MG̃A KADAYAAN

Sinalubong silá ng̃ lubhâng maling̃ap ni Mr. Leeds, isáng tunay

na yankee, na ang suót ay pulós na itím. Mabutíng magsalitâ ng̃

wikàng kastilà dahil sa nagtiráng malaon sa Amérika, sa Timog.

Hindî sumalansáng sa nasà ng̃ ating mg̃a dalaw; sinabing maaarìng

siyasating lahát lahát bago gawín at matapos ang pagtatanghál; sa

kasalukuyan ng̃ pagtatanyág ay ipinamanhík na manahimik lamang. Si

Ben-Zayb ay ng̃umíng̃itî at nilálasáplasáp na ang samâ ng̃ loob na

ibíbigay niya sa amerikano.

Ang loob na nababalot na buông buô ng̃ itím ay naiilawan ng̃ mg̃a

matatandâng lámpara na ang iláw ay aguardiente. Isáng halang na

natatakpán ng̃ tersiopelong itím ang siyáng humahatì ng̃ dalawáng

hatìng magkasinglakí sa loob na iyon; ang isá’y punô ng̃ mg̃a

luklukang laán sa mg̃a manonood, at ang isá, ay kinalalagyán ng̃

isáng tuntung̃an na ang alpombra ay pariparisukat. Sa ibabaw ng̃

tuntung̃ang itó, sa dakong gitnâ, ay nálalagáy ang isáng mesa na

natatakpán ng̃ isáng mainam na kayong itím na punô ng̃ bung̃ô at

ibá pang larawang mahiwagà. Ang _mise en scene_ ay malungkót kayâ’t

nakapang̃ilabot sa mg̃a masasayáng dalaw. Náhintô ang mg̃a birûán,

marahan ang mg̃a pag uusap at kahì’t na ibig magpatanáw ang ilán ng̃

dî nilá pagpapahalagá sa gayón ay hindî pumulás ang tawa sa mg̃a

labì. Ang damdám ng̃ lahát ay warìng nápasok sa isáng bahay na may

patáy. Isáng amóy suób at pagkít ay siya pang nakapagpaparagdág sa

gayón. Si D. Custodio at si P. Salvi ay marahang nagsanggunìang kung

nárarapat ó hindî na ipagbawal ang mg̃a gayóng pánoorín.

Upang mapalakás ni Ben-Zayb ang loob ng̃ mg̃a matatakutín at magipít

niya si Mr. Leeds ay sinabi ritong:

--Hoy, mister, yamang walâng ibáng tao kundî kamí lamang at hindî

kamí mg̃a indio na napapahuli ay ¿ipahihintulot bagá ninyóng ipakita

ko sa kanilá ang dayà? Alám na naming ang lahát ng̃ iyan ay ukol

lamang sa paning̃ín, ng̃unì’t sa dahiláng si P. Camorra ay ayaw

maniwalà......

At humandâng lumundág sa halang na hindî nagdaan sa sadyâng pintùan,

samantalang si P. Camorra ay naglulunggatî sa pagtutol dahil sa

nang̃ang̃ambáng bakâ may katwiran si Ben-Zayb.

--¿At bakit pô hindî, ginoo?--ang sagót ng̃ amerikano;--ng̃unì’t

huwag pô lamang kayóng sumirà ng̃ anomán, hané pô?

Ang mamamahayag ay nasa ibabaw na ng̃ tuntung̃an.

--¿Ipinahihintulot pô ba ninyó?--ang sabi.

At sa pang̃ing̃ilag na bakâ hindî siya payagan ni Mr. Leeds ay

hindî na naghintáy ng̃ pahintulot at itinaás ang kayo at hinanap ang

mg̃a salamíng inaantáy niyáng mátatagpûán sa mg̃a paa. Si Ben-Zayb

ay nakabitíw ng̃ kalahatìng tung̃ayaw, napaurong, mulîng ipinasok

at iniwagaywáy ang mg̃a kamáy niyá sa ilalim ng̃ dulang: walâng

maapuhap. Ang mesa ay may tatlóng paang bakal na maliliít na nakabaón

sa lupà.

