Ang klase ay isáng look na higít ang kahabàan sa kaluwang̃an at may
malalakíng durung̃awáng may karali na pinapasukan ng̃ hang̃in at
liwanag. Sa hinabahabà ng̃ dingdíng na bató ay may tatlóng baitang
na bató na may takíp na dalíg, na punô ng̃ mg̃a nag-aaral na ang
pagkakahanay ay alinsunod sa unang letra ng̃ kaniláng pang̃alan; sa
ibayo ng̃ pasukán, sa ilalim ng̃ isáng larawan ni Santo Tomás de
Aquino, ay nálalagay ang luklukan ng̃ propesor, mataas at may dalawáng
hagdán sa magkabilâng panig. Liban sa isáng magandáng tablero na may
markong narra na hindî halos nagagamit, sapagkâ’t násusulat pa ang
_viva!_ na nákita roon sapol sa araw ng̃ pasukán, doon ay walâng
anománg kasangkapang matinô ó sirâ. Ang mg̃a dingdíng, na pinintahán
ng̃ putî at nátatanggól sa iláng dako ng̃ mg̃a lariong may sarìsarìng
kulay upang maiwasan ang mg̃a pagkakakiskís, ay buhad na buhad; ni
isáng guhit, ni isáng inukit, ni bahagyâng kasangkapan na ukol sa
Písika! Ang mg̃a nag-aaral ay hindî nang̃ang̃ailang̃an ng̃ higít pá sa
roon, walâng nagháhanáp ng̃ pagtuturò sa pamamag-itan ng̃ pagsasanay
sa isáng karunung̃ang lubhâng ukol sa kasanayán; mahabàng panahón
nang gayón ang pagtuturò at hindî naguló ang Pilipinas, kundî patuloy
pá rin ng̃âng gaya ng̃ dati. Maminsan minsan ay bumábabâng buhat sa
lang̃it ang isáng kasangkapan na ipinakikitang malayò sa nag-aaral,
gaya ng̃ pagpapakita ng̃ Santísimo sa mg̃a mapanambáng nang̃akaluhód,
tingnán mo akó ng̃unì’t huwag salang̃ín. Panapanahón, pag nagkakaroon
ng̃ nagtuturòng may magandáng loób, ay nagtatakdâ ng̃ isáng araw sa
loób ng̃ taón upang dalawin ang makababalagháng Gabinete at hang̃àan
mulâ sa labás ang mg̃a kasangkapang dî maturan ang kabuluhán, na
nang̃akalagáy sa loób ng̃ mg̃a kinalalagyán; walâng makadadaíng;
ng̃ araw na iyón ay nakakita ng̃ maraming tansô, maraming bubog,
maraming tubo, bilog, gulóng, kampanà, at ibp.; at hindî na hihigít
pa roón ang pagtatanyág, ni hindî naguguló ang Pilipinas. Sa isáng
dako namán ay alám ng̃ mg̃a nag-aaral na ang mg̃a kasangkapang iyón
ay hindî binilí dahil sa kanilá ¡hindî hang̃ál ang mg̃a prayle!
Ang Gabineteng iyón ay ginawâ upang ipakita sa mg̃a taga ibáng lupà
at sa mg̃a matataás na kawaníng nanggagaling sa España, upang sa
pagkakita noón ay igaláw ang ulo na may kasiyaháng loób, samantalang
ang umaabay sa kanilá’y ng̃uming̃itîng ang ibig sabihin warì’y:
--¡Eh! Inakalà ninyóng ang mátatagpûan ay mg̃a parìng hulí sa
kapanahunan? Kamí ay kapantáy ng̃ mg̃a kasalukuyan; mayroón kamíng
isáng Gabinete!
At isusulat pagkatapos ng̃ mg̃a dayuhan at mg̃a matataás na kawaní,
na pinasalubung̃an ng̃ malugód na pagtanggáp, sa kaniláng _mg̃a
paglalakbáy ó mg̃a tala, na_: _Ang Real y Pontificia Universidad ñg
Sto. Tomás sa Maynila, na pinamamahalaan ñg bihasang orden dominikana,
ay may isáng mainam na Gabinete ñg Písika na ukol sa ikatututo ñg
kabataan... Sa taóntaón ay may dalawáng daa’t limang pu ang nag-aaral
ñg tinurang asignatura, at marahil dalá ñg katamaran, ñg pagwawalang
bahala, sa kauntian ñg kaya ñg indio ó ibá pang sanhing likás sa
kanilá ó bagay na di mawatasan.... hanggáng sa ñgayón ay hindi pa
sumisipót ang isáng kahi’t munti man lamang, na Lavoisier, isáng
Secchi, ni isáng Tyndall, na lahing malayong pilipino._
Datapwâ’y upang mapagkilala ang katotohanan ay sasabihin namin, na
sa Gabineteng itó nag-aaral ang tatló ó apat na pûng pumapasok sa
_ampliación_ sa ilalim ng̃ pamamahalà ng̃ isáng nagtuturòng gumáganáp
namán ng̃ mabuti sa kanyáng tungkulin; ng̃unì’t sa dahiláng ang
lalòng marami sa mg̃a nag-aaral ay galing sa Ateneo Municipal na ang
pagtuturò doon ay sa pagsasanay sa loób ng̃ Gabinete, ay walâ ring
malakíng kabuluhán ang gayóng pangyayari na dî gaya nang kung ang
makasamantalá noon ay ang dalawáng daa’t limang pûng nagbabayad ng̃
kaniláng _matrícula_, bumibilí ng̃ aklát, nang̃ag-aaral at gumugugol
ng̃ isáng taón at walâng namumuang̃an pagkatapos. Ang nangyayari,
liban sa isáng _kapista_ ó utusán na nagíng bantáy ng̃ mahabàng
panahón sa museo, kailán man ay walâng nábalitàng may nápalâ sa mg̃a
isinaulong lisyón na pinagkakahirapan muna bago nátutuhan.
Ng̃unì’t balikán natin ang klase.
Ang katedrátiko ay isáng dominikong batà na tumungkól ng̃ lubhâng
mahigpít at mabantóg sa kaniyang pagtuturò sa iláng kátedra sa
paaralang San Juan de Letrán. Bantóg siyá sa pagkamabuting manalitâ’t
mabuting pilósopo at isá sa mg̃a may mainam na maaasahan sa loob ng̃
kaniyáng pangkátin. Ang mg̃a matatandâ’y may pagting̃ín sa kaniyá at
kinaiinggitán siyá ng̃ mg̃a batà, sapagkâ’t silá man ay mayroon ding
pangkátpangkát. Yaón ang pang̃atlóng taón na ng̃ kaniyang pagtuturò
at kahì’t ng̃ taóng iyón lamang siyá magtuturò ng̃ Písika at Kímika,
ay kinikilala na siyáng marunong, hindî lamang ng̃ mg̃a nag-aaral,
kundî sampû ng̃ mg̃a kagaya niyang palipatlipat na mg̃a propesor. Si
P. Millon ay hindî kabilang ng̃ karamihang sa taóntaón ay palipatlipat
ng̃ kátedra upang magkaroón ng̃ kauntîng pagkabatíd sa karunung̃an,
nag-aaral sa gitnâ ng̃ ibáng nag-aaral, na walâng pagkakaibá kundî
ang pangyayaring íisáng bagay lamang ang pinag-aaralan, tumátanong
at hindî tinátanong, may mahigít na pagkabatíd ng̃ wikàng kastilà at
hindî nililitis pagkatapos ng̃ taón. Hinahalungkát ni P. Millon ang
karunung̃an, kilalá niyá ang Písika ni Aristóteles at ang kay P. Amat;
maing̃at niyang binabasa ang _Ramos_ at maminsanminsán ay tumutungháy
sa _Ganot_. Gayón man ay iginágalaw kung minsán ang ulo na warì’y
nag-aalinlang̃an, máng̃ing̃itî at búbulong ng̃: _transeat_. Tungkol
sa Kímika, ay inaakalàng mayroon siyang dî karaniwang kabatirán sapol
noong, sa pag-alinsunod sa isáng banggít ni Sto. Tomás, na ang tubig
ay isáng halò, ay maliwanag niyang pinatunayan na ang taga lang̃it
na doctor ay nagpáuna ng̃ malakí sa mg̃a Berzelius, Gay Lussac,
Bunsen at ibá pang _materialista_, na pawang may muntî ó malaking
kahambugán. Datapwâ’t kahì’t na nagíng propesor sa _Geografía_ ay
mayroon siyáng mg̃a iláng pag-aalinlang̃an tungkol sa kabilugan ng̃
mundó at gumagamit ng̃ may makakahulugáng ng̃itî pagsasalitâ ng̃
pag-ikit at pagligid sa araw, at binábanggít yaóng:
Ang sa bitûing pagbubulaa’y
Isáng pagbubulaang mainam......
Ng̃umíng̃itîng may pakahulugán sa haráp ng̃ iláng paghahakà tungkol
sa písika at inaakalàng hibáng, kundî mán bang̃áw, ang hesuitang
si Secchi, na umanó’y ang pagputol nitó ng̃ pariparisukát sa ostia
ay anák ng̃ pagkaguló sa astronomía, at dahil doón, ang sabi’y
pinagbawalang magmisa; marami ang nakápuna sa kaniyá ng̃ tila
pagkamuhî sa bagay na itinuturò; ng̃unì’t ang mg̃a kapintasang
itó’y maliliít na bagay, mg̃a himaling sa paraán ng̃ pag-aaral at
pananampalataya, at madalîng malilinawan, hindî lamang sa dahiláng ang
karunung̃an sa písika ay lubós na galing sa kasanayán, sa kábabatyág
at panghihinuha, samantalang siyá’y malakás sa pilosopía, lubós
na ukol sa paghuhulòhulò, sa palagáy at kurò, hindî, sa dahiláng
siya’y mabuting dominiko, na magiliw sa karang̃alan ng̃ kaniyáng
kapisanan, ay hindî mangyayaring malugód sa isáng katarung̃ang hindî
ikinábantog ng̃ isá man sa kaniyáng mg̃a kapatíd--siyá na ang unang
hindî naniniwalà sa kímika ni Sto. Tomás--ng̃unì’t ikinadadakilà
ng̃ ibáng Samaháng kalaban, sabihin na nating katunggalî nilá.
Itó ang propesor ng̃ umagang iyon, na matapos mabasa ang talàan, ay
ipinauulit sa mg̃a tinuturùan ang mg̃a isinaulong lisyón na walâng
labis walâng kulang. Ang mg̃a ponógrapo ay umalinsunod, ang ilán
ay mabuti, ang ibá’y masamâ, ang ibá’y pautal-utál, nag-aanasan.
Ang makapagturing ng̃ walâng malî ay nagtátamó ng̃ isáng _mabuting
guhit_ at _masamang guhit_ ang magkámalî ng̃ higít sa makáitló.
Ang isáng batàng matabâ, na mukhâng nag-aantók at ang mg̃a buhók
ay nang̃agtuwíd at matitigás na warì’y balahibo ng̃ isáng sepilyo,
ay naghikáb ng̃ makalinsád-sihang at nag-inát na iniunat ang mg̃a
kamáy na warì’y nakahigâ pá sa baníg. Nakita ng̃ katedrátiko at
pinag-isipang gulatin......
--¡Oy! ikáw, matutulugín, abá! _cosa?_ _Perezoso también_, siguro
hindî ka marunong ng̃ lisyón, ha?
Hindî lamang hindî pinúpupô ni P. Millón ang lahát ng̃ nag-aaral,
gaya ng̃ sino mang mabuting prayle, kundî kinákausap pa silá ng̃
wikàng tindá, bagay na nátutuhan sa katedrátiko sa Cánones. Kung
sa gayóng pananalitâ ay inakalà ng̃ Reberendo ang kutyâin ang mg̃a
nag-aaral ó ang mg̃a banál na takdâ ng̃ mg̃a _concilio_, ay bagay
na hindî pa napasisiyahán, kahì’t pinagtalunan na ng̃ mahabà.
Ang pagkakatukoy ay hindî ikinamuhî ng̃ mg̃a nag-aaral kundî
ikinagalák pa at marami ang nang̃agtawanan; yaón ay nangyayari sa
araw araw. Gayón mán ay hindî nátawá ang matabâ; biglâng tumindíg,
kinuskós ang mg̃a matá, at warìng mákina ng̃ bapor ang nagpagaláw
sa ponógrapo at sinimulán ang pagsasabi ng̃:
--“Tinatawag na salamín ang lahát ng̃ pamukhâng binuli at nálalaan
upang malarawan sa kaniyá, dahil sa tamà ng̃ liwanag, ang mg̃a larawan
ng̃ bagay na ilapít sa tinurang pamukhâ; dahil sa mg̃a bagay bagay
na bumúbuô ng̃ mg̃a pamukhâng itó ay binabahagi sa salamíng _metal_
at salamíng bubog......”
--¡Hintáy, hintáy, hintáy!--ang biglâng pigil ng̃ katedrátiko--Jesús
para kang pagupak! Tayo’y nasa salitàang ang mg̃a salamín ay
binabahagi sa mg̃a salamíng _metal_ at salamíng bubog ¿ha? At kung
bigyán kitá ng̃ isáng kahoy, ang kamagóng sa halimbawà, na lininis
na mabuti at hinibùan, ó kaputol na marmol na maitím na pinakabuli,
isáng balok na asabatse na másisinagán ng̃ larawan ng̃ mg̃a bagay na
ilagáy sa haráp ¿saang bahagi mo ilálahók ang mg̃a salamíng iyán?
Ang tinanóng, sa dahiláng hindî maalaman ang isásagot ó kayâ’y sa
dahiláng hindî nalinawan ang katanung̃an, ay tumangkâng makalusót sa
pagpapakilalang alám niyá ang lisyón, kayâ’t nagpatuloy na warì’y
bahâ:
--“Ang mg̃a una ay binúbuô ng̃ tansô ó pagkakahalòhalò ng̃ ibá’t
ibáng metal at ang pang̃alawá ay binúbuô ng̃ isáng lapád na bubog
na ang dalawáng mukhâ’y kapwâ kininis at ang isá rito’y may pahid
na tinggáng putî.”
--¡Tum, tum, tum! hindî iyán; _dóminus vobiscum_ ang sinasabi ko sa
iyó at ang isinásagót mo sa akin ay _requiescat in pace_!
At inulit sa wikàng tindâ, ng̃ mabaít na katedrátiko, ang katanung̃an
na linahukán sa bawà’t sandalî ng̃ mg̃a _cosa_ at _abá_.
Hindî makaiwas sa kagipitan ang kaawàawàng binatà: nag-aalinlang̃an
sa kung nárarapat niyáng ihalò ang kamagóng sa mg̃a metal, ang marmol
sa mg̃a bubog at ang asabatse ay iwan sa alang̃anin, hanggáng sa ang
kalapít niyáng si Juanito Pelaez ay bumulóng sa kaniyá ng̃ lihim na:
--Ang salamíng kamagóng ay kasama ng̃ mg̃a salamíng kahoy!
Inulit ng̃ litó nating binatà ang kaniyáng náding̃íg, kayâ’t nag-ihít
sa kátatawa ang kalahatì ng̃ klase.
--¡Ikáw ang mabuting kamagóng!--ang sabi ng̃ katedrátiko na
napilitang tumawa--Tingnán natin kung alín ang tatawagin nating
salamín: ang pamukhâ, _per se, in quantum est superficies_, ó
ang katawáng bumubuô ng̃ ibabaw na itó ó kayâ’y ang bagay na
kinapapatung̃an ng̃ pamukhâng itó ang pinagbuhatang bagay, na náiba
dahil sa pagkakabago sa kaniyá ng̃ tinatawag na pamukhâ, sapagkâ’t
maliwanag na, sa dahiláng ang pamukhâ ay kabaguhan ng̃ mg̃a katawán,
ay hindî mangyayaring mawalán ng̃ kabagayán. Tingnán natin ¿anó ang
sabi mo?
¿Akó? ¡walâ! ang isásagót sana ng̃ kahabághabág na hindî na maalaman
kung anó ang pinagsasalitàan dahil sa karamihan ng̃ mg̃a pamukhâ at
mg̃a pagbabagong bumabayóng masakít sa kaniyáng taing̃a; ng̃unì’t
nakapigil sa kaniyá ang udyók ng̃ kahihiyán, kayâ’t balót kahapisan
at pinapawisan na, noong inulit ng̃ marahan:
--“Tinatawag na salamín ang lahát ng̃ pamukhâ na binuli....”
--_Ergo, per te_, ang salamín ay ang ibabaw,--ang dukit ng̃
katedrátiko.--Kung gayón ay linawin mo sa akin ang ganitóng bagay.
Kung ang pamukhâ ay siyáng salamín, ay ibá sa kabagayán ng̃ salamín
ang ano mang nálalagáy sa líkurán, sa dahiláng ang nasa likód ay hindî
makapagbabago sa nasa sa harapán, _id est_, ng̃ ibabaw, _quæ super
faciem est, quia vocatur superficies facies ea quæ supra videtur_;
pinaayunan mo ó hindî?
Lalò pang nanindíg ang buhók ng̃ kaawàawàng binatà, na warì pinakilos
ng̃ isáng malakás na galáw.
--¿Pinaayunan mo ó hindî?
--Kahì’t na anó, ang ibigin pô ninyó, Padre, ang inaakalà niyang
isagót, ng̃unì’t hindî makapang̃ahás na turan ang gayón, dahil sa
natatakot siyang mang̃agtawanan. Yaon ang matatawag na kagipitan at
kailan pa man ay hindî pa siyá nápapasok sa gayóng kahigpít. May-roon
siyang muntîng gunitâ na hindî mapapaayunan ang kahì’t nápakaliít
na bagay sa mg̃a prayle, na hindî nilá pinalalabasán ng̃ lahát ng̃
pangyayari at kapakinabang̃áng mahahakà, kundî’y magsabi na ang
kaniláng mg̃a lupaíng arì at mg̃a kurato. Kayâ’t ang iniuudyók ng̃
kaniyáng anghel na tagá pag-adyá ay ipagkaít ng̃ boong tibay ng̃
kaluluwá at katigasán ng̃ kaniyáng buhók ang ano máng bagay, at
handâ nang bumitíw ng̃ isang matindíng _¡nego!_, sa dahiláng ang
hindî umaamin ng̃ anoman ay walâng tinatanggáp, ang sabi sa kaniyá
ng̃ isáng kawaní sa hukuman; datapwâ’y ang masamâng ugalìng hindî
nakiking̃íg sa udyók ng̃ sariling budhî, ang dî pananalig sa mg̃a
taong nakaáalám ng̃ kautusán at ang paghanap ng̃ abuloy sa ibá,
gayóng sukat na ang kaniyáng sarili, ay siyang sa kaniyá’y sumirà.
Hinuhudyatán siyáng umayon ng̃ mg̃a kasama, lalò na si Juanito
Pelaez, at sa pagpapadalá sa masamâ niyáng kapalaran, ay bumitíw ng̃
isáng _umaayon po akó, Padre_ na ang boses ay malamlám na warìng
ang tinuran ay _In manus tuas commendo spiritum meum_.
--_Concedo antecedentum_--ang ulit ng̃ nagtuturò na ng̃umitî ng̃
may kahulugán--_ergo_, maaarìng kayurin ko ang tinggáng putî ng̃
isáng salamíng bubog, palitán ng̃ kaputol na bibingka at mayroon
din tayong salamín, ¿ha? ¿Anó, magkakaroon tayo?
Ang binatà’y tuming̃ín sa mg̃a nagsusuplóng sa kaniyá, ng̃unì’t nang
mákitang silá’y pawàng gulilát din at hindî maalaman ang turan, ay
nálarawan sa kaniyáng mukhâ ang mapaít na pagsisisi. _Deus meus,
Deus meus, quare dereliquiste me_, ang ipinahahayag ng̃ kaniyáng
hapís na paning̃ín samantalang ang kaniyáng mg̃a labì’y bumibigkás
ng̃ _¡linintikán!_ Walâng nangyari sa kaniyáng káuubó, binatak ang
petsera ng̃ kaniyáng barò, itatayô ang isáng paa, pagkatapos ay ang
isá namán, walâng mátagpông kalinawan.
--Siya, ¿may anó tayo?--ang ulit ng̃ nagtuturò na nagtátalík sa
bung̃a ng̃ kaniyáng tinuran.
--_¡Ang bibingka!_--ang bulong ni Juanito Pelaez--_¡ang bibingka!_
--¡Tumigil ka, hang̃al!--ang sigáw na tulóy ng̃ dî magkangtututong
binatà na ibig ng̃ maiwasan ang kagipitan sa paraang mang-away.
--¡Tingnán natin, Juanito, kung mapaliwanagan mo ang bagay na
itó!--ang tanóng ng̃ katedrátiko kay Pelaez.
Si Pelaez, na isá sa mg̃a kinagigiliwan niyá, ay dahandahang tumindíg,
ng̃unì’t sinikó muna si Plácido Penitente na siyáng sumúsunod sa
lagáy sa talàan. Ang ibig sabihin ng̃ pag-sikó ay:
--¡Huwag kang máliling̃át at tambisán mo akó!
--¡_Nego consecuentiam_, Padre!--ang sagót na walâng kagatol-gatól.
--¡Ahá, kung gayó’y _probo consecuentiam_! _Per te_, ang makintáb
na ibabaw ay siyáng tunay na salamín.
--_¡Nego suppositum!_--ang putol ni Juanito ng̃ mâramdamáng binabatak
siyá ni Plácido sa amerikana.
--¿Papaano? _Per te_......
--_¡Nego!_
--_Ergo_ ¿inakalà mo na ang nasa likurán ay nagiging sanhî ng̃ nasa
haráp?
--_¡Nego!_--ang sìgaw na lalò pang malakás, dahil sa pagkakáramdám
ng̃ isá pang batak sa kaniyáng amerikana.
Si Juanito, ó lalóng tumpák si Plácido, na siyáng tumátambís, ay
hindî nakahahalatâng ang ginagamit niyáng kaparaanan ay ang sa insík:
huwág tumanggáp ng̃ isá mang dayuhan upang huwag siyang masalakay.
--¿Papaano ba tayo?--ang tanóng ng̃ nagtuturô na may kaontîng
kalituhán at dî mápalagáy, na tinitingnán ang ayaw magparaang
nag-aaral--¿nagbíbigay sanhî ó hindî sa harapán ang bágay na nasa
likurán?
Sa tiyák na katanung̃ang itó, na maliwanag, na warì’y _ultimatum_, ay
hindî maalaman ni Juanito ang isagót at walâ namáng iudyók sa kaniyá
ang kaniyáng amerikana. Walâng mápalâ sa káhuhudyát kay Plácido;
si Plácido ay alinlang̃an. Sinamantalá ni Juanito ang sandalíng
pagkakáting̃ín ng̃ katedrátiko sa isáng nag-aaral, na palihím na
inalís sa paa ang mahigpít na sapíng suot, at niyapakang malakás si
Plácido na sabáy ang sabing:
--¡Tambisán mo akó, sulong, tambisán mo akó!
--_Distingo_.... ¡Aray! ¡nápakahayop ka!--ang sigáw na hindì kinukusà
ni Plácido na tinitingnáng pagalít si Juanito, samantalang hinihipò
ang kaniyáng sapatos na tsarol.
Náding̃íg ng̃ parì ang sigáw, nakita silá’t nahulàan ang nangyayari.
--¡Oy, ikáw, _espíritu sastre_!--ang sabi--hindî ikáw ang tínátanóng
ko, ng̃unì’t yayamang ginawâ mo ang magligtás sa ibá, ay tingnán
natin, iligtás mo ang katawán mo, _salva te ipsum_, at paliwanagan
mo sa akin ang likwád.
Magalák na umupô si Juanito at katunayan ng̃ kaniyáng utang na loob
ay pinanglawitán ng̃ dilà ang tumatambís sa kaniyá. Samantala namáng
itó, namumulá dahil sa kahihiyán, ay tumindíg at bumulóng ng̃ dî
malinawang mg̃a dahilán.
Tinaya siyáng sandalî ni P. Millón, kagaya ng̃ lumálasap sa ting̃ín
ng̃ isáng kakanín. ¡Kay inam marahil ng̃ pang̃ayumpapàin at ilagáy sa
kahihiyán ang binatàng iyóng magara, kailán ma’y mainam ang bihis,
taás ang ulo at aliwalas ang paning̃ín! Isá ring kaawâáng gawâ ang
gayón; kayâ’t ipinatuloy ng̃ boong pusò ng̃ nagtuturò ang gawâin,
na maliwanag na inulit ang katanung̃an:
--Sinasabi ng̃ aklát na ang mg̃a salamíng metal ay binubuô ng̃ tansô
ó pagkakahalò ng̃ ibá’t ibáng metal totoo ó hindî?
--Sinasabi ng̃ aklát, Padre......
--_Liber dixit ergo ita est_; hindî mo nasà ang dumunong pá kay sa
aklát....--At pagkatapos ay idinugtóng, na, ang mg̃a salamíng bubog
ay binúbuô ng̃ isáng palás na bubog, na ang dalawá niyang mukhâ ay
kininis at ang isá sa kanilá ay may pahid na ginilong na tinggâng
putî,--_¡nota bene!_ isáng ginilong na tinggâng putî. ¿Tunay ba itó?
--Kung sinasabi ng̃ aklát, Padre......
--¿Ang tinggâng putî ay metal?
--Tila pô, Padre; sinasabi ng̃ aklát......
--Metal ng̃â, metal ng̃â, at ang ibig sabihin ng̃ salitâng ginilong
ay ang pagkakahalò niya sa asoge na isá ding metal. _Ergo_ ang isáng
salamíng bubog ay isáng salamíng metal; _ergo_ ang mg̃a pagkakabahagi
ay hindî maliwanag, _ergo_ ang pagiibáibá ay masamâ, _ergo_....
¿Papaano ang pagpapaliwanag mo, _espíritu sastre_?
At tinindihán ang mg̃a _ergo_ at ang mg̃a _mo_ ng̃ boong diín at
ikinindát ang matá na warìng ang ibig sabihin, ay: ¡lutô ka na!
--Itóng.... ang ibig sabihin ay itóng....--ang bulóng ni Plácido.
--Kung gayón ay hindî mo nawatasan ang lisyón, budhîng abâ, na walâng
namumuwang̃an ay sumúsulsól sa kapwà.
Ang boông klase ay hindî nagdamdám sa gayón, inarì pang mainam ng̃
marami ang pagkakátulâ, kayâ’t nang̃agtawanan. Kinagát ni Plácido
ang kaniyáng mg̃a lábì.
--¿Anó ang pang̃alan mo?--ang tanóng ng̃ parì.
Matigás na sumagót si Plácido.
--¡Ahá! Plácido Penitente, mukhâ ka pang Plácido Soplón ó Soplado.
Ng̃unì’t bibigyán kitá ng̃ _penitencia_ dahil sa iyong mg̃a
_sopladuría_.
At siyáng siya sa kaniyáng mg̃a pasalisalikwát na pananalitâ, ay
ipinag-utos kay Plácido na sabihin ang lisyón. Sa kalagayang yaón
ng̃ binatà ay nagkaroón ng̃ mahigít na tatlóng malî. Nang makita ang
gayón ng̃ parìng nagtuturò ay itinang̃ôtang̃ô ang ulo, binuksáng dahan
dahan ang talàan at banayad na banayad na tinunghán, samantalang
binabanggít na marahan ang mg̃a pang̃alan.
--Palencia.... Palomo.... Pang̃aniban.... Pedraza.... Pelado....
Penitente, ¡ahá! Plácido Penitente, labíng limáng araw na kusàng
pagkukulang sa pagpasok.
Si Plácido ay umunat:
--¿Labíng limáng pagkukulang, Padre?
--Labíng limáng kusàng pagkukulang sa pagpasok--ang patuloy ng̃
nagtuturò--Kung gayó’y isá na lamang ang kulang upang maalís sa
talàan.
--¿Labíng limáng pagkukulang, labíng limá?--ang ulit ni Plácido na
nagugulumihanan--makaapat pa lamang akóng nagkukulang at kung bagá
mán ay ng̃ayón ang ikalimá.
--_¡Husito, husito, señolía!_--ang sagót ng̃ parì, na minasdán ang
binatà sa ibabaw ng̃ kaniyáng salamíng may kulob na gintô.--Kiníkilala
mong nagkulang ka ng̃ makálima, at ang Dios lamang ang nakababatíd
kung hindî ka nagkulang ng̃ higít pa sa roon! _Atqui_ sa dahiláng
bihirà kong basahin ang talàan at sa bawà’t pagkahuli ko sa isá ay
nilalagyán ko ng̃ limáng guhit, _ergo_ ¿ilán ang makálimang limá?
¡Nakalimot ka na marahil ng̃ multiplicar! ¿Makálimang limá ay ilán?
--Dalawáng pû’t limá.
--_¡Husito husito!_ Sa gayón ay nakalamáng ka pa ng̃ sampû sapagkâ’t
makáitlo lamang kitáng náhuli sa pagkukulang.... ¡Uy! kung náhuli
kita sa lahát ng̃ pagkukulang mo, a.... At ¿ilán ang makáitlóng limá?
--Labíng limá......
--Labíng limá, _parejo camarón con cangrejo_!--ang tapos ng̃ nagtuturò
na itinupî ang talàan--pag nagkábisô ka pang minsán ay, sulong!
_¡apuera de la fuerta!_ ¡Ah! at ng̃ayón ay isáng pagkukulang sa
lisyón sa araw araw.
At mulîng binuksán ang talàan, hinanap ang pang̃alan at linagyán
ng̃ isáng muntîng guhit.
--¡Siyá, isáng muntîng guhit!--ang sabi--pagkâ’t walâ ka pá ni isá
man lamang!
--Ng̃unì’t Padre--ang sabi ni Plácido na nagpipigil pá--kung lalagyán
po ninyó akó ng̃ pagkukulang sa lisyón, Padre, ay dapat pô namán,
Padre, na alisín ninyó ang pagkukulang ko sa pagpasok na inilagáy
ninyó ng̃ayón sa akin.
Ang parì ay hindî sumagót; inilagáy munang dahandahan ang pagkukulang,
tiningnáng ikiniling ang ulo--marahil ay mainam ang pagkakaayos ng̃
guhit--tiniklóp ang talàan at pagkatapos ay pakutyâng tumanóng:
--¡Abá! at ¿bakit _ñol_?
--Sapagkâ’t hindî malilirip, Padre, na ang isáng tawo’y magkulang sa
pagpasok at makapagbigáy ng̃ lisyón.... ang sabi pô ninyó, Padre,
ay, ang naroon at ang walâ......
--¡Nakú! metápisiko pá, ¡walâ pa lamang sa panahón! Hindî malilirip,
ha? _Sed patet experientia_ at _contra experientiam negantem,
fusílibus est arguendum_, alám mo? At hindî mo malirip, pilósopo, na
mangyayaring magkásabáy na magkulang sa pagpasok at hindî mátuto ng̃
lisyón? ¿Dî yatà’t ang hindî pagpasok ay katuturán na ng̃ karunung̃an?
¿Anó ang sasabihin mo pilosopastro?
Ang hulíng binyág na itó’y siyang nagíng paták na nakapagpaapaw sa
sisidlán. Si Plácido, na kinikilalang pilósopo ng̃ kaniyáng mg̃a
kaibigan, ay naubusan ng̃ pagtitiís, inihagis ang aklát, tumindìg
at hinaráp ang parìng nagtuturò:
--¡Sukat na, Padre, sukat na! Maaarì pong lagyán ninyó akó ng̃ mg̃a
pagkukulang na ibig ninyóng ilagáy, ng̃unì’t walâ pô kayóng karapatáng
lumait sa akin. Maiwan kayó sa inyóng klase, sapagkâ’t hindî na akó
makapagtitiís pá.
At umalís na ng̃ walâng paalam.
Ang boông paaralán ay nasindák: ang gayóng pagpapakilala ng̃
karang̃alan ay hindî pa halos nákikita: ¿sino ang makaákalà na si
Plácido Penitente....? Ang parìng nagtuturò, na nabiglâ, ay nápakagát
labì at minasdán siyá sa pag-alís na itinátang̃ô ang ulo na may
pagbabalà. Ang boses ay nang̃ing̃iníg na sinimulán ang sermón na ang
salaysayin ay ang dati rin, kahi’t lalòng malakás at lalòng mapusók
ang pang̃ung̃usap. Tinukoy ang nagsisimulâng pagmamataás, ang dî
pagling̃ap ng̃ utang na loob sapol pagkatao, ang kapalalùan, ang
dî paggaláng sa mg̃a nakatataas, ang kapalalùang iniuudyók sa mg̃a
binatà ng̃ sitán ng̃ kadilimán, ang kakulang̃án sa pinag-aralan, ang
kadahupán at ibp. Matapos iyon ay tumulóy namán sa pagpaparunggít at
pagkutyâ sa hang̃ád ng̃ iláng _sopladillo_ na magturò pá sa kaniláng
mg̃a gurô at magtátayô ng̃ isáng akademia na ukol sa pagtuturò ng̃
wikàng kastilà.
