Si Simoun ng̃â ay hindî naparoon sa dulàan.
Sapól sa ika pitó ng̃ gabí ay umalís nang ligalíg at mapangláw sa
kaniyang bahay: nakita siyang makálawáng pumasok na ang kasama’y ibá’t
ibáng tao; ng̃ ika waló ay nakita siya ni Makaraig na may binábantayán
sa daang Hospital, sa kalapít ng̃ konbento ng̃ Sta. Clara, nang
kasalukuyang tinútugtóg ang mg̃a kampanà ng̃ simbahan; nang iká siyam
ay nákita siyang mulî ni Camaroncocido sa paligid ng̃ dulàan na
nakípag-usap sa isáng warì’y nag-aaral, pumasok at mulîng lumabás,
at nawalâ sa dilím na ibinibigáy ng̃ mg̃a punò.
--At anó sa akin?--ang sabing mulî ni Camaroncocidó--¿anó ang mahihitâ
kó sa pagsasabi sa bayan?
Si Basilio, gaya ng̃ sabi ni Makaraig, ay hindî rin nanood ng̃
palabás. Ang kaawàawàng nag-aaral sapól ng̃ manggaling sa San Diego
upang tubusín sa pagkaalilà ang kaniyang katipang si Hulî, ay mulîng
hinaráp ang kaniyáng mg̃a aklát, ang panahón niya’y dinádaan sa
hospital, sa pag-aaral ó sa pagkakaling̃à kay kapitáng Tiago, na
binábaka ang sakít nitó.
Ang may sakít ay nagíng ugalìng bugnót; sa kaniyang masasamâng
sandalî, kapag nanglalambót dahil sa kakauntîan ng̃ apian na
pinupunyagî ni Basiliong mapahinà, ay sinusumbatán itó, sinásaktán,
minumura; tinitiís ni Basilio na kinakalamay ang loob dahil sa batíd
na ang kaniyang ginágawâ ay ikabubuti ng̃ pinagkakautang̃an niya
ng̃ malakí, at kung gipít na gipít na lamang sakâ napapahinuhod;
matapos masiyahan ang gawì, ang masamâng hilig, ay bumubuti ang ulo
ni kapitang Tiago, nalulumbáy, tinatawag siyang anák, nápapaiyák sa
pag-aalala sa paglilinkód ng̃ binatà, ang mabuting pang̃ang̃asiwà sa
kaniyang mg̃a paupaháng bahay at sinasabing siya niyang pamamanahan;
malungkót na napapang̃itî si Basilio at iníisip na sa buhay na
itó’y ginagantî pa ng̃ mabuti ang pag-ayò sa masamâng hilig kay sa
pagtupád sa katungkulan. Hindî bibihiràng náiisip niyang pabayàan
nang lumubhâ ang sakít at patung̃uhin sa libing̃an ang nag-aampón
sa kaniyá, sa isáng landás na kinalatan ng̃ bulaklák at magagandáng
larawan, kay sa pahabàin ang buhay sa pamag-itan ng̃ pagtitipíd.
--¡Hang̃ál na tao akó!--ang madalás na sabi sa sarili--ang karamihan
ay hang̃ál at yayamang nagbabayad....
Ng̃unì’t iniíiling ang ulo at inaalaala si Hulî, ang malawak na
kinabukasang nasa sa kaniyang haráp; iniisip niyang mabuhay nang hindî
dudung̃isan ang kaniyang budhî. Ipinatutuloy ang pang̃ang̃alagàng
takdâ at nagbabantáy.
Gayón man, ang may sakít ay lumulubhâng untîuntî sa araw araw. Si
Basilio, na nagpasiyang untîan ng̃ untîan ang nahihitít ó kung dî
man ay hindî pinapayagang humitít ng̃ higít kay sa karaniwan, ay
nátatagpûán niya sa panggagaling sa hospital ó sa isáng pagdalaw
na nákakatulog ang may sakít ng̃ mabigát na tulog ng̃ naáapian, na
naglálawáy at namumutlâng warì’y patáy. Hindî mahulò ng̃ binatà kung
saan nanggagaling ang apian; ang mg̃a tang̃ìng nagsisidalaw sa bahay
ay si Simoun at si P. Irene, ang una’y bibihiràng pumaroon, at itó
namáng isá’y walâng humpáy sa pagbibilin sa kaniyá na higpitán at
huwag babaguhin ang pang̃ang̃alagà at huwag punahín ang mg̃a pagkamuhî
ng̃ maysakít, sapagkâ’t ang unang dapat ganapin ay ang máiligtás.