Ang mamamahayag ay tuming̃ínting̃ín sa lahát ng̃ sulok na warìng

may hinahanap.

--¿Násaan ang mg̃a salamín?--ang tanóng ni P. Camorra.

Mamatámatá si Ben-Zayb, hinihipò ang dulang, itinátaás ang kayong

takíp, at maminsanminsang inilálagáy ang kamáy sa noó na warìng may

ibig maalaala.

--¿Mayroon pô bang nawalâ sa inyó?--ang tanóng ni Mr. Leeds.

--Ang mg̃a salamín, mister, ¿násaán ang mg̃a salamín?

--Ang inyó’y hindî ko maalaman kung saan nároón, ang akin ay nasa

_fonda_...... ¿ibig bagá ninyóng manalamín? Masamâ ng̃ kauntî ang

ayos ninyó at namumutlâ.

Kahì’t na may kabá, nang makíta ng̃ marami ang kapalagayáng paaglahì

ng̃ amerikano’y pinagtawanán si Ben-Zayb na híyânghíyâng bumalík sa

kaniyáng uupán, na bumúbulóng ng̃:

--Hindî mangyayari; makikita ninyó’t hindî magagawâ ng̃ walâng

salamín; mayâmayâ’y magpapalit iyan ng̃ dulang....

Inilagay na mulî ni Mr. Leeds ang kayo sa mesa at nang maharáp na

ang mg̃a mararang̃ál na dalaw ay tumanóng:

--¿Nasisíyahan na bagá kayó? ¿mapasisimulán na natín?

--¡Napakatulóg na dugô namáng tao!--ang sabi ng̃ isáng babaing balo.

--Kung gayón ay mang̃agsiupô na pô ang kaginoohan at pag-isipin kung

anó ang ibig itanóng.

Pumasok si Mr. Leeds sa isáng pintô at nang makaraan ang iláng sandalî

ay bumalík na may daláng isáng kahang kahoy na maitím, bukbukin, na

may iláng lilok na ibon, mg̃a hayop, mg̃a bulaklák, mg̃a ulo ng̃

tao at ibp.

--Mg̃a kaginoohan,--ang sabi ni Mr. Leeds na walâng tawa--sa minsang

pagdalaw ko sa pirámide ni Khufu, ika apat na lipì ng̃ mg̃a Faraón,

ay nakátagpô akó ng̃ isáng libing̃ang batóng buháy na pulá sa isáng

liblib na silíd. Ang kagalakan ko’y gayón na lamang sapagkâ’t inakalà

kong nakátagpô ng̃ isáng momia ng̃ mg̃a anák harì; ng̃unì’t gaano

ang aking samâ ng̃ loób ng̃ matapos paghirapan ng̃ katakot-takot

ang pagbubukás ng̃ libíng ay walâ akóng nátagpûán kundî ang kahang

itó na mangyayari ninyóng siyasatin.

At inilibot ang kaha sa mg̃a nasa unang hanay ng̃ luklukan. Iniurong

ni P. Camorra ang kaniyáng katawán na warì’y may pagkasuklám, si

P. Salvi ay tuming̃íng malapit na warì’y nakaáakit sa kaniya ang mg̃a

bagay na ukol sa libing̃an; si P. Irene ay ng̃umíng̃itî ng̃ ng̃itîng

matalino, si D. Custodio ay nag-anyông walâng imík at mapagwalâng

bahalà, at si Ben-Zayb ay humahanap ng̃ salamin; doon dapat málagáy,

sapagkâ’t salamín lamang ang sangkáp ng̃ lahát ng̃ iyón.

--¡Walâng iniwan sa amóy bangkáy!--ang sabi ng̃ isáng babai--¡puff!

At namaypáy ng̃ katakot-takot.

--¡Kaamóy ng̃ apat na libong taón!--ang sabing biglâ ng̃ isá.