--¡Ha, ha!--aniyá--iyáng mg̃a kamakalawá lamang ay babahagyáng
makabigkás ng̃ _si, Padre, no, Padre_ ¿ay ibig páng lumalò sa mg̃a
inubanan na sa pagtuturò? Ang sadyâng ibig matuto ay natututo mayroon
man ó walâng mg̃a akademia! ¡Marahil iyán, iyáng kaáalis pa lamang,
ay isá sa mg̃a may panukalà! ¡Kay inam ng̃ kalalabasán ng̃ wikàng
kastilà sa mg̃a ganyáng tagapagtanggól! ¿Saáng kayó kukuha ng̃
panahóng ipaparoon sa Akademia sa halos kinákapós kayó sa ikagáganap
sa kailang̃an ng̃ klase? Ibig naming matuto kayó ng̃ wikàng kastilà
at masalitâ ninyóng mabuti upang huwág ninyóng siràin ang aming
taing̃a sa inyóng mg̃a gawî at inyóng mg̃a pe, ng̃unì’t una muna
ang katungkulan bago ang pagdadasál; tumupád muna kayó sa inyóng
pag-aaral at sakâ kayó mag-aral ng̃ wikàng kastilà at pumasok pa
kayóng mánunulat kung ibig ninyó.
At nagpatuloy sa gayóng kásasalitâ hangáng sa tumugtóg ang kampana
at natapos ang klase, at ang dalawáng daan at tatlóng pû’t apat na
nag-aaral, matapos makapagdasál, ay umalìs na walâ ring namumuwang̃áng
kagaya ng̃ pumasok, ng̃unì’t nang̃agsihing̃áng warì’y naalisán ng̃
isáng malakíng pataw sa katawán. Ang bawà’t isá sa mg̃a binatà’y
nawalán ng̃ isáng oras pa sa kaniyáng pamumuhay at kasabáy noón ang
isáng bahagì ng̃ karang̃alan at pagpapahalagá sa sarili, ng̃unì’t
sa isáng dako namán ay nararagdagán ang panghihinà ng̃ loob, ang
dî pagkagiliw sa pag-aaral at ang mg̃a pagdaramdám ng̃ mg̃a pusò.
¡Matapos itó’y hing̃án silá ng̃ karunung̃an, karang̃alan, pagkilala
ng̃ utang na loob!
--_¡De nobis post hæc, tristis sententia fertur!_
At gaya rin ng̃ dalawáng daa’t tatlóng pû’t apat na itó’y dinaán ang
mg̃a oras ng̃ kaniláng klase ng̃ libo at libong nag-aral na náuna
sa kanilá, at, kung hindî maaayos ang mg̃a bagaybagay, ay dáraan
ding gayón ang mg̃a súsunod at magiging mg̃a bating̃ól, at ang
karang̃alang sinugatan at ang sigabóng ligáw ng̃ kabatàan ay magiging
pagtataním at katamaran, na gaya ng̃ mg̃a alon, na nagiging maputik
sa iláng poók ng̃ dalampasigan, na sa pagsusunuran ay lalò’t lalò
pang lumalapad ang naiiwanan ng̃ yagít. Datapwâ’y, Yaóng mulâ sa
walâng katapusan ay nakakikita sa mg̃a ibubung̃a ng̃ isáng kagagawán
na nakakalás na warì’y sinulid, Yaóng tumitimbang ng̃ mg̃a sandalî
at nagtakdâ sa kaniyáng mg̃a nilaláng na ang unang batás ay ang
paghanap ng̃ ikasusulong at ng̃ kawastûán, Yaóng, kung tapát, ay
híhing̃î ng̃ pagtutuús sa dapat hing̃án, ng̃ dahil sa mg̃a yutàyutàng
pag-iisip na pinalabò at binulag, ng̃ dahil sa karang̃alang pinawì
sa yutàyutàng tao at ng̃ dahil sa dî mabilang na panahóng lumipas
at gawâng nawalân ng̃ kabuluhán! At kung ang mg̃a turò sa Ebanhelio
ay may tining na katotohanan, ay mananagót dín ang mg̃a yutàyutàng
hindî nang̃atutong itagò ang liwanag ng̃ kaniyáng pag-iisip at ang
karang̃alan ng̃ kaniyáng budhî, gaya rin namán ng̃ pag-uusisà ng̃
pang̃inoon sa alipin nang salapîng ipinanakaw niyá dahil sa karuwagan!