ANG NAGPAPALAGÁY

Tunay ang sinabi ni P. Irene: ang ukol sa akademia ng̃ wikàng kastilà,

na malaon nang iniharáp, ay tumutung̃o na sa isáng pagkalutas. Si

D. Custodio, ang masipag na si D. Custodio, ang lalòng masipag sa

lahát ng̃ mg̃a nagpápalagáy sa boông mundó, alinsunod kay Ben-Zayb,

ay siyáng tumútungkól sa kaniyá at dinádaán ang mg̃a maghapunan sa

pagbabasá sa mg̃a kasulatan at nákakatulóg nang walâng naipapasiyáng

anomán: babang̃on sa kinabukasan, gayón din ang gágawín, matutulog

na mulî at sunód sunód na gayón ang nangyayari. ¡Gaano ang iginágawâ

ng̃ kaawàawàng ginoo, ang lalòng masipag sa lahát ng̃ nagpápalagáy

sa Sangsinukob! Ibig niyáng makalusót doon, sa paraang mabigyáng

loob ang lahát, ang mg̃a prayle, ang mataas na kawaní, ang kondesa,

si P. Irene at ang kaniyáng mg̃a pagkukuròng labusáw. Nagtanóng

kay G. Pasta at siya’y hinilo at linitó ni G. Pasta matapos na

mahatulan siya ng̃ isáng yutàng bagay na magkakalaban at hindî

mangyayari; nagtanóng kay Pepay na mánanayaw, at ang mánanayaw na

si Pepay, na hindî nakatatarók ng̃ pinag-uusapan, ay umikot ng̃

isáng ikot, hining̃án siya ng̃ dalawang pû’t límáng piso upang

ipagpalibíng sa isáng ali niya na biglâng kamamatáy ng̃ ikalimáng

pagkamatáy, ó ipagpapalibing sa ikalimang ali na namatáy sa kaniya,

alinsunod sa lalòng masakláw na paliwanag, matapos na mahing̃îng

mapasok na _auxiliar de fomento_ ang isá niyáng pinsang lalaki na

marunong bumasa, sumulat at tumugtóg ng̃ biolin, mg̃a bagay bagay

na pawàng malayòng makapag-bigáy kay D. Custodio ng̃ isáng hakàng

makapagliligtás.

Makaraán ang dalawáng araw ng̃ pangyayari sa periya sa Kiyapò, ay

gumágawâ si D. Custodio, na gaya ng̃ dati, na pinag-aaralan ang mg̃a

kasulatan na hindî mátagpô ang kailang̃ang panglutás. Datapwâ’y

samantalang naghihikáb, umuubó, humihitít ng̃ tabakó at inaalaala

ang mg̃a ikot at mg̃a hità ni Pepáy, ay babanggitín namin ang iláng

bagay ng̃ mataás na taong itó, upang mákilala ang katwiran na kung

bakit siyá ang ipinalagáy ni P. Sibyla na lumutas ng̃ matiník na

salitâán at kung bakit tinanggáp namán ng̃ kabilâng pangkát.

Si D. Custodio de Salazar y Sanchez de Monteredondo (p.) Buenatinta ay

nalalahók diyán sa bahagi ng̃ sosyedad sa Maynilà na hindî nakakikilos

ng̃ isáng hakbáng na hindî sinasabitan sa likód at haráp ng̃ mg̃a

pamahayagan ng̃ libo libong banság at tinatawag siyáng _walang

kapaguran_, _bantóg_, _maing̃at_, _masipag_, _malirip_, _matalino_,

_bihasa_, _mayaman_, ibp., na warìng ipinang̃ing̃ilag na ipagkámalî

sa ibáng may gayón ding pang̃alan at banság na bulagbul at mangmáng.

