Ang kataastaasang Capitan General at Namamahalà sa Kapulùang Pilipinas
ay nang̃aso sa Busóbusó.--Ng̃unì’t sa dahiláng may abay na isáng
bandang músika (sapagka’t ang gayóng kataás na tao’y hindî dapat
máhulí sa mg̃a santóng kahoy na ipinagpuprusisyón) at sa dahiláng
ang pagkagiliw sa dî matingkalâng arte ni Sta. Cecilia ay hindî pa
laganap sa ugalì ng̃ mg̃a usá at baboy-damó sa Busóbusó, ay walâng
nahuli ni isá mang dagâ, ni ibon, ang General na may kasamang banda
ng̃ músika at kaalakbáy na mg̃a prayle, mg̃a militar at mg̃a kawaní.
Inakalà na ng̃ mg̃a may kapangyarihan sa lalawigan na may maaalis
sa katungkulan ó kayâ’y malilipat; ang mg̃a kaawàawàng kapitán sa
bayan at mg̃a kabisa ay hindî nang̃ápalagáy at hindî nang̃ákatulóg
sa pang̃ang̃anib na baká masumpung̃án ng̃ maalindog na máng̃ang̃asó
ang ipalít silá sa mg̃a hayop sa gubat na hindî marunong umalinsunod,
gaya ng̃ ginawâ na ng̃ isáng _alcalde_ noóng mg̃a nakaraáng araw
na napapasán sa tao, sa boô niyáng paglalakbáy, sapagkâ’t walâng
mabaít na kabayong maaásahang hindî magbabagsák sa kaniyá. May isáng
balitàng kumalat na mayroón ng̃âng gagawín ang General sapagka’t
ang gayóng pangyayari umanó ay isáng simulâ ng̃ paghihimagsík na
dapat sugpûín kaagád: na ang isáng pang̃ang̃asong walâng náhuli ay
makasisirâ sa karang̃alan ng̃ mg̃a kastilà, at ibp., at humanap na
tuloy ng̃ isáng kahabaghabág na taong papagsusuutín ng̃ suot usá,
nang sinabi ng̃ General (sa udyók ng̃ isáng pagkahabág na hindî
natimbang̃án ni Ben Zayb ng̃ salitâng pagpuri) at pinawì ang lahát
ng̃ pang̃ambá at sinabi, na siyá’y naaawàng pumatáy ng̃ mg̃a hayop
sa gubat.
Kung ipagtatapát ay sadyâ ng̃âng nasisiyahang loob ang General at
_inter se_ ay nalulugód siyá, sa dahiláng ¿anó ang nangyari sana
kung hindî tumamà sa pagtudlâ sa isáng usá na hindî nakababatíd ng̃
ugalìng dapat ipamalas sa mg̃a gayóng kaparaanan? ¿saán masasadlák
ang karang̃alan ng̃ nakapamamahalà? ¿Bákit? ¡Isá ba namáng Capitang
General ang hindî tumamà na warì’y bagong nang̃ang̃aso! ¿anó na
lamang ang wiwikàin ng̃ mg̃a indio, na, sa kanilá’y mayroón din
namáng iláng mabuting manudlâ? Málalagáy sa kapang̃aniban ang tíbay
ng̃ Inang bayan.....
Yaón ang sanhî kung kayâ’t ipinag-utos ng̃ General (na nakatawa ng̃
tawang koneho at anyông mang̃ang̃asong masamâ ang loób) ang pagbabalík
kaagád sa Los Baños, at ipinaghambóg, sa paglalakbáy, ang kaniyáng
kagiting̃an sa pang̃ang̃aso sa ganitó ó gayóng páng̃asuhán sa España
at warìng ibig ipahiwatig ang pag-alipustâ niyá sa mg̃a pang̃ang̃aso
sa Pilipinas, bagay na inaakalàng kapit sabihin dahil sa nangyari;
¡psé! ang paliligò sa Dampalít (daáng paliit), ang sigang̃an sa
baybay ng̃ lawà, ang paglalarô ng̃ _tresillo_ sa palasyo at pagdayo
sa gayón ó ganitong kalapít na binúbulusán ng̃ tubig ó sa lawàng
kinalalagyán ng̃ mg̃a buwaya ay mainam pá kay sa roón at hindî pá
mápapará ang karang̃alan ng̃ inang bayan.
Nang isá sa mg̃a hulíng araw ng̃ buwan ng̃ Disiembre ay nakikipaglarô
ng̃ _tresillo_ ang Capitang General samantalang inaantáy ang oras
ng̃ pananghalìan. Katatapos pá lamang niyáng maligò at pag-inom ng̃
isáng basong sabáw at lamán ng̃ buko, kayâ’t ang mg̃a sandalîng
iyón ay siyáng bagay samantalahín sa paghing̃î ng̃ mg̃a biyayà.
Isá pang nakapagpaparagdág sa kaniyang katuwâan ang pananalo,
sapagkâ’t pinupunyagî ni P. Irene at ni P. Sibyla, na kaniyang mg̃a
kalaban, ang lihim na pagpapataló, samantala namáng si P. Camorra
ay nagng̃íng̃itng̃ít sapagkâ’t, sa dahiláng karáratíng pa lamang
ng̃ umagang yaón ay hindî niyá batíd ang mg̃a pakanáng iyón. Sa
dahiláng pinagbubuti ng̃ parìng-artillero ang pakikipaglarô ay
namúmulá at nápapakagát labì sa tuwîng malilibáng ó mámamalî sa
pagsugál si P. Sibyla, ng̃unì’t hindî siyá makaimík dahil sa malakí
niyáng pag-aalang-alang sa dominiko; datapwâ’y si P. Irene namán ang
pinagbubuntuhán niyá ng̃ galit, sapagkâ’t ipinagpápalagáy niyáng
mapagpusà at sa gitnâ ng̃ kaniyáng kabuhalhalan ay dî binibigyáng
halagá. Hindî man lamang siyá tinitingnán ni P. Sibyla: binabayàan
siyáng mag-uung̃ól; datapwâ si P. Irene, sa dahiláng mapakumbabâ,
ay humihing̃îng tawad samantalang hinihimas ang tungkil ng̃ mahabà
niyáng ilóng. Ang General namán ay nagagalák at sinasamantalá ang
pagkakámalî ng̃ kaniyáng mg̃a kalaban, sapagkâ’t siyá’y mabuting
magparaán, alinsunod sa payo ng̃ kanónigo. Hindî batíd ni P. Camorra
na ang pinaglalaruán sa ibabaw ng̃ dulang na iyón ay ang ikalulusog
ng̃ pag-iisip ng̃ mg̃a pilipino, ang pagtuturò ng̃ wikàng kastilà,
sapagkâ’t kung nalalaman niyá, ay malugód sanang nakihalò sa _láruan_.
Sa mg̃a durung̃awáng bukás ay pumapasok ang malinis at masaráp na
simoy at nátatanaw ang lawà, na ang kaniyáng tubig ay mahinhíng
bumúbulong, sa paanan ng̃ bahay, na warìng nang̃ang̃ayumpapà. Sa
dakong kanan, sa malayò, ay nátatanáw ang pulông Talím na lubhâng
bugháw; sa gitnâ ng̃ lawà at halos katapát lamang ay may isáng
pulông kulay dahon, ang pulô sa Kalambâ, na walâng tao at ang ayos
ay warìng kabiyak na buan; sa kaliwâ, ang magandáng pángpang̃in na
nahihiyasán ng̃ kakawayanán, isáng bundók bundukang tanáw ang boong
lawà, malalawak na bukirín, sa dako pá roon ay bubóng na sagà sa mg̃a
pagitan ng̃ kulay na berdeng maitímitím ng̃ mg̃a dahon, pagkatapos
ay ang bayang Kalambâ at sa hulíng dakong abót ng̃ tanáw ay warìng
bumábabâ ang lang̃it sa tubig ng̃ lawà na anyông dagat, na siyáng
sanhîng tawagin siyáng “dagat na tabáng” ng̃ mg̃a taga roon.
Sa isáng dulo ng̃ salas ay nároroon ang kalihim na nakaupô sa haráp
ng̃ isáng mesa na kinapapatung̃an ng̃ iláng putol na papel. Ang
General ay masipag at hindî niya ibig ang mag-aksayá ng̃ panahón,
kayâ’t tinatapos ang iláng gáwàin samantalang nag-aalkalde sa tresillo
ó samantalang namimigáy ng̃ baraha.
Samantala namáng naglalarùan ay naghihikáb at nabubugnót ang kalihim.
Ang ginágawâ sa umagang iyon ay ang pagpapalitpalit ng̃ bayang dapat
kalagyán ng̃ mg̃a kawaní, mg̃a pag-aalís sa katungkulan, pagpapatapon
sa malayòng lupà, pagbibigáy ng̃ biyayà at ibp., ng̃unì’t hindî
pá dumárating sa malakíng usapang inaantáy ng̃ lahát, ang ukol sa
kahiling̃an ng̃ mg̃a nag-aaral na pahintulutan siláng makapagtayô
ng̃ isáng Academia ng̃ wikàng kastilà.
Ang isáng kawaníng may mataas na katungkulan, si don Custodio at
isáng prayleng nakatung̃ó at warìng may iniisip ó may kabigatan
ang loob (P. Fernandéz ang kaniyáng pang̃alan) ay nang̃agtatalong
marahan ang usapan, samantalang payao’t dito silá sa dalawáng dulo
ng̃ salas. Sa isáng silíd na kalapít ay nádiding̃íg ang tunóg ng̃
mg̃a bola ng̃ billar, tawanan, halakhakan, ang boses ni Simoun;
itó’y nakikipagbillar kay Ben Zayb.
Si P. Camorra ay bigláng nagtindíg.
--¡Si Cristo na ang makisugal sa inyó, _puñales_!--ang pabulalás na
sabing kasabáy ang paghahagis ng̃ mg̃a barahang nálalabí sa kaniyá,
sa ulo ni P. Irene--¡puñales! ang tayâ ay sigurong siguro na, kundî
man ang _codillo_, at natalo pá dahil sa tawag! ¡Puñales! si Cristo
na ang makisugal!
At galít na galít na isinasalaysáy sa lahát ng̃ naroroon ang
pangyayari, lalòng lalò na sa tatlóng naglalakád, na warìng siyáng
ibig niyang pahatulin. Sumúsugal ang General, siyá ay laban, may
tiklóp na si P. Irene: humatak siyá sa espada at ¡puñales! hindî
pinasunód ng̃ kamoteng si P. Irene ang kaniyáng masamâng baraha. ¡Si
Cristo na ang makilarô! Siya’y hindî naparoon doon upáng magpatalo
ng̃ salapî at durugin ang kaniyáng ulo sa walâng kapararakan.
--Ang akalà marahil ng̃ neneng itó--ang patuloy na námumulá--ay
kinikita ko ang salapî ng̃ papalikwatlikwat lamang. ¡Ng̃ayón pá
namáng ang aking mg̃a tao’y nang̃agsisitawad na!
At umuung̃ol na tumung̃o sa kinalalagyán ng̃ billar, na, hindî
na pinakinggán ang mg̃a hing̃îng ipagpaumanhín ni P. Irene na
nagtatangkâng mang̃atwiran sa tulong ng̃ paghaplós ng̃ ilóng.
--¿Ibig pô bá ninyóng umupô, P. Fernandez?--ang tanóng ni P. Sibyla.
--Masamâng manglalarò akó ng̃ _tresillo_--ang sagót ng̃ prayle.
--Kung gayó’y paparituhin si Simoun--ang sabi ng̃ General--¡eh!
Simoun, eh, mister! ¿ibig bagá ninyóng makilahók sa isáng larô?
--¿Anó ang ipasisiyá tungkól sa mg̃a “armas de salón”?--ang tanóng
ng̃ kalihim na sinamantalá ang pagkakáhintô.
Dumung̃aw si Simoun.
--¿Ibig bagá ninyóng maupô sa lagáy ni P. Camorra, ginoong Simoun?--ang
tanóng ni P. Irene--ang itatayâ ninyó’y brillante at hindî tantós.
--Walâng kailang̃an sa akin ang gayón--ang sagót ni Simoun na lumapit
at ipinapagpág ang yeso na nasa kaniyáng kamáy--at kayó ¿anó ang
inyóng itátayâ?
--¿Anó bá ang maitatayâ namin?--ang tugón ni P. Sibyla--Ang General
ay makatátayâ ng̃ maibigang itayâ, ng̃unì’t kamí, mg̃a parì, mg̃a
_sacerdote_......
--¡Bah!--ang putol na pakutyâ ni Simoun--ang ibabayad ninyóng dalawá
ni P. Irene ay mg̃a kaawànggawâ, panalang̃in, kabaitan, ¿anó?
--Batíd ninyóng ang mg̃a kabaitang tagláy ng̃ isá’t isá--ang talád na
walâng halòng birò ni P. Sibyla--ay hindî kagaya ng̃ mg̃a brillante na
maaarìng másalin sa ibá’t ibáng kamáy, ipagbilí na sa isá’t ipagbilí
pa nitó.... yaón ay dalá ng̃ tao, mg̃a bagay na hindî málalayô sa
katawán......
--Kung gayón ay papayag akóng sa salitâ na lamang ninyó akó
bayáran--ang paklíng masayá ni Simoun--Kayó P. Sibyla sa bawà’t limáng
tantós na ibíbigay ninyó sa akin ay sasabihin na lamang ninyó, sa
halimbawà: lilimutin kong limáng araw ang karálitàan, ang kababàang
loob, ang pagkamasunurin.... kayó namán P. Irene: lilimutin ko
ang kalinisang ugalì, ang pagkamahabagin, at ibp. Nakita na ninyó
na napakauntîng bagay, at akó, ang ibibigáy ko’y ang aking mg̃a
brillante.
--¡Nápakatang̃ìng tao itóng si Simoun, kung anó anó ang iniisip!--ang
sabing tumatawa ni P. Irene.
--At _itó_,--ang patuloy ni Simoun na tinangkî sa balikat ang
General--ang ibabayad nitó sa akin sa bawà’t limáng tantós ay
isáng _vale_ na katimbáng ng̃ limáng araw na pagkakábilanggô, sa
isang _solo_ ay limáng buwan, sa isáng _codillo_ ay isáng utos na
pagpapatapon, na walâng nakatalâng pang̃alan, sa isáng _bola_....
ay isáng utos sa guardia sibil na makabaríl sa daán sa taong
parurusahan, samantalang ipinaghahatiran, at ibp.
Ang hamon ay napakatang̃ì. Ang tatlóng lálakadlakád ay nang̃agsilapit.
--Ng̃unì’t ginoong Simoun--ang tanóng ng̃ mataás na kawaní--¿anó
ang máhihitâ ninyó sa pananalo ng̃ kabaitan sa bung̃ang̃à, at mg̃a
buhay ng̃ tao, mg̃a pagpapatapon at mg̃a pagpatáy?
--¡Malakí! Bagót na akó sa kádiding̃íg ng̃ mg̃a usapang tungkol sa
mg̃a kabaitan at nasà kong maipong lahát, ang lahát ng̃ nákakalát
sa mundo, na nakapasok sa isáng supot upang itapon sa dagat kahi’t
na kailang̃aning pamataw ang lahát ng̃ aking brillante.
--¡Sumpóng din iyán!--ang bulalás na tumatawa ni P. Irene--¿at anó
namán ang gágawín ninyó sa mg̃a pagpapatapon at pagpapapatáy?
--Upang linisin ang bayan at pawìin ang lahát ng̃ masasamâng budhî.
--¡Ah! hanggá ng̃ayó’y may galit pá kayó sa inyóng mg̃a tulisán,
gayóng mangyayaring hing̃án sana kayó ng̃ lalòng malakíng tubós ó
kinuha sana ang lahát ng̃ inyóng alahas. ¡Huwag namán kayóng walâng
utang na loob!
Ipinamarali ni Simoun na siya’y hinarang ng̃ mg̃a tulisán, na
pagkatapos siyáng mapigíng na isáng araw, ay pinabayàan siyáng
magpatuloy ng̃ lakad na walâng hining̃îng tubós kundî ang dalawá
niyáng rebolber na Smith at ang dalawáng kahang punglô na kaniyáng
dalá. Idinugtóng pang ipinakukumustá raw sa kaniyá ang Capitan
General.
Dahil doon at sa dahiláng ibinalità ni Simoun na ang mg̃a tulisán ay
maraming _escopeta_, baril at rebolber at sa gayóng mg̃a tao’y hindî
maaarìng makalaban ang nag-íisá kahi’t na may sandata, ay lalagdâ
ng̃ bagong utos ang Capitang General na ukol sa mg̃a “pistolas de
salón” upang maiwasan na ang mg̃a tulisán ay magkaroon ng̃ armás.
--¡Huwag, huwag!--ang tutol ni Simoun--sa ganáng akin, ang mg̃a
tulisán, ay siyáng mg̃a taong lalòng may karang̃alan sa lupaíng itó;
silá ang tang̃ìng kumikita ng̃ ikabubuhay sa mabuting kaparaanan......
¿Inaakalà ba ninyóng kung akó’y nahulog sa mg̃a kamáy...... ninyó
sa halimbawà, ay pakakawalán ba ninyó akó ng̃ hindî kukunin ang
kalahatì man lamang ng̃ aking mg̃a hiyas?
Tututol sana si Dn. Custodio; tunay ng̃âng isáng amerikanong _mulato_
na walâng pinag-aralan ang Simoun na iyon, na sinásamantalá ang
pakikipag-ibigan niyá sa Capitan General upang alimurahin si P. Irene.
Tunay ng̃â kung sa bagay na kung si P. Irene ang nakádakíp sa kaniyá
ay hindî siyá nakawalà ng̃ dahil sa gayóng kaliit na bagay.
--Sa ang kasamaán ay walâ sa pagkakaroon ng̃ tulisán sa mg̃a bundók
at kaparang̃an--ang patuloy ni Simoun--ang kasamâan ay nasa sa mg̃a
tulisáng bayan....
--Na gaya ninyó--ang dugtóng na tumatawa ng̃ kanónigo.
--Oo, gaya ko, gaya natin, tayo’y mang̃agtapát; dito’y walâng indio
na nakadiding̃íg sa atin,--ang dugtóng ng̃ mag-aalahás--ang kasamâan
ay nasa pangyayaring tayong lahát ay hindî mg̃a tulisáng hayág:
kung ito’y mangyari at manirahan na tayo sa gubat, sa araw na iyan,
ay ligtás na ang bayan, sa araw na iyá’y sisibol ang isáng bagong
kalipunán na siyá na sa sarili ang mag-aayos.... at sa gayón ay
matiwasáy nang makapaglalarô ng̃ _tresillo_ ang Capitan General, na
hindî siyá kailang̃ang linlang̃ín ng̃ kalihim....
Nang mg̃a sandalîng iyón ay naghihikáb ang kalihim at nag-iinát na
itinataás sa ulo ang mg̃a kamáy at iniunat sa ilalim ng̃ mesa ang
mg̃a paa niyang nagkakapatong.
Ang lahát ay nagtawanan ng̃ siyá’y mákita. Pinutol ng̃ General ang
pag-uusap at matapos na bitiwan ang barahang kaniyang sinúsuksok ay
nagwikàng:
--¡Siyá, siyá! Siyá na ang birûan at sugalan; gumawâ tayo, pagbutihin
natin ang gawâ, kalahatìng oras pá ang kúlang sa oras ng̃ pagkain.
¿Marami bagáng bagay ang kailang̃ang lutasín?
Lahát ay naking̃íg. Sa araw na iyón pagtatalunan ang ukol sa pagtuturò
ng̃ wikàng kastilà, kayâ’t may iláng araw nang nároroon si P. Sibyla
at si P. Irene. Batíd nang ang una, sa dahiláng siya’y Vice-Rector,
ay laban sa panukalà, at ang pang̃alawá ay kumakatig at kinakatigan
namán ng̃ _condesa_.
--¿Anó, anó?--ang tanóng na naíiníp ng̃ General.
--Hang hunghol ha maha hama he halon--anáng kalihim na tinimpî ang
isáng paghihikáb.
--¡Ipinagbabawal mulâ ng̃ayón!
--Ipagpatawad pô ninyó, aking General,--ang sabi ng̃ mataás na
kawaní--Ipahintulot po sa akin ng̃ inyóng karang̃alan na sabihing
sa alin mang bansâ sa Sangsinukob ay hindî ipinagbabawal ang mg̃a
“armas de salón”.
Ikinibít ng̃ General ang kaniyáng balikat.
--Hindî tayo nakikigaya sa alín mang bansâ sa mundó--ang matigás na
sabi ng̃ General.
Kailán ma’y nagkakatalo ang General at ang mataás na kawaní, at sukat
na ang isáng pahiwatig nitó upang ang una’y magmatigás sa kaniyáng
balak.
Humanap ng̃ ibáng daan ang mataás na kawaní.
--Ang mg̃a “armas de salón” ay sa mg̃a dagá at inahíng manók lamang
nakasásakit--ang wikà--masasabi......
--¿Na tayo’y mg̃a inahíng manók?--ang dugtóng ng̃ General na kinibít
ang balikat--at anó sa akin? Ipinakilala ko náng hindî akó gayón.
--Ng̃unì’t may isáng bagay--ang hiwatig ng̃ kalihim--may apat na
buwan lamang ng̃ayón, nang ipinagbawal ang paggamit ng̃ armas, na
pinatibayan sa mg̃a máng̃ang̃alakal na tagá ibáng bayan, na ang mg̃a
armas de salon ay may pahintulot.
Ikinunót ng̃ general ang noo.
--Datapwâ’y may kagamutan ang bagay na iyan--ani Simoun.
--¿Papaano?
--Walâng kaliwágan. Hálos lahât ng̃ “armas de salon” ay may anim na
milímetro ang lakí ng̃ punglô, tang̃ì lamang kung may ibáng lakí na
ipinagbíbilí. Pahintulutang ipagbilí ang lahát ng̃ mg̃a walâng anim
na milímetro.
Pinuri ng̃ lahát ang náisip ni Simoun, tang̃ì ang mataas na kawaníng
ibinulóng kay P. Fernandez na iyon ay hindî tuwíd, ni hindî pamamahalà.
--Ang gurô sa Tiani,--ang patuloy ng̃ kalihim samantalang binabasa
ang iláng papel--humíhing̃îng bigyán siyá ng̃ lalòng malakíng bahay
upang......
--¿Anó pang malakíng bahay, sa mayroon na siyáng sariling isáng
kamalig?--ang putol ni P. Camorra na nalimutan na ang tresillo at
lumapít sa usapan.
--Sirâ daw ang bubung̃án--ang sagót ng̃ kalihim--at sa dahiláng
bumilí siyá ng̃ mg̃a _mapa_ at _cuadro_, sa sariling gugol, ay hindî
mapabayàang ulani’t arawin......
--Ng̃unì’t walâ akóng pakialam sa mg̃a bagay na iyan--ang bulóng
ng̃ General--sa Namamahalà sa Pang̃asiwàan huming̃î, sa Pang̃ulong
Pulong lalawigan, sa Nuncio.....
--Ang masasabi ko sa inyó--ang sabi ni P. Camorra--ang _maestrillong_
iyan ay isáng _filibusterillo_ na masamâ ang loob; akalain ba ninyóng
ipinagsásabí ng̃ ereheng iyan na ang inilílibíng daw ng̃ mainam na
paglilibíng at ang hindî ay magkaisá din kung mabulók! ¡Balàng araw
ay pagkukukutusán ko iyán, eh!
At inianyông pasuntók ni P. Camorra ang kaniyáng kamáy.
--At sadyâ namán,--ang wikà ni P. Sibyla na warìng walâng kinakausap
kundî si P. Irene--na ang ibig mag-turò ay maaarìng magturò kahì’t
saang dako, sa walâng bahay: si Sócrates ay nagturò sa mg̃a
lansang̃ang bayan, si Platón ay sa mg̃a halamanan ng̃ Akademo at si
Cristo ay sa mg̃a kabundukan at karagatan.
--Marami akong karaing̃an ng̃ _maestrillong_ iyán--ang sabi ng̃
General na nakipagsulyapan kay Simoun--inaakalà kong ang lalòng
mabuti ay alisín siyá.
--¡Alisín!--ang ulit ng̃ kalihim.
Ikinalungkót ng̃ mataás na kawaní ang kapalaran ng̃ sawîng taong
iyón na humíhing̃î ng̃ abuloy at ang nákamit ay ang pagkaalís sa
katungkulan, kayâ’t tinangkâng saklolohan.
--Ang katotohanan ay--ang sabing may pang̃ang̃anib--na ang pag-aaral
ay hindî naáarugâng mabuti.....
--Nagtakdâ na akó ng̃ maraming halagá na ipamímilí ng̃ mg̃a
kailang̃an--ang sabing mataás ng̃ General, na warìng ang ibig turan
ay: ¡Gumawâ na akó ng̃ higít sa nárarapat!
--Ng̃unì’t sa dahiláng walâng bahay na sadyâ ay nang̃asisirà ang
mg̃a kasangkapang biníbilí....
--Hindî magagawâng sabáysabáy na lahát--ang biglâng putol ng̃
General--Hindî mabuti iyang paghing̃î ng̃ mg̃a gurô dito ng̃
mabubuting bahay gayóng ang mg̃a gurô sa España ay namamatáy ng̃
gutom. Kalabisán na iyang ibig pang humigít kay sa mg̃a nasa
Ináng-bayan.
--¡Filibusterismo!....
--¡Una muna sa lahát ang Inang-bayan! ¡una muna ang ating
pagkakastilà!--ang dugtóng ni Ben Zayb na ang matá’y kumíkináng
dahil sa busóg ng̃ pag-ibig sa tinubùang lupà, at námulá ng̃ kauntî
dahil sa nákitang siya’y napag-isá.
--Magmulâ ng̃ayón--ang sabi ng̃ General--ay alisín sa tungkól ang
bawà’t dumaíng.
--Kung ang munakalà ko lamang ay tatanggapín--ang pasumaláng sabi
ni don Custodio, na warìng kinákausap ang sarili.
--¿Ukol sa mg̃a bahay páaralán?
--Magaán, magágawâ at walâng gugol, na gaya ng̃ lahát ng̃ aking
munakalà, anák ng̃ mahabàng pagkamalas sa mg̃a bagaybagay at
pagkakilala sa lupaíng itó. Ang mg̃a bayan ay magkákaroon ng̃ páaralán
na hindî paggugugulan ng̃ pamahalàan.
--Batíd na ang bagay na iyan--ang pakutyâng sabi ng̃ kalihim--ipag-utos
sa mg̃a bayang itayô sa tulong ng̃ kaniláng sariling gugol.
Ang lahát ay nagtawanan.
--Hindî pô, hindî pô--ang sigáw ni Don Custodio na nang̃upinyó at
namulá--ang mg̃a bahay ay nakatayô na at nag-áantay lamang na gamitin.
Mabuti sa katawán, walâng kapintasan at maaliwalas......
Ang mg̃a prayle ay may pang̃ambáng nagting̃inan. ¿Ipalálagay kayâ ni
Don Custodio na gawíng páaralán ang mg̃a simbahan at mg̃a kombento
ó bahay-parì?
--¡Tingnán natin!--anáng General na ikinunót ang noo.
--Nápakadalî, aking General--ang tugón ni Don Custodio na umunat
at ginamit ang malakíng boses na kagamitán niyá sa mg̃a tang̃ìng
pagpupulong--ang mg̃a páaralán ay bukás lamang sa mg̃a araw na
iginágawâ at ang mg̃a sabung̃án ay sa mg̃a araw lamang ng̃ pistá....
Gawíng páaralán ang mg̃a sabung̃án kahì’t sa loob man lamang ng̃
sanglinggóng araw.
--¡Bah, bah, bah!
--¡Pumuslít na rin!
--Ng̃unì’t ¡kung anó anó ang naiisip ninyó Don Custodio!
--¡Isáng kahalákhalák na panukalà!
--¡Ang lahát ay nalulusután nitó!
--Ng̃unì’t mg̃a ginoo--ang sigáw ni D. Custodio ng̃ máding̃íg ang
gayóng mg̃a pabulalás--magpakatinô ng̃â tayo, ¿alín pa ang bahay na
lalòng agpáng kay sa sabung̃án? Malalakí, mabubuti ang pagkakayarì,
at walâ namáng kapararakan sa loob ng̃ sanglinggó. At magíng sa dako
man ng̃ maayos na ugalì tingnán, ang aking panukalà ay matatanggáp;
magiging isáng panglinis at pagsisisi sa lingguhan ng̃ sabung̃án.
--Ng̃unì’t maminsánminsán ay may sabong sa boong sanglinggó--ang
pahiwatig ni P. Camorra--at hindî dapat na yamang ang may pasabong
ay nagbabayad sa Pamahalàan ay......
--¡Oh, siyá...... sa mg̃a araw na iyan ay huwag magpaaral!
--¡Bah, bah!--anáng General--¡ang ganiyáng kakilákilabot na bagay ay
hindî mangyayari samantalang akó ang namamahalà! ¡Hindî magpapaaral
dahil sa nagsasabong! ¡Bah, bah, bah! ¡magbibitíw na muna ako ng̃
tungkól!
At ang General ay lubhâ ng̃â mandíng nasusulukasok.
--Ng̃unì’t aking General, mabuti na ang mawalâ sa iláng araw kay sa
buwanang mawalâ.
--¡Iyan ay laban sa mabuting ugalì!--ang dugtóng ni P. Irene na lalò
pa mandíng bugnót kay sa General.
--Lalòng laban sa mabuting ugalì, ang pagkakaroon ng̃ maiinam na
bahay ang sugalan at ang páaralán ay walâ...... Magpakatinô tayo mg̃a
ginoo at huwag tayong paakay sa mg̃a udyók ng̃ kalooban. Samantalang
sa paggalang sa katauhan ay ibinabawal natin ang pagtataním ng̃
apìan sa mg̃a lupàng ating nasasakop ay binábayàan namán natin ang
paghitít, ang nangyayari’y binabaka natin ang masamâng hilig at
namumulubi tayo......
--Ng̃unì’t unawàin ninyóng iyan ay nagbíbigáy sa pamahalàan ng̃ may
apat na raa’t limáng pûng libong piso na walâng anomang gawâ--ang
tugón ni P. Irene na lalò’t lalò pang kumakampí sa pamahalàan......
--Siyá, siya na, mg̃a ginoo--ang sabi ng̃ General na pinutol ang
pagtatalo--mayroon akóng balak tungkol sa bagay na iyan at iniuukol
ko ang aking pagninilay sa katalinuhang bayan. ¿Mayroon pá bang
bagay na pagpapasiyahán?
Warì’y natatakot na tiningnán ng̃ kalihim si P. Sibyla at si P. Irene.
Ang pinakamalakí’y lálabas na. Ang dalawá’y humandâ.
--Ang kahiling̃an ng̃ mg̃a nag-aaral na humihing̃îng pahintulot
upang magbukás ng̃ isáng Akademia ng̃ wikàng kastilà--ang sagót ng̃
kalihim.
Nápuna sa lahát ng̃ nasa salas ang pagkaguló, at matapos siláng
makapagting̃inan ay nápatitig sa General upang mákilala ang ipapasiya.
May anim na buwan nang ang kahiling̃an ay nag-aantáy doon ng̃ isáng
kapasiyahan at nagíng isáng warì’y _casus belli_ na tulóy ng̃ iláng
lupon. Ang General ay nakatung̃ó na warìng upang huwag mákilala ng̃
ibá ang kaniyáng iniisip.
Bumíbigát ang anyô ng̃ pananahimik at ang gayón ay nahalatâ ng̃
General.
--¿Anó ang pasiyá ninyó?--ang tanóng sa mataás na kawaní.
--¡Anó pá ang ipasisiyá ko, aking General!--ang sagót ng̃ tinanóng
na kinibít ang balikat at ng̃umitî ng̃ ng̃itîng malungkót--¡anó ang
ipasisiyá ko kundî ang kahiling̃an ay karapatdapat at ipinagtátaká
ko ang pagtatagál ng̃ anim na buan upang ang bagay na iyan ay
mapasiyahán!
--Hindî’t may napapagitnâng mg̃a bagaybagay--ang malamíg na tugòn
ni P. Sibyla na ipinikít ng̃ kauntî ang matá.
Mulîng ikinibít ng̃ mataás na kawaní ang kaniyáng balikat na warìng
hindî niyá batíd kung anó ang mg̃a bagaybagay na iyon.
--Bukód sa walâ sa panahón ang ninanasà,--ang patuloy ng̃ dominiko--bukod
sa tagláy niyáng laban sa aming kapangyarihan....
Hindî nakapagpatuloy si P. Sibyla at tuming̃ín kay Simoun.
--Ang kahiling̃an ay may anyông dapat paghinalàan--ang dugtóng nitóng
hulí na nakipagting̃inan sa dominiko.
Itó’y makálawáng pumikít. Nang mákita ni P. Irene ang gayón ay
nahalatâ na niyang ang kaniyáng usap ay talo na halos, sapagkâ’t
kalaban si Simoun.
--Isáng payapàng pagtakwíl, isáng pagbabang̃ong ang gamit ay papel
sellado--ang dugtóng ni P. Sibyla.
--¿Pagbabang̃on, pagtakwíl?--ang tanóng ng̃ mataás na kawaní, na
nápating̃ín sa madlâ na warìng walâng maantiluhan.
--Ang nang̃ung̃ulo ay mg̃a binatàng kilalá sa pagkamakabago at
napakalalò, kundî pang̃ang̃anlán ng̃ ibá pang tawag;--ang dugtóng ng̃
kalihim sa dominiko--ang isá sa kanilá’y nagng̃ang̃alang Isagani,
ulong hindî matinô...... pamangkín ng̃ isáng klérigo......
--Isá sa mg̃a tinúturuàn ko--ang sagót ni P. Fernández--at akó’y
nasisiyaháng loob sa kaniyá.
--¡Puñales, kasiyahán din namán iyán!--ang bulalás ni P. Camorra,--kamuntî
na kamíng magpanuntukan sa bapor: sapagkâ’t nápakawalâng galang,
¡itinulak ko siyá at itinulak namán akó!
--Mayroon pang isáng nagng̃ang̃alang Makaragui ó Makarai......
--Makaraig,--ang sagót ni P. Irene na nakihalò sa usapan,--isáng
binatàng nápakagandáng ugalì at nakalúlugód.
At ibinulong sa General.
--Iyan ang sinabi ko sa inyó, mayaman...... iniluluhog ng̃ _condesa_
na inyóng tingnán.
--¡Ah!
--Isáng nag-aaral sa panggagamót na nagng̃ang̃alang Basilio.
--Sa Basiliong iyan ay walâ akóng masasabi--ang tugón ni P. Irene
na itinaás at ibinuká ang mg̃a kamáy na warìng mag _dodominus
vobiscum_;--sa ganáng akin iyan ay tubig na hindî kumikilos. Kailán
ma’y hindî ko naunawà ang ninanasà ni ang iniisip. ¡Sayang at hindî
natin kaharáp ng̃ayón si P. Salvi upang magpakilala sa atin ng̃
pinagmulán ng̃ binatàng iyan! Náaalala kong aking náding̃íg na
sinasabing niyong kaniyáng kabatàan ay may ipinakialám sa kaniyá
ang guardia sibil.... ang kaniyáng amá’y nápatay sa isáng guló na
hindî ko na maalaala....
Si Simoun ay napang̃itîng malumanay, walâng kalatís, ipinatanáw
lamang ang kaniyáng ng̃iping mapuputî’t mabuti ang pagkakahanay....
--¡Ahá, ahá!--anáng General na tumang̃ô tang̃ô--¿gayón palá? ¡Italâ
ninyó ang pang̃alang iyán!
--Ng̃unì, aking General,--ang sabi ng̃ mataás na kawaní ng̃ makitang
masamâ ang tung̃o ng̃ salitâan--hanggáng sa ng̃ayón ay walâ pang
nababatíd na bagay na laban sa mg̃a binatàng iyán; ang kaniláng
kahiling̃an ay matuwid at walâ tayong karapatáng huwág dinggín dahil
sa panunuláy lamang sa mg̃a hakàhakà. Sa akalà ko ay nárarapat
na sang-ayunan ng̃ Pamahalàan ang kahiling̃an at sa gayón ay
magpapamalas ng̃ kaniyáng pagkakátiwalà sa bayan at ng̃ katibayan
ng̃ kaniyáng pagkakatatag; at siya’y may kalayàang bawìing mulî ang
pahintulot kung mákitang dahil sa kaniyáng mabuting kalooban ay
nagpapakalabis. Mg̃a sanhî at paraán sa pagbawì ay hindî mawawalán,
mababantayán natin silá.... ¿Anó’t pasasamâín ang loób ng̃ iláng
binatà, na mangyayaring magdamdám pagkatapos, gayóng ang kaniláng
hiníhilíng ay nálalagdâ sa mg̃a utos ng̃ harì?
Si P. Irene, si don Custodio at si P. Fernández ay nagpamalas ng̃
kaniláng pagsang-ayon sa pamagitan ng̃ tang̃ô ng̃ ulo.
--Ng̃unì’t ang mg̃a indio ay hindî nárarapat mátuto ng̃ wikàng
kastilà ¿batíd bagá ninyó?--ang sigaw ni P. Camorra--hindî dapat
mátuto, sapagkâ’t pagkatapos ay nakikipang̃atuwiranan sa atin, at
ang mg̃a indio ay hindî dapat mang̃atuwiran kundî sumunód lamang at
magbayad.... hindî dapat manghimasok sa pagsurì ng̃ sinasabi ng̃
mg̃a kautusán at ng̃ mg̃a aklát ¡napakamatatalas at mg̃a mapag-usáp!
Pagkaalám ng̃ wikàng kastilà ay nagiging kalaban ng̃ Dios at ng̃
España.... basahin ninyó ang kabuhayang “Tandâng Basio Makunat” at
kung hindî gayón; ¡iyán ang aklát! ¡May mg̃a katotohanang ganganitó!
At ipinakita ang mabibilog niyáng kamáy na pasuntók.
Hinaplós ni P. Sibyla ang kaniyáng anit na bilang tandâ ng̃ pagkainíp.
--¡Isáng salitâ!--aniyá na umanyô ng̃ anyông lalòng mapayapà sa
gitnâ ng̃ kaniyáng pagng̃ing̃itng̃ít--hindî ang pagtuturò lamang
ng̃ wikàng kastilà ang pinag-uusapan dito, dito’y may isáng piping
pagtutunggalî ng̃ mg̃a nag-aaral at ng̃ mg̃a parì sa Unibersidad ng̃
Sto. Tomás; kung masusunód ng̃ mg̃a nag-aaral ang kaniláng hang̃ád
ay manghihinà ang pananalig sa amin, sasabihing kamí’y dinaíg at
mang̃agmamataás, at walâ na ang paniniwalà, walâ na ang lahát!
Pagkaguhô ng̃ unang sagkâ ¿sino pá ang makahahadláng sa kabatàang
iyan? Sa aming paglagpák ay walâ kamíng gágawín kun dî ang ipakilala
namán ang paglagpák ninyó! Matapos kamí ang pamahalàan namán.
--¡Iyan ang hindî mangyayari, _puñales_!--ang sigáw ni P. Camorra--¡tingnan
muna natin kung sino ang may malakás na pangsuntók!
Sa gayón ay nagsalitâ si P. Fernández, na sa boong pagtatalo ay
nanirá lamang sa kang̃ing̃itî. Lahát ay nakimatyág sapagkâ’t kilaláng
siya’y may mabuting ulo.
--Huwag sumamâ ang loób ninyó sa akin, P. Sibyla, kung hindî ninyó akó
káisá sa paghuhulòng ukol sa bagay na itó, ng̃unì’t nápakatang̃ìng
kapalaran ang sa akin, na kailán man halos, ay kasalung̃át akó ng̃
aking mg̃a kapatíd. Ang sabi ko ng̃â’y hindî tayo dapat mabaklá.
Ang pagtuturò ng̃ wikàng kastilà ay mangyayaring pahintulutan ng̃
walâng anománg kapang̃aniban, at upang huwag lumabás na isáng pagdaíg
sa Unibersidad, ay nárarapat na tayong mg̃a dominiko ay magpáuná
sa pagkagalák ng̃ dahil sa bagay na iyan; iyan ang _política_.
¿Bakit tayo makikipaglabanán tuwî na sa bayan, sa tayo ay kakauntî
at silá ay marami, sa kailang̃an natin silá at tayo’y hindî nilá
kailang̃an?--¡Hintáy muna kayó, P. Camorra, hintáy muna kayó!--Payagan
na nating ng̃ayón ay mahinà ang bayan at walâng maraming nálalaman,
ako mán ay gayón din ang akalà ko, ng̃unì’t bukas ay hindî na
gayón, ni sa makalawá. Bukas makalawá ay silá ang magiging malakás,
mababatíd ang kaniláng mg̃a kailang̃an at hindî natin mapipigil,
gaya rin namán ng̃ hindî mangyayaring mapigil, na, pagdatíng ng̃
batà sa iláng gulang ay makaalám ng̃ maraming bagay... Ang sinasabi
ko ng̃â ay ¿bakit hindî natin samantalahín ang kalagayang itó sa
kamangmang̃án upang magpalít ng̃ paraan sa pamamalakad at itatág
sa matibay na batayán, na hindî mapapawì, sa batayáng katwiran, sa
halimbawà, at huwag sa batayáng kamangmang̃án? Sapagkâ’t walâ nang
kagaya ng̃ magíng makatwiran, gaya ng̃ sinabi ko sa tuwi na sa aking
mg̃a kapatid, ng̃unì’t ayaw akóng dinggín. Ang indio, gaya rin ng̃
alín mang bayang batà pá ay mapag-usig ng̃ katwiran; humíhing̃î ng̃
parusa kung nagkasala, at námumuhî pag hindî kinamít ang gayón.
¿Marapat ang hinihing̃î? Ipagkaloob, ibigáy natin sa kanilá ang
lahát ng̃ páaraláng kailang̃an, mapapagod din silá: ang kabatàan ay
bulagbol na talagá, ang nag-uudyók lamang sa kanilá sa pag-uusig ay
ang ating pagsalung̃át. Ang ating panilòng karang̃alan ay lumà na,
P. Sibyla: gumawâ tayo ng̃ ibá, ang panilòng pagkilala ng̃ utang na
loób, sa halimbawà. Huwag tayong magsamangmáng, gayahan natin ang
mg̃a hesuita......
--¡Oh, oh, P. Fernández!
Hindîng hindî: matitiis na lahát ni P. Sibyla, liban na lamang sa
pagayahan sa kaniyá ang mg̃a hesuita. Namumutlâ’t nang̃ing̃iníg na
nagbubusá ng̃ mg̃a matalas na wikà.
--Magpransiskano na muna.... ¡Kahit na anó, huwag lamang hesuita!--ang
sabing walâng patumanggâ.
--¡Oh, oh!
--¡Eh, eh! Padre P.....!!
Ang sumunód ay isáng pagtatalong panabáy ng̃ lahát, na nalimot na ang
General; nagsasalitâng sabáysabáy, nagsisigáwan, hindî mang̃agkalinaw,
nang̃agtatalo; si Ben Zayb ay kaharáp ni P. Camorra at nag-uumang̃án
ng̃ suntók, binábanggit ng̃ isá ang mg̃a gansâ at ang isá’y ang
mg̃a manghihitít ng̃ tintá, tinutukoy ni P. Sibyla ang kapítulo at
si P. Fernández namán ay ang sa _Summa_ ni Sto. Tomás, at ibp.,
hangáng sa pumasok ang kura sa Los Baños at sinabing nakahandâ na
ang pananghalìan.
Tumindíg ang Capitan General at sa gayó’y naputol ang pagtatalo.
--¡Siya, mg̃a ginoo!--ang sabi--ng̃ayó’y marami tayong nagawâ, gayóng
tayo’y nasa kapanahunan ng̃ pagpapahing̃á! May nagsabing ang mg̃a
maseselang na bagay ay dapat pag-usapan sa pagtatapós ng̃ pagkáin.
Akó’y lubós na sang-ayon sa sabing iyón.
--Bakâ masirà ang tiyán natin--ang sabi ng̃ kalihim, na ang tinutukoy
ay ang init ng̃ salitàan.
--Kung gayón ay ipagpabukas na natin.
Nagtindigang lahát.
--Aking General--ang sabing marahan ng̃ mataás na kawaní--ang anák
na babai ni kabisang Tales ay nagbalík na mulî’t hinihing̃î ang
paglayà ng̃ kaniyáng nunòng may sakít na hinuling bilang kapalít
ng̃ amá......
Tiningnán siyáng masamâ ang loób ng̃ General, na hinaplós ang malapad
na noó.
--Putris yatàng ¡hindî na babayàang ang tao’y makapananghalìng
mapayapà!
--Ikatlóng araw na ng̃ kaniyáng pagparito; isáng kaawàawàng dalaga...
--¡Ah, demonio!--ang bulalás ni P. Camorra--sinasabi ko na ng̃âng
mayroón akóng bagay na sasabihin sa General; kung kayâ ng̃â akó
naparito ay...... upang katigan ang kahiling̃an ng̃ binibining iyán!
Kinamot ng̃ General ang kaniyáng taing̃a.
--¡Siyá!--ang sabi--padalhán ng̃ sulat ng̃ kalihim ang teniente ng̃
guardia sibil upang pakawalán. ¡Hindî masasabing hindî akó maawâín
at mahabagin!
At tuming̃ín kay Ben Zayb. Ikinisáp ng̃ mamamahayag ang kaniyáng
matá.