Ich weiss nicht was soll es bedeuten
Dass ich so traurig bin!
Nang bumatì si P. Florentino sa muntîng lipunán ay hindî na naghaharì
doon ang pagkakainisan dahil sa nakaraáng pagtatalo. Marahil ay
nakaakit sa mg̃a budhî ang masasayáng bahay sa bayan ng̃ Pasig, ang
mg̃a kopa ng̃ mg̃a alak na Jeréz na tinunggâ upáng humandâ ó marahil
ay ang pag-aantabáy sa isáng mabuting pananghalìan; magíng alín man
sa mg̃a tinuran ang sanhî, ang katunayan, ay nang̃agtatawanan at
nang̃agbibiruán na, sampû ng̃ pransiskanong payát, kahit na hindî
nang̃agiing̃áy: ang kaniláng mg̃a tawa’y kahawíg ng̃ mg̃a ng̃iwî
ng̃ isáng mamámatáy.
--¡Masasamâng panahón!, ¡masasamâng panahón!--ang sabing tumatawa
ni P. Sibyla.
--¡Maano namáng huwag kayóng magsalitâ ng̃ ganyán, Vice-Rector!--ang
sagót ng̃ kanónigong si P. Irene, sabáy sa pagtutulak sa luklukan
noon--sa Hongkong ay malusog ang inyóng pang̃ang̃alakal at nagpapatayô
kayó ng̃ mg̃a bahay na bawà’t isá ay.... ¡bá!
--¡Tate, tate!--ang sagót--hindî ninyó nákikita ang aming mg̃a gugol,
at ang mg̃a naninirahan sa aming mg̃a arìng lupaín ay nagsisimulâ
na sa pagtutol....
--¡Siyá, siyá na ng̃ kádadaíng, pagkâ’t kung hindî ay iiyák na
akó!--ang masayáng sigáw ni P. Camorra.--Kami’y hindî dumádaíng gayóng
walâ kamíng mg̃a lupaín ni mg̃a banko. At alamín ninyó na nagsisimulâ
na ng̃ pagtawad sa mg̃a deretsos ang aking mg̃a indio at iniuukilkil
sa akin ang mg̃a taripa! Sukat bá namáng ukilkilán akó ng̃ taripa
ng̃ayón, at taripa pa namán ng̃ Arsobispo na si D. Basilio Sancho,
_puñales_, warì bagáng mulâ noon hangáng ng̃ayón ay hindî námahal
ang mg̃a bagay-bagay. Ha, ha, ha! Bakit mámumura pá ang isáng binyág
kay sa isáng inahíng manók? Ng̃unì’t akó’y nagtataing̃ang kawalì,
sinising̃il ko hangáng saan makaabót at hindî akó dumadaíng kailán
mán. Hindî kamí makamkám, anó, P. Salvi?
Nang mg̃a sandalîng iyón ay siyáng paglabás sa eskotilya ng̃ ulo
ni Simoun.
--Ng̃unì’t ¿saan bagá kayó nagsuot?--ang sigáw sa kanyá ni D. Custodio
na nakalimot na sa samâ ng̃ loob:--hindî ninyó nákita ang pinakamainam
sa paglalayág!
--¡Psh!--ang sagót ni Simoun nang makaakyát na ng̃ túluyan;--nakákita
na akó ng̃ maraming ilog at maraming tánawín, kayâ’t walâ ng̃ may
kabuluhán sa akin kun dî iyóng may mg̃a alamát....
--Kung sa alamát, ay may ilán ang Pasig--ang sagót ng̃ Kapitán,
na ayaw mawaláng kabuluhán ang ilog na kaniyáng nilalayagan at
pinagkakakitaan ng̃ pagkabuhay,--nariyan ang Malapad-na-bató, na
sinásambá noong kapanahunang hindî pá dumárating dito ang mg̃a
kastilà, na umano’y tirahan ng̃ mg̃a espíritu: ng̃ mawalâ na ang
pananalig diyan at masalaulà na ang bató ay nagíng tirahán ng̃ mg̃a
tulisán, na mulâ sa tugatog niya’y hinaharang ang mg̃a bangkâ na
nakikilaban na sa agos ay nakikilaban pá sa mg̃a tao. Nang makaraan
iyon at sa kapanahunan na natin, kahit nábabakás sa kanyá ang kamáy
ng̃ tao, ay may nábabanggít díng mang̃isáng̃isáng bangkâng nátataób,
at kung sa paglikô ay hindî ko ginagamit ang _anim kong sentido_ ay
hindî malayòng mapabarandal sa kanyáng mg̃a tagiliran. Náriyan pá
ang isáng alamát, ang sa yung̃íb ni doña Jerónima, na maibubuhay sa
inyó ni P. Florentino.