At sakâ walâ namâng kasamâang iaanák ang gayón at hindî nagagambalà

ang _previa censura_. Ang _Buena Tinta_ ay galing sa kaniyáng

pakikipagkaibigan kay Ben-Zayb, nang itó, sa dalawáng matunóg na

pakipagtunggalî na inabot ng̃ buwanan at lingguhan sa mg̃a tudlíng

ng̃ pahayagan ukol sa kung nárarapat ó hindî gumamit ng̃ sombrerong

_hongo_, _de copa_ ó salakót, at kung ang paggamit ng̃ ukol sa

marami ng̃ salitâng _caracter_ ay dapat magíng _carácteres_ at hindî

_caractéres_, upang patibayan ang kaniyáng mg̃a pang̃ang̃atwiran ay

lumulusót kailan man sa mg̃a salitâng “_cónstanos de buena tinta_”,

“_lo sabemos de buena tinta_” at ibp. at napag-alamán pagkatapos,

sapagkâ’t sa Maynilà ay napag-aalamán ang lahát ng̃ bagay, na ang

_buena tintang_ itó ay dilì ibá’t si D. Custodio de Salazar y Sanchez

de Monteredondo.

Batàng batà pa ng̃ dumatíng sa Maynilà, na may isáng mabuting

katungkulan na siyang nakapagparaan sa kaniyang makapag-asawa sa

isáng magandáng mestisa na isá sa mg̃a magkakaanak na lalòng mayaman

sa siyudad. Sapagkâ’t may likás na katalinuhan, kapang̃ahasan at

walâng pagkatigatig, ay nátutong samantalahín ang lipunáng kaniyang

kinalalagyán, at sa tulong ng̃ salapî ng̃ kaniyang asawa ay

nang̃alakal at tumanggáp ng̃ anománg pagawâ ng̃ Pamahalàan at ng̃

Ayuntamiento, kayâ’t ginawâ tuloy siyang konsehal, pagkatapos ay

alkalde, kagawad ng̃ Sociedad Económica de Amigos del País, kasanggunì

ng̃ Pang̃asiwàan, Pang̃ulo ng̃ Lupong Nang̃ang̃asiwà sa Obras Pias,

kagawad sa Lupong ng̃ Kawanggawâ, _conciliario_ ng̃ Banco Español

Filipino, at ibá’t ibá pa. At huwag akalàing ang ibá’t ibá pang itó

ay kagaya ng̃ karaniwang inilalagáy matapos na mabanggít ang isáng

mahabàng talâ ng̃ mg̃a kabunyîán: si D. Custodio, kahì’t hindî

nakátungháy kailan man ng̃ anománg aklát na ukol sa _Higiene_, ay

nakasapit hanggáng sa pagiging pang̃alawáng pang̃ulo ng̃ Junta de

Sanidad sa Maynilà, kahì’t tunay din namán na sa walóng bumubuô ng̃

Lupon ay isá lamang ang kailang̃ang magíng manggagamot at ang isáng

itó’y hindî mangyayaring magíng siyá. Gayon dí’y nagíng kagawad ng̃

Junta Central sa pagbabakuna, na binubuô ng̃ tatlóng manggagamot

at pitóng walâng pagkabatíd sa bagay na iyon, na sa mg̃a ito’y isá

ang arsobispo at ang tatló’y mg̃a _provincial_: nákakapatíd sa mg̃a

_cofradía_ at _archicofradía_, at, gaya ng̃ naunawà na natin, ay

kagawad na magpapalagáy sa Kataastaasang Lupon ng̃ Paaraláng bayan

na hindî lagìng kumikilos, mg̃a sanhîng higít na sa kailang̃an upang

balutin siya ng̃ mg̃a pamahayagan ng̃ mg̃a palayaw, kailan ma’t

naglalakbáy ó nagbábahín.

Kahì’t na may maraming tungkulin, si D. Custodio, ay hindî kabilang

ng̃ mg̃a natutulog sa mg̃a pagpupulong at nasisiyahán nang kagaya

ng̃ mg̃a kinatawáng kimî at tamád na makikiboto na lamang sa lalòng

marami. Hindî kagaya ng̃ maraming harì sa Europa na nagtátagláy

ng̃ kabunyîáng harì sa Jerusalém, pinaghaharì ni D. Custodio ang

kaniyáng kalagayan at sinásamantalá ang lahát ng̃ mápapakinabang

dito, ikinúkunót na mabuti ang kilay, pinalálakí ang boses, umuubó

sa pagsasalitâ at madalás na siyá na lamang ang umuubos ng̃ isáng

pagpupulong dahil sa pagsasalaysáy ng̃ isáng kabuhayan, paghaharáp

ng̃ isáng panukalà ó paglaban sa isáng kasama na nákainipán niyá.

