MG̃A PASKÍN

Maagang bumang̃on si Basilio upang tumung̃o sa Hospital. Mayroon

na siyang takdâng gágawín, dalawin ang kaniyáng mg̃a may sakít,

paroon pagkatapos sa Unibersidad upang mabatíd ang iláng bagay na

ukol sa kaniyáng _licenciatura_, at sa kahulíhulihan ay makipagkita

kay Makaraig dahil sa gugol na mangyayari sa kaniyáng pagkuha ng̃

grado. Ang malakíng bahagi ng̃ kaniyáng naimpók ay iniukol niya

sa itutubós kay Hulî at upang madulutan itó ng̃ isáng dampâ na

mapamamahayang kasama ng̃ nunò, at hindî siya makapang̃ahás na

lumapit kay kapitáng Tiago, sa pang̃ing̃ilag na bakâ masapantahàng

ang gayón ay isáng páuna sa mamanahing sinásabísabí sa kaniyá.

Libáng sa mg̃a gayóng iniisip ay hindî nápuna ang mg̃a pulúpulutóng

na mg̃a nag-aaral na maagang nanggagaling sa loob ng̃ Maynilà na

warìng isinará ang mg̃a páaralán; lalò pa mandíng hindî nápuna ang

anyông natutubigan ng̃ ilán, ang paanás na usapan, ang lihim niláng

hudyatan. Kayâ’t nang dumatíng sa San Juan de Dios at tinanóng siya

ng̃ kaniyáng mg̃a kaibigan ng̃ ukol sa isáng panghihimagsík, si

Basilio ay nápalundág at naalaala ang binabalak ni Simoun, na hindî

nátuloy dahil sa mahiwagàng sakunâ na nangyari sa manghihiyas. Lipós

katakután at nang̃íng̃iníg ang boses ay tumanóng na nagpakunwarîng

walâng kamuwangmuwáng:

--¡Ah! ¿ang panghihimagsík?

--¡Napag-alamán!--ang sabi ng̃ isá,--at tila marami ang náhahalò.

Pinilit ni Basilio ang makapagpigil.

--¿Marami ang náhalò?--ang ulit na tinangkâng makabatíd ng̃ kahì’t

muntîng bagay sa mg̃a matá ng̃ ibá;--at sino sino....?

--Mg̃a nag-aaral, maraming mg̃a nag-aaral!

Inakalà ni Basilio na hindî nararapat na magtanóng pa sa pag-aalalang

bakâ siyá máhalatâ, at lumayô sa pulutóng, na ang dinahilán ay ang

pagdalaw sa kaniyáng mg̃a may sakít. Isáng gurô sa _clínica_ ang

sumalubong sa kaniyá, at matapos na mapigilan siyá sa balikat na

lubhâng mahiwagà (ang gurô ay kaibigan niyá), ay marahan siyáng

tinanóng:

--¿Naparoón ba kayó sa hapunan kagabí?

Sa kalagayang litó ni Basilio ng̃ mg̃a sandalîng iyon, ay

nagkáriringgáng _kamakalawá sa gabi_ ang sinabi sa kaniyá. Nang

kinamakalawáhan sa gabí nangyari ang pakikipag-usap kay Simoun.

Nagtangkâng magpaliwanag.

--Sasabihin ko sa inyó--ang bulóng halos--sa dahiláng masamâ ang

lagáy ni kapitang Tiago at sakâ kailang̃an kong matapos ang Mata....

--Mabuti ng̃â ang nágawâ ninyóng hindî naparoón,--ang sabi ng̃

gurô,--¿Ng̃unì’t kasama ba kayó sa kapisanan ng̃ mg̃a nag-aaral?

--Ibiníbigáy ko ang aking ambág....

--Kung gayón ay isáng payo: umuwî kayó ng̃ayón din at pawìin ninyó

ang lahát ng̃ papel na makasásamâ sa inyó.

Kinibít ni Basilio ang kaniyáng balikat. Walâ siyang anománg papel,

mayroón siyáng mg̃a talâ na ukol sa klínika at walâ nang ibá.

--¿Si ginoong Simoun pô kayâ’y....?

--Walâng pakialám si Simoun sa pangyayari, salamat sa Dios!--ang

dagdág ng̃ manggagamot--sinugatan ng̃ isáng taong hindî kilalá, at

ng̃ayó’y náhihigâ. Hindî, ditó’y ibáng kamáy ang kumikilos, ng̃unì’t

kakilákilabot din.

