nagkulang ng̃ mg̃a pusòng

tumibók ng̃ dahil sa inyó at nakitunggalî ng̃ dahil sa inyóng mg̃a

karapatán!

--¿Saan pô?--ang sagót ng̃ _lacayo_ na hindî siya napakinggáng mabuti

at itinátanóng kung saan silá paparoon.

Makaraan ang dalawáng oras, ay iniharáp ng̃ mataas na kawaní ang

kaniyáng pagbibitíw sa katungkulan at ipinababatíd ang kaniyáng

pagbalík sa España sa unang korreong áalís.

Ang "Filibusterismo" (Karugtóng ng Noli Me Tangere) · 第 63 / 78 题