Talis vita finis ita.
Si kapitang Tiago ay nagkaroón ng̃ mabuting hanggá, itó ng̃â,
nagkaroón ng̃ mainam na libíng. Tunay ng̃â na ipinaalaala kay P. Irene
ng̃ kura sa _parroquia_ na si kapitang Tiago ay namatáy nang hindî
nagkukumpisál, ng̃unì’t ang mabuting parì, samantalang nakang̃itî
nang palibák, ay hinimas ang kaniyáng ilóng at sumagót na:
--Báh ¡akó ba namán ang paglalakùán! kung ating ipagkákaít ang
_exequias_ sa mg̃a namamatáy ng̃ hindî nagkukumpisal, ay malilimutan
natin ang _De profundis_! Ang mg̃a kahigpitang iyán, gaya ng̃
inyóng pagkabatíd na mabuti, ay pinaiiral lamang kapag ang hindî
nakapagkumpisál ay walâng ibabayad, ng̃unì’t ¡kay kapitáng Tiago!...
¡Bah! kung sampû ng̃ mg̃a insík na hindî binyagan ay inilibíng ninyó
ng̃ may _misa de requiem_!
Si P. Irene ang inihalál ni kapitáng Tiago na kaniyáng _albacea_ at
gáganáp ng̃ kaniyáng mg̃a habilin, at iniíwan ang bahagi ng̃ kaniyáng
kayamanan sa Sta. Clara, ang bahagi ay sa Papa, sa Arsobispo, sa mg̃a
Corporaciones, at nag-iwan ng̃ dalawáng pûng piso upang ipagbayad
ng̃ _matrícula_ ng̃ mg̃a nag-aaral na marálitâ. Ang hulíng habiling
itó’y ipinatalâ sa udyók ni P. Irene dahil sa pagkamapag-ampón nitó
sa kabatàang masipag sa pag-aaral. Pinawalâng bisà ni kapitang Tiago
ang pamanang dalawáng pû’t limáng piso na iniiwan niyá kay Basilio,
dahil sa masamâng inugalì ng̃ binatà nang mg̃a hulíng araw, ng̃unì’t
pinairal din ni P. Irene ang habilin at sinabing kukunin niyá ang
halagáng iyón at dádalhín ng̃ kaniyáng bulsá at ng̃ kaniyáng budhî.
Sa bahay ng̃ namatáy na dinaluhán kinábukasan ng̃ mg̃a dating
kakilala at mg̃a kaibigan, ay pinag-uusapang mátikabó ang isáng
himalâ. Sinasabing noong oras nang paghihing̃alô ay napakita sa
mg̃a mongha ang kaluluwá ni kapitang Tiago na libíd ng̃ maningníng
na liwanag. Iniligtás ng̃ Dios ang kaluluwá, dahil sa karamihan ng̃
pamisang ipinagawâ at sa mg̃a pamanang iniwan sa mg̃a simbahan. Ang
balità’y pinag-uusapan, inilálarawan, nagkákaroón ng̃ ayos at walâng
isá mang nag-aalinlang̃an sa bagay na iyón. Isinásaysáy ang suót ni
kapitang Tiago, na gaya ng̃ mahihinalà, ay ang prak, ang pisng̃í’y
nakaumbók dahil sa sapá ng̃ hitsó, hindî nalimot ang kuakong panghitít
ng̃ apian at ang manók na sasabung̃ín. Ang _sacristán mayor_ na
kalahók sa umpukan ay nagpapatotoong walâng kaping̃asping̃as sa tulong
ng̃ tang̃ô ng̃ ulo, at iniisip na, pagkamatáy niya, ay pakikita namáng
dalá ang tasa ng̃ tahúng putî, sapagkâ’t, kung walâ ang pang-agahang
iyon, ay hindî niya maunawà ang kaligayahan ni sa lang̃it ni sa lupà.
