PÚNO NANG SALITÁ

Sa bayan n~g Vigan daraquilang ciudad

Fernandinang sacdál sagana sa galác

sa buong Iloco na ualang catulad

doon naguing tauo si Burgos na hayág.

Taóng isang libo ualong daang tunay

apat na puo't dalua siyang cabilan~gan

nang siya'y ianác nang ináng hinirang

may tacot sa Dios, mabuting magmahal.

Siya'y na-uucol sa isang «familia»

na iguinagalang natatan~gi baga

sa buting ugali at gauang maganda

sa ciudad na yaong mayaman sa sayá.

Mulang camusmusan nitong ating Burgos

sa bait na taglay uala nang aayos

gayon din sa talas nang isip na impóc,

caya't maaga siyang pinaturuang lubós.

Hindi nalaunan caniyang pag-aaral

naisipan n~gani nang m~ga magulang

dito sa Maynila iluas na tunay

upang pag-aralin sa San Juan de Letran.

Caya iniluas itinuloy muna

sa bahay nang canyang tióng sinisinta

teniente práctico nang artilleria

Juan Antonio Aelle ang pan~galan baga.

Siya'y itinirá na hindi naluatan

sa Letrang colegio, ang nacacabagay

ay duc-hang ulila sa m~ga magulang,

sa loob nang Dios tinangap din naman.

Sisiyám na taón cabilan~gang edad

nang siya'y parito at masoc na cagyat

sa colegiong yaong hinahan~gad-han~gad

nang caniyang budhi at loob na in~gat.

Doon n~ga nag-aral na hindi nagtahan

hangan sa sinapit at cusang nacamtan

ang gradong "bachiller" gayong pag-aaral

sa "artes" nahayág ang siyang pan~galan.

Nang ito'y macamtan nitong Burgos natin

gumising sa caniyang puso ang tun~guhin

yaong "Pagpapari Sacerdociong" tambing

sa "eclesiásticong carrerang" mahinhin.

At hindi na niya tinuloy na lubós

"carrerang derechong" sinisintang puspus

nang m~ga magulang, ang cusang sinunod

ang buco nang dibdib gumising sa loob.

Caya n~ga't pagdaca ay pinag-aralan

Teologiang mahal sa isang maalam

na fray Ceferino Gonzalez ang n~galan

na hindi nalaon ay naguing Cardenal.

Dito na tinamó yaong mantong azúl

at belang mapula na ualang caucol,

caya ang caniyang familia n~ga noon

ang toua nang dibdib ay hindi gagayon.

Madali't salita nang ito'y malaman

na sa Pagpapari ang pag-aaralan

nang caniyang magulang cusang binayaan

tanang hanap buhay sa ciudad nang Vigan.

Dito sa Maynila sila'y tumahan na

dahil sa pagsunod sa anác na sinta

na di man nangyari caibigán nila

ano mang pamanhic di nangyari baga.

Ang luhang tumulo sa man~ga magulang

hindi man pinansin at pinagpilitan

ang hilig n~ga niya na mag-paring tunay

Ministro nang Dios sa lupang ibabao.

Baga ma't gayon ang nangyaring lubós

pag-ibig nang Ama'y lumalalong puspos

sa naquiquita niya't napapanuod

sa caniyang anác carunun~gang impóc.

Mula sa hindi n~ga na nahuhulog man

sa tanang "exameng" pinagdadaanan,

at caya't baga man may lungcot na taglay

ang galác sa puso'y siyang gumiguitao.

Gayong pag-aaral ay hindi nagluat

"órdenes menores" ay quinamtang cagyat

caya lalo na n~ga ang "familiang" lahat

toua'y mago't mago sa dibdib namugad.

N~guni't uala pa siya na apat na buan

n~g pagca tangap niya n~g "órden" quinamtan

nagcaroon nang gulo sa tinatahanan

Colegio nang Letran sa fraileng casaman.

Mula baga ito sa pagpapasunod

"sa m~ga colegial" pauang filipinos

nang m~ga Fraileng sa samá ay supot

n~g m~ga _abuso_ at gauang pag-ayop.

Caya nacaisip ang tanang Colegial

gayong pag-aalsá sa pacanáng tunay

binabago nila ang caugalian

na dating paquita sa canilang tanan.

Oras n~g hapunan n~g mangyari ito

na aquing sinabi na pagcacaguló

caya ang guinaua n~g Fraileng pan~gulo

sa justiciang bayan ay napasaclolo.

Dahil sa marami ang Fraileng nasactan

may bali ang butó at may nasugatan;

caya yaong habla umano sila rao

ibig na patain nang tanang colegial.

Naparatan~gan pa na naguing pan~gulo

itong ating Burgos sa nangyaring guló,

datapua uala rin naguing hanga ito

cundi ang pasia iuan ang Colegio.

Silang calahatan paalisin lamang

sa Colegiong yaon sa iba'y mag-aral

n~guni't di nangyari pagca silang tanang

sa m~ga Fraile curang namanhican.

Dahil sa marami di nacatapos pa

n~g canicanilang tun~guhing carrera

caya't napilitan nagtiis din sila

sa m~ga pasunód n~g Fraileng lahat na.

Lalong lalo na n~ga itong ating Burgos

dahil sa _Derecho Cómicong_ lubos

siya'y hindi pa na nacacatapos

caya nagtiaga rin sa iba'y umayos.