Kahì’t hindî pa siyá lumálampás sa apat na pûng taón ay nagsásalitâ

na noong dapat dáw magdahandahan sa paggawâ ng̃ anomán, na iwan

munang mahinóg ang bubót na bung̃a ng̃ _higuera_, at idinúdugtóng

na marahan ¡mg̃a milón!--nagsasalitâ ng̃ ukol sa paglirip na mabuti

at paglakad ng̃ marahan, ng̃ pang̃ang̃ailang̃ang kilalanin muna ang

bayan, na ang mg̃a hîlig ng̃ indio ay paganitó, na ang karang̃alan

ng̃ pang̃alang kastilà, na sa dahilang una muna ang mg̃a kastilà,

na ang pananampalataya at ibp. Náaalala pa sa Maynilà ang isá

niyáng talumpatì ng̃ unang ipalagáy ang pag-iilaw ng̃ petróleo,

bilang kahalili ng̃ dating lang̃ís ng̃ niyog: sa pagbabagong iyon

ay hindî nakita ang pagkamatáy ng̃ paggawâ ng̃ lang̃ís kundî ang

tutubùin ng̃ isáng konsehal--sapagkâ’t si D. Custodio ay may matalas

na pangamóy--at humadláng ng̃ inubos ang lahát ng̃ tunóg ng̃

kaniyáng boses, na ipinalagáy na ang panukalà ay walâ sa panahón at

hinulàang magkakaroon ng̃ malalakíng sakunâng bayan. Hindî rin hulí

sa kabantugan ang kaniyáng paghadláng sa isáng pananapatan na ibig

gawín ng̃ ilán sa isáng gobernador bago umalís: si D. Custodio na

mayroong kaunting samâ ng̃ loob dahil sa iláng paghiyà sa kaniyá,

na hindî na namin naaalala, ay natutong ikalat ang balibalitàng ang

talàng daratíng ay kalabang masidhî ng̃ aalís, bagay na ipinang̃ambá

ng̃ mg̃a mananapát kayâ’t hindî nátuloy.

Isáng araw ay hinatulan siyáng bumalík sa España upang magpagamót

ng̃ isáng sakít sa atáy at binanggít siyá ng̃ mg̃a pahayagan na

warì’y isáng Anteo na nang̃ang̃ailang̃ang tumuntóng sa Ináng bayan

upang kumuha ng̃ mg̃a panibagong lakás; ng̃unì’t ang Anteong taga

Maynilà ay nang̃untî at nawalâng kabuluhán sa Corte. Doon ay hindî

siyá gasino at hinahanaphanap ang kaniyáng mg̃a kaibigibig na banság.