Si Basilio ay huming̃á. Si Simoun ang tang̃ìng makapag huhulog sa

kaniyá. Gayón man ay naálaala si kabisang Tales.

--¿May mg̃a tulisán?....

--Walâ, tao kayó, walâ kundî mg̃a nag-aaral lamang.

Nátiwasáy na si Basilio.

--¿Anó, kung gayón, ang nangyari?--ang naípang̃ahás na itanóng.

--Nakátagpô ng̃ mg̃a paskín na masasamâ ang sinasabi; ¿hindî bagá

ninyó batíd?

--¿Saán?

--C....! sa Unibersidad.

--¿Walâ na kundî iyón?

--P....! ¿hindî pa ba sukat sa inyó ang gayón?--ang tanóng na halos

galít ng̃ tagapagturò;--hiníhinalàng gawâ ng̃ mg̃a nagsasapìng

nag-aaral ang mg̃a paskín, ng̃unì’t ¡huwág kayóng umimík!

Dumáratíng ang gurô sa Patología, isáng ginoóng malamáng pang anyông

sakristan kay sa anyông manggagamot. Náhalál sa tulong ng̃ lakás ng̃

Vice-Rector, na hindî na hiniling̃án ng̃ anománg karapatán liban sa

lubós na pag-alinsunod sa _corporación_, at inaarìng isáng tiktík

at mangsusumbóng ng̃ ibáng gurô sa Facultad.

Ginantí siyá ng̃ batìng pasumalá ng̃ unang gurô na kinindatán si

Basilio at malakás na sinabing:

--Batíd ko nang nag-aamóy bangkáy si kapitáng Tiago; dinalaw na ng̃

mg̃a uwak at buitre.

At pumasok sa salas ng̃ mg̃a propesor.

Tiwátiwasáy na, si Basilio ay nang̃ahás na magsiyasat ng̃ ibá pang

bagay. Ang tang̃ìng nabatíd niya ay ang pagkakatagpô ng̃ mg̃a paskín

sa mg̃a pintô ng̃ Universidad, mg̃a pasking ipinabakbák ng̃ Vice

Rector upang ipadalá sa Gobierno Civil. Sinasabing punô ng̃ pagbabalà,

pagputol ng̃ mg̃a liig, pagsalakay at ibá pang mg̃a pagmamatapáng.

Sa bagay na itó’y nang̃agkukuròkurò at nagpapalápalagáy ang mg̃a

nag-aaral. Ang mg̃a unang balità ay tinanggáp nilá sa bantáy pintùan,

na tumanggáp ng̃ balità sa isáng alilà sa Sto. Tomás, at itó’y sa

isáng _capista_ namán nakábalità. Sinasapantahà na niláng magkákaroón

ng̃ mg̃a _suspenso_, mg̃a pagkapiít, at ibp., at itinuturò na ang

mg̃a mápaparusahan, na dilì ibá’t ang mg̃a nasa Kapisanan.

Noon naalala ni Basilio ang mg̃a pang̃ung̃usap ni Simoun: Sa araw

na magágawâng kayó’y pawìin.... Hindî ninyó matatapos ang inyóng

pag-aaral......

--¿Mayroón kayâ siyáng nalalamang bagay?--ang tanóng sa sarili;--tingnán

natin kung sino ang lalòng makapangyayari.

At nang makapagbalík loob na, upang mabatíd ang nararapat niyáng

gawín at maalám din namán ang ukol sa kaniyáng _licenciatura_ ay

tinung̃o ni Basilio ang Universidad. Dumaan sa daang Legazpi, tumulóy

sa daang Beaterio, at nang dumatíng sa likô ng̃ daáng itó at ng̃

Solana ay námatyagán ng̃â niya na tila may isáng malakíng bagay na

nangyari.

Sa mg̃a dating pulúpulutóng na masasayá at maiing̃ay ay daládalawáng

Guardia Veterana ang kaniyáng nákita sa mg̃a banketa na nang̃ag-aabóy

sa mg̃a nag-aaral na lumalabás sa Unibersidad, na ang ilán ay walâng

kakibôkibô, malalamlám ang mukhâ, ang ibá’y galít na nang̃agsísitayô

sa dakong malayôlayô ó nang̃agsísiuwî sa kaníkaniláng mg̃a bahay.

