Nang gabíng yaón ay may isáng malakíng palabás sa dulàang “Variedades”.
Ang samahán ng̃ óperang pransés ni Mr. Jouy ay magdadaos ng̃ una
niyáng palabás na ang itatanghál ay “_Les Cloches de Corneville_” at
ipamamalas sa madlâng manonood ang kaniyáng mg̃a pilìng _troupe_ na
inihayag na iláng araw ng̃ mg̃a pahayagan ang kaniláng kabantugan.
Sinasabing sa mg̃a aktrís ay mayroong mg̃a may magandáng ting̃ig,
ng̃unì’t lalò pa mandíng magandá ang anyô, at kung paniniwalàan
ang mg̃a bulongbulung̃an, ay higít pa sa kaniláng ting̃ig at anyô
ang kaniláng kagandahang loob.
Ika pitó at kalahatì pa lamang ng̃ gabí ay walâ nang billete ni para
sa naghihing̃alông si P. Salvi, at ang mg̃a papasok sa “entrada
general” ay mahabàng mahabà ang hanay. Sa takilya ay nagkaroon ng̃
kaguluhan, awayán, tinukoy ang pagpipilibustero at ang ukol sa
lahì, ng̃uní’t gayón man ay hindî rin nakakuha ng̃ bilyete. Nang
labíng limáng minuto na lamang ang kulang sa ika waló ay malalakíng
halagá na ang itinatawad sa isáng uupán sa _entrada general_. Ang
anyô ng̃ dulàan, na naiilawang mabuti, may mg̃a punò’t bulaklák
sa mg̃a pintùan, ay nakauulól sa mg̃a náhuhulíng nápapahang̃à at
napapasuntók. Isáng makapál na tao ang nang̃agkíkisawan sa mg̃a
paligid at pinagmamasdáng naíinggít ang mg̃a pumapasok, ang mg̃a
maagang dumáratíng dahil sa natatakot na maunahan sa kaniláng
luklukan: tawanan, aling̃awng̃áw, mg̃a pag-aantabáy, nang̃agsisíbatì
sa mg̃a bagong datíng na masamâ ang loob na nakikihalobilo sa mg̃a
nanonood, at, yamang hindì makapasok ay nang̃atítirá na lamang sa
pagtanáw sa mg̃a pumapasok.
Gayón ma’y may isáng warì’y dî kahalò sa mg̃a pag-aasámasám at
pagnanasàng makapanood. Siya’y isáng mataas na lalaking payát na kung
lumakad ay marahan at kinákaladkád ang isáng paang nanínigás. Ang
suot ay isáng masamâng ameríkana na kulay kapé at isáng pantalóng
paríparísukát ang guhit, marumí, na nákakapit sa kaniyáng katawáng
mabutó at yayát. Isáng sambalilong _hongo_ na maarte na, dahil sa
kasiràan, ang nakataklób sa kaniyáng malakíng ulo at nagpapakawalâ sa
buhók na ang kulay ay marumíng abuhín, halos bulháw, mahahabà, kulót
ang mg̃a dulo na warì’y buhók makatà. Ang lalòng katang̃ìtang̃î sa
taong iyon ay hindî ang kaniyáng kasuotan, ni ang kaniyáng mukhâng
taga Europa na walâng balbás ni bigote, kundî ang kulay niyáng sagà,
kulay na nagíng sanhî ng̃ tawag na _Camaroncocido_, na siyáng banság
sa kaniya. Ang anyô niya’y walâng kapara: anák ng̃ isáng mabuting
lípì, ng̃unì’t siya’y nabubuhay sa pagbubulagbul, sa panghihing̃î ng̃
limós; lahìng kastilà, ay hindî pinahahalagahán ang karang̃alang lahì
na inaalípustâ sa pamag-itan ng̃ kaniyáng gulágulanít na kasuotan,
ipinalalagáy siya ng̃ lahát na warì’y tagapamalità sa mg̃a pahayagan,
at tunay ng̃â namáng ang kaniyáng matáng malalakí’t abuhín, na
malamlám at warìng mapagnilay kung tuming̃in, ay naroon saan ma’t
may bagay na maibabalità. Ang kaniyang kabuhayan ay hindî batíd
ng̃ marami; walâng nakaaalám kung saan siyá kumakain at natutulog:
marahil ay mayroon siyáng isáng bariles saan mang pook.
Nang mg̃a sandalîng iyon ay hindî tagláy ni Camaroncocido ang dati
niyáng anyông matigás at walâng bahalà: isáng warì’y masayáng
pagkaawà ang nananaw sa kaniyáng paning̃ín. Isáng muntîng lalaki,
isáng mababàng matandâ ang masayáng sumagupà sa kaniyá.
--¡Kaibigaaaan!--ang sabi, na paós ang boses na warì’y sa palakâ,
at ipinakikita ang iláng pisong mehikano.
Nákita ni Camaroncocido ang mg̃a mamiso, at kinibít ang balikat.
¿Anó ang mayroon sa kaniya noon?