Hindî siyá nákahalobilo ng̃ mg̃a lalòng mayayaman, ang kakulang̃an

niyá sa pinag-aralan ay hindî makapagbigáy sa kaniyá ng̃ malakíng

kahalagahan sa mg̃a lipunang ukol sa karunung̃an at mg̃a akademia, at

dahil sa kaniyang pagkakáhulí at pagtatagláy ng̃ polítikang kombento

ay litóng umaalís sa mg̃a lipunán, walâng kasiyahang loob, muhî, at

walâng malinawan kundî ang doo’y kinukunan ng̃ kuwalta ang tang̃á

at doo’y malakás ang sugál. Inaalala ang kaniyang masunurìng mg̃a

utusán sa Maynilà na nang̃agtitiís sa lahát ng̃ kaniyang nakayayamót

na maibigan, at sa gayón ay nákikita niyang ang mg̃a yaón ay siyang

mabuti; sa dahiláng sa taglamíg ay nang̃ailang̃an siyang maglalapít

sa dupàan at kung hindî’y makasasagap ng̃ isáng pamamagâ ng̃ bagà

ay ipinagbubuntóng hining̃á ang pag-aalala sa taglamíg sa Maynilà

na sukat na ang magtagláy ng̃ isáng _bufanda_; walâ ang kaniyang

hiligán at ang batàng tagapamaypáy kung taginít; sa isáng sabi, sa

Madrid ay nagíng isá siya sa mg̃a pangkaraniwan, at, kahì’t na mayroon

siyang mg̃a brillante, minsan ay pinagkamalán siyang _paleto_ na

hindî marunong umimbáy, at minsan ay pinagkamalán siyang _indiano_,

kinutyâ ang kaniyang mg̃a pagng̃ang̃aning̃aní at talampák siyang

inutô ng̃ iláng máng̃ung̃utáng na kaniyang hiniyâ. Muhî sa mg̃a

_conservador_, na hindî pinahalagahán ang kaniyáng mg̃a payo, na gaya

rin namán sa mg̃a kákabitkabít sa kaniyang humihitít sa kaniyang

bulsá, ay sumapì sa pangkating _liberal_, at bago matapos ang taón

ay bumalík sa Pilipinas, na, kung hindî man magalíng na sa sakít sa

atáy ay gulóng guló namán ang paghahakà.

Ang labíng isáng buwang ipinamuhay niya sa Corte na dinaang kahalobilo

ng̃ mg̃a polítikong tindahan, mg̃a walâng pinapasukan ang lahát

halos; ang iláng talumpatìng náding̃íg sa mg̃a suloksulók, ang gayón

ó ganitóng lathalàng laban sa pamamahalà at lahát noong pamumuhay sa

polítika na nálalang̃áp doon, mulâ sa pagupitan, sa pag-itan ng̃ mg̃a

paggupít ng̃ Fígaro, na naghahayag ng̃ kaniyang pátakarán, hanggáng

sa mg̃a piging̃an na pinaghahayagán, sa pamag-itan ng̃ maiinam na

pagsasalaysáy at mg̃a nakabibighanìng banggít ng̃ mg̃a sarisarìng

kulay ng̃ mg̃a pananalig sa suliraning bayan, ang mg̃a pagkakaibá,

mg̃a pagtiwalág, mg̃a dî kasiyahang loob, at ibp., ang lahát ng̃

iyon, samantalang siya’y lumálayô sa Europa, ay mulîng nabubuhay nang

lubhâng malusóg sa kaniyáng alaala, na warì’y binhîng nátaním, na

napipigláng lumakí ng̃ mg̃a malalabay na punòng nakatatakíp, kayâ’t

ng̃ dumaóng sa Maynilà ay inakalàng itó’y maiaayos niya, at gayón

ng̃â, tagláy ang lalòng banal na adhikâ at ang lalòng malilinis na

mithî.

Sa mg̃a unang buwan ng̃ kaniyáng pagdatíng ay walâ nang nababanggít

kundî ang Madrid, ang kaniyáng mabubuting kaibigan, ang ministrong

si ganoon, ang nagíng ministrong si ganitó, ang kinatawáng C, ang

manunulat na si B; walâng pangyayarí sa polítika, mg̃a kagusutan sa

_Corte_, na hindî niya batíd ang lalòng kaliítliítang pangyayari,

ni mg̃a taong bantóg na hindî niya kilalá ang lihim ng̃ kabuhayan,

ni walâng nangyaring hindî niya hinulàan ni paglalathalà ng̃ isáng

pagbabagong hindî muna isinangunì sa kaniya; at ang lahát nang itó’y

may kalahók na pagsundót sa mg̃a _conservador_, na tagláy ang tunay

na pagkasuklám, pagpupuri sa pangkating _líberal_, isáng kabuhayan

dito, isáng salitâ doon ng̃ isáng bantóg na tao, na ipinápatláng, na

warìng hindî kinukusà, ang mg̃a pag-aalóg sa kaniyá at mg̃a tungkuling

hindî tinanggáp upang huwág lamang magkaroón siyá ng̃ anó máng utang

na loob sa mg̃a _conservador_. Nápakalakí ang kapusukán niyá ng̃

mg̃a unang araw na iyón, na ang ilán sa kausap-usap sa tindahan

ng̃ mg̃a sarìsaring kakanín na dinadalaw niyáng maminsanminsan ay

nang̃agsisapì sa pangkating liberal, at nagpanggáp nang liberal si

D. Eulogio Badana, _sargento retirado sa carabinero_; ang marang̃ál

na si Armendia, piloto at matalik na _carlista_; si D. Eusebio

Picote, kawaní sa aduana, at si Don Bonifacio Tacón, sapatero at

talabartero.