--Walâng hindî nakaalam niyon!--ang pawalâng báhalàng sabi ni
P. Sibyla.
Ng̃unì’t ni si Simoun, ni si Ben-Zayb, ni si P. Irene, ni si
P. Camorra ay nakaaalám, kayâ’t hining̃î niláng isaysáy; ang ilán ay
pabirô at ang ibá’y sapagkâ’t sadyâng ibig mabatíd. Ang klérigo ay
umanyông pabirô, kagaya ng̃ paghilíng ng̃ ilán, gaya ng̃ pagsalaysay
sa mg̃a batà ng̃ isáng sisiwa, at nagsabing:
--May isáng lalaking nag-aaral na nang̃akòng pakakasal sa isáng
babai, sa kanyáng bayan, at pagkatapós ay hindî na naalaala ang
pang̃akò. Dahil sa pagkamatapát ng̃ babai ay inantáy-antáy ng̃
malaon ang lalaki: nakaraan ang kanyáng kabatàan, nagíng dalagsót
at isáng araw ay nabalitâang ang kanyáng katipán sa pag-aasawa ay
siyang Arsobispo sa Maynilà. Nagsuot lalaki at lumigid sa ung̃ós
ng̃ Cabo, sa pagparito, at humaráp sa Ilustrísima na hiniling̃áng
tumupád sa pang̃akò. Ang kahiling̃a’y hindî mangyayari, at ipinagawâ
ng̃â ng̃ Arsobispo iyang yung̃ib na nákita ninyóng may takíp at
napapalamutihan sa pagpasok ng̃ mg̃a punòng gumagapang. Diyan siyá
nanahán at namatáy, at diyan din siyá nálibing, at ayon sa sabisabihán
ay tumatagilid si doña Jerónima kung pumapasok sa yung̃íb dahil sa
katabaán. Ang kabantugan niyá sa pagkaenkantada ay buhat sa ugalì
niyang paghahagis sa ilog ng̃ mg̃a kasangkapang pilak na ginagamít
sa mg̃a pigíng niyang dinádaluhán ng̃ maraming ginoo. Isáng lambát
ang nasa ilalim ng̃ tubig at siyang sumasahód sa mg̃a kasangkapang
doon na nahuhugasan. Walâ pang dalawáng pung taón ang nakararaan
na ang ilog ay dumadaang halos humáhalik sa pintúan ng̃ yung̃íb,
ng̃unì’t untîuntîng lumálayô, gaya rin namán ng̃ pagkalimot ng̃ mg̃a
taga rito sa kay doña Jerónima.
--¡Mainam na alamát!--ani Ben-Zayb,--susulat akó ng̃ ukol diyan.
Nakaaawà.
Iniisip na ni aling Victorina na manirahan sa isá namáng yung̃ib at
sasabihin na sana ng̃ unahan siyá ni Simoun, na nagsabing:
--Ng̃unì’t anó ang palagáy ninyó sa bagay na iyón, P. Salvi--ang
tanóng sa pransiskano na walâng imík dahil sa may iniisip--¿hindí
bagá lalóng mabuti, sa palagáy ninyó, na dapat sanang hindî sa isáng
yung̃ib siyá inilagáy ng̃ Arsobispo kung dî sa isáng beaterio, sa
Santa Clara, sa halimbawâ?
Galáw na pamanghâ ni P. Sibyla, na nakakitang si P. Salvi ay nang̃iníg
at sumulyáp sa dako ni Simoun.
--Sapagkâ’t hindî namán mainam--ang patuloy na walâng tigatig ni
Simoun,--iyáng bigyán ng̃ muntîng tahanan ang mg̃a nádadayà natín;
labág sa pagkamapanampalataya ang ipain siyá sa mg̃a tuksó, sa isáng
yung̃ib, sa tabí ng̃ ilog; nang̃ang̃amoy _ninfa_ ó kaya’y _driada_
ang gayón. Marahil ay nagíng mainam pá, lalò pang kabanalan, lalò
pang magandá, lalò pang kápit sa ugalì dito, ang kulung̃ín siyá sa
Santa Clara, na warìng isáng bagong Eloisa, upang madalaw at mahimok
maminsánminsán, ¿Anó ang sábi ninyó?
--Hindî ko mahahatulan ni dapat kong hatulan ang kagagawán ng̃ mg̃a
Arsobispo--ang tugóng mabigát ang loob ng̃ pransiskano.
--Ng̃unì’t kayó, na siyang _gobernador eclesiástico_, ang kahalili
ng̃ Arsobispo, ¿anó ang gagawín ninyó kung sa inyó mangyari ang
bagay na iyon?