Tungkól sa bagay na itó, at dahil sa hindî mapag-usapan ang mg̃a
nangyari ng̃ kináhapunan at sa dahiláng mayroon doong mg̃a tahor, ay
maiinam na hakàhakà ang nábabanggít, pinagkukuròkurò kung hahamunin
ó hindî ni kapitang Tiago si S. Pedro upang silá’y magdaos ng̃ isáng
_soltada_, kung magpupustahan, kung ang mg̃a manók ay pawàng walâng
pagkamatáy, kung hindî tátalabán ng̃ iwà, at kung mangyari ang gayón,
ay sino kayâ ang magiging _sentenciador_, sino ang mananalo, at ibp.,
mg̃a pagtatalong kinalulugdán ng̃ mg̃a nagtatatág ng̃ karunung̃an,
mg̃a paghahakà, mg̃a paraang nábabatay sa isáng aklát na inaakalàng
walâng kamalían, na ipinahayag ng̃ Dios sa kaniyáng kabig ó nauukol
sa batayáng nagiging kautusán. Bumábanggít pa ng̃ mg̃a bahagi ng̃
nobena, ng̃ mg̃a aklát na ukol sa mg̃a kababalaghán, sabi ng̃ mg̃a
kura, kalagayan ng̃ lang̃it at iba pang mg̃a bagaybagay na ukol din
doon. Si D. Primitivo, ang pilósopo, ay galák na galák sa pagtutukóy
niya ng̃ mg̃a hakà ng̃ mg̃a teólogo.
--Sapagkâ’t ang sinoman sa kanilá’y hindî mangyayaring matatalo,--ang
sabing may lubós na pagkatahô;--ang pagkatalo’y nagbibigáy ng̃ samâ
ng̃ loob at sa kalang̃itán ay hindî mangyayaring magkaroon ng̃ samàan
ng̃ loob.
--Ng̃unì’t ang isá’y sápilitáng mananalo,--ang paklí ng̃ tahur na
si Aristorenas,--ang inam ay nasa pananalo!
--Kapuwâ mananalo!
Iyong kapuwâ mananalo ay hindî matanggáp ni Martin Aristorenas, siya,
na ang boông buhay ay dinaan sa sabung̃án at kailan ma’y kaniyáng
nákita na ang isáng manók ay nananalo at ang isá’y natatalo; kung
bagá mán ay magtablá na lamang ang nangyayari. Walâng náhitâ si
D. Primitivo sa kálalatín, si Martin Aristorenas ay nag-iíilíng,
gayóng ang latín ni D. Primitivo ay madalîng máwatasan: sinasabi
niyáng: _an gallus talisainus, acuto ~tarì~ armatus, an gallus
beati Petri bulikus sasabung̃us sit_ at ibp., hanggáng sa ginamit
na tulóy ang pang̃ang̃atwiran nang marami kung ibig magpatigil at
magpapanalig.
--Magkakasala ka, kaibigang Martín, mahuhulog ka sa isáng erehía!
_Cave ne cadas!_ Hindî na akó makikipagmonte sa iyo! ¡Hindì na
tayo magkakabakas! Hindî mo pinanánaligan ang kapangyarihan ng̃
Dios, _peccatum mortale_! Hindî mo pinaniniwalàan ang katunayan ng̃
Santísima Trinidad: ang tatló ay isá at ang isá ay tatló! ¡Dahandahan
ka! ¡Hindî mo pinaniniwalàan warì na ang dalawáng katawán, dalawáng
pag-iisip at dalawáng kalooban ay mangyayaring magkaroon ng̃ íisáng
alaala lamang! ¡Dahandahan ka! _Quicumque non crederit, anathema
sit!_
Si Martin Aristorenas ay nang̃untîng namumutlâ’t nang̃ing̃iníg,
at si insík Quiroga na nakáding̃íg na buô sa pang̃ang̃atwiran, ay
dinulutan ng̃ boóng galang ang pilósopo ng̃ isáng mabuting tabako
at tinanóng ng̃ masuyò:
--Sigulo, puele akieng kontalata itóng aliendo sabong sa Kilisto,
ha? Pag akó pagtáylo, akieng kontalatista, ha?