Ang kaunaunahan niyang nasagupà ay si Sandoval. Hindî pinuná ang

kátatawag ni Basilio; warìng nagíng bing̃í.

--¡Gawâ ng̃ takot sa katás ng̃ bituka!--ang sinapantahà ni Basilio.

Pagkatapos ay si Tadeo namán ang natagpûán, na masayáng masayá. Tila

mangyayari din ang walâng katapusáng _cuacha_.

--¿Anó ang nangyayari, Tadeo?

--¡Walâ tayong pasok ng̃ hindî bababà sa isáng linggó, bigan! ¡mainam!

¡mabuti!

At pinagkikiskis ang mg̃a kamáy sa katuwàan.

--Datapuwâ’y ¿anó ang nangyari?

--¡Ibíbilanggô tayong mg̃a kaanib sa kapisanan!

--¿At masayá ka?

--¡Walâng pasukán, walâng pasukán!--at lumayông hindî magkasiyá sa

galák.

Nákitang dumáratíng si Juanito Pelaez na namumutlâ at nang̃ang̃anib;

ang kaniyáng kakubàan noon ay umabot sa lalòng katambukán,

nagtutumulin siyá sa pag-ilas. Siya’y nagíng isá sa mg̃a lalòng

masigasig na nag-uusig na mátayô ang kapisanan samantalang mabuti

ang lakad.

--¿E, Pelaez, anó ang nangyari?

--¡Walâ, walâ akóng nálalaman! Akó’y walâng pakialám--ang

nang̃ing̃ilabot na sagót--sinasabi ko na sa kanilá; iyan ay

kaululán.... ¿Hindî ba gayón ang sabi ko?

Hindî alám ni Basilio kung sinabi niyá ó hindî, ng̃unì’t sa pagbibigáy

loob sa kaniyá ay sumagót:

--¡Oo! ng̃unì’t ¿anó ang nangyayari?

--¿Tunay ng̃â, anó? Tingnán mo, ikaw ay saksí; kailan man ay hadláng

akó.... ¡ikaw ang saksí, tingnàn mo, huwag mong limutin!

--Oo, oo; ng̃unì’t ¿anó ang nangyari?

--Tingnán mo; ¡saksi ka! Hindî akó nakikilahók kailan man sa kapisanan

kundî upang pagpaliwanagan ko kayó.... bakâ mo ipagkailâ pagkatapos!

Huwág mong lilimutin ¿ha?

--Hindî, hindî ko itatakwíl, ng̃unì’t ¿anó na ang nangyari, anák ka

ng̃ Dios?

Si Juanito ay malayò na: nákitang lumálapit ang isáng guardia at

natakot na bakâ siyá hulihin.

Nang magkágayón ay tumung̃o si Basilio sa Unibersidad upang tingnán

kung bakâ sakalìng bukás ang Kalihiman at upáng makátanggáp ng̃

balità. Nakalapat ang pintûan ng̃ kalihiman at sa bahay na iyon ay

may dî karaniwang kilusán. Akyát manaog sa mg̃a hagdanan ang mg̃a

prayle, militar, pulistas, matatandâng abogado at médiko, upang

ihandóg marahil ang kaniláng tulong sa may kapang̃aniban.

Nátanáw sa malayò ang kaibigan niyang Isagani, na, namumutlâ at bago

ang anyô, tagláy ang boong gilas kabatàan, na nag-uulat sa iláng

kasama sa pag-aaral at inilalakás ang pagsasalitâ na warìng walâng

kabuluhán sa kaniyá ang máding̃íg man ng̃ lahát.

--¡Kahalayhalay, mg̃a ginoo, kahalayhalay na ang isáng pangyayaring

gangganiyan lamang ay makapagpatakbó sa atin at mapailas tayong warì’y

mg̃a lang̃aylang̃ayan dahil lamang sa ang panakot upo ay gumaláw!

¿Ng̃ayon lamang ba mangyayaring ang mg̃a binatà’y mabibilanggô ng̃

dahil sa pagtatanggól ng̃ kalayàan? ¿Násaan ang mg̃a patáy, násaan

ang mg̃a nábaril? Bakit tataliwakás ng̃ayón?

--Ng̃unì’t sino kayâ ang hang̃ál na sumulat ng̃ mg̃a gayóng paskín?--ang

tanóng na pagalít ng̃ isá.

--¿Anó ang mayroon sa atin?--ang sagót ni Isagani--hindî natin

katungkulan ang magsiyasat, siyasatin nilá! Bago matantô ang ayos ng̃

pagkakasulat ay hindî natín kailang̃an ang magpakita ng̃ pagkampí

sa mg̃a ganitóng sandalî. Doon sa may pang̃anib, doon tayo dapat

pumaroon, sapagkâ’t doon nároon ang karang̃alan! Kung ang sinasabi ng̃

mg̃a paskín ay kasang-ayon ng̃ ating karang̃alan at mg̃a damdamin,

sino mán ang sumulat, ay mabuti ang ginawâ, nárarapát nating

pasalamatan at agarín nating isama sa kaniyá ang ating lagdâ. Kung

hindî kapit sa atin, ang ating inuugalì at ang ating mg̃a budhî ay

sadyâ nang tumututol sa anománg sumbóng....

Nang máding̃íg ni Basilio ang gayóng pagsasalitâ, kahì’t na mahál

sa kaniyá si Isagani, ay pumihit at umalís. Paparoon siyá sa bahay

ni Makaraig upang sabihin ang tungkól sa pagsandalì.

Sa kalapít ng̃ bahay ng̃ mayamang nag-aaral ay nakápuná ng̃ mg̃a

bulóng bulung̃an at mahiwagàng hudyatan ng̃ mg̃a kapitbahay. Sa

dahiláng hindî talós ng̃ binatà ang sanhî ng̃ pinag-uusapan ay palagáy

na ipinatuloy ang kaniyáng lakad at pumasok sa pintûan. Dalawáng

bantáy na Veterana ang sumalubong sa kaniya’t siya’y tinanóng kung

anó ang ibig. Nahalatâ ni Basilio na siya’y nagbiglâbiglâ ng̃unì’t

hindî na makaurong.

--Hinahanap ko ang aking kaibigang si Makaraig--ang patuloy na sagót.

Ang mg̃a bantáy ay nagting̃inan.

--Mag-antáy kayó rito--ang sabi sa kaniyá ng̃ isá,--antabayanan

ninyó ang kabo.

Si Basilio ay nápakagát labì, at ang mg̃a pang̃ung̃usap ni Simoun ay

mulîng umugong sa kaniyáng taing̃a.... Hinuhuli kayâ si Makaraig?--ang

inisip niyá, ng̃unì’t hindî nakapang̃ahás na magtanóng.

Hindî nag-antáy nang malaon; ng̃ sandalîng yaón ay pumápanaog

si Makaraig na masayáng nakikipag-usap sa kabo, na kapuwâ

pinang̃ung̃unahan ng̃ isáng _alguacil_.

--¿Bakit? ¿Patí ba kayó, Basilío?--ang tanóng.

--Titingnán ko kayó....

--¡Marang̃al na asal!--ang sabing tumatawa ni Makaraig,--noong mg̃a

araw na payapà, ay lumálayô kayó sa amin....

Itinanóng ng̃ kabo kay Basilio ang kaniyáng pang̃alan at tiningnán

ang isáng talâan.

--¿Nag-aaral sa panggagamot, daang Anloague?--ang tanóng ng̃ kabo.

Kinagát ni Basilio ang kaniyáng labì.

--¿Bakit, patí ba akó?

Si Makaraíg ay humalakhák.

--Huwag kayóng mang̃anib, kaibigan; magkakaruahe tayo, at sa gayón

ay isásalaysáy ko sa inyó ang hapunan kagabí.

At sa isáng mainam na kilos, na warìng nasa kaniyáng bahay, ay

inanyayahan ang auxilio at ang kabo na lumulan sa sasakyáng nagaantáy

sa kanilá sa pintô.

--¡Sa Gobierno Civil!--ang sabi sa kotsero.

Isinalaysáy ni Basilio, na nakapagbalík loób na, kay Makaraíg ang

sanhî ng̃ kaniyáng pagdalaw. Hindî siyá binayàang matapos ng̃ mayamang

nag-aaral at siya’y kinamayán.

--Maaasahan ninyó akó kaibigan, maaasahan ninyó akó at sa pistá ng̃

ating _investidura_ ay aanyayahan natin ang mg̃a ginoong itó,--ang

sabing itinurò ang kabo at ang alguasíl.

Ang "Filibusterismo" (Karugtóng ng Noli Me Tangere) · 第 53 / 78 题