Kinibít ni P. Salvi ang kaniyáng balikat, at payapàng tumugón ng̃:
--Walâng kabuluháng isipin ang isáng bagay na hindî mangyayari....
Datapwâ’y yayamang napag-uusapan na rin lamang ang tungkol sa mg̃a
alamát, ay huwag ninyóng káligtâán ang lalòng mainam, dahil sa siyang
lalóng katotohanan, ang kababalaghán ni San Nicolás, na marahil ay
nákita ninyó ang mg̃a sirâng muog ng̃ kaniyáng simbahan. Ibubuhay
ko kay G. Simoun na siyáng hindî dapat makaalám. Warìng noong araw
ay maraming buwaya sa lawà’t sa ilog, mg̃a buwayang napakalalakí’t
napakamasibà na dinudumog ang mg̃a bangkâ at pinalulubog sa hagkís
ng̃ kaniláng buntót. Sinasabing isáng araw, ang isáng insík na hangga
noon ay hindî pa nagbibinyagan, ay dumaraan sa harap ng̃ Simbahan,
at walâng anó anó’y sásisipót sa kaniyáng harapán ang demonio, na
anyông buwaya, na itinaob ang kaniyáng bangkâ upang lamunin siyá at
dalhín sa Impierno. Sa tulong ng̃ Dios ay tinawagan ng̃ insík si
San Nicolás at noon din ay nagíng bató ang buwaya. Sinasabi ng̃ mg̃a
matatandâ na ng̃ kapanahunan nilá ay nákikilala pang maliwanag ang
anyô ng̃ hayop sa putól putól na batóng nálalabí; sa ganang akin ay
masasabi kong nakita ko pang malinaw ang ulo at kung huhulàan ang
katawán dahil sa aking nákita ay dapat na magíng lubhâng malakí ang
hayop na yaón.
--¡Kahang̃ahang̃àng alamát!--ang pabulalás ni Ben-Zayb,--at magigíng
sanhî ng̃ isáng salaysayín. Ang pagsasabi ng̃ anyô ng̃ háyop, ang
takot ng̃ insík, ang tubig ng̃ ilog, ang kakawayanan.... At magigíng
sanhî ng̃ pagsusurì ng̃ mg̃a pananampalataya. Sapagkâ’t tignán
ninyó; tawagan pá namán ng̃ isáng insík na hindî binyagan, sa gitnâ
ng̃ kasakunàan, ang isáng santó na hindî niyá sinasambá at marahil
ay kilala lamang sa ding̃íg.... Itó’y hindî sákop noong sáwikaíng
_mabuti pá ang masamáng kilalá na, kay sa mabuting kikilalanin pá_.
Kung akó’y mápapásakainsikán at málalagay akó sa gayong kagipitan
ang una ko munang tatawagan ay yaóng lalong hindî kilalang santó sa
_calendario_ kay sa kay Confusio ó Budha. Kung itó’y isáng kataasang
tunay ng̃ urì ng̃ katolisismo ó kaya’y kahinàan sa paghuhulò at pagka
walang katibayan ng̃ pag-iisip ng̃ mg̃a lahìng diláw, ay malilinaw
lamang ng̃ isang pagkilalang masusì ng̃ _antropología_.
Si Ben-Zayb ay gumamit ng̃ kílos gurô at pinagalaw ang hintuturò
sa hang̃ín, sabáy sa pagtataká sa sariling pag-iisip na marunong
humang̃ò ng̃ maraming banggít at katuturán sa maliliit na bagay. At
sa dahiláng nákita, na si Simoun ay nagbubulaybulay dahil sa bagay
na kasasabi pá lamang niyá, ay tinanóng na kung anó ang iniisip.
--Dalawáng bagay na mahalagá--ang sagót ni Simoun,--dalawáng
katanung̃ang maidaragdág sa inyóng susulatin. Una: ¿anó kayâ ang
nangyari sa diablo ng̃ biglâng mákulong sa bató? ¿nakatanan? ¿naiwan
doon? ¿napilpíl? At ang pang̃alawá, ay kung yaóng mg̃a háyop na
naging bató na nápagkitá ko sa iláng museo sa Europa, ay hindî kayâ
nagkagayón ng̃ dahil namán sa iláng santóng nabuhay na una sa panahón
ng̃ pag-apaw ng̃ tubig sa sangmundó?
Walâng kaping̃asping̃as na birò ang pagkakasábi ng̃ mag-aalahás
at itinukod pa sa noo ang kanyáng hintuturò, tandâ ng̃ malakíng
pagmumunìmunì, kayâ’t si P. Camorra ay walâng kaping̃asping̃as ding
sumagót na:
--¡Sino ang makapagsasabi, sino ang makapagsasabi!