Gayón man, ang mg̃a sigabó, dahil sa kakulang̃án ng̃ tunggalìan

at mg̃a bagay na makapag-udyók, ay untî-untîng napawì. Hindî niyá

binabasa ang mg̃a pamahayagang dumáratíng sa kaniyáng buhat sa

España, sapagkâ’t balubalutan kung tanggapín at ang pagkakita noón

ay nakapagpapahikáb sa kaniyá; ang mg̃a paghahakàng kaniyáng nápulot

na pawàng gamít na, ay nang̃ang̃ailang̃an ng̃ abuloy na dagdág, at

doo’y walâ ang kaniyáng mg̃a mánanalumpatî; at kahì’t na malalakás

ang larô sa mg̃a _casino_ sa Maynilà at mayroón ding nang̃ing̃risto,

gaya ng̃ sa mg̃a lipunán sa Madríd, gayón man ay hindî namán

ipinahihintulot sa mg̃a tinuran ang anó mang talumpatì upang buhayin

ang mg̃a imbót sa polítika. Ng̃unì’t si D. Custodio ay hindî tamád;

gumágawâ ng̃ higít sa pagnanasà lamang, kumikilos; at sa pagkakilala

niyáng sa Pilipinas siyá málilibíng at sa pag-aakalàng yaón ang

kaniyáng makikilusan, ay pinag-ukulan ng̃ kaniyáng mg̃a pagsusumikap

at inakalàng mapabubuti sa pagbabalak ng̃ maraming pagbabago at mg̃a

panukalàng kawiliwili. Siya, ang dahil sa náding̃íg sa Madrid ang

pag-uusap ng̃ ukol sa mg̃a daang nilalatagan nang kahoy sa Paris,

na noon ay hindî pa ginágawâ sa España, ay nagpalagáy na gawín sa

Maynilà, sa paraang maglatag ng̃ mg̃a tablá sa mg̃a lansang̃an at

ipagpakô na gaya ng̃ nákikíta sa mg̃a baháy-baháy; siya, ang dahil

sa mg̃a kasawîáng nangyayarí sa mg̃a sasakyáng dádalawá ang gulóng,

at upang maiwasan, ay ipínalagáy na magtagláy ng̃ tatló man lamang;

siya rin namán, ang samantalàng gumáganáp sa pagka pang̃alawáng

pang̃ulo ng̃ Junta de Sanidad ay nakaisip na wiligán ng̃ panglinis

ang lahát ng̃ bagay, sampû ng̃ mg̃a balítàng pahatíd kawad na galing

sa mg̃a bayang may sakít na nakahahawa; siya rin ang, sa pagkahabág

sa mg̃a presídiario na nang̃agsisigawâ sa init ng̃ araw at sa

pagnanasàng makapagtipíd ang Pamahalàan sa paggugol sa mg̃a kasuotan

noon, ay ipinalagáy na suotan na lamang ng̃ isáng bahág at pagawín

sa gabí at huwag sa umaga. Nahahang̃à at namumuhî, na, ang kaniyáng

mg̃a palagáy ay makatagpô ng̃ humahadláng; ng̃unì’t kinakalamay ang

saríli pag náiisip na ang taong may halagá, ay sadyâng may kalaban,

at naghihigantí namán siya sa paraang pagtuligsâ at pagpapawalâng

kabuluhán sa lahát ng̃ panukalà, magíng masamâ ó magíng mabuti, na

iharáp ng̃ ibá.