Sa ibáng pulutóng ang lalòng mahabàng salitàán ay ukol sa patáy;
ang pinagtatalunan ay ang damít na isusuót sa bangkáy. Ipinalagáy
ni kapitáng Tinong na damít pransiskano ang isuót; mayroón pa namán
siyáng isá, lumà, sirâsirâ at takpî takpî, mainam na kasangkapan na,
alinsunod sa patunay ng̃ prayle na pinaglimusán niyá sa halagáng
tatlóng pû’t anim na piso, nakapagliligtás sa bangkáy sa apóy ng̃
inpierno, at nagsalaysáy ng̃ makapagpapatibay na mg̃a banál na
pangyayaring hang̃ò sa mg̃a aklát na ikinákalát ng̃ mg̃a kura. Kahì’t
pinakamamahal ni kapitang Tinong ang labíng iyon, ay laan siyáng
ipagkaloob sa kaniyang matalik na kaibigang hindî niya nádalaw sa
boong pagkakasakít. Ng̃unì’t ipinaklí ng̃ isáng sastré na yamang
nákita ng̃ mg̃a mongha si kapitang Tiago na naka prak na umaakyát
sa lang̃it, ay dapat suotan ng̃ prak at hindî kailang̃an ang mg̃a
pananggól at mg̃a kasuutang hindî tatagusán: nagpaprak kung tumutung̃o
sa isáng sáyawan, sa isáng pistá, at hindî maaasahang hindî gayón dín
ang mátatagpûan niya sa kaitaasan.... at ¡tingnán! nagkátaón pa namáng
mayroon siyáng isáng yarì, na maibibigáy niya sa halagáng tatlóng pû’t
dalawáng piso, apat na piso ang kamurahan kay sa ábitong pransiskano,
sapagkâ’t ayaw niyang pagtubùan si kapitáng Tiago: nagíng sukî niya
noong buháy at ng̃ayón ay magiging pintakasi niya sa kalang̃itán!
Ng̃unì’t si P. Irene na albasea at siyáng magpapatupád sa náuutos
sa testamento ay sumalansáng sa dalawáng palagáy at ipinag-utos
na bihisan ang bangkáy ng̃ alin man sa matatandâ niyang damít, at
sinabing na tagláy ang anyông pagkabanál, na hindî tinítingnán ng̃
Dios ang bihis.
Ang mg̃a _exequias_ ng̃â ay ginawâ ng̃ boông ding̃al. Nagkaroón ng̃
_responso_ sa bahay, sa daan, tatlóng prayle ang gumawâ na warìng ang
íisa’y hindî makakaya sa káluluwáng yaón, ginawâng lahát ng̃ _rito_
at mg̃a _ceremonias_ na magágawâ, at nábalitàng gumawâ pa ng̃ ibá,
nagkaroón ng̃ _extra_ na gaya sa mg̃a tang̃ìng palabás dulàang ukol
sa kapakinabang̃án ng̃ isáng tao. Yaón ang nagíng kaigáigaya: maraming
kamanyáng ang sinunog, maraming awit sa wikàng latín, nag-aksayá ng̃
maraming agua bendita: alangalang sa kaniyáng kaibigan ay inawit ni
P. Irene, sa coro, ang _Dies iræ_ na ang boses ay pahumál; at sumakít
ang ulo ng̃ mg̃a nálalapít dahil sa kátutugtog ng̃ plegaria.
Si aling Patrocinio, ang dating katunggalî ni kapitáng Tiago sa
pagkamasambahin, ay tunay na tunay na nagnasàng mamatáy namán sa
kinabukasan upang makapagpagawâ ng̃ mg̃a exequias na lalò pang malakí
kay sa roon. Ang maawâíng matandâ’y hindî makatiis, na iyong inaakalà
niyáng talong talo na niyá ay magbang̃on ng̃ boông karang̃alan, sa
pagkamatáy. Oo ninanasàng mamatáy siyá at warìng nádiding̃íg na
niya ang mg̃a pabulalás ng̃ mg̃a taong nanonood ng̃ responso, na
nagsasabing:
--¡Itó ang libíng! ganiyan ang marunong mamatáy, aling Patrocinio.