Nakalimutan ni Ben-Zayb ang salamín dahil sa pagting̃ín kung sino

ang bumanggít ng̃ salitâng iyón. Ang bumigkás ay isáng militar na

nakabasa ng̃ kasaysayan ng̃ buhay ni Napoleon. Kinainggitán siyá

ni Ben-Zayb, at upang bumitíw ng̃ isáng salitâng dapat tumamà kay

P. Camorra, ay sinabing:

--¡Amóy simbahan!

--Ang kahang itó, kaginoohan,--ang patuloy ng̃ amerikano--ay may

lamáng isáng dakót na abó at kaputol na _papiro_, na kinatatalâan

ng̃ iláng sulat. Tingnán ninyó, ng̃unì’t ipinamamanhík ko lamang na

huwág kayóng híhing̃áng malakás, sapagkâ’t kung mátapon ang kauntîng

abó ay lálabás na sirâsirâ ang aking _esfinge_.

Ang kabulaanan, na tinuran ng̃ boông pananalig at walâng kabiròbirò

ay untîuntîng nagtagumpáy, kayâ’t nang idaan ang kaha ay walâng isá

mang nang̃ahás na huming̃á. Si P. Camorra, na sa púlpito sa Tiani

ay nagpakilalang madalás ng̃ mg̃a parusa at paghíhirap sa inpierno

samantalang pinagtátawanán sa sarili ang mg̃a matáng sindák ng̃ mg̃a

makasalanan, ay nagtakíp ng̃ ilóng; at si P. Salvi, ang tunay na si

P. Salvi na sa araw ng̃ kapistahan ng̃ mg̃a patáy ay gumawâ ng̃

giniginí ng̃ mg̃a kaluluwá sa Purgatorio na may apóy at mg̃a larawang

nang̃ang̃aninag na naiilawan sa dakong likurán, na may lámparang

ang ilaw ay aguardiente, mg̃a putolputol na halimayas, sa malaking

dambanà ng̃ simbahan ng̃ isáng arrabal upang makakuha ng̃ mg̃a

pamisa at limós, ang payát at walâng imík na si P. Salvi ay pumigil

sa kaniyáng paghing̃á at tiningnán ng̃ ting̃íng may pang̃ang̃anib

ang isáng dakót na abóng iyón.

--_¡Memento, homo, quia pulvis es!_--ang bulóng na nakang̃itî ni

P. Irene.

--¡P......!--ang bitíw ni Ben-Zayb.

Nakahandâ na siya sa pagsasabi ng̃ mg̃a salitâng iyón at inunahan

siya ng̃ kanónigo.

--Sa dahiláng hindî maalaman kung anó ang dapat kong gawín--ang

patuloy ni Mr. Leeds na inilapat nang boong pag-iing̃at ang takíp

ng̃ kaha--ay siniyasat ko ang papiro, at nakita ko ang dalawáng

salitâ na hindî ko batíd ang kahulugán. Hinanap ko ang katuturán

at tinangkâ kong bigkasín ng̃ malakás, at bábahagyâ pa lamang na

nabibigkás ang una nang máramdamán kong dumudulás sa aking kamáy

ang kaha na warì’y tang̃áy ng̃ isáng malakíng pataw at gumulong sa

lupà, at doo’y hindî ko na magalaw. Ang pagkakamanghâ ko’y nagíng

sindák nang buksán ko’t mátagpuán sa loob ang isáng ulo ng̃ tao na

ang ting̃ín sa akin ay walâng kakisápkisáp. Sindák, at dahil sa

hindî ko maalaman ang gawín sa haráp ng̃ gayóng kababalaghán, ay

natulíg akóng nang̃aykáy sumandalî na warìng isáng gulilát.... Akó’y

nagbalíkloob.... Sa akalàng yaón ay isáng malikmatà lamang ay tinangkâ

kong mapalipas yaon at ipinatuloy ko ang pagbasa ng̃ pang̃alawáng

salitâ. Babahagyâ ko pa lamang nasasabi, ay nálapat ang takíp ng̃

kaha, nawalâ ang ulo, at ang nápalít na mulî ay ang isáng dakot na

abóng itó. Hindî sinasadyâ’y natagpûán ko ang dalawang salitâng

lalòng makapangyarihan, ang mg̃a salitâng panglikhâ at panggunaw,

ang pangbuhay at pangpatáy!

Humintông sandalî na warìng ibig tingnán ang ibinung̃a ng̃ kaniyáng

mg̃a sinabi. Pagkatapos ay lumapit sa dulang na ang lakad ay maing̃at

at banayad at ipinatong ang makababalagháng kaha.

--¡Mister, ang takíp!--ang sabi ni Ben-Zayb na hindî mapigil.

--¿At bakit hindî?--ang tugóng masunurin ni Mr. Leeds.

At matapos na máitaás ng̃ kanang kamáy ang kaha ay hinawì ng̃ kaliwâ

ang kayo at naiwang lantád ang mesa na natutukuran ng̃ kaniyáng

tatlóng paá. Mulîng inilagáy ang kaha sa ibabaw at banayad na lumapit

sa mg̃a nanonood.

--¡Dito ko siyá makikita!--ang sabi ni Ben-Zaib sa kaniyáng

kasiping--tingnán ninyó pag hindî iyán nagdahilán ng̃ kahì’t anó.

Ang lubós na pagbatyág ay nálalarawan sa lahát ng̃ mukhâ; nagharì

ang katahimikan. Maliwanag na maliwanag na nádiding̃íg ang ing̃ay

at kaguluhan sa daan; ng̃unì’t ang lahát ay nagugulumihanan kayâ’t

ang kaputol na salitàang umabot hanggáng sa kanilá’y hindî man nilá

náinó.

--_¿Porque ba no di podí nisós entra?_--ang tanóng ng̃ isáng boses

babai.

--_Aba, ñora, porque ’tallá el mana prailes y el maná empleau_--ang

sagót ng̃ isáng lalaki--_’ta jasí solo para ilós el cabesa de espinge_.

--¡Curioso también el maná prailes!--ang sabi ng̃ boses babai--¡no

quiere pa que di sabé nisós cuando ilós ta salí ingañau! ¡Cosa!

¿querida ba de praile el cabesa?

Sa gitnâ ng̃ boông katahimikan ay nagpatuloy ang amerikano na ang

boses ay nang̃ing̃iníg:

--Kaginoohan: sa isáng salitâ’y bubuhayin ko ang isáng dakót na

abóng iyan at kayó’y makikipag-usap sa isáng nakababatíd ng̃ ukol

sa nakaraan, ng̃ sa kasalukuyan at maraming bagay ng̃ sa dáratíng.

At banayad na bumitíw ng̃ isáng sigáw ang mahiko, mapanaghóy muna,

matapos ay matindí, halòhalòng matatalas na tunóg na warì’y tung̃ayaw

at tunóg na paós na warì’y pagbabalà na nakapagpang̃alisag sa buhók

ni Ben-Zayb.

--¡Deremof!--ang sabi ng̃ amerikano.

Ang mg̃a tabing na nakapalibid sa salón ay naggalawan, ang mg̃a ilawán

ay warìng mamámatáy, ang mesa ay humaginít. Isáng mahinàng daíng ang

sumagót na galing sa loob ng̃ kaha. Ang lahát ay nagkating̃inang

namumutlâ’t hindî mápalagáy: ang isáng babaing lipús katakutan at

nakaramdám ng̃ isáng pagkabasâng mainítinît sa kaniyáng saya ay

kumapit kay P. Salvi.

Sa gayón ay nábukás na mag-isá ang kaha at sumipót sa malas ng̃

mg̃a nanonoód ang isáng ulo na anyông bangkáy, na nalilibid ng̃

isáng mahabà’t makapál na buhók na itím. Dahandahang ibinukás ng̃

ulo ang mg̃a matá at inilibot ang ting̃ín sa lahát ng̃ nanonoód. Ang

mg̃a matáng iyón ay may matalas na ningníng na nararagdagán pa ng̃

kaniyáng mg̃a panglook, at sa dahiláng _abyssus abyssum invocat_, ang

mg̃a matáng iyón ay napatitig sa mg̃a malalalim at nang̃ang̃alóng

matá ni P. Salvi na dilát na dilát na warì’y nakakikita ng̃ isáng

multó. Si P. Salvi ay nang̃iníg.

--Espinghe--ani Mr. Leeds--sabihin mo sa mg̃a nakíking̃íg kung

sino ka.

Ang lubós na katahimikan ay nagharì. Isáng malamíg na simoy ang

lumaganap sa salas at nagpagaláw sa bugháw na ding̃as ng̃ mg̃a

lámparang gamit sa libing̃an. Ang mg̃a lalòng hindî mapaniwalâín ay

nang̃ilabot.

--Akó’y si Imuthis--ang sagót ng̃ ulo na ang boses ay malalím

ng̃unì’t nagbabalà mandín--ipinang̃anák akó ng̃ kapanahunan ni Amasis

at akó’y pinatáy nang kasalukuyang nakasasakop ang mg̃a persa,

samantalang si Cambises ay papauwîng galing sa sinamâng pagsalakay

sa kalookan ng̃ Lybia. Galing akó sa pagtatapós ng̃ aking pag-aaral

makaraan ang mahabàng paglalakbáy sa Gresia, Asiria at Persia, at

papauwî na akó sa aking bayan upang manirahan doon hanggang sa akó’y

paharapín ni Thot sa kaniyáng kakilákilabot na hukuman. Dalá ng̃

kasawián ko, sa aking pagdaraan sa Babilonia, ay nabatíd ko ang isáng

kakilákilabot na lihim, ang lihim ng̃ dî tunay na Smerdis na nagnakaw

ng̃ kapangyarihan, ang pang̃ahás na magong si Gaumata na namamahalà

sa tulong ng̃ isáng pagdarayà. Sa katakutang isumbóng ko siya kay

Cambises, ay binalak ang aking ikasasawî sa pamagitan ng̃ mg̃a

saserdoteng taga Egipto. Ang mg̃a itó’y siyang nakapangyayari noon

sa aking bayan; dahil sa pag-aarì nilá sa dalawá ng̃ katlóng bahagi

ng̃ mg̃a lupaín, tang̃ìng may hawak ng̃ karunung̃an ay inilulubóg ang

bayan sa kamangmang̃án at sa pagsiil, inilalagmak sa ugaling hamak at

inihahandâ upang huwag marimariman sa pagpapalitpalít ng̃ pang̃inoon.

Ang mg̃a manglulupig ay nanghahawak sa kanilá at sa pagkakilala ng̃

kaniláng maitutulong ay kinakalong silá’t pinayayaman, at ang ilán ay

hindî lamang umalinsunod sa kaniláng máibig kundî nagíng tagaganáp

lamang nilá. Ang mg̃a saserdoteng ehipsiyo ay umalinsunod ng̃ boong

loob sa mg̃a utos ni Gaumata sapagkâ’t akó’y kaniláng kinatatakutan

at upang huwag kong ihayág sa bayan ang kaniláng mg̃a pang-uulól.

Upang masunód ang kaniláng hang̃ád ay ginawâng paraan ang mg̃a udyók

ng̃ pusò ng̃ isáng batang saserdote sa Abidos na inaarìng banal!....

Isáng kahambalhambal na katahimikan ang sumunód sa mg̃a salitâng

itó. Ang ulong yaon ay nagsasalaysay ng̃ ukol sa mg̃a pailalim na

paraan at mg̃a pagdarayà ng̃ mg̃a parì at kahi’t ibáng kapanahunan at

ibáng pananampalataya ang tinutukoy ay nakapagpaparamdám din sa mg̃a

prayleng kaharáp doon sanhî marahil na makikitang ang kinauuwîan ay

kahawig ng̃ kasalukuyang kalagayan. Si P. Salvi, na nang̃ing̃iníg,

ay iginagaláw ang mg̃a labì at sinusundán ng̃ nanglilisig na matá

ang titig ng̃ ulo, na warì’y nakakahalina sa kaniyá. Mg̃a butil ng̃

pawis ay nagsisimulâ na ng̃ pagsipót sa kaniyáng namumutlâng noó,

ng̃unì’t walâng nakababatyág sa gayón, dahil sa lubhâng nang̃alilibáng

at nang̃ing̃ilabot.

--¿At papano ang paraang ginawâ sa iyó ng̃ mg̃a parì sa iyóng

bayan?--ang tanóng ni Mr. Leeds.

Ang ulo’y bumitíw ng̃ isáng kasakitsakit na daíng na warì’y galing

sa kaíbuturan ng̃ pusò at nákita ng̃ mg̃a nanonood na ang kaniyáng

mg̃a matá, ang mg̃a matáng iyón na nagbabaga, ay nawalán ng̃ kináng

at napunô ng̃ luhà. Nang̃iníg ang lahát at naramdamáng nanindíg ang

kaniláng buhók. Hindî, yaon ay hindî dayà, hindî salísalitâ lamang;

ang ulo’y isá ng̃âng ginawán ng̃ kataksilan at ang sinasabi’y ang

tunay niyáng kabuhayan.

--¡Ay!--ang sabi na umilíng ng̃ lubhâng malungkót--akó’y nang̃ing̃ibig

sa isáng dalaga, anák ng̃ isáng parì, na kasinglinis ng̃ liwanag, gaya

ng̃ loto kung bagong namumukadkad! Ninanasà rin namán siyáng kamtán

ng̃ batàng parì sa Abidos at itó’y nagmunakalà ng̃ isáng pagkakaguló

na sinangkalan ang aking pang̃alan at sa tulong ng̃ iláng papiro ko

na naparaanang makuha sa aking irog. Ang kaguluhan ay nangyari ng̃

kasalukuyang si Cambises ay papauwîng nagng̃íng̃itng̃ít dahil sa

kasawîang nangyari sa kaniyáng sinamâng pakikihamok. Akó’y isinakdál

na taksíl, napiít, at sa dahiláng akó’y nakatanan, ay nápatáy akó sa

lawà ng̃ Mœris ng̃ mg̃a umuusig.... Mulâ sa kabilâng buhay ay nakita

kong nanagumpáy ang kabulaanan, nakikita ko ang pag-usig gabí’t araw

ng̃ saserdote sa Abidos sa birheng nagkanlóng sa simbahan ni Isis

sa pulô ng̃ Philœ.... nakikita ko siyáng inuusig at inaapung̃utan

hanggang sa mg̃a ilalim ng̃ lupà, tuligín sa sindák at mg̃a pahirap,

na gaya ng̃ isáng malakíng panikì sa isáng maputîng kalapati.... ¡A!

saserdote, saserdote sa Abidos! nabuhay akóng mulî upang ihayág ang

iyóng mg̃a kataksilan, at makaraan ang mahabàng panahóng pananahimik

ay tinatawag kitáng mámamatay, lapastang̃an sa Dios, mapagparatang!!

Isáng biglâng halakhák, warìng galing sa libing̃an, ang sumunód

sa mg̃a salitâng itó, samantalang ang isáng timpîng boses ay

sumasagót ng̃:

--Hindî ¡mahabág......!

Yaón ay si P. Salvi na punô ng̃ takot ay iniunat ang dalawáng kamáy

at mabubuwal.

--¿Anó mayroon kayó P. Salvi? ¿Masamâ pô ba ang inyóng katawán?--ang

tanóng ni P. Irene.

--Ang init ng̃ salas......

--Ang amóy bangkáy na násasamyô dito.

--¡Mámamatay, mapagparatang! lapastang̃an sa Dios,--ang ulit ng̃

ulo--isinúsuplong kitá, mámamatay, mámamatay, mámamatay!

At mulîng umugong ang halakhák, warìng galing sa libing̃an at

mapagbalà, na warìng dahil sa pagkalulong ng̃ ulo sa pagmamalas sa

mg̃a kaapihán niya’y hindî naaalumana ang kaguluhang naghaharì sa

salas. Si P. Salvi ay lubusan nang nahimatáy.

--¡Mahabág! ¡buháy pa....!--ang ulit ni P. Salvi at nawalán ng̃

diwà. Maputlâng maputlâng warì’y bangkáy. Inakalà ng̃ ibáng babai

na nararapat namáng maghimatáy silá at gayón ng̃â ang ginawâ.

--¡Nahihibáng...... P. Salvi!

--Sinasabi ko na sa kaniyáng huwag kumain ng̃ sopas na pugad ng̃

lang̃aylang̃ayan!--ang sabi ni P. Irene--iyón ang nakasamâ sa kaniyá.

--¡Walâ namáng nakain!--ang sagót na nang̃ang̃atál ni D. Custodio--sa

dahiláng tinitigan siyang mabuti ng̃ ulo, ay nágayuma siyá......

Doon na nagkaguló, ang salas ay warìng _hospital_, isáng parang ng̃

labanán. Si P. Salvi ay warì patáy, at nang makita ng̃ mg̃a babai

na hindî silá dinadaluhán ay minabuti na nilá ang magbalikdiwà.

Samantala ay nagíng abó ang ulo at inilagáy na mulî ni Mr. Leeds

ang kayong itim sa ibabaw ng̃ dulang at yumúyukû sa mg̃a naking̃íg

sa kaniyá.

--Kailang̃ang ipagbawal ang pagtatanghál na itó--ang sabi ni

D. Custodio nang lumálabás--lubhâng napakabandáy at mahalay.

--Lalònglalò na, sapagkâ’t hindî ginagamitan ng̃ salamín--ang dugtóng

ni Ben-Zayb.

Datapuwâ’y ninasàng tingnán niyang mulî bago iwan ang pook na iyon,

tinalón ang halang, lumapit sa dulang at itinaas ang kayo: walâ,

walâ ring gaya ng̃ dati.[1]

Nang kinabukasan ay sumulat ng̃ isáng lathalà na ang tinutukoy ay

ang mg̃a karunung̃ang lihim, ang espiritismo, at ibp.; dalîdalîng

pumanaog ang isáng utos ng̃ gobernador eclesiástico na pinipigil ang

mg̃a palabás; ng̃unì’t walâ na si Mr. Leeds na dinalá sa Hongkong

ang kaniyáng lihim.

[1] Gayon man, si Ben-Zayb ay hindi nálilisya. Ang tatlóng paa ng̃

dulang ay may ukit na siyang dinadaanan ng̃ mg̃a salaming nátatago

sa ilalim ng̃ tuntung̃an at hindi nápupuna dahil sa mg̃a guhit na

paríparisukát ng̃ alpombra. Paglalagáy ng̃ kaha sa ibabaw ng̃ mesa

ay pinipisíl ang isáng _resorte_ at dahandahang tumátaás ang mg̃a

salamín; pagkatapos ay aalisin ang kayo na pag-iing̃atang buhatin

at huwag bataking padausdós at sa gayón ay naaayos ang dulang nang

kagaya ng̃ karaniwang dulang ng̃ mg̃a “ulong nagsasalita”. Ang dulang

ay may butas na lusót sa ilalim ng̃ kaha. Matapos ang pagtatanghal

ay tatakpang mulí ng̃ nagpapalabás ang dulang, pipisilín ang isá

pang resorte at bababa namán ang mg̃a salamín.

Ang "Filibusterismo" (Karugtóng ng Noli Me Tangere) · 第 37 / 78 题