Sapagkâ’t ipinagmamalakí ang kaniyáng pagkalabusáw, kailan ma’t

mátatanóng siya kung anó ang palagáy sa mg̃a indio ay karaniwang

isagót na, nararapat sa mg̃a gawàin sa kamáy at mg̃a _artes

imitativas_ (ang ibig sabihin ay músika, pintura at eskultura), at

idinádagdág ang kaniyáng matandâng pabuntót, na, upang mákilala

silá’y kailang̃ang bumilang ng̃ maraming maraming taóng pamumuhay sa

lupaíng yaón. Gayón man, kung nakadiding̃íg na may nápapabantóg sa

anomán na hindî dahil sa mg̃a gáwàin sa kamáy ó _arte imitativa_,

sa kímika, sa medisina ó pilosopia, sa halimbawà, ay sinasabi

niyáng: ¡Psh! maaarì.... ¡hindî tang̃á! at sinasapantahà niyá na

ang indiong iyon ay may maraming dugông kastilà sa ugát; at kung

hindî niya makitàan kahì’t na magpilit ay humahanap namán ng̃ isáng

pinanggaling̃ang hapón: noon ay nagsisimulâ ang gawì na iukol sa

mg̃a hapón at sa mg̃a árabe ang anománg mabuting bagay na tagláy

ng̃ pilipino. Sa kay D. Custodio, ang kundiman, ang balitaw, ang

kumintáng ay mg̃a tugtuging árabe, gaya rin namán ng̃ mg̃a titik sa

pagsulat ng̃ matatandâng pilipino, at sa bagay na itó’y walâ siyáng

pag-aalinlang̃an, kahì’t hindî niya kilala ang árabe, ni hindî man

siya nakákita ng̃ katitikang pilipino.

--¡Árabe at lubos na árabe!--aniyá kay Ben-Zayb sa isáng pagsasabing

hindî matutulan--kung dilì man, ay insík.

At idinúdugtóng pang may kindát na makahulugán:

--Walâng walâ, walâng bagay na sadyâng likás ang mg̃a indio, ¿batíd

ninyó? Malakí ang pagmamahál ko sa kanilá; ng̃unì’t hindî silá dapat

purihin, sapagkâ’t nang̃agmamalakí at nagiging mg̃a kahabaghabág.

Kung minsa’y sinasabi na:

--Pinakamamahál ko ang mg̃a indio, ako’y lumálagáy nang para niláng

amá’t tagapagtanggol, ng̃unì’t kailang̃ang ang bawà’t bagay ay málagay

sa nararapat kalagyán. Ang ibá’y ipinang̃anák upang mag-utos at ang

ibá’y upang sumunód; kung sa bagay ay hindî masasabing malakás ang

katunayang itó, datapwâ’y ginágawâ nang walâng maraming salitàan.

At tingnán ninyó, ang paraan ay walâng kahiraphirap. Pag kailang̃an

ninyóng piglán ang bayan ay paliwanagan ninyóng siyá’y pigíl; tatawa

sa unang araw, sa ikalawá’y tututol, sa ikatló ay mag-aalinlang̃an at

sa ikaapat ay panalig na panalig ná. Upang mapalagì ang pilipino sa

pagkamasunurin, ay kailang̃ang uulit-ulitin sa kaniyá sa araw-araw

na siyá’y gayón at pananaliging siyá’y walâng magágawâ. ¿Sa isáng

dako namán, ay anó pá’t mananalig siyá sa ibáng bagay kung masásawî

lamang? Paniwalàan ninyó akó, isáng kawanggawâ ang palagìin ang

bawà’t isá sa kalagayang kinaroroonan; diyán naririyan ang kaayusan,

ang pagkakasundô. Iyan ang lihim ng̃ _karunung̃an_ sa pamamahalà.

Kung tinutukoy ni D. Custodio ang kaniyáng paraan sa pamamahalà ay dî

na nasisiyahan sa salitâng _arte_. At pagsasabi niya ng̃ _pamamahala_

ay iniuunat ang kamáy na ibinábabâ hanggáng sa taás ng̃ isáng taong

nakaluhód, nakaukód.