Hindi rin naluatan ang pagca _Decano_

sa laong panahón cusa ring tinamó

sa aua n~g Dios at dusang totoo

na tinitiis niya sa Fraileng abuso.

Caya di nalaon siya ay lumipat

n~g hindi na siya tumagal sa hirap

sa m~ga pasunod niyong Fraileng lahat

Colegiong S. José, ang tinun~gong agad.

Ang namamatnugot sa colegiong itó

ang quilalang doctor si Padre Mariano

García ang caniyang dalang apellido

tunay na tagalog tauong filipino.

Nang siya'y matira at dito mag-aral

ay hindi nagtagal siya'y inordinan

nang pagca «Diácono» gayong cabataan

mulá sa talino nang isip na tagláy.

Hindi nacaraan ang ilang panahón

sa madaling sabi nama, i, nagcataon

nagcaron nang isang noong "oposición"

sa tanang Diácono mag "cura" ang layon.

Noon ay "vacante" yaong catungculan

segundo curato sa sagrariong mahal

nang bunying S. Pedro balitang Catedral

sa sangcapuluan nang Maynilang bayan.

Sa guinauang ito: "oposicióng" tiquís

nan~guna sa lahat si Burgos na ibig,

caya tinamó niya sa talas nang isip

gayong "Pagcucurang" caloob nang Lan~git.

Ang tungcol na ito hindi matatamó

nang sino't alin mang cahit may "empeño",

cungdi ang may taglay pagca Presbítero

ay siyang marapat na magcamit nito.

N~guni at sa dunong nitong ating Burgos

baga ma't Diácono ay quinamtang lubós

palibhasa dising naasa sa Dios

matalinong lubha maganda ang loob.

Maca ilang buan ay quinamtang cagyat

pagca licenciado sa bunying «faculcad»

niyaong filosofía sa gayong capahat,

gayong pag-aaral na lubhang mahirap.

Hindi nacaraan ang malaong arao

nahalal na mulí siya, i, maguing "fiscal"

sa "juzgadong" sacdal "eclesiásticong" hirang

at sa "ceremonias" ay "maestro" din naman.

Ito ay caloob nang daquilang Rector

sa Sto. Tomás n~ga, mula sa di gayong

carunun~gan niya na ualang caucol

na napagquiquita nang tanang naroon.

Nang ito'y matamó dito na nagcamit

nang dan~gal na lalong ualang cahulilip

caya ang bala na n~ga nagalang na tiquis

baga ma't matanda't caniyang cauan~gis.

Ang boong Maynila dito na nagtaca

sa dunong na in~gat ualang macapara

nitong ating Burgos na caaya-aya

pati n~g ugali at loob na dala.

Di pa nagluluat ang panahong ito

n~g caniyang pagtangap ng lahat n~g «grado»,

ano't nagcataon sa Españang reino

nagcaron n~g isang malaqui n~gang gulo.

Ito'y noong taóng isang libong ganap

ualong daan anim na puo't ualong singcad

buan n~g Septiembre sa istoriang saad

n~g ito'y mangyari caguluhang cagyat.

Dalauang binata ang naguing pan~gulo

na taga Maynila, Manuel at Antonio

Regidor ang n~galan sa nangyaring gulo

sa bayang España niyaong unang daco.

Caguluhang ito ay ualang ano man,

na hindi n~ga gulo n~g pagpapatayan,

cung di isa lamang na pag-uusapan

n~g Fraile't Tagalog sa Gobiernong mahal.

Pagtatalong ito ay di nai-iba

cung di yaong gustó nito n~gang dalaua

ang magcaron dito mabuting reforma

n~g pamamahala tayong lahat baga.

Ang tanang clérigo, ang dapat n~ga lamang

mag cura sa lahat m~ga bayan bayan

nitong Filipinas, at magcaron naman

n~g representacion de Cortes ang n~galan.

At cusang baguhin, pag-ayusing cagyat

ang escuelang bayan at colegiong lahat,

at ito'y ibigay ang siyang marapat

sa Paring tagalog tubong Filipinas.

Ang gayong usapín ay lumaquing tunay

ang lahat nang Fraile'y pauang naguluhan,

caya't napilitang sila ay naghalal

n~g Procuradores na Fraile rin naman.

Si Fray José Checa at Fray Joaquin Coria

ang naguing defensor taga usig baga

ng usapíng ito sa dalaua'y habla

na taga Maynila sa baya'y may sinta.

Sa lahat n~g «diario» ang usapíng ito

sa Corte n~g Madrid nalagdang totoo't

pauang naaayon tanang artículo

sa tanang tagalog, Fraile siyang talo.

Baquit ang isa pa naquiayong tunay

isang tubo rito na naguing general

D. José Orosco Zuñiga ang n~galan

at iba pa n~gani na may catungculan.

Na sina D. Juan Záenz de Vismanos[1]

José Ochoteco[2], Rafael[3] na bantog

García López n~gani ang pan~galang lubós

n~g m~ga nag-usig na pauang tagalog.

Sa pagtulong nito na lubhang malihim,

ang lahat n~g Fraile ay di napatiguil,

lalong inululan n~g galit na tambing

sa dalauang ito na Regidor natin.

Lalong lalo na n~ga n~g sila'y lantacan

sa diariong «Discución»[4] halos arao arao

n~g binatang Manuel, Fraileng calahatan

lalong nan~gag-usig panalo'y macamtan.