--Tumupád kayó sa inyóng katungkulan, bínatà,--ang sabi sa
kaniya--tumupád kayó sa inyóng katungkulan.
At binibigyán siyá ng̃ isáng muntîng _sermon_ na ukol sa bagay
na iyón, sa pamag-itan ng̃ isáng boông pananalig at sigabó, na
si Basilio’y nagkákaroón tulóy ng̃ pagkalugód sa nang̃ang̃aral.
Bukód sa roón ay pinapang̃akùan siyá ni P. Irene ng̃ isáng mabuting
mápapasukan, isáng mabuting lalawigan, at pinabanaagan pa sa kaniyá
ang pangyayaring siyá’y máhalál na katedrátiko. Si Basilio namán,
kahì’t hindî napadádalá sa mg̃a pag-asa, ay nagpápakunwarîng
naníniwalà at sumúsunód sa iniuutos ng̃ sarili niyáng budhî.
Nang gabíng iyón, samantalang itinátanghál ang _Les Cloches de
Corneville_, si Basilio ay nag-aaral sa haráp ng̃ isáng matandâng
dulang, sa tulong ng̃ liwanag ng̃ isáng ilawáng lang̃ís, na ang
pantallang bubog na malabò ay nakatátakíp at nakadídilím sa kaniyáng
mukhâ. Isáng lumàng bung̃ô, iláng butó ng̃ tao, at iláng makakapál
na aklát na mabuti ang pagkakahanay ay siyáng nakakalat sa dulang
na mayroón pang isáng palanganang tubig at isáng esponha. Isáng
amóy apiang nanggagaling sa kanugnóg na silíd, ay nakapagpápabigát
sa hang̃in at nakapagpápaantók sa kaniyá, ng̃unì’t ang binatà’y
naglálabán sa pamag-itan ng̃ pagbasâ manakânakâ sa kaniyáng noo’t
mg̃a matá, handâ sa hindî pagtulog hanggáng sa matapos ang aklát.
Iyó’y isáng bahagi ng̃ _Medicina Legal_ at _Toxicologia_ ni Dr. Mata,
isáng aklát na kaniyáng náhirám at dapat isaulì sa may-arì sa
lalòng madalîng panahón. Ang katedrátiko ay ayaw magturò ng̃ hindî
alinsunod sa kumathâng iyón at si Basilio ay walâng sapát na salapî
upang makabilí ng̃ aklát na iyón sapagkâ’t sa dahiláng yaón ay
bawal ng̃ mg̃a tagasurì sa Maynílà at kailang̃an ang suhulan ang
maraming kawaní upang maipasok, ay malakíng halagá ang hiníhing̃î
ng̃ mg̃a mang-aaklát. Buhós na buhós ang pag-iisip ng̃ binatà sa
kaniyáng pag-aaral, kayâ’t hindî man pinansín ang iláng mumuntîng
aklát na ipinadalá sa kaniyáng galing sa labás na hindî maalaman
kung saan, mg̃a aklát na tumutukoy sa Pilipinas, na doo’y kasama
ang sa kapanahunang iyón ay siyáng nápupuná ng̃ lahát dahil sa
masamâ at kalait-lait na pagpapalagáy sa mg̃a anák ng̃ bayan. Walâng
kapanápanahón si Basilio upang silá’y mabuksán; marahil ay nakapípigil
din sa kaniyá ang pag-aalala na hindî masaráp ang tumanggáp ng̃ isáng
pag-alímura ó isáng paghamon at hindî makapagtanggól ó makatugón.
Noon ng̃â, ang paglilitis sa anó mang lathalà, ay nagpapabayàng
dustâín ang mg̃a pilipino, ng̃unì’t ipinagbabawal sa mg̃a itó ang
sumagót.
Sa gitnâ ng̃ katahimikang naghaharì sa bahay, na nabubulahaw
lamang sa iláng mahínàng paghíhilík na galing sa kabilâng silíd, ay
nakáding̃íg si Basilio ng̃ madalás na yabág sa hagdanan, mg̃a yabág
na dumaan sa _caida_ at tung̃o sa kaniyang kinalalagyán. Itinaás
niya ang kaniyáng ulo, nákitang nábukás ang pintûan at sumipót ang
mapangláw na anyô ni Simoun, sa gítnâ ng̃ kaniyang pagkakamanghâ.