Tungkol namán sa pananampalataya ay ipinagmámalakí ang kaniyáng

pagkakatóliko, lubós na katóliko, ¡á! ang katólikang España, ang

lupàín ni María Santísima!.... Ang isáng labusáw ay maaarì at dapat

magíng katóliko doon sa pook na, ipinalalagáy silá ng̃ mg̃a kalaban

ng̃ pagkakasulong, na sila’y mg̃a diosdiosan ó santó man lamang,

gaya nang pangyayaring ang isáng kayumanggí ay inaarìng maputî sa

Kaprería. Gayón man, ay kumakain siya ng̃ lamáng kati sa boóng

kurismá, tang̃ì lamang sa _Viernes Santo_; hindî nagkukumpisál kailán

man, hindî naniniwalà sa mg̃a kababalaghán, ni sa hindî pagkakámalî

ng̃ Papa, at kung nagsisimbá, ay nagsísimbá sa ika sampû ng̃ umaga

ó sa lalòng maiklîng misa, sa misa ng̃ tropa. Kahì’t sa Madrid ay

nagsalitâ siya ng̃ laban sa mg̃a parì, na ipinalalagáy niyang lipás

na sa kapanahunan, upang huwag mátiwalî sa kaniyáng kinagigitnâán,

nagsalitâ ng̃ mg̃a paglait sa Inquisición at nagsasalaysáy ng̃ gayón

ó ganitóng kabuhayang malaswâ ó palibák na kinalalahukán ng̃ mg̃a

hábito, ó, sa lalòng tiyakan, mg̃a prayleng walâng _hábito_, gayón

man, pagsasalitâ ng̃ ukol sa Pilipinas, na dapat pamahalàan ng̃

alinsunod sa mg̃a tang̃ìng batás, ay umuubó, titing̃ín ng̃ isáng titig

na may kahulugán, uulitin ang paglalahad ng̃ kamáy na kasingpantáy

ng̃ taas na matalinghagà.

--Ang mg̃a prayle ay kailang̃an, silá’y isáng bagay na masamâ,

ng̃unì’t kailang̃an--ang sabi.

At nagagalit pag ang isáng indio ay nang̃ahás na mag-alinlang̃an sa

mg̃a kababalaghán ó hindî naniniwalà sa Papa. Ang lahát ng̃ pahirap

ng̃ Inquisición ay hindî sapát na parusa sa kapang̃ahasang iyón.

Kung ikinakatwiran sa kaniyá na ang panggagagá ó ang mabuhay na

sinásamantalá ang kamangmang̃án ay may ibá pang tawag na masamâng

dinggín at pináparusahan kapag ang nagkakasala ay nag-íisá, ay

lumúlusót namán siyá sa paraang pagtukoy sa ibáng bayang sakóp.

--Kamí--ang sabi, na ang boses ay ang ginagamit sa mg̃a seremonia--kamí’y

makapagmámalakí! Hindî kamí kagaya ng̃ mg̃a inglés at mg̃a holandés,

na upang mapanatili sa pag-alinsunod ang mg̃a bayan ay gumagamit ng̃

pamalò.... ang aming ginagamit ay ibáng paraan na lubhâng malumanay,

lubhâng matibay; ang malunas na tulong ng̃ mg̃a prayle ay higít sa

pamalòng inglés......

Ang sabi niyáng itó’y lumaganap at sa mahabàng panahó’y binanggít

banggít ni Ben-Zayb at gayón dín ng̃ boông Maynilà; pinakapuripuri ng̃

Maynilàng naghuhulò. Ang salitâ ay nakaabót sa Madrid, at binanggít

sa Parlamento, na parang sabi ng̃ isáng _labusáw na may mahabang

paninirahan_ at ibp., at sa dahiláng nagíng karang̃alan ng̃ mg̃a

prayle ang gayóng paghahawig ay hinandugán siyá ng̃ iláng arrobang

sikulate, bagay na ipinabalík ng̃ dî malamuyot na si D. Custodio, na,

sa dahiláng ito’y ipinantáy namán ni Ben-Zayb ang tagláy na kabaitan

sa kabaitan ni Epaminondas. Dátapwâ’t gayón mán, ay gumagamit din

ng̃ yantók ang bagong Epaminondas kung inaabot ng̃ pagkagalit, at

ang gayón ay inihahatol sa ibá!

Nang mg̃a araw na iyón, ay inulit ng̃ mg̃a kombento ang kaniláng

mg̃a handóg dahil sa pang̃ang̃ambáng bakâ siyá magbigáy ng̃ isáng

kapasiyaháng sang-ayon sa kahiling̃an ng̃ mg̃a nag-aaral, at ng̃

hapong nátagpûán natin siyá ay lalò pa mandíng hindî mápalagáy kay

sa dati sapagkâ’t malapit masirà ang kaniyáng kabantugang masipag.

Mahigít nang labíng limáng araw na nasa kamáy niya ang mg̃a kasulatan,

at nang umagang iyón, matapos na mapuri ang kaniyáng pagka masusì,

ay ìtinanóng ng̃ mataás na kawaní ang kaniyáng kapasíyahan. Si

D. Custodio ay sumagót ng̃ lubhâng matalinghagà, na ang ibig sabihin

ay yarì na: ang mataas na kawaní ay ng̃umitî, at ang ng̃itîng iyon

ng̃ayón ay gumágambalà’t umuusig sa kaniya.

Gaya nang sinabi na namin, ang hikab niya’y sunódsunód. Sa isáng

pagkilos niya, ng̃ sandalîng idinidílat ang mg̃a matá at inilalapat

ang bibíg, ay nápatítig sa mahabàng hanay ng̃ mg̃a sapíng mapulá, na

ayós na ayós ang mg̃a pagkakalagáy sa mainam na aklatang kamagóng:

sa mg̃a gulugód ng̃ bawà’t isá’y may mg̃a malalakíng titik na ang

sinasabi, ay: MAÑGA PANUKALA.

Nalimot sumandalî ang kaniyáng mg̃a kagipitan at ang mg̃a pag-ikot ni

Pepáy, upang alalahanin na ang lahát ng̃ linálamán ng̃ mg̃a baitang na

iyon ay pawàng sumipót sa kaniyáng palanak na ulo sa mg̃a sandalîng

pagliliwanag. ¡Gaano karaming bung̃ang isip na walâng kamukhâ, gaano

karaming maririlág na pagkukurò, gaano karaming mg̃a kaparaanang

ikaliligtás sa pagsasalát ng̃ Pilipinas! Kailan pa man ay hindî na

siya malilimot at tataglayín niya ang pagkilala ng̃ utang na loob

ng̃ bayan!

Warìng isáng matandâng magatod na nakátagpô ng̃ isáng balutang

ináamag na mg̃a sulat sa palasintahan, ay tumindíg si D. Custodio at

lumapit sa lalagyán ng̃ mg̃a aklát. Ang unang balangkáp na makapal,

magâng-magâ, punôngpunô, ay may tagláy na taták na “MAÑGA PANUKALANG

_minumunakala_”.

--¡Huwag!--ang bulóng--may mg̃a bagay na maíinam, ng̃unì’t kailang̃an

ang sangtaón upang mabasang mulî.

Ang pang̃alawá, na makapálkapál dín, ay may taták na “MAÑGA

PANUKALANG _nasa pagsusuri_”.--¡Huwag dín!

Pagkatapos noon ay sumúsunód ang “MAÑGA PANUKALANG _ipinag-aantáy ng̃

panahón_.”.... “MAÑGA PANUKALANG _iniharáp_....” “MAÑGA PANUKALANG

_pinawalang kabuluhán_....” “MAÑGA PANUKALANG _pinagtibay_....” “MAÑGA

PANUKALANG _pinigil_....” Ang mg̃a hulíng balangkáp ay kákauntî

ang lamán, ng̃unì’t ang hulí ay lalò pa, ang sa “MAÑGA PANUKALANG

_isásagawa_”.

Ikinislót ni D. Custodio ang kaniyáng ilóng ¿anó kayâ ang lamán?

Nalimot na niyá ang nasa sa loob niyón. Isáng putol na papel na

naníniláw ang nakaung̃ós sa dalawáng takíp, na warì’y dinidilàan

siyá ng̃ balangkáp.

Kinuha sa lalagyán at binuksán: yaón palá’y ang bantóg na panukalà

ng̃ Páaralang Artes y Oficios.

--¡A, putris!--ang bulalás--ng̃unì’t itó’y nasa sa kamáy na ng̃ mg̃a

parìng agustino......

Walâng anó anó’y biglâng tinapík ang kaniyáng noo, inihubog ang

kilay, isáng pagtatagumpáy ang nálarawan sa kaniyáng mukhâ.

--¡Sa heto palá ang aking pasiyá, C.!--ang bulalás na bumitíw ng̃

isáng mahalay na salitâng hindî ang _eureka_, ng̃unì’t nagsísimulâ

sa pangkatapusán nitó--ang aking kapasiyahán ay yarì na.

At makálimá ó makaanim na inulit ulit ang kaniyáng kinaugalìang

_eureka_, na humaging sa hang̃in na warì’y magalák na hagkís, at

masayáng tinung̃o ang kaniyáng mesa at sinimulán ang pagsulat.

Ang "Filibusterismo" (Karugtóng ng Noli Me Tangere) · 第 41 / 78 题