Ang matandâ’y isáng mainam na kaibayó niya. Maliit, lubhâng maliit,
natataklubán ang ulo ng̃ isáng sambalilong _de copa_ na nagíng isáng
uod na may balahibo, at nápapaloob sa isáng maluwang na lebita,
lùbhâng maluwang at napakahabà hanggáng sa mápantáy sa isáng salawál
na nápakaiklî na hindî lumalampás sa bintî. Ang kaniyáng katawan
ay warìng siyang lelong at ang mg̃a paa’y siyáng apó, samantalang
ang kaniyáng mg̃a sapatos ay naglalayág mandín sa katihan--¡yaón ay
dalawáng malalakíng sapatos marinero na tumututol ng̃ laban sa uod
na may balahibo na nasa kaniyang ulo na gaya ng̃ matindíng tutol
ng̃ isáng kombento na nasa píling ng̃ isáng _Exposición Universal_!
Si Camaroncocido ay sagà, ang matandâ’y kayumanggí; yaón ay walâng
buhók sa mukhâ kahì’t lahìng kastilà, ang indio ay may patilla at
bigoteng mapuputî, mahahabà’t madalang. Ang paning̃ín ay malikót. Kung
tawagin siyá’y Tio Kikò, at, gaya ng̃ kaniyang kaibigan ay nabubuhay
din siyá sa pamamahayag: siyá ang nagpapatawag ng̃ mg̃a palabás at
nagdidikít ng̃ mg̃a kartel ng̃ mg̃a dulàan. Siya marahil ang tang̃ìng
pilipino na kahì’t naka _chistera_ at lebita ay nakapaglalakád nang
hindî ginágambalà, gaya rin namán ng̃ kaniyang kaibigan na siya ang
tang̃ìng kastilà na nagtátawá sa karang̃alan ng̃ lahì.
--Binigyán akó ng̃ malakíng pabuyà ng̃ pransés--ang sabing nakang̃itî
at ipinatanáw ang kaniyáng gilagid na warì’y isáng lansang̃an matapos
ang sunog--¡nápabuti ang kamáy ko sa pagdidikít ng̃ mg̃a kartel!
Mulîng ikinibít ni Camaroncocido ang kaniyang mg̃a balikat.
--Kikò--ang sagót na maugong ang boses--kung anim na piso ang ibinigáy
sa iyo dahil sa gawâ mo ¿magkano kayâ ang ibibigáy sa mg̃a prayle?
Dahil sa kaliksihang likás ni Tio Kikò, ay itinaas ang ulo.
--¿Sa mg̃a prayle?
--Sapagkâ’t dapat mong maalaman--ang patuloy ni Camaroncocido--na
ang pagkapunông itó’y kagagawán ng̃ mg̃a kombento!
Sadyâ ng̃â namáng gayón, ang mg̃a prayle na pinang̃ung̃uluhan ni
P. Salvi at iláng hindî parì na pinang̃ung̃uluhan ni D. Custodio ay
laban sa pagtatanghál na iyon. Si P. Camorra, na hindî makapanood,
ay nanglilisik ang matá’t tátakámtakám; ng̃unì’t nakikipagtalo kay
Ben-Zayb na malambót na nagtatanggól sapagkâ’t náiisip ang billeteng
walâng bayad na ipadadalá sa kaniyá ng̃ may palabás. Pinagsasalitaán
siya ni D. Custodio ng̃ ukol sa maayos na hilig, sa pananampalataya,
sa mabubuting kaugalìan, at ibp.
--Ng̃unì’t--ang bulóng ng̃ manunulat--ang ating mg̃a dulàng sainete
na may mg̃a salitâ’t pang̃ung̃usap na dalawá ang kahulugán....
--¡Ng̃unì’t nasa wikàng kastilà namán!--ang pasigáw na putol ng̃
mabaít na konsehal, na nag-aalab sa banal na pagkagalit--¡mg̃a
kahalayan sa wikàng pransés! tao kayó, Ben-Zayb, maanong alang-alang
sa Poong Dios, ¡sa wikàng pransés! ¡Iyán ay hindî dapat mangyari
magpakailán man!
At ibinigkás ang _hindi dapat mangyari magpakailán man!_ ng̃
kasingtigás kung pagpipisanin ang tatlóng Guzmán na pinagbábalàang
pápatayán ng̃ isáng pulgás kapag hindî isinukò ang dalawáng pûng
Tarifa. Gaya nang maáantáy, si P. Irene, ay kasang-ayon ni D. Custodio
at nagtútung̃ayáw sa operetang pransés. ¡Puf! Siyá’y nátung̃o sa
París, ng̃unî’t hindî man lamang tumuntóng sa pintùan ng̃ isáng
dulàan; ¡iligtás siyá ng̃ Maykapal!
Ng̃unì’t marami din namán ang kasang-ayon ng̃ operetang pransés.
Ang mg̃a opisiál sa hukbó at mg̃a pangdigmâng dagat, na sa mg̃a
itó’y kabilang ang _ayudante_ ng̃ General, ang mg̃a kawaní at
iláng matataás na tao ay nang̃agnanasàng lumasáp ng̃ kainaman ng̃
wikàng pransés sa bibíg ng̃ mg̃a tunay na _parisien_; kabilang nilá
ang mg̃a nálulan sa M. M. at nakagamit ng̃ kauntî ng̃ pransés sa
paglalayág, ang mg̃a nakadalaw sa París at lahát niyóng mg̃a ibig
na masabing silá’y bihasá. Ang lipunan ng̃â sa Maynilà ay nagkahatì
sa dalawáng pangkát, ang mg̃a sang-ayon at ang mg̃a laban sa ópera,
na pinayuhan ng̃ mg̃a matatandâng babai, mg̃a asawang mapanibughûin
at nang̃ang̃anib sa pag-ibig ng̃ kaniláng mg̃a kabyák, at nang may
mg̃a katipán sa pag-aasawa, samantalang ang mg̃a malayà’t ang mg̃a
magagandá ay nang̃agpakilalang lubós siláng magiliw sa opereta.
Nagsalimbayan ang mg̃a sulatán, nagkaroón ng̃ mg̃a pagpaparoo’t
parito, salisalitàan, mg̃a pagpupulong, mg̃a pagliliponlipon, mg̃a
pagtatalo; natukoy na tulóy sampû ng̃ panghihimagsík ng̃ mg̃a indio,
ang katamaran, ang mg̃a lipìng mababà’t lipìng mataás, karang̃alan
at ibá pang kamulalàan, at matapos ang maraming hatidhatirang usap
at maraming bulóng bulung̃an, ay ibinigáy ang pahintulot, at si
P. Salvi ay naglathalà ng̃ isáng _pastoral_ na walâng bumasa kundî
ang tagá ayos lamang sa limbagan. Nábalitàng ang General ay nákagalít
ng̃ Condesa: na itó’y naninirahang madalás sa mg̃a bahay líwalíwan;
na ang marang̃ál na pinunò ay nabugnót; na ang _consul_ ng̃ mg̃a
pransés ay gayón, na nagkaroon ng̃ mg̃a handóg, at ibp., at nálahók
sa usapan ang maraming pang̃alan, ang sa insík na si Quiroga, ang
sa kay Simoun at sampû ng̃ sa maraming artista.
Salamat sa nagpáunang alíng̃awng̃áw na itó, ang pagkasabík ng̃ tao’y
naragdagán, at mulâ pa sa araw na sinúsundan ng̃ palabás, araw
na idinatíng ng̃ mg̃a artista, ay walâng napag-uusapan kundî ang
pagpasok sa unang pagtatanghál. Sapol ng̃ lumabás ang mapupuláng
kartel na nagbabalità nang _Les Cloches de Corneville_, ang mg̃a
nanalo’y humandâ na sa pagdiriwang ng̃ kaniláng tagumpáy. Sa
iláng káwaníhan, ay hindî na pinalalakad ang panahón sa pagbabasá
ng̃ mg̃a pahayagan, kundî dinudumog ang mg̃a kasaysayang limbág
nang palalabasín, nang̃agbabasá ng̃ mg̃a nobelang pransés, at ang
marami’y tumutung̃o sa palikuran na nagpapakunwarîng ìníiti upang
makasanggunì lamang ng̃ palihím sa muntîng díksîonariong pangbulsá.
Ng̃unì’t gayón man ay hindî rin nalulutas ang mg̃a _expediente_;
kundî bagkús pa ng̃âng ang lahát ay pinababalík sa kinabukasan,
dátapwâ’y hindî mangyayaring magalit ang kahì’t sino: ang nákakaharáp
ay mg̃a kawaníng lubhâng magagalang, masuyò, na tumátanggáp sa
kanilá at nagpapaalam sa pamagítan ng̃ malalakíng yukô na ugalìng
pransés: ang mg̃a kawaní’y nang̃agsasanay, linilínis ang kaniláng
pransés na inaamag at silá-silá’y nagbabatîán ng̃ _oui monesiour_,
_s’il bous plait_, at _pardon!_ sa bawà’t kilos, bagay na lubhâng
kaigaigayang máding̃íg at panoorin. Ng̃unì’t sa pásulatán ng̃ mg̃a
pamahayagan nároroon ang lalòng galawan at ang kagipítan ay umaabot
sa lalòng malakí; si Ben-Zayb, na sinasabing siyáng mánunuligsâ
at naghulog sa wikàng kastilà ng̃ kasaysayan ng̃ palalabasín ay
nang̃ang̃atál na warì’y babaing násuplóng sa pangkukulam: nákikíta
niyáng ang kaniyáng mg̃a kalaban ay nagpupunyagîng makahuli ng̃
kaniyang mg̃a kamalìan at ipinamumukhâ sa kaniya ang dî pagkabatíd
na mabuti ng̃ pransés. Nang panahón ng̃ Opera Italiana ay kakauntì
nang mapasubò siya sa isáng patayan dahil sa malîng pagkahulog sa
wikàng kastilà ng̃ pang̃alan ng̃ isáng tenor; agadagád naglathalà
ang isáng mainggitin at ipinalagáy siyang walâng namumuwang̃an,
siya, ang una unang ulong nag-iisíp sa Pilipinas! ¡Gaanong hirap ang
sinapit niya sa pagsasanggaláng! nang̃ailang̃an siyang sumulat ng̃
dî lamang lalabíng pitóng palathalà at sumanggunì sa labíng limáng
diksionario. At dahil sa mabuting pagkakaalaalang iyón, ang kaawàawàng
si Ben-Zayb, ay lumalakad na lubhâng maing̃at na ang inilalakad ay
kamáy, hindî namin sinabing paa, upang huwag gayahan si P. Camorra
na may masamâng ugalìng ipintás kay Ben-Zayb na paa ang ginagamit
nitó kung sumusulat.
--¿Nákita mo na Kikò?--ang sabi ni Camaroncocido--ang kalahatì
ng̃ taong iyan ay naparito dahil sa sinabi ng̃ mg̃a prayle na
huwag pumarito; ang gayó’y warìng isáng pahayag; at ang kalahatì
pa, sapagkâ’t anilá sa sarili ay: ¿ipinagbabawal ng̃ mg̃a prayle?
kung gayo’y kátutuhan marahil. Maniwalà ka sa akin, Kikò, ang mg̃a
palatuntunan mo ay mabubuti ng̃â ng̃unì’t lalò pang mabuti ang
pastoral, at ¡dapat mong mabatíd na waláng isá mang nakábasa!
--Kaibigaaaan, ¿inaakalà mo bagâ--ang tanóng ni Tio Kikò na hindî
mápalagáy--na dahil sa kagagawán ni P. Salvi, ay alisín na kayâ ang
tinútungkol ko?
--Marahil, Kikò, marahil,--ang sagót ng̃ kausap na tuming̃ín sa
lang̃it--ang salapî’y untîuntî nang nawawalâ....
Si Tio Kikò ay bumulóng ng̃ iláng salitâ at pang̃ung̃usap na dî
malinawan, kung ang mg̃a prayle ay manghíhimasok sa pagbabalità
ng̃ mg̃a palabás dulàan ay papasok namán siyàng prayle. At
matapos makapagpaalam sa kaniyáng kaibigan ay lumayông uubóubó at
pinakakalansíng ang kaniyáng mg̃a mamiso.
Si Camaroncocido, na tagláy ang dati niyang pagwawalâng bahalà,
ay nagpatuloy sa pagyayao’t dito na kaladkád ang paá at mapung̃ay
ang paning̃ín. Nápuna niya ang pagdatíng ng̃ iláng mukhâng hindî
kilalá, na ibá’t ibá ang pinanggagaling̃an at nang̃aghuhudyatan
sa pamag-itan ng̃ kindát, at pag-ubó. Noon lamang niyá nákita sa
mg̃a gayóng pagkakataón ang mg̃a taong iyon, siyá, na nakakakilala
sa lahát ng̃ anyô ng̃ mg̃a naninirahan sa siyudad at sa lahát ng̃
pagmumukhâ. Mg̃a lalaking madidilím ang mukhâ, mg̃a hukót, mg̃a dî
mápalagáy at hindî máwastô at masamâ ang pagkakabalátkayô ng̃ suot,
na warì’y noon lamang nagsuot ng̃ americana. Hindî nang̃agsisilagáy
sa unang hanay upáng makápanood na mabuti, nang̃agkakanlóng sa dilím,
na warìng ayaw na silá’y mákita.
--¿Mg̃a polisiya sekreta ó mg̃a magnanakaw?--ang tanóng sa sarili
ni Camaroncocido at daglîng ikinibít ang balikat--at ¿anó ba ang
mayroon sa akin?
Ang parol ng̃ isáng sasakyáng dumáratíng ay tumangláw sa pagdaraan sa
isáng pulutóng ng̃ apat ó limá ng̃ mg̃a taong yaón na nakikipag-usap
sa isáng warì’y kawal sa hukbó.
--¡Polisiya sekreta!, marahil ay isáng bagong tatág na kawanihan!--ang
bulóng niya.
At kumilos ng̃ isáng anyông nagwawalâng bahalà. Ng̃unì’t makaraan yaon
ay nakita ang militar, matapos na makipag-alám sa dalawá ó tatlóng
pulutong pa, na tumang̃o sa isáng sasakyán at warìng nakipag-usap
ng̃ mahigpitan sa isáng nasa sa loob. Si Camaroncocido ay lumakad
ng̃ iláng hakbáng at kahì’t hindî námanghâ ay warìng nákilala niyá
si Simoun, samantalang ang matalas niyáng pangding̃íg ay nakáulinig
ng̃ ganitóng maiklîng usapan:
--¡Ang palatandàan ay isáng putók!
--Opò.
--Huwág kayóng mag-alaala; ang General ay siyáng nag-uutos; ng̃unì’t
pag-iing̃atan ninyóng huwág masasabi. Kung súsundín ninyó ang aking
utos ay mátataás kayó.
--Opò.
--¡Kung gayó’y.... humandâ kayó!
Ang boses ay tumigil at makaraán ang iláng sandalî’y lumakad ang
sasakyán. Kahì’t na mapagwalâng bahalà si Camaroncocido ay hindî
rin nakapigil sa pagbulóng na:
--Mayroong binabalak.... ¡Kaing̃atan ang mg̃a bulsá!
At sa dahiláng náramdamáng ang kaniyáng mg̃a bulsá ay walâng lamán,
ay mulîng ikinibít ang balikat. ¿Anó ang mayroón sa kaniyá kung
gumuhô man ang lang̃it?
At nagpatuloy sa kaniyáng pakikibatyág. Nang magdaan sa haráp ng̃
dalawá kataong nag-uusap, ay náding̃íg sa isá, na may sabit sa liig
na mg̃a kuwintás at kalmén, na sinasabi sa wikàng tagalog, na:
--Ang mg̃a prayle ay malakás pa kay sa General, huwág kang mangmáng;
itó’y áalís at ang mg̃a prayle’y maiiwan. Magawâ lamang nating mabuti
ay yayaman tayo. ¡Ang palatandàan ay isáng putók!
--¡Abá, abá!--ang bulóng ni Camaroncocido na ipinípiksí ang mg̃a
dalirì--doon ay ang General, at dito ay si P. Salvi.... ¡Kahabág-habág
na bayan! Ng̃unì’t ¿anó ang mayroon sa akin?
At matapos na máikibít ang balikat na sabáy sa paglurâ at dalawáng
ng̃iwî na sa ganáng kaniyá ay siyáng tandâ ng̃ lalòng malakíng
pagwawalâng bahalà, ay ipinatuloy ang kaniyáng pakikimatyág.
Samantala namán ay matutuling dumáratíng ang mg̃a sasakyán, biglâng
hihintô sa siping ng̃ pintùan at iiwan ang kaniláng sakáy na pawàng
tao sa mataás na kalipunan. Ang mg̃a babai, kahì’t bábahagyâ ang
lamíg ng̃ gabí, ay may daláng maiinam na _chal_, mg̃a _pañolóng_
sutlâ at mg̃a panglaban sa gináw; ang mg̃a lalaki, ang mg̃a naka
_frac_ at korbatang putî, ay gumagamit ng̃ gabán; ang ibá’y bitbít
na lamang at ipinatátanáw ang mg̃a panapíng sutlá.
Sa pulutóng ng̃ mg̃a talogigì, si Tadeo, ang nagkakasakít kung
pumapanaog ang gurô, ay kaakbáy ng̃ kaniyang kababayang baguhan
na namalas nating nagtiís ng̃ inianák ng̃ masamâng pagkakabasa sa
katotohanang sinabi ni Descartes. Ang baguhan ay nápakatalogigì’t
mausisà, at sinásamantalá namán ni Tadeo ang kaniyang kamangmang̃án
at dî kaalamán upang pagsalaysayán ng̃ lalòng malalakíng
kasinung̃aling̃an. Bawà’t kastilàng bumatì sa kaniya, magíng may
mababàng katungkulan ó kawaní sa mg̃a tindahan, ay sinasabi sa
kaniyang kasama na yaón ay pinunò sa isáng kawanihan, markés,
konde, at ibp.; datapwá’y pag patuloy ang paglakad, ¡psh! yaó’y
isáng bulagbul, isáng _oficial quinto_, isáng taong walâng gaanong
kabuluhán! At pag walâ nang naglalakád, na makapagpahang̃à sa baguhan
ay ang mg̃a magagarang sasakyán namang dumadaán ang hinaharáp; si
Tadeo ay bumabatì ng̃ mainam na ayos, ikákawáy nang malugód ang
kamáy, bibitíw ng̃ isáng _¡adios!_ na matiwalà.
--¿Sino yaón?
--¡Bah!--ang sagót na parang walâng anomán--ang Gobernador Civil....
ang Segundo Cabo.... ang Mahistradong si gayón.... ang asawa ni....
na mg̃a kaibigan ko!
Ang baguhan ay náhahang̃à, nakatang̃áng siya’y pinakikinggán at
nag-iing̃at upang huwag mápalagáy sa kanan ng̃ kausap. Si Tadeo ay
kaibigan ng̃ mg̃a mahistrado at mg̃a gobernador!!
At tinuturan sa kaniya ni Tadeo ang pang̃alan ng̃ lahát ng̃
dumáratíng, at, pag hindî niya kilalá, ay gumagawâ ng̃ mg̃a banság,
mg̃a kasaysayan at nagsásaysáy ng̃ mg̃a sarìsarìng bagay.
--¿Nákikita mo ba? iyong taong mataas, na may patilyang itím, dulíng
ng̃ kauntì, na itím ang suot, yaón ang mahistrado A, kaibigang
matalik ng̃ asawa ng̃ koronel B; isáng araw ay kauntî nang mag-away
ang dalawáng iyan kung hindî akó namagitnâ.... ¡adiós! Tingnán mo,
hayán at dumáratíng pa námán ang koronel, mag-away kayâ ang dalawá?
Pinígil ng̃ baguhan ang paghing̃á, ng̃unì’t ang koronel at ang
mahistrado ay malugód na nang̃agkamayan; ang militar, na isáng
matandâng bagongtao, ay nagtanóng ng̃ kung anó ang lagáy ng̃ mg̃a
kaanak ng̃ kaharáp, at ibp.
--¡Ah! ¡salamat sa Dios!--ang hing̃á ni Tadeo--akó ang may kapakanán
ng̃ kaniláng pagkakásundô.
--Kung hiling̃ín kayâ ninyó sa kanilá na tayo’y ipasok?--ang tanóng
na may kauntìng pang̃ambá ng̃ baguhan.
--¡E! ¡Kailan ma’y hindî akó nang̃ung̃utang ng̃ loob!--ang sabing
nagmataás ni Tadeo--akó’y gumágawâ nang mabuti, ng̃unì’t hindî akó
nag-aantáy na gantihín.
Kinagát ng̃ baguhan ang kaniyáng mg̃a labì, lalò pang nang̃untî
at naglagáy ng̃ magalang na layô sa pag-itan niya’t ng̃ kaniyang
kababayan.
Nagpatuloy si Tadeo:
--Iyan ang músikong si H.... Iyan ang abogadong si J. na bumigkás, na
warì’y kaniya, ng̃ isáng talumpatìng nakatitik sa lahát ng̃ aklát,
at siya’y pinuri at hinang̃àan ng̃ mg̃a naking̃íg.... Iyang bumábabâ
sa isáng hansomkab ay ang manggagamot na si K, na ang lalò niyang
pinagsisikapan ay ang sakít ng̃ mg̃a batà, kayâ’t pinang̃anlán siyang
Herodes.... Iyan ang mayamang si L, na walâng násasabisabi kundî ang
kaniyang mg̃a kayamanan at mg̃a balaid.... ang makatàng si M, na lagì
nang tumutukoy sa mg̃a bituin at sa mg̃a bagaybagay ng̃ _dako pa
roon_.... Hayán ang magandáng asawa ni N, na palagìng nátatagpûáng
walá ang asawa kung dínadalaw ni Padre Q.... ang máng̃ang̃alakal na
hudiong si P, na isáng libong piso ang dalá nang pumarito at ng̃ayó’y
mayroon nang mg̃a ang̃awang̃aw.... Iyong may mahabàng balbás ay ang
manggagamot na sí R, na yumamang hindî dahil sa pagpapagalíng kundî
sa paggawâ ng̃ maysakít....
--¿Gumágawâ ng̃ maysakít?
--Oo, sa pagsisiyasat sa mg̃a nasusundalo.... ¡huwag kayóng kumilos!
Iyang kagalanggalang na ginoo na maayos ang pagkakabihis, ay hindî
médiko, ng̃unì’t isáng manggagamot _sui generis_; tagláy níyang
buongbuô ang _similia similibus_.... Ang kapitán sa kawal na kabayuhan
na kaniyáng kasama ay siyá niyáng pinakagigiliw sa mg̃a nag-aaral sa
kaniyá.... Iyáng may suot na putîán at ang sambalilo’y nakakiling, ay
ang kawaníng si S, na ang batayán ay ang kailan ma’y huwag magpakita
ng̃ ugalìng magalang at muhîngmuhî kapag nakakita ng̃ isáng sombrero
na nakapatong sa ulo ng̃ ibá; sinasabing ginagawâ niyá ang gayón
upang huwág mábilí ang mg̃a sombrerong alemán.... Iyáng dumaratíng
na kasama ang kaniyáng ának ay ang mayamang máng̃ang̃alakal na si C,
na kumikita ng̃ mahigít sa isáng daang libo.... ng̃unì’t ¿anó ang
wiwikàin mo kung sabihin ko sa iyó na may utang pa sa aking apat
na piso, limangsikapat at labíngdalawang kualta? Ng̃unì’t sino ba
namán ang sising̃íl sa isáng mayamang gaya niyan?
--¿May utang sa inyó ang ginoong iyan?
--¡Mangyari! isáng araw ay iniligtás ko siyá sa isáng kagipitan;
isáng biyernes, iká pitó’t kalahatì ng̃ umaga; naaalala ko pa; hindî
pa akó nakapag-aagahan noon.... Ang babaing iyan na sinusundán ng̃
isáng matandâng babai rin ay si Pepay na mánanayaw.... ng̃ayó’y hindî
na nagsasayáw sapul ng̃.... ipinagbawal sa kaniya.... ng̃ isáng
ginoong napakakatóliko at matalik kong kaibigan...... Náriyan ang
bulugang si Z; matitiyák na sumúsunód kay Pepay upang itó’y pasayawíng
mulî. Isáng mabuting tao na matalik kong kaibigan, walâ kundî isáng
kapintasan: siyá’y mistisong insík at nagpapanggáp na tagá España.
¡Sst! Tingnán mo si Ben-Zayb, iyáng mukhâng prayle, na may daláng
lapis sa kamáy at isáng balumbóng papel, iyán ang dakilàng manunulat
na si Ben-Zayb, matalik kong kaibigan; may isáng katalinuhan!....
--Mawalâng galang sa inyó ¿at iyáng muntîng tao na may mg̃a patillang
putî?....
--Iyán ang naghalal sa kaniyáng tatlóng anák na babai, iyang tatlóng
malilíít, na mg̃a _auxiliar de Fomento_ upang makasing̃il ng̃ sahod sa
talàan ng̃ Pamahalàan...... Iya’y isáng ginoong matalas ang pag-iisip,
ng̃unì’t nápakatalas! gagawâ ng̃ isáng kaululán at ibibintáng....
sa ibá; bibilí ng̃ isáng barò at ang nagbabayad ay ang kabangbayan.
Matalas, matalas na matalas, ng̃unì’t nápakatalas!....
Si Tadeo ay nápahintô.
--¿At iyáng ginoong may astâng mabang̃ís at ang lahát ng̃ tao’y
tiningnán ng̃ paalipustâ?--ang tanóng ng̃ baguhan na itinurò ang
isáng taong iginagaláw na mapalalò ang ulo.
Ng̃unì’t si Tadeo ay hindî sumagót, inihabà ang liig upáng tanawín
si Paulita Gómez na dumáratíng na kasama ang isáng kaibigan, si
aling Victorina at si Juanito Pelaez. Binigyán silá nitó ng̃ isáng
_palco_ at lalò pa mandíng kubà kay sa karaniwan.
Datíng at datíng ang mg̃a sasakyán, dumáratíng ang mg̃a artista na
sa ibáng pintûan ang pasok at sinúsundán ng̃ mg̃a kaibigan at mg̃a
ligaw.
Nang si Paulita’y makapasok ná ay nagpatuloy si Tadeo:
--Iyán ang mg̃a pamangkíng babai ng̃ mayamang si kapitáng D, iyáng
nang̃akasakáy sa _landó_, ¿nakikita mong napakagandá’t napakainam ng̃
pang̃ang̃atawán? Sa loob ng̃ iláng taón marahil ay pawàng patáy na ó
balíw.... ayaw si kapitáng D, na silá’y mang̃ag-asawa, at nahahalatâ
na sa mg̃a pamangkín ang pagkakahawa sa kabaliwán ng̃ amaín.... Iyan
ang binibining E, ang magmamana ng̃ isáng malakíng kayamanan, na
pinag-aagawán ng̃ mundó at ng̃ mg̃a kombento... ¡Huwag kang umimík!
¡iyan ay nákikílala ko! ¡si Padre Irene! nakabalat-kayô, may miyas
na huwad lamang! ¡Nakikilala ko dahil sa kaniyang ilóng! ¡At siya
pa namáng labanglaban!....
Gulilát na tiningnán ng̃ baguhan at nákitang nákanlóng ang isáng
lebita na mabuti ang tabas sa isáng pulutóng ng̃ mg̃a babai.
--¡Ang tatlóng Parka!--ang patuloy ni Tadeo ng̃ mákitang dumaratíng
ang tatlóng dalagang mg̃a yayát, mabutó, nang̃ang̃alumatá, maluluwang
ang bibíg at masagwâ ang bihis,--ang mg̃a pang̃alan niyan....
--¿Atropos?--ang mahinàng sabi ng̃ baguhan na ibig magpakitang siya’y
may kauntîng kaalamán, kahì’t sa mitolohiya man lamang.
--Hindî, tao ka, ang mg̃a pang̃alan niyan ay mg̃a binibini ni Balcón,
mg̃a mapamintás, mg̃a matatandâng dalaga, mamumulà.... Ang lahát ay
kinamumuhîan, ang mg̃a lalaki, ang mg̃a babai, ang mg̃a batà....
Ng̃unì’t tingnán mo’t sa piling ng̃ kasamàán, ay inilalagáy ng̃
Dios ang lunas, kung minsan ng̃â lamang ay náhuhulí. Sa likód ng̃
mg̃a Parca, na panakot sa bayan, ay dumaratíng ang tatlóng iyan,
na ipinagmamalakí ng̃ kaniláng mg̃a kaibigang kinabibilang̃an ko.
Iyang binatàng payát na malalakí ang matá, hukód ng̃ kauntì na
ang kilos ay madalás dahil sa hindî umabot ng̃ billete, iyan ay
ang kímikong si S, sumulat ng̃ maraming pagsusurì at mg̃a gawàing
ukol sa karunung̃an na ang ilán ay nagtamó ng̃ gantíng palà at
nábantóg na lahát; ang sabi ng̃ mg̃a kastilà sa kaniya’y _maaasahan,
maaasahan_.... Ang umaawat sa kaniya na ang tawa’y gaya ni Voltaire
ay ang makatàng si T. batàng matalino, matalik kong kaibigan, at
dahil ng̃â sa kaniyang katalinuhan ay itinapon ang panitik. Ang isá
na nagpapalagáy na silá’y makipasok sa mg̃a artista sa isáng pintùan
ay ang binatàng manggagamot na si M, na nakagawâ na ng̃ maraming
mabubuting paggamót; siya man ay sinabi ring maaasahan.... hindî
lubhâng kubà na gaya ni Pelaez, ng̃unì’t higít dito sa katalasan at
lalò pang palabirô. Inaakalà kong sampûng si kamatayan ay hinihilo
at pinagsisinung̃aling̃án.
--¿At iyang ginoong kayumanggí na ang miyas ay warì’y tutsáng?
--¡A! iyan ang máng̃ang̃alakál na si F, na ang lahát ng̃ bagay ay
pinagdadayàan, sampû ng̃ kaniyang _fe de bautismo_; pinagpipilitan
niyang magíng mistisong kastilà sa lahát ng̃ paraan at iniuubos ang
boong kaya upáng malimot ang sarili niyang wikà.
--Dátapwâ’y nápakapuputî ang kaniyang mg̃a anák na babai....
--¡Oo, at iyan ng̃â ang sanhî kung bakit mataás ang halagá ng̃ bigás,
gayóng walâ namáng kinakaìn iyan kundî tinapay!
Hindî malinawan ng̃ baguhan ang pagkakálahók ng̃ halagá ng̃ bigás
sa kaputîan ng̃ mg̃a dalagang iyon.
--Náriyan ang lumilígaw, iyáng binatàng payát, kayumanggí, ang lakad
ay mahinay na sumúsunód sa kanilá at bumatìng anyông mapag-ampón
sa tatlóng magkakaibigang nang̃agtátawá sa kaniya.... iyá’y isáng
nagbábatá nang dahil sa kaniyáng mg̃a akalà, sa kaniyáng panununtón
sa násabi.
Ang baguhan ay nagtagláy ng̃ paghang̃à at paggalang sa binatà.
--May kilos hang̃al, at hang̃ál ng̃âng sadyá,--ang patuloy ni
Tadeo--tubò iyan sa S. Pedro Makatí at dî gumágamit ng̃ maraming
bagay: kailan ma’y hindì naliligò ni hindî tumítikím ng̃ baboy,
sapagkâ’t sang-ayon sa sabi niya’y hindî kumakain noon ang mg̃a
kastilà at dahil din sa katwirang iyon ay hindî kumakain ng̃ kanin,
patís ni bagoong, kahi’t na siya mamatáy ng̃ gutom at magtulô ang
kaniyáng laway.... Lahát ng̃ galing sa Europa, bulók ó naíimbák,
ay masaráp na masaráp sa kaniya, at may isáng buwan pa lamang na
iniligtás siya ni Basilio sa isáng pamamagâ ng̃ sikmurà: kumain ng̃
isáng pasôpasôang kelwâ upang ipakílalang siyá’y europeo!
Nang mg̃a sandalîng iyón ay nagsimulâ ang orkesta sa pagtugtóg ng̃
isáng balse.
--¿Nákikita mo ang ginoong iyán? ¿iyáng payagót na bíbilíng-bilíng
ang ulo at nagháhanáp na siyá’y batìin? Iyán ang bantóg na Gobernador
sa Pangasinán, isáng taong hindî makakain kapag may isáng indio na
hindî nagpugay sa kaniyá.... Kauntî nang mamatáy kung dî nálagdâ
ang _bando ng̃ pagpupugay_ na siyáng sanhî ng̃ kaniyáng kabantugan.
¡Kaawà-awàng tao! may tatlóng araw pa lamang na kagagaling niyá sa
lalawigan at ¡gaano na ang ipinang̃ayayat! ¡o! ¡nariyán ang dakilàng
tao, ang dî matingkalâ, ibukás mo ang iyóng mg̃a matá!
--¿Sino? ¿Iyang nakakunót ang kilay?
--Oo, iyán ang si D. Custodio, ang labusáw na si Don Custodio,
nakakunót ang kilay sapagkâ’t may iniisip na makabuluháng panukalà....
¡Kung maisásagawâ lamang ang lamán ng̃ kaniyáng utak ay ibá sana ang
lakad! ¡Ah! ¡náririto’t dumáratíng si Makaraig, ang iyóng kasambaháy!
Tunay ng̃â, dumáratíng si Makaraig na kasama si Pecson, si Sandoval
at si Isagani.
Nang makita silá ni Tadeo ay sumalubong at binatì silá.
--¿Hindî ba kayó paparito?--ang tanóng ni Makaraig.
--Walâ na kamíng inabot na billete....
--Mabuting pagkakátaón, mayroón kamíng isáng palko--aní Makaraig--si
Basilio ay hindî makapaparito.... sumama na kayó sa amin.
Hindî na naantáy ni Tadeo na ulitin ang anyaya. Ang baguhan, sa
pang̃ing̃ilag na makagambalà, dalá ng̃ katakutang tagláy ng̃ sino
mang _provinciano_, ay nagdahilán at hindî nagawâng siya’y mapapasok.