Mulâ sa pagtatagpô nilá sa S. Diego, ay hindî pa nakikipagkita si
Simoun, ni sa binatà, ni kay kapitang Tiago.
--¿Anó ang lagáy ng̃ may sakít?--ang tanóng na tiningnáng sumandalî
ang silíd at nápatitig sa mg̃a mumuntîng maninipís na aklát, na
aming binanggít, na hindî pa napuputol ang mg̃a dahon.
--Ang tibók ng̃ pusò ay babahagyâ.... ang pulsó ay mahinàngmahinà....
pagkain, ay hindî makakain ng̃ anómán,--ang tugóng marahan ni Basilio
na malungkót ang ng̃itî--sa magmamadalîng araw ay pinagpapawisan
ng̃ katakot-takot.
At sapagkâ’t nakikitang si Simoun, dahil sa tung̃o ng̃ mukhâ, ay
nakating̃ín sa mg̃a tinurang mumuntîng aklát at sa pang̃ing̃ilag na
mulîng mábanggit ang pinag-usapan sa gubat, ay nagpatuloy:
--Ang boông katawán ay nakakalatan na ng̃ lason; bukas ó makalawá ay
mangyayaring mamatáy na warì’y tinamàán ng̃ lintík.... ang lalòng
maliit na sanhî, isáng walâng kabuluháng bagay, isáng sulák ng̃
kalooban ay mangyayaring makamatáy sa kaniyá....
--¡Gaya ng̃ Pilipinas!--ang mapangláw na sabi ni Simoun.
Hindî napigil ni Basilio ang isáng ng̃iwî, at sa dahiláng ipinasiya
na niya ang huwag mulîng mapag-usapan ang bagay, ay nagpatuloy na
warì’y walâng anománg náding̃íg:
--Ang lalòng nakapagpapahinà sa kaniyá ay ang mg̃a pagpapanaginíp,
ang kaniyáng mg̃a pagkatakot....
--¡Gaya ng̃ pamahalàan!--ang mulîng turing ni Simoun.
--May iláng gabí nang nágisíng ng̃ walâng ilaw at inakalàng siya’y
nabulag; nangguló ng̃ katakottakot, naghinagpís at linait akó na
ang sabi’y dinukit ko ang kaniyang mg̃a matá.... Nang pumasok akóng
may daláng ilaw ay pinagkámalan akóng si P. Irene at tinawag akóng
kaniyáng tagapagligtás....
--¡Walâng pinag-ibhán sa pamahalàan!
--Kagabí--ang patuloy ni Basilio na nagbibing̃ibing̃ihan--ay
nagbang̃on at hining̃î ang kaniyáng manók, ang kaniyáng manók na
may tatlóng taóng patáy na, napilitan akóng bigyán siyá ng̃ isáng
inahín, at ng̃ magkágayon ay pinakapuripuri akó’t pinang̃akùan ng̃
libolibo....
Nang mg̃a sandalîng iyon ay tumugtóg ang isáng orasán ng̃ ikasampû’t
kalahatì.
Si Simoun ay kinilabutan at pinigil ang binatà sa isáng kilos.
--Basilio--ang marahang sabi--pakinggán ninyó akóng mabuti, sapagkâ’t
ang mg̃a sandalîng itó’y lubhâng mahalagá. Nakikita kong hindî man
ninyó binuksán ang mg̃a aklát na ipinadalá ko; walâ kayóng pagling̃ap
sa inyóng bayan....
Ang binatà’y nagtangkâng mang̃atwiran.
--¡Hindî na kailang̃an!--ang matigás na patuloy ni Simoun--Sa loob
ng̃ isáng oras ay susulák ang himagsikan sa isáng hudyát kó, at
bukas ay walâ na ang pag-aaral, walâ nang Universidad, walâ kundî
labanán at patayan. Inihandâ ko na ang lahát at hindî mahahadlang̃án
ang aking tagumpáy. Kapag kamí’y nanaíg, lahát niyong makatutulong
sa amin at hindî kumilos, ay aarìing kalaban. ¡Basilio naparito akó
upang ialók sa inyó ang inyóng kamatayan ó ang inyóng tútung̃uhing
kinabukasan!....
--¡Ang aking kamatayan ó ang aking kinabukasan!--ang ulit na warì’y
walâng nalilinawan.
--Sa piling ng̃ pamahalàan ó sa piling namin--ang sabi ni Simoun--sa
mg̃a sumisiil ó sa inyóng bayan. ¡Magpasiya kayó sapagkâ’t tumátakbó
ang panahón! ¡Naparito akó upang kayó’y iligtás alang-alang sa mg̃a
alaalang nagtalì sa atin!
--¡Sa mg̃a mániniil ó sa aking bayan!--ang marahang ulit.
Ang binatà’y litó; tinitingnán ang manghihiyas ng̃ matáng kinalalarawanan
ng̃ pagkasindák, naramdamáng ang kaniyang mg̃a paa’t kamáy ay
nanglálamíg at libo-libong nagkakasalimuut na pagkukurò ang nagdáraán
sa kaniyáng pag-iisip; nakikitang ang mg̃a lansang̃an ay nagdadanak
sa dugô, nádiding̃íg ang putukan, nápapagitnâ siyá sa mg̃a patáy
at sugatán at ¡katang̃ì tang̃ìng lakás ng̃ hilig! nakikita niyáng
siyá, na suót ang damít sa paggawâ, ay nagpúputól ng̃ mg̃a hità’t
nag-áalís ng̃ mg̃a punlô.
--Hawak ko ang kalooban ng̃ pamahalàan--ang patuloy ni Simoun--aking
ipinará at inaksayá ang kauntî niyáng lakás at magugugol sa mg̃a
halíng na pagsalakay, at sinilaw ko siyá sa kapakinabang̃áng
máduduwít; ang mg̃a pang̃ulo niyá ay tahimik na nang̃asa dulàan
ng̃ayón at nang̃alílibáng sa pag-iisíp ng̃ isáng gabíng lipus
kasayahan, ng̃unì’t walâng isá mang hihilig na mulî sa unan....
Mayroón akóng mg̃a _regimiento_ at mg̃a taong nasa aking kapamahalàan,
pinapaniwalà ko ang ilán na ang may utos ng̃ panghihimagsík ay
ang General, ang ibá’y pinaniwalà kong ang mg̃a prayle ang may
kagagawán; ang ilán ay binilí ko sa pang̃akò, sa katungkulan, sa
salapî; ang marami, ang maraming marami ay kikilos upang makagantí,
sapagkâ’t nang̃asisiíl at sa dahiláng nátatayô sa kalagayang mamatáy
ó pumatáy.... Si kabisang Tales ay nasa sa lupà at sinamahan akó
hanggáng dito! Inuulit ko sa inyó ¿sásama kayó sa amin ó ninanasà
ninyó ang málaán sa pagdaramdám ng̃ aking mg̃a kabig? Sa mg̃a
sandalîng mapang̃anib ang hindî pag-ayon sa kanino man ay isáng
paglagáy sa kamuhîán ng̃ dalawáng pangkát na magkalaban.
Makáiláng hinaplós ni Basilio ang kaniyáng mukhâ na warìng ibig
mágisíng sa isáng bang̃ung̃ot; náramdamáng ang kaniyáng noo’y malamíg.
--¡Magpasiyá kayó!--ang ulit ni Simoun.
--¿At anó.... ang kailang̃an kong gawín?--ang tanóng na ang tíng̃ig
ay pipî, baság, mahinà.
--Isáng bagay na lubhâng madalî--ang tugón ni Simoun na ang mukhâ’y
naliwanagan ng̃ isáng sinag ng̃ pag-asa--sa dahiláng pamamahalàan ko
ang kilusán, ay hindî ko maiiwan ang alín mang labanán. Kaílang̃an
ko, na samantalang ang kaguluhan ay nasa ibá’t ibáng pook ng̃
siyudad, ay pang̃uluhan ninyó ang isáng pulutóng, igibâ ang pintûan
ng̃ Sta. Clara at kunín ninyó doon ang isáng tao na liban na sa akin
at kay kapitáng Tiago ay kayó lamang ang makakákilala.... Kayó’y
hindî mápapang̃anib.
--¡Si María Clara!--ang bulalás ng̃ binatà.
--¡Oo, si María Clara!--ang ulit ni Simoun, at noon lamang nagkaroon
ng̃ tunóg na malungkót at malumanay ang kaniyáng ting̃ig--ibig ko
siyang iligtás, upang iligtás lamang siya kung kayâ ninasà ko ang
mabuhay, nagbalík akó.... ¡ginawâ ko ang hímagsíkan sapagkâ’t ang
isáng himagsíkan lamang ang makapagbubukás sa akin ng̃ pintô ng̃
mg̃a kombento!
--¡Ay!--ani Basilio na pinagduóp ang kamáy--¡náhulí kayó, lubhâng
hulí!
--At ¿bakit?--ang tanóng ni Simoun na ikinunót ang kilay.
--¡Si María Clara ay namatáy na!
Sa isáng lundág ay nápatindíg si Simoun at hinandulong ang binatà.
--¿Namatáy?--ang tanóng na ang ting̃ig ay nakapang̃ing̃ílabot.
--Kaninang hapon, ika anim; ng̃ayón marahil ay....
--¡Hindî totoó!--ang sigáw ni Simoun na namumutlâ’t ang matá’y
nanglílisik--¡hindî totoó! ¡Si María Clara ay buháy, si María Clara
ay kailang̃ang mabuhay! Iyan ay isáng duwag na pagdadahilán....
¡hindî mamámatáy, at ng̃ayóng gabí’y ilíligtás ko siya ó bukas ay
patáy kayó!
Ikinibít ni Basilio ang kaniyang balikat.
--May iláng araw nang nagkasakít at akó ay pumaparoon sa kombento
upang makibalità. Tingnán ninyó, nárito ang sulat ni P. Salvi na
dalá rito ni P. Irene. Magdamág na nag-iiyák si kapitang Tiago na
hinahagkán at hiníhing̃áng tawad ang larawan ng̃ kaniyáng anák
hanggáng sa natapos sa paghitít ng̃ maraming apian.... Kaninang
hapon ay tinugtóg ang kaniyang _agonías_.
--¡Ah!--ang bulalás ni Simoun na piniglán ng̃ dalawáng kamáy ang
ulo at nápahintô.
Naaalaala ng̃âng nakading̃íg siya ng̃ tugtóg ng̃ _agonías_ samantalang
nanunubok sa paligid ng̃ kombento.
--¡Patáy!--ang mahinàng bulóng na warìng ang nagsasalitâ’y isáng
anino--¡patáy! namatáy nang hindî ko man lamang nákita, namatáy ng̃
hindî nalalamang akó’y nabubuhay nang dahil sa kaniyá, namatáy ng̃
nagtitiis!....
At sa pagdaramdám ng̃ isáng sigwáng kalagímlagím, isáng sigwáng
may kulóg at buhawi na waláng paták ng̃ ulán, hinagpís na walâng
luhà, sigáw na walâng salitâ, nagng̃ang̃alit sa kaniyang díbdíb at
nagtatangkâng umapaw na warî’y bugá ng̃ bolkán na malaong natimpî,
ay biglâng umalís sa kinalalagyáng silid. Náding̃íg siya ni Basilio
na pumápanaog ng̃ hagdán, na ang lakad ay walâng tuto; náding̃íg
ang isáng timpîng sigáw, sigáw na warìng nagsasabi ng̃ pagsapit ng̃
kamatayan, malalim, katang̃ìtang̃ì, kahambál-hambál, kayâ’t ang
binatà’y tumindíg na namumutlâ’t nang̃ing̃iníg sa kinauupán, ng̃unì’t
náding̃íg ang yabág na papalayô at ang pintô sa daan na nag-umugong
sa pagkakásará.
--¡Kaawàawàng tao!--ang bulóng at ang kaniyang mg̃a matá’y napunô
ng̃ luhà.
At hindî na naalaala ang pag-aaral, at ang ting̃ín ay sa malayò,
ay iniisip-isip ang kapalaran ng̃ dalawáng iyon: ang isá’y binatà,
mayaman, bihasá, malayà, nakapagpapasiya sa sarilìng kabuhayan,
may magandáng kinabukasan, at ang babai’y kasinggandà ng̃ isáng
pang̃arap, malinís, lipús pananalig at walâng kamalayan sa lakad
ng̃ kamunduhán, nákakandóng sa mg̃a giliw at ng̃itî, nalalàan sa
isáng maligayang pamumuhay, na sambahín ng̃ kaniyang mg̃a kaanak at
igagalang sa mundó, ng̃unì’t gayón man, ang dalawáng iyon na lipus
ng̃ pag-ibig, punô ng̃ mg̃a adhikâ’t pag-asa, dahil sa isáng sawîng
kapalaran, ang lalaki’y naglalagalág sa boong lupalop na tang̃áy ng̃
ipo-ipong dugô at luhà, naghahasík ng̃ kasamaán at hindî kabutíhan,
inaapí ang kabaitan, at inaayò ang masamâng hilig, samantalang ang
babai ay naghihing̃alô sa dilím na mahiwagà ng̃ _claustro_ na kaniyáng
pinasukan sa paghanap ng̃ kapayapàan, ng̃unì’t mg̃a pagbabatà marahil
ang nátagpô; malinis at walâng bahid dung̃is nang siya’y pumasok at
naghing̃alô siya roong warì’y bulaklák na lugás....
¡Humimbíng kang mapayapà, sawîng anák ng̃ aking walâng kapalarang
bayan! ¡Dalhín mo sa libing̃an ang kariktán ng̃ iyong kabatàan,
na linantá sa gitnâ ng̃ paglusog! Kapag ang isáng bayan ay hindî
makapaghandóg sa kaniyang malilinis na dalaga ng̃ isáng payapàng
tahanan, sa pagkupkóp ng̃ banal na kalayàan; kapag ang tang̃ìng
maipamamana ng̃ lalaki sa kaniyang balo ay kahihiyán, pag-luhà sa iná
at kaalipinán sa mg̃a anák, mabuti ng̃â ang kusàin ninyó ang huwag
nang magbung̃a, at lunurin na sa inyóng tiyan ang binhî ng̃ mg̃a
kalaitlait na iaanák. Ah, mabuti ka na, na hindî ka mang̃ing̃ilabot
sa iyóng libing̃an sa pagkáding̃íg ng̃ sigáw ng̃ mg̃a naghihing̃alô
sa kadilimán, ng̃ mg̃a nakababatíd na silá’y may pakpák ng̃unì’t
nang̃akagapos, ng̃ mg̃a naiinis dahil sa walâng kalayàan. Tumung̃o
ka na kaakbáy ng̃ mg̃a pang̃arap ng̃ makatà sa kalang̃itang walâng
hangan, anino ng̃ babaing nábanaag sa isáng sinag ng̃ buwan, na
ibinúbulong ng̃ maigkás na kawayanán.... ¡Mapalad ang mamatáy ng̃
mayroong umiiyak, ng̃ nag-iiwan sa pusò ng̃ sa kaniyá’y umiibig ng̃
malinis na gunitâ, isáng banal na alaala, na hindî nadung̃isan ng̃
karumaldumal na sigabó ng̃ kalooban na lalòng lumálakí sa katagaláng
panahón! ¡Sumulong ka, aalalahanin ka namin! Sa malinis na simuy ng̃
ating bayan, sa ilalim ng̃ kaniyáng lang̃it na bugháw, sa ibabaw ng̃
alon ng̃ lawàng nakukulóng ng̃ bulubunduking kulay sápiro at baybaying
esmeralda; sa kaniyáng malilinaw na batisan na nilililiman ng̃ mg̃a
punòng kawayan, hinihiyasan ng̃ mg̃a bulaklák at binibigyáng buhay
ng̃ mg̃a tutubí’t paróparó sa kaniláng walâng tung̃o at malikót na
pagliliparan na warìng nang̃agsisipaglarô sa hang̃in; sa katahimikan
ng̃ ating mg̃a gubat, sa awit ng̃ ating mg̃a batisan, sa buhos na
brillante ng̃ ating mg̃a talón ng̃ tubig, sa maningníng na liwanag
ng̃ ating buwán, sa mg̃a buntóng hining̃á ng̃ hang̃in sa gabí, sa
isáng sabi, sa lahát ng̃ bagay, na makapagpapaalala sa larawan ng̃
ginigiliw, ay makikita ka naming gaya ng̃ pinang̃arap naming anyô
mo na marilág, magandá, nakang̃itîng gaya ng̃ pag-asa, kasinglinis
ng̃ liwanag, dátapwâ’y malungkót at mapighatîng tinátanáw ang aming
karumaldumal na kalagayan.