Dito na si Burgos cusang sumulat na

ilang «artículong» casagutan baga

sa lagdang sinulat n~g Fraileng si Coriang

naquiquipagtalo mag-uagui ang pita.

Sa usapíng ito n~g cusang malaman,

ang ating si Burgos dito ay capisan,

ang lahat n~g Fraile lubós n~g tumahan,

tinimpi sa loob yaong cagalitan.

Dito na umusbong sa canilang dibdib

si José Burgos n~ga ay sinumpang tiquís

at paghigantihan gauan niyaong pan~git

lihim na pacaná na asal balauis.

Baga ma't gayon na ay cusang tumiguil

ang lahat n~g Fraile sa gayong usapín,

di rin naampat at napatuloy rin

sapagca't tumauid sa lupain natin.

Sa boong lauigan nitong Filipinas

caguluhang ito cusang lumaganap

dahil sa ang lahat na Fraileng dulin~gás

ay pauang nagbago n~g ugaling in~gat.

Yaong pan~gan~gamcam siyang natutuhan

nang lupa at buquid sa catagaluga't

cusang pataasin ang dating cabuisan

n~g m~ga hacienda na atin di't tunay.

Caya siyang mula n~g panghihimagsíc

niyaong si Eduardo Camerinong sulit

na taga Caviteng nahalal na tiquís

pan~gulo sa hocbo na pauang nilupig.

Isa pang casama ni Eduardong hirang

ay yaong si Luis Parang ang pan~galan

na siyang namuno sa bayan n~g Tan~guay

n~g paghihimagsic sa Fraileng sucaban.

Ang bayan n~g Imus noo'y gulongulo

sapagca't nacuha nitong si Eduardo

caya't n~g mahuli ang dalauang "lego"

sa "casa hacienda" binitay n~ga nito.

N~g ito'y matanto n~g bunying general

nagulo ang diua caya't naisipan

tumauag n~g pulong sa lahat n~g mahal

na m~ga tagalog n~g ito'y mahusay.

Pagca't yaong guló lubhang malaqui na

di na naapula ano mang gauin niya,

hangang sa inabot ang «casa hacienda»

sinilabang tunay n~g nag si pag alsá.

Caya naisipan n~g upang tumahan

caguluhang ito nasabing general,

ang tanang tagalog na may carunun~gan

at caunting yaman bigyang catungculan.

Caya n~ga't inipon si Roxas, Vismanos,

Ascarraga't Tuáson, González na lubós,

Padilla't Esquivel, si Calderóng bantog

saca si Icasa pauang filipinos.

Sila hindi iba ay cusang nahalal

«vocales civiles» na puno sa bayan,

saca n~ga sinunod ang ilang cabanghay

niyong cay Regidor «reformas» na tanan.

Dito na naghalal sa corte n~g Madrid

n~g isang Comisión sa nag-uusig

nitong si Regidor na di naiidlip

tayong calahatan mapaiguing tiquís.

Caya ang Ministro de Ultramar noon

ay siyang namuno gayong pagpupulong,

at ang m~ga vocal sa ganitong layon

m~ga generales na ualang caucol.

Na sina Orosco, Saportillang tunay

Gandara at sina Ochoteco naman,

Coballes na pauang coroneles lamang

Rodriguez, Bona't Pillon iba pang capisan.

Ang pulong na ito pauang nag caisa

at pinaayunan ang tanang "reforma"

nitong si Regidor na capisan nila

gayong pag-uusap sa guinauang junta.

Caya n~g matapos itong pag-uusap

dito sa Maynila'y pinahatid agad

niyaong capulun~gan sa Madrid na hayag

ang naguing pasiya n~g upang malutas.

N~guni sa samá din n~g pamamahala

n~g Gobierno rito'y isinalamuha

sa "junta" n~ga rito yaong fraileng madla

uala n~g inimbot cundi ang masamá.

Dina naalala itong ating Burgos

doo'y isinama't cusang inilahóc

caya sa uala rin dito'y napanuod

na "caliuanagan" tanang filipinos.

Sa gayong nangyari yaong caguluhan

dito sa Maynila, Bulacan at Tan~guay

Silan~ga't iba pang m~ga lalauigan

ay lalong lumubha apuy ang cabagay.

Ang man~ga pinuno't tanang autoridad

dito sa Maynila'y nagulong cagyat

caya napatulong sa loob na tapat

n~g m~ga tagalog may dunong na in~gat.

N~g upang maampat cusang mapatiguil

caguluhang ito na ualang cahambing

caya sinunod na ang lahat n~g hilíng

n~g tanang tagalog may dunong na tambing.

Si Padre Gómez n~ga ang siyang guinaua

comisióng nahalal cusang papayapa

sa cay Camerino na naghimagsic n~ga

sa bayan n~g Tan~guay, Imus na daquila.

N~g ito'y parunan niyaong Padre Gómez

ay hindi nalaon ang paghihimagsic,

dahil sa pan~gaco n~g autoridades

sa tanang tagalog na nag-alsang tiquís.

Caya ang "tratado" biglang pinirmahan

sa bayang Navotas n~g bunying general

sa pinamansagang balitang tulisan

na si Camerino at si Luis Parang.

Ang lahat n~g Fraile noo'y nan~gag-galác

pagca't napayapa caguluhang cagyat,

at tanang «hacienda» nilang ini-in~gat,

ay muling babalic na di magluluat.

Baga ma't sila'y cusang nagastahan

nag-gugol n~g pilac na hindi mabilang,

di na alumana humusay n~ga lamang

lacad n~g panahong man~ga caguluhan.

Ang general noong balitang D. Cárlos

de la Torre n~gani ang pan~galang lubós

na naguing mabuti sa man~ga tagalog

at sa tanang Fraileng nag-asal balaquiot.

Nabalita naman sa panahong yaon

ang ating si Gómez cura sa Bacoor

dahil sa guinaua at pag dedefensor

sa tanang tagalog na piniit noon.

At gayon din naman sa pagpapahusay

sa nangyaring guló sa bayan n~g Tan~guay,

caya yaong puri at uagás na dan~gal

ay tinamó niya sa catagalugan.

Dahil sa mahiguit na tatlong libong ganap

ang napi-it noon tagalog na lahat

na napacaualan cay Gómez nagbuhat

sa cárcel n~g dusa na dilang bagabag.

At pati ni Parang sampuo ni Eduardo

cusa ring nagcamit n~g mabuting trato

sa man~ga castila tumirá pa rito

sa bayang Maalat may «pencióng» totoo.

Saca sinunod pa ang pinag-usapan

niyaong caayusang magcura sa bayan

at yaong "reforma" niyaong pag-aaral

ay pinaghusay din na hindi naluatan.

Nagcaroon pa noon n~g carrera civil

lahat n~g tagalog may dunong na tambing

caya si Vivencio del Rosario natin

sa Lagunang bayan ay nag alcalde rin.

At si D. Mariano Villafranca naman

sa bayang Misamis alcaldeng nahalal

na pauang tagalog may dunong na taglay

nagcamit n~g tungcol sa cacastilaan.

Nagcaroon pa rito n~g m~ga Jueces

pauang filipino't man~ga Relatores,

at lahat pa disin n~g m~ga napiit

dito nacauala't cusang nacaalis.

Pinatiguil pa n~ga ang pag-eembargo

sa tanang lupain n~g naramay rito,

at pinagalang pa man~ga bahay dito

sa tanang justicia nagalang totoo.

Sa madali't sabi ating pagbalican:

ang cusang sinapit nitong si Luis Parang

sampuo ni Eduardo Camerinong hirang

niyaong macaraan yaong ilang arao.

Pagca't di nalaon sila ay piniit

pinatay sa bitay, sa namucong galit

sa dibdib n~g tanang Fraileng m~ga ganid

uala n~g inimbot cung di gauang pan~git.

Sila'y nag-gasta rin n~g lubhang malihim

sa general ditong lumabo ang tin~gin

sa saganang pilac canilang inyahin

mapapatay lamang dalauang butihin.

Naualang halaga ang pinag-usapan

tratadong guinaua sa Malabóng bayan

at cusang naniniig lubos na guinitao

pagtin~gin sa yaman nasabing general.

Nagn~git-n~git na naman n~g ito'y matalós

ang lahat n~g dibdib n~g m~ga tagalog,

n~guni't sa uala rin dito ay inabot

caguluhan baga gaya n~g natapus.

Sa panahóng ito siyang pagcacamit

nitong ating Burgos «ordeng» ninanais

niyaong Pagcapari sa tanang tiniis

man~ga cahirapan na ualang cauan~gis.

Hindi n~ga nalaon na nagcantamisa,

sa ating Catedral nahalal na cura,

at siyang pagtamó n~g mahal na «borla»

niyaong pagca "Doctor" sa Santa Teología.

Saca sa Derecho Canónicong mahal

ay gayon din naman "Doctor" na mahusay

caya sa Tribunal n~g exameng tunay

naquiquialam na sa colegiong tanan.

Caya bala noong ibig na cumuha

magcamit n~g grado sa facultad baga

sa Santa Teologia't bunying Filosofía

at sa Canónico daraan sa caniya.

Sapagca't n~ga siya nahalal na cagyat

na "Examinador" at una sa lahat

cusang "eexamen" estudiong facultad

na sino ma't aling ibig macalabas.

Sa caniyang pagsunod sa tungcol na dala

naguing masamá siya sa fraileng lahat na;

datapua gayon man di cumibo sila

uari hindi pansin tanang naquiquita.

Cusang nagsaloob higantihan lamang

putulin ang gayong man~ga cahigpitan

n~g pag-eexamen sa sino't alin man

sa Fraileng capua lipós n~g casam-an.

Caya ang nangyari n~g lumubhang tiquís

yaong pag n~gin~gitn~git cay Burgos na ibig

dito na ang lahat; ang Fraile'y lumupít

sa Paring tagalog na casanib-sanib.

N~g ito'y malaman nitong Burgos natin.

lahat n~g capua ay inipong tambing

pinaquipagtalo lahat n~g inilíng

na Paring tagalog n~g Fraileng butihin.

Sa nangyaring ito, dito na inusig

sa Arzobispado ang leyes ni Moret

ay sundin totoo pagca't natititic

sa pinag-usapan ito'y susunding pilit.

N~g ito'y matanto n~g fraileng si Roxas

Cornejo, Ariaga, Cabrerang dulin~gás,

Pardo, Gala't ibang lumahóc na cagyat

si Padre Burgos n~ga cusang pinaghanap.

At ipinaglaban canilang catuiran

cahit nalilicó sa magandang daan;

n~guni't sa uala rin silang hinanganan

cung di yaong hiyá na ualang cabagay.

Sapagca't n~ga sila'y nan~gabilangó pa,

ang canilang ari enembargong sadiya

sa nangyaring ito na usapín nila

sa bunying Juzgado Eclesiástico baga.

N~g ito'y masapit nilang calahatan

sila'y nacaisip pasaclolong tunay

sa cay P. Burgos at paquiusapan,

n~g sa pagcapiit macalabas lamang.

Gayon din ang tanang man~ga Presbítero

na pauang linupig man~ga fraileng ito

sampuo niyaong ibang man~ga filipino,

cay P. Burgos din ay napasaclolo.

Sa nangyaring ito itong ating Burgos

hindi nagmalaqui't pinaquingang lubós,

ang sa tanang Fraile at man~ga tagalog

man~ga paquiusap sa gayong inabot.

Siya n~ga'y naggugol lubos nagcagasta

na hindi sinin~gil capaguran niya,

sa fraile't tagalog n~g macamtan nila

ang pagcacauala sa cárcel n~g dusa.

Itong si Fray Galan recoletong hirang

si Fray Ariaga franciscano naman

at si Fray Cornejo Domenicong tunay:

si Padre Burgos n~ga siyang nagsangalang.

Sila'y napabalic at cusang nagcura

sa bayang tagalog dating lagay nila

at ang ari nila na enembago baga

ay cusang nagbalic na caracaraca.

Sa panahóng íto lubos nagcaroon din

n~g isang sumbong n~ga taga S. Rafael

sacop n~g Bulacan mula baga't dahil

sa canilang cura na nag-asal suail.

Caya ang guinaua dagling pinatauag

ni Padre Burgos n~ga't inaralang cagyat

na sa uli't uli ang guinauang lahat

huag n~g gagauin sapagca't di tapat.

Ito hindi iba ay si Fray Antonio

Piernavieja n~gani bunying agustino

totoong nasinsay, cusang umabuso

sa ipinag-uutos n~g Eclesiástico.

Macaraan ito ay hindi naluatan

sa Corte n~g Madrid may isang lumitao

diariong casang-ayon n~g catagalugan

«Eco Filipino» ang siyang pan~galan.

Dito n~ga si Burgos ay cusang tumulong

naggugol n~g yaman at sampuo n~g dunong

upan n~g lumauig at cusang yumabong

magcaroon n~g madla na m~ga suscritor.

Nagtayó rin naman isang capisanan

dito sa Maynila sa nagpapaaral

sa reinong España filipinong tanan

ibig na dumunong lahat ay malaman.

Caya sa dalauang Regidor na tiquís

nangyaring lumagda n~g usiguing pilit

tanang filipinos may dunong sa Madrid

magcamit título't condecoraciones.

At gayon din naman ang catagalugan

cusang natatan~gi't may in~gat na yaman

nagcarón nang uagás bunying catungculan

sa lahat nang poóc nang sangcapuluan.

Saca isinunod na caniyang inusig

yaong pagcucura nang fraileng balauís

sa bayang tagalog sila'y mapaalis

at pauang clérigo ang siyang mapalit.

Dito pinasunod utos sa "Concilio

ni Trento" ang tauag at biling totoo

marapat na sundin nang simbahan dito

nang man~ga castila sa silan~ganang daco.

At sinabi pa niyang ipinagmatigás

sa lahat nang fraile cun ang caniyang han~gad

ay hindi susundin arao'y di lilipas

sila'y pasasacop sa inglés na cagyat.

Caya ang nangyari lumagdá pagcuan

nang isang "escrito't" inihaying tunay

sa Ministrong hayág nang bunying Ultramar

sa reinong España na cabalitaan.

N~guni't bago ito ipinadalang lubós

cay Izquierdong hirang general na bantóg

ay nuhang sanguni't bilang pahintulot

nang huag masinsay sa catouirang puspos.

Ang escritong ito'y pinaayunan niya

at pinapirmahan bago ipinadala

cay Padre Mendoza[5] Lasa[6] at Sevilla[7]

Danda't[8] del Rosario[9] Guevara't[10] Zamora[11].

Napisang parito sina Desiderio,[12]

Hilario del Pilar, Gainsa't Gimeno[13]

Roxas,[14] Regidor,[15] Ramirez[16] parito

Calderó't[17] Esquivel[18] iba pang totoo.

Gaya ni na Tisca[19] at sina de la Rosa[20]

Acuelle[21] at Agustin[22] pauang nagsipirma

sa escritong yaon cusang pinadala

sa Corte nang Madrid nang caracaraca.

Parang naligalig fraileng calahatan

sa nangyaring itong man~ga caisipan

nitong Burgos natin caya silang tanan

sinilaban n~gani niyaong cagalitan.

Dito na isinumpá nag-isip nang cagyat

na paghigantihán, caya silang lahat

cusang nagpupulong halos oras-oras

cung anong magaling nang ito'y maampat.

Lalong-lalo na n~ga fraileng recoleto

at ang dominico siyang gulóng-guló

dito sa nangyaring hindi mamagcano

caya silang tunay ang mausig dito.

Caya niyaong minsang sila ay magjunta

Prior sa convento nang Recoletos baga

sa bayan nang Tan~guay na ang n~galang dala

Fray Mariano Gómez dito naquisama.

At gayon din naman ang castilang uldóg

Fray Antonio Rufian órden S. Juan de Dios

ay nacasama rin at silang tibobos

nan~gacong gagauang higanti cay Burgos.

Sa pan~gacong ito dito nan~gagalac

ang lahat n~g fraileng may galit na in~gat

sa cay Dr. José at maipahahamac

nang dalauang ito na magcapua oslac.

Hindi na naglicat nang magcahiualay

itong man~ga fraile na aquing sinaysay

mabuting paraan mapapatay lamang

ang naguing catotong quinagagalitan.

Caya ang na-isip nitong si Fray Gómez

si Miguel Zaldua[23] at ang casing ibig

cusang hinicayat na sulsulang pilit

tanang sa Arcenal jornalerong tiquís.

Upang silang tanang tumutol na cagyat

sa upahang dati cung hindi itaas

at siyang bahala cusang magliligtas

cung ito'y umabot sa di hinahagap.

Sa paquiquinyig n~ga ni Miguel Zaldua

sa aral nang fraile'y cusang inaquit na

tanang jornalero sa Arcenal baga

na sila'y tumutol sa ugaling upa.

Cung sacasacaling ayao na itaas

sila'y man~gag-alsa huag na magulat

sapagca't tutulong ang caual na lahat

sa Maynila't Tan~guay at pauang casabuat.

Napahinuhod n~ga, ang lahat nang jornal

sa mabuting aquit ni Zalduang nasinsáy

caya ang guinaua nitong Fray Rufian

umisip naman siya nang ibang paraan.

Caya ang sumagui sa caniyang acala

sina Montesino't Morquechong daquila

pinaquiusapan na tulun~gang sadiya

ang lahat nang jornal sa pag-aalsa n~ga.

Ang dalauang ito ay castilang taal

na capua tenienteng napipiit lamang

sa Castillong sacdal sa bayan nang Tan~guay

n~gala'y San Felipe lipós cahirapan.

Sa sabing matamis sa dalauang ito

ay hindi tumangui sumagot nang oo

upang sila lamang macalabas dito

sa pagcacapiit doon sa Castillo.

Ang lihim na ito ay hindi nagdaan

arao nang sábado dumating na tunay

nang pagbabayaran sa lahat nang jornal

na nagsisigaua doon sa Arcenal.

Icadalauang puo buan nang Enero

siyang cabilan~gan nang arao na ito

caya nagsitutol, sinunod ang trato

nang sila'y bayaran sa di nila gusto.

Nang ito'y matanto nang coronel Buttler

bunying Gobernador nang caual na tambing

sa lalauigang Tan~guay ay hindi pinansin

reclamo nang jornal na ualang cahambing.

Ang caniyang guinaua umaga nang lingo

humin~gi nang "fuerza" sa General dito

hayág na Izquierdo pagca't natanto nito

ang lahat nang jornal ibig na mangulo.

Naisipang isa pahaliling tunay

nang oras ding ito sa isang capantay

nang coronel Roxas nang di niya camtan

yaong caguluhan naramdamang tunay.

Saca pinaglirip sa sariling isip

magcaroon man siya nang caual na cabig,

cung uala naman siyang escuadra sa tubig

ay uala rin anyang tunay masasapit.

Pagca't ang nangyari guinaua ni Mac-Rohon

contra-almirante sa escuadra noon

tanang cañonero nang panahong yaon

ay pauang dinala sa Isla del Sur[24].

Sucat na natira dito ay iisa

caya't si Buttler nagpumilit baga

ang lupa nang Tan~guay iuan muna niya

nang huag nang datnin caguluhang sadya.

Capagdaca naman caniyang cahilin~gan

ay agad inamin biglang pinayagan

nang caniyang general Izquierdong maran~gal

nang umagang yaon na hindi lumiban.

N~guni't bago siya sa Tan~guay umalis

sina Montesino't Morquechong nasambit

ay caniyang hini~ging dito na mapiit

sa Maynilang Ciudad na sacdal nang diquit.

Cahilin~gang ito ay di na nahintay

sapagca't guló na ang lahat nang jornal

sa hindi pagpayag sa ibinibigay

dating caupahán, caya binayaan.

Ugali't salita madaling malutas

nang ito'y matanto ni Rufiang dulin~gás

lalong sinulsulan jornal na alin~gas

sila'y maghimagsic sa castilang lahat.

Sinabi pa nito huag mag-alaala

sila'y tutulun~gan tanang caual baga

dito sa Maynila Infantería't Guía

sampuong artillero na ualang pagsala.

At hindi dadaan dugtong na sinambit

ang mamayang gabi mag-aalsang pilit

ang taga Maynila cung inyong marin~gig

ang putucan doon sumabay na tiquís.

Aco ma'y castila muli pang uinica

nitong si Fray Rufian uldóg na cuhilá,

n~guni't sa aua co sa inyo n~gang paua

dugó co'y naculo sa tanang castila.

Caya sa hatol co cayo ay sumunod

nang cayo'y lumaya na man~ga tagalog

huag naman cayong magcaroong lubós

niyaong «desconfianza» sa ipinatalós.

Sapagca n~ga't aco'y catotong mahigpit

ni Burgos n~ga ninyo at caisang isip

sa nilalayon niya na lubhang mapilit

ang pananarili ay macamtang tiquís.

Caya cun sacali cayo'y man~gagdiuang

ay inyong ihiyao si Burgos mabuhay

at ang Filipinas guilio ninyong bayan

España'y mamatay, mamatay na tunay.

Sa «enga~nong» ito sa hina nang isip

niyaong man~ga jornal sila ay naquinyig

sa hicayat nitong lalaquing mabait

uala nang inimbot cundi gauang lihis.

Sa madaling tacbo nang panaho't oras

yaong cagabihan sumapit na cagyat

ano't nagcataon parang pinagtiyap

pista sa San Anton[25] guinauang magalac.

Nagcaroon nang putoc castillo at bomba

cuites saca luces na ualang capara

sa boong magdamag at iba pang sayá

na nacauiuili sa guinauang pista.

Caya n~ga't maraming tauong nagsidaló

taga ibang pooc na di mamagcano

sa canilang toua sa pistang ganito

na sa cailan man di naquiquita ito.

Baquit nasabay pa ang pistá n~g Calmén

na pinagsasayá na ualang cahambing,

fraileng recoleto pauang nahihimpil

sa San Sebastian n~ga pooc na maalio.

Sa sabing matulin itong casayahan

dito sa Maynila nang cusang malaman

jornales sa Tan~guay paua nang gumalao

hindi naapula nang sino't alin man.

Sapagca't acala nitong nan~ga-aquit

nang fraileng si Rufian putóc na narin~gig

dito sa Maynila ay paghihimagsic

man~ga taga rito cay Burgos na cabig.

Ang man~ga marino sampuong infanteria

man~ga artillerong nasa sa muralla

na pauang tagalog dito sumunod na

na naquigalao din sa jornal sumama.

Dito si Lamadrid sargentong ilongo

hindi nagpabaya't agad sumaclolo

pinatáy ang púno pauang castellano

ang gradong teniente nilagay na rito.

Sina Montesino at Morquecho naman

lumagay sa lugar sumanib sa caual

caya't pinaghati ang fuerzas na tanan

saca namiyapis nang ualang cabagay.

Caya ang putucan nang cañón at baríl

sa boong magdamag hindi nagtitiguil

natalacsáng bangcay di maipagturing

nang man~ga castila't tagalog na tambing.

Gobernador Roxas mabuti na lamang

agad nacatacas at hindi napatáy

caya't nacuha pa sa acay na caual

ni coronel Sawa cusang naquipisan.

Sila'y nagsihanay hangang umumaga

sa calle principal niyaong Porto Vaga

na naquiquisagót sa putucan baga

nang naghihimagsic na aquing binadya.

At caracaraca siya'y nagpa-atas

cay Izquierdong hayág n~g isang calatas

ang bagay na ito'y ipinatalastas

upang sila doon abuluyang cagyat.

Nang ito'y matanto nitong si Izquierdo

sumubó ang galit na di mamagcano

caya capagdaca ang tanang sundalo

dito sa Maynila ay pinasaclolo.

Ang segundo cabong general Espinar

ay siyang umacay sa dinalang caual

pauang voluntario cubano n~gang tunay

ang iba'y castila't tagalog din naman.

Silang calahatan nagsilulang cagyat

sa man~ga vapores na hindi nagluat

at doon huminto na cusang sumadsad

sa Puerto nang Tan~guay na ualang bagabag.

Nang sa Kabite n~ga sila'y magsidating

general Espinar nag-utos na tambing

na aniya't panhiqui't agad salacayin

ang muog na yaong ualang macahambing.

At ang baua't doo'y inyong maabutan

babaye ma't báta ay pataying tanán

huag paligtasin ang sino't alin man

tungcól filipino naguing cautusán.

Ang utos na ito ay biglang sinunod

nang lahat nang caual na pauang cubanos

caya naman dito ang man~ga tagalog

cusang nagpaquita nang tapang na impoc.

Ang pagpapatayan sabihin pa baga

dugó'y umaagos batis ang capara

bangcay natalacsán sa guitna nang plaza

niyaong Porto Vaga gayong pagbabaca.

N~guni't sa dayucdóc at quinamtang puyat

nang man~ga tagalog sa boong magdamag

quinulang nang palad caya't napahamac

sila ay nagapi nang man~ga calamas.

Baquit quinulang pa nang polvora't bala

lalong cailan~gan sa paquiquibaca

caya di mangyaring tumagal pa sila

sa paghihimagsic nilang lahat baga.

Utos ni Espinar dito na sinunód

militar ma't hindi ay cusang tinapos

sargento Lamadrid at si Montesinos

siyang unang unang namatáy na lubós.

Yaong si Morquecho ang quinana naman

nang caniyang maquita na uala nang daan

nirevolver niya caniyang palipisan

sa nasang matapos ang in~gat na búhay.

Dapoua't di nangyaring namatáy na tiquís

cung di nang icatlong arao nang sumapit

siyang pagcatapos nang búhay na quipquip

nitong si Morquecho na aquing sinambit.

Lahat nang naculong na di nacalabás

sa muog nang Tan~guay ay pauang nautás

parang hinocoman ang nacacatulad

canilang sinapit gayong paglalamas.

Ang iba'y sa tacot sa dagat nagtalón

nasang mailigtas ang búhay sa lan~góy

n~guni't nahuli rin nang cañonero roon

cusang nagtatanod na ualang caucol.

Ang ibang nagtago at hindi gumalao

sa sariling bahay tinacas na tanan

at pinagbabaril yaong iba naman

dito sa Maynila ay dinalang tunay.

Hindi n~ga nalao't binitay na cagyat

nang icadalauang puo't isa ang saad

nang buang Enero't ualang nacaligtas

ni isa man lamang sa canilang lahat.

Tanang man~ga presong cusang nagdudusa

doon sa Arcenal di nacalabas baga

sa paghihimagsic ay biglang dinala

cusang dinestierro doon sa Paragua.

Ang fraileng si Rufian na umaquit dito

sa nan~gapahamac doon sa Castillo

nang magcagulo na'y nagtagong totoo

ang toua'y malaqui na di mamagcano.

Pagca't inacala'y cusang masusunod

ang bumucong nais nang capua balaquiot

fraileng solopicá caisa nang suot

na maipabitay ang ating si Burgos.

Caya nang maquita at siya'y matuclás

nang capua castila inalpasang agad

pagca't quinatuiran siya rao'y nalalabas

sa alsahang yaon nang nan~gapahamac.

Dito sa Maynila ay hindi nagtagal

sa Reinong España'y omoui pagcuan

sapagca't inisip maca pa macunan

niyaong _declaración_ gayong caguluhan.

Sa nangyaring ito ang lahat nang fraile

pauang nan~gagalac hindi mapacali

at cusang nilacad lihim sa sarili

si P. Burgos n~ga'y cusang ipaputi.

Ugali't salita caguluhang ito

ipagpatuloy co sa man~ga marino

na nasa Arcenal nang matanto ito

dito nagsilaban nang di mamagcano.

Halos patay na n~ga nagsisilaban pa

sa man~ga castilang canilang cabaca

at isinusumpa fraileng lahat baga

hangang ipiniquit yaong man~ga matá.

Ang ibang nahuli doon sa Arcenal

babaye at bata matanda't hindi man

sa cañonero n~ga'y pauang isinacay

saca ipiniit na pinarusahan.

Hindi naluata't sa corte nang Madrid

ibinigay alam ang paghihimagsic

nang taga Kabite ni Izquierdong tiquís

general na hayag na sacdal nang lupít.

Sa bunying Ministro n~g Guerra't Marina

doon n~ga dumatal bigay alam niya

caya capagdaca ay sinagót siya

maghalál nang Fiscal taga usig baga.

Dito na inusig at cusang hinusay

nang naturang Fiscal ang tanang nadamay

sa nan~gaghimagsic sa lauigang Tan~guay

at pinarusahan ang may casalanan.

Binigyang _indulto_ iba naman dito

ualang man~ga malay sa nangyaring guló

n~guni't yaong ibang may salang totoo

lalong nahigpitan sa pagcaca-preso.

Dito na hinuli si Miguel Zaldua

naguing artillero nang panahóng una,

na nan~gan~galacal nang talacsang baga

doon sa Kañacaw, sa Udiong ang cuha.

Caya nang piniit siya'y cabubuhat

sa pan~gan~galacal na dati niyang hanap

nasa _lorcha_ pa n~ga nang dacping cagyat

pati nang asauang pinacaliliyag.

Sila'y itinuloy nang caracaraca

doon sa Bilibid na piitang sadiya

na di man quinunan declaración baga

at caagad-agad sila'y pinagdusa.

Yaong diligencia'y cusang itinuloy

nang nasabing Fiscal nahalál n~ga noon,

upang mapag-usig nan~gulo sa gayong

man~ga caguluhan na ualang caucol.

Nang maliuanagan dito lumabas na

sa declaraciones na guinaua nila

ang cusang nan~gulo sa caguluhan baga

na nangyari noon na ualang capara.

Ang unang lumabas di umano'y _Imperio_

ang nasang itayó tanang filipino,

at ang Emperador na lumabas dito

si D. Joaquin Pardo de Taverang totoo.

Ang man~ga ministros si Burgos at Basa

Antonio Regidor, Paraiso't iba

dito ay nadamay ualang malay baga

caya nang dinaquip pauang napataca.

Nang ito'y matanto man~ga fraileng lahat

pauang nan~gaguló ang isip na in~gat

caya ang guinaua'y canilang nilacad

upang nang mabago ang sa unang hagap.

Dito na n~ga sila gumaua nang pulong

anila'y mabuti magcontribución

nang ang ating nasang nilalayon-layon

ay cusang matupad sa habang panahón.

Sa pasiyang ito'y pauang nagsi-amin

ni isa'y uala mang tumutol na tambing

caya't nan~gag-gugol nang lubhang malihim

sambuntong salapi cay Izquierdong saquím.

Ipinagpilitan ang nan~gulo dito

ang bunying si Burgos sa nangyaring guló

caya ang marapat baguhing totoo

ang sa diligenciang guinaua nang daco.

Caya sa pagdin~gig at cusang pagtitig

niyong si Izquierdo sa salaping tiquís

yaong diligencia ay binagong pilit

sinunod ang nasa nang fraileng balauis.

Dito na lumabas nang ito'y mabago

caya nan~gag-alsá man~ga filipino

sa lalauigang Tan~guay ang nasang totoo

maguing República ang lupaing itó.

At cusang nahalál Presidenteng lubós

ang ating marunong na si Dr. Burgos

at ang man~ga hayag na m~ga Ministros

ay ang natatalá dito ay casunod.

Si Pardo Tavera siyang sa Estado

sa Hacienda naman ay si Paraiso

si A. Regidor siyang sa Gobierno

si María Basa nama'y siyang sa Fomento.

At si Maurante siyang sa Marina

at si Mauricio siyang sa de Guerra

marami pang iba dito ay nasama

cusang idinamay binigyan nang sala.

Caya n~ga pagdaca ang lahat nang ito

sa lacás nang cuarta ay pauang napreso

ang abang catuiran nalugmoc na rