Nang ang mg̃a kampanà’y nagrerepike na, dahil sa misa sa hatìng gabí,
at nang ang mg̃a may ibig pa sa mahimbíng na pagtulog kay sa mg̃a
kapistahan ay nágigisíng at bumúbulóng bulóng dahil sa kaing̃ayan,
ay dahandahang pumanaog si Basilio at nagpaligid ng̃ makalawá ó
makaitló sa iláng lansang̃an, at nang matunayang walâng sumúsunód at
nakababatyág sa kanyá ay nagliglig sa mg̃a landás na dî pinagdaraanan
ng̃ maraming tao at tinung̃o ang dating gubatán ng̃ mg̃a Ibarra, na
nábilî ni kapitáng Tiago, nang inangkíng at ipinagbilí ng̃ Pamahalàan
ang mg̃a pag-aarì noón.
Sa dahiláng ang Paskó ng̃ Pang̃ang̃anák sa taóng yaón ay nátamà sa
pagliít ng̃ buwan ay laganap doón ang kadilimán. Ang pagrerepike ay
humintô at ang mg̃a tugtóg na lamang ang nádiding̃íg sa katahimikan
ng̃ gabí, sa gitnâ ng̃ lagaslás ng̃ mg̃a dahong pinagagaláw ng̃ simuy
at mg̃a dagundóng ng̃ alon ng̃ kalapít na lawà, na warì’y hilík ng̃
kadalagahang nálululong sa isáng mahimbíng na pagtulog.
Ang binatà ay patung̃óng lumalakad na warìng ibig makaaninag sa
gitnâ ng̃ kadilimán, may guniguní siyáng tagláy dahil sa poók at
mg̃a sandalîng iyon. Maminsanminsa’y itinátaás ang ulo upang tanawín
ang mg̃a bituwin sa pag-itan ng̃ mg̃a dahong matataás ng̃ kakahuyan,
at pagkatapos ay ipinagpapatuloy ang lakad na hinahawì ang mg̃a
sang̃á at siít na nakasasagabal sa kaniyá. Kung minsán ay bumabalík
sa pinanggaling̃an, ang kaniyáng mg̃a paa’y násasalabíd sa isáng
punòng maliit, másasagasà sa isáng ugát na nakalabás sa lupà ó sa
isáng sang̃áng baklî. Nang makaraán ang kalahatìng oras ay nakaratíng
sa isáng muntîng batis na sa kabiláng pangpang ay may isáng warì
bundókbundukan, na sa gitnâ ng̃ kadilimán ay nagaanyông malakíng
bundók. Tinawíd ni Basilio ang sapà sa tulong ng̃ pagpapalungdáglundág
sa mg̃a bató na namumukód sa kaitimán sa ibabaw ng̃ kináng ng̃
tubig, umakyát sa bundókbundukan at tinung̃o ang isáng muntîng pook
na nakukulóng ng̃ matandâ’t sirasirâng muog. Tinung̃o ang punò ng̃
balitìng malakí, mahiwaga, matandâ, (na binubuô halos ng̃ mg̃a ugát
na pataás at paibabâ na warì mg̃a sang̃áng nang̃agkasalásalabíd) na
nakatayô sa kalagitnáan.
Humintô sa piling ng̃ isáng buntón ng̃ bató, nag-alís ng̃ sombrero at
warìng nanalang̃in. Yaón ang libing̃an ng̃ kaniyáng Iná, at ang unang
dinadalaw niyá ay ang libing̃ang iyóng walâng nakababatíd, walâng
nakamamalay. Sa dahiláng sa kinabukasan ay dadalaw sa mag-aanak ni
kabisang Tales, ay sinamantalá niyá ang gabíng yaón upang gumanáp
sa gayóng kautang̃án.
Naupô sa isáng bató at warìng nag-iisíp. Sumipót sa kanyáng
pagbubulaybulay ang mg̃a panahóng nakaraán na warìng isáng
maitîm at mahabàng badhâ na mapulápulá sa simulâ, matapos ay
nakapang̃ing̃ilabot, may bahid na dugô, at sa hulí’y maitím, maitím,
abuhíng malinaw at untîuntîng lumiliwanag. Ang dakong dulo ay hindî
mámalas sapagkâ’t nákakanlóng sa isáng ulap na nagbabanaag ng̃
liwanag at pagbubukáng liwaywáy......
May labíng tatlóng taón nang ganáp na ganáp na namatáy doón ang
kanyáng iná, sa gitnâ ng̃ karalitàan, nang isáng magandáng gabí
na ang buwan ay maliwanag at ang mg̃a kristiano sa bóong mundó ay
naggagalák. Sugatín at pípiláy-piláy siyáng nakaratíng doon sa
pagsunód sa kanyáng iná, at itó namán ay balíw at lipus katakutang
lumalayô na warì’y anino sa kaniyáng anák. Doón namatáy; dumatíng ang
isáng taong hindî niyá kilalá at ipinag-utos sa kanyáng magbuntón
ng̃ kahoy, biglâ siyáng umalinsunod at ng̃ siyà’y bumalík ay isá
pang hindî rin kilalá ang nátagpûán sa piling ng̃ bangkáy ng̃ una.
¡Anóng araw at gabí iyon! Tinulung̃an siyá noóng taong hindî kilalá
sa pagbubuntón ng̃ kahoy na pinagsunugan sa bangkáy ng̃ lalaki,
hinukay ang pinagbaunan sa kanyáng iná at matapos abután siya ng̃
kauntîng kuwalta ay ipinag-utos sa kaniyáng umalís sa pook na iyon.
Noon lamang niyá nákita ang lalaking iyon; matangkád, mapupulá ang
matá, mapuputlâ ang labì, matang̃os ang ilóng....
Ulila ng̃ lubós, walâng magulang at kapatíd, ay iniwan niyá ang
bayang iyon na mayroong mg̃a may kapangyarihang kinasisindakán niyá
at tumung̃o sa Maynilà upang pumasok na alilà sa isáng mayaman at
mag-aral, na gaya ng̃ ginagawâ ng̃ ilán. Ang kaniyáng paglalakbáy
ay isáng paglalagalág, punô ng̃ pagpupuyát at pag-aagam-agam, na
ang gutom ay inaalintana. Ang ipinangtatawíd kagutuman niyá ay mg̃a
bung̃ang kahoy ng̃ mg̃a kagubatang kaniyáng pinagtatagùan kailan ma’t
nakakatanáw ng̃ suot guardia sibil, kasuotang nakapagpapaalaala ng̃
pinagbuhatan ng̃ kaniyáng mg̃a kasawîán. Nang nasa sa Maynilà na siyá,
gulágulanít ang damít at may sakít pá ay dumulóg sa mg̃a baháybaháy at
pumapasok na alilà. ¡Isáng batàng taga lalawigan na hindî marunong ng̃
ano mang wikàng kastilà at masasaktín pá! ¡Walâng pag-asa, dayukdók
at hapís na gumalàgalà sa mg̃a lansang̃an na nápupuna ng̃ mg̃a táo
dahil sa ayos na karumaldumal ng̃ kaniyang damít! ¡Makáilang tinangkâ
ang payurak na sa mg̃a kabayo, na nang̃agdaraáng parang kidlát na
hila ang mg̃a sasakyáng nagkikinang̃an sa pilak at barnís, upang
matapos na ang kaniyáng mg̃a paghihirap! Salamat at nakitang nagdaán
si kapitáng Tiago na kasama si tia Isabel; kilalá niyá ang mg̃a
taong iyón mulâ sa San Diego at sa kaniyáng kagalakán ay inakalàng
warì mg̃a kababayan níyáng mistulà. Sinundan ang karuahe, nawalâ sa
kaniyáng paning̃ín, ipinagtanóng ang bahay, at sa dahiláng noóng araw
na iyón pumasok si María Clara sa kombento at si kapitáng Tiago ay
nalulungkót, ay nátanggáp siyáng alilà, na walâng upa, ng̃unì’t sa
isáng dako namán ay may pahintulot siyáng makapag-aral, kung kailán
niyá ibig, sa San Juan de Letrán.
Nang may iláng buwan na siyá sa Maynilà ay pumasok sa “primer año”
sa latín, kahì’t nanglilimahid, masamâ ang bihis at nakabakyâ. Nang
mákita ng̃ mg̃a kasamahán ang kaniyáng gayák ay lumayô sa kanyá, at
hindî siyá kinatung̃o kailan man ng̃ katedrátiko, isáng dominikong
magandáng lalaki, subalì pa ng̃â’t ikinúkunót ang noó kung siya’y
mákita. Ang mg̃a tang̃ìng salitâ na nágamit ng̃ dalawá sa loób ng̃
walóng buwáng pasukán ay ang pagbanggít ng̃ pang̃alan sa pagbasa
ng̃ talàan at ang sagót na _adsum_ na itinútugón sa araw-araw ng̃
nag-aaral. ¡Gaanóng kapaitan ang linálagók niyá sa tuwîng paglabás sa
klase at ng̃ mahulàan ang sanhî ng̃ inaasal sa kanyá ay gaanong luhà
ang namulás sa kaniyáng mg̃a matá at gaanong hinanakít at daíng ang
sumisilakbó’t iniinís sa kaniyáng pusò! ¡Gayón na lamang ang kaniyáng
iyák at paghihinagpís sa ibabaw ng̃ libing̃an ng̃ kaniyáng iná na
pinagsasabihan ng̃ mg̃a lihim niyang sákit, kahihiyan at kaapihán,
ng̃ siyá’y ipagsama ni kapitáng Tiago sa San Diego ng̃ magpapaskó!
Gayón man ay isinasaulo niyáng buongbuô ang lisyón kahì’t marami ang
hindî niyá natatarók! Ng̃unì’t tumiwasáy siyá sa hulí, ng̃ mákitang
sa tatló ó apat na raáng kasama niyá ay may apat na pû lamang ang
nátatanóng sapagkâ’t nápuna silá ng̃ parìng nagtuturò dahil sa kiyas,
ó kayâ’y dahil sa isáng kalikután, ó kayâ’y dahil sa kinalugdán, ó
kayâ’y dahil sa ibá pang sanhî. Sa isáng dako namán ay nagagalák sa
gayón ang marami sa nag-aaral sapagkâ’t hindî na silá mag-iisíp at
magninilay.
--Pumapasok sa _colegio_ hindî upang mag-aral kun dì upang makaraán
sa paglilitis, at kung naaarìng maisaulo ang aklát ¿anó pá ang
mahihing̃î? naaarìng tapusin din namán ang pinag-aaralan sa sangtaóng
pagpasok.
Si Basilio ay nakaraán sa paglilitis dahil sa pagsagót sa tang̃ìng
katanung̃ang ginawâ sa kaniyá, ng̃unì’t parang mákina, walâng hintô’t
walâng kahing̃áhing̃á, at ang tinamó ay “aprobado” sa gitnâ ng̃
tawanan ng̃ mg̃a lumilitis. Ang kaniyáng siyam na kasama (sampûsampû
kung litisin upang matapos agád) ay hindî nagtamó ng̃ gayon, kayâ’t
nang̃atakdâáng ulitin ang sangtaón pagkadung̃ô.
Nang siya’y nasa pang̃alawáng taón ay binigyán siya ng̃ mabuting
pabuyà ni kapitáng Tiago, sapagkâ’t nanalo ang manók niyang
ináalagàan, at ibinilí niya agád ng̃ sapatos at sombrerong pieltro.
Dahil sa kanyáng binilí at sa mg̃a damít na ibinigáy sa kaniyá ng̃
kaniyáng pang̃inoón, na tinatabas niyáng mulî at isinusukat sa
sariling katawán, ay bumutíbutí ang kaniyáng ayos, ng̃unì’t hanggáng
doón na lamang namán. Sa isáng _clase_ na marami ang pumapasok ay
lubhâng mahirap na mápuna ng̃ gurô ang isáng batà, at ang nag-aaral
na sa una pang taón ay hindî nápatampók dahil sa katang̃ìan ó kayâ’y
hindî kinalugdán ng̃ nagtuturò ay mahirap nang mápuna sa boô niyáng
pag-aaral. Gayon man ay nagpatuloy din siyá, dahil sa isá na sa
kaniyang hilig ang pagkamatiyagâ.
Warìng nagbago ng̃ kauntî ang kaniyáng kalagayan ng̃ pumasok sa
pang̃atlóng taón. Ang nagíng gurô niyá ay isáng dominikong masayá,
palabirô at mapagpatawá sa mg̃a tinuturùan, nápakatamád, sapagkâ’t
karaniwang ang pinapagsasalaysay ng̃ katuturán ng̃ lisyón ay ang
kaniyáng mg̃a itinatang̃ì lamang; kung sa bagay ay nasisiyahán na
sa kahì’t anó. Nang panahóng iyón ay gumagamit na si Basilio ng̃
sapatos at mg̃a baròng malinis at pinirinsá. Sa dahiláng nápuna
ng̃ propesor na hindî siyá matatawanín at namatyagán sa kaniyáng
mg̃a matáng hapís at malalakí ang tila pagtatanóng, ay ipinalagáy
siyáng balíw at isáng araw ay tinangkâng gipitín siyá sa pagtatanóng
ng̃ lisyón. Sinagót ni Basilio ng̃ mulâ sa punò hanggáng dulo na
walâng kagatól-gatól sa isá mang f; tinawag siyáng bubutok ng̃
gurô, nagsalaysáy ng̃ isáng bagay na ikinátawá ng̃ boông klase, at
upang maglalò ang halakhakan at matibayan ang pagkakapang̃alan ay
tinanóng pa siyá ng̃ iláng tanóng na kasabáy ang pagkindát sa mg̃a
minámabuti, na ang ibig sabihin ay:
--“Tingnán ninyó’t masasayahán tayo.”
Noón ay marunong na ng̃ wikàng kastilà si Basilio at nakasagót nang
walâng nakatawa. Ang bagay na iyón ay isinamâ ng̃ loób ng̃ lahát,
ang inaantáy na kamalìan ay hindî sumipót, walâng nápatawá at ang
pangyayaring iyón ay hindî naipatawad sa kaniyá ng̃ mabuting praile,
sapagkâ’t sinirà ang pag-asa ng̃ boong klase at pinabulàanan ang hulà.
Ng̃unì’t sino ang makahihinalà na lalabás ang anománg bagay na may
kabuluhán sa isáng ulong ang buhók ay walâng ayos na nagtátapós sa
katawán ng̃ isáng indio na masamâ ang sapatos at kahahalò pá lamang
sa kaniya sa mg̃a ibong mapang̃unyapít? At kung sa ibáng paaralán,
na may sadyâng pagnanasàng ang mg̃a batà’y matuto, ay nagágalák ang
mg̃a nagtuturò kung nakakatagpô ng̃ gayón, sa mg̃a paaralan namáng
pinamamahalàan ng̃ mg̃a taong ang lalòng marami’y nananalig na ang
matuto ay makasasamâ (kun di man sa lahát ay sa mg̃a nag-aaral) ang
nangyari kay Basilio ay hindî minabuti, kayâ’t hindî na siyá nátanóng
sa boông taón. ¿Sa ano pa’t tatanung̃ín siyáng mulî kung hindî rin
makapagpapatawá sa kang̃ino man?
Masamâ ang loob at may tangkâ nang iwan ang pag-aaral ng̃ nálipat
siyá sa ika apat na taón sa latín. ¿Anó pa’t mag-aaral, bakit hindî
magtulóg na lamang na gaya ng̃ ibá at umasa na sa isáng pagpapasumalá?
Ang isá sa mg̃a gurô ay lubhâng kilalá, náiibigan ng̃ lahát;
kinikilalang marunong, dakilàng makatà at may mg̃a pagkukuròng
malayà. Isáng araw na kasama ng̃ mg̃a “_colegial_” sa paglilibót ay
nákagalít ng̃ iláng “_cadete_”, na, nagíng sanhî muna ng̃ simulâng
pag-aaway at pagkatapos ay paghahamunán. Ang parì, na marahil ay
naalaala ang kaniyáng mabuting kabatàan, ay nang̃ayag at nang̃akòng
bibigyán ng̃ mabuting _nota_ ang sinomang makilahók sa pakikilaban sa
linggóng dáratíng. Nagíng masiglá ang boong linggóng yaón: nagkaroon
ng̃ pulúpulutóng na paglalabang ginamitan ng̃ sable at tungkód at
sa isá’y napatang̃ì si Basilio.
Dinalá siyáng galák na galák ng̃ mg̃a nag-aaral at iniharáp sa
propesor; mulâ niyon ay nákilala siyá at kinagiliwan. Dahil sa
pangyayaring itó at dahil din namán sa kaniyáng pagsusumigasig sa
pag-aaral ay nagtamó siyá ng̃ mg̃a _sobresaliente_ at _medalla_ pá
ng̃ taóng iyon. Sa nákitang itó, si kapitáng Tiago, na mulâ nang
magmonha ang anák ay may pagkamuhî na sa mg̃a praile, sa isáng
sandalîng masayá, ay inudyukán siyang lumipat sa Ateneo Municipal,
na noon ay lubhâng nábabantóg.
Isáng bagong mundó ang náhayág sa kaniyáng mg̃a matá, isáng paraan
sa pag-aaral na hindî man niyá nahinalà na mákikita sa paaralang
iyon. Líban sa iláng bagay na walâng malakíng kabuluhán at iláng
bagay na walâng kapararakan ay hinang̃àan ang pátakarang sinusunód
doon sa pagtuturò at lubós ang kaniyáng pagkilala ng̃ utang na
loob sa pagsusumakit ng̃ mg̃a gurô. Nápapaluhâ siyá kung minsán at
naáalaala ang apat na taóng nakaraan na dahil sa kakulang̃án sa
mágugugol ay hindî siyá nakapasok doon. Kinailang̃an niyáng gamitin
ang lahát ng̃ pagsusumikap upang mapantayán ang nang̃agkaroon ng̃
mabuting pasimulâ at nasabi niyá sa sarili na nang taón lamang na
iyón napagaralan niyá ang limáng taón ng̃ “segunda enseñanza”. Dinaan
ang _bachillerato_ sa gitnâ ng̃ kagalakán ng̃ kaniyáng mg̃a propesor
at sa paglilitis ay ipinagmalakí siyá sa haráp ng̃ mg̃a hahatol na
dominiko na pinaparoon upang makibatyág. Upáng mapawì ng̃ bahagyâ
ang kagalakán ay tinanóng ang nililitis kung saan nag-aral ng̃ mg̃a
unang taón sa latín.
--Sa San Juan de Letrán, Padre--ang sagot ni Basilio.
--¡Ah! Sa latín ay mabuti--ang nakang̃itîng sabi ng̃ dominiko.
Dahil sa kaniyáng hilig at ugalì ay pinilì ang Medicina; ibig sana
ni kapitáng Tiago ang Derecho upang magkaroón ng̃ abogadong walâng
bayad, ng̃unì’t hindî ang dumunong at makabatíd ng̃ mg̃a kautusán ang
kailang̃an lamang upang magkaroón ng̃ ipagtatanggol sa Pilipinas:
kailang̃ang magpanaló ng̃ mg̃a usapín at upang itó’y mangyari ay
kailang̃ang magkaroon ng̃ maraming kakilala, lakás sa itaás, maraming
salitâng pasalisalimuút. Napahinuhod din si kapitáng Tiago sapagká’t
naalaalang ang mg̃a nag-aaral ng̃ Medicina ay naglalamuták ng̃ patáy;
malaon nang humahanap siyá ng̃ isáng lason na ipangsusubó sa tarì
ng̃ kaniyáng mg̃a manók at ang pinakamabuting nálalaman niyá ay ang
dugô ng̃ isáng insík na namatáy dahil sa sakít na sípilis.
Gaya rin ng̃ dating pagsusumigasig, ó higít pá kung mangyayari, dinaán
ng̃ binatà ang mg̃a taóng pag-aaral ng̃ “facultad”, at mulâ pa sa
ikatlóng taón ay nanggamót na siya, na pinalad namán, bagay na hindî
lamang pagsisimulâ ng̃ isáng magandáng háharapín kundî nagbibigáy
din namán sa kaniyá ng̃ sapát na gúgugulin upang makapagbihis ng̃
mainám-inám at makapag-ipon pá ng̃ kauntî.
Ang taóng itó’y siyáng hulíng taón ng̃ kaniyáng pag-aaral at sa
loób ng̃ dalawáng buwan na lamang ay “médico” na siyá, uuwî na sa
kaniyáng bayan, pakákasal kay Juliana at mamumúhay siláng maligaya.
Ang pagtatamó niyá ng̃ “_licenciatura_” ay hindî lamang tiwasáy
niyáng ináantáy kun dî ináasahan pá niyáng magigíng maningníng na
pinakaputong ng̃ kaniyáng kabuhayan sa pag-aaral. Siyá ang nátakdâáng
bibigkás ng̃ talumpatìng pagpapasalamat sa pagsusuót ng̃ “muceta”,
at nákikiníkinitá na niyáng siyá’y nasa gitnâ ng̃ Paraninfo, sa
haráp ng̃ lahát ng̃ nang̃agtuturò, at siyá ang pinagtiting̃inanan
at pinakikinggan ng̃ madlâ. Lahát ng̃ ulong iyón na bantóg sa
karunung̃an sa Maynilà na nang̃akalubóg halos sa kaniláng mg̃a
muceta na ibá’t ibáng kulay, ang lahát ng̃ babaing dumaló dahil sa
hang̃ád na makapanoód lamang, na noóng mg̃a taóng nakaraán ay hindî
mán siyá nápuna, kundî mán nátingnan siyá na may pagwawalâng bahalà,
ang lahát ng̃ kaginoóhang iyón na noóng siyá’y batà ay kauntî ng̃
pagulung̃an siyá sa karuaheng sinásakyan sa gitnâ ng̃ lusakán na
warì áso lamang, sa mg̃a sandalíng iyón ay siyá ang pakikinggan, at
ang mg̃a tuturan namán niyá ay mg̃a maiínam na bagay, yaóng hindî pá
nádiding̃íg sa poók na iyón; lilimutin ang sarili upang alalahanin
ang mg̃a kaawàawàng mag-aaral sa haharapín, at siyá’y papasok sa
sosyedad sa pamagitan ng̃ talumpatìng yaón.