--At yayamang mg̃a alamát ang napag-uusapan at pumapások tayo sa
lawà,--ang tugón ni P. Sibyla--ang kapitán ay dapat makabatíd ng̃
marami....
Nang mg̃a sandalîng yaón ay pumapások sa wawà ang bapór at ang
tánawing nasa haráp ay lubhâng mainam. Ang lahát ay nalugód. Sa
harapán ay nakalátag ang magandáng lawà, na nalilibid ng̃ baybaying
berde at bughaw na bulubundukin, na warìng isáng malakíng salamín
na nakúkulong ng̃ palibid na pawàng esmeralda at sápiro, na sa
kaniyáng lunas ay nanánalamín ang lang̃it. Sa kanan ay nakalatag ang
dalampasigang mababà, na may mg̃a look na may maiinam na anyô, at
doon sa malayò, halos napapawì na sa paning̃ín, nároon ang káwit ng̃
bundók Sung̃ay; sa harapán at sa hulíng dákong abót ng̃ paning̃ín
ay nakatayô ang Makiling, mataás, nakahahang̃à, napuputúng̃an ng̃
manipís na úlap; at sa kaliwâ ang pulông Talím, ang Súsong-dalaga
na taglay ang matatambók niyang gúhit na nagíng sanhî ng̃ kaniyáng
pang̃alan. Isáng malamíg na simuy ang nagpapakulót sa malápad na
ibabaw ng̃ túbig.
--Maala-ala ko palá, Kapitán--ang sábi ni Ben-Zayb, na kasabáy ang
pagling̃ón--¿alám bagá nínyó kung saan dako ng̃ lawà nápatay ang
isáng nagng̃ang̃alang Guevara, Navarra ó Ibarra?
Lahát ay nápating̃ín sa Kapitán, tang̃ì lamang si Simoun na ibinaling
ang mukhâ sa kabilâng dáko, na warîng may hinahánap sa dalampasigan.
--¡Ay siyá ng̃â!--ani aling Victorina,--¿saan Kapitán? ¿nakaiwan
kayâ ng̃ bakás sa tubig?
Kumindát ng̃ makailán ang tinátanóng, bilang katunayan na laban sa
kanyáng kalooban ang katanung̃an; ng̃unì’t ng̃ mabatyág ang samò
sa mg̃a matá ng̃ lahát, ay lumápit ng̃ iláng hakbáng sa unahán ng̃
bapór at minataan ang baybayin.
--Tuming̃ín kayó roón--ang sabing marahan, matapos na maunawàng
walâng ibáng tao:--alinsunod sa Cabo na nang̃ulo sa pag-uusig, ng̃
makita ni Ibarra na siya’y nakúkulóng, ay lumunsád sa bangkâ, sa
malapit sa _Kinabutasan_ at sa kásisisid ay linang̃óy ang habàng may
dalawáng milla, na hinahábol siya ng̃ punlô kailán ma’t ilálabas
ang ulo sa tubig upang huming̃á. Sa dako pa roon ay hindî na siya
nákita, at sa malayôlayô pa, sa may pangpáng, ay nakakita ng̃ warì’y
kulay dugô. At ng̃ayón ang ikalabíng tatlóng taón ng̃ pangyayari,
na walâng kulang at labis na araw.
--¿Kung gayón, ang kaniyáng bangkáy?...--ang tanóng ni Ben-Zayb.
--Ay nakisama sa bangkáy ng̃ kaniyáng amá,--ang sagót ni P. Sibyla;--¿hindî
bá isá ring pilibustero, P. Salvi?
--Iyán ang mg̃a murang libíng, P. Camorra, ¿anó?--ang sábi ni Ben-Zaib.
--Lagì ng̃ sinasabisabi ko, na pilibustero ang mg̃a hindî bumabayad
ng̃ maring̃al na libíng--ang sagót na tumatawa ng̃ tinukoy.
--Ng̃unì’t ¿anó ang nangyayari sa inyó G. Simoun?--ang tanóng
ni Ben-Zayb nang makitang ang mag-aalahás ay nakatigil at
nag-iísip--¿Nahihilo bagá kayó, kayóng mapaglakbáy, sa isáng paták
na tubig na kagaya nitó?
--Ang masasabi ko sa inyó,--ang sagót ng̃ Kapitán na nagkaroón na
ng̃ giliw sa mg̃a pook na iyón;--huwag ninyóng pang̃anlán itó ng̃
paták na túbig: itó’y malakí sa alín man sa mg̃a lawà sa Suisa at
malakí pa kahit pagpisanin ang lahát ng̃ lawà sa España; nakákita
akó ng̃ matatandâng mangdaragát na nang̃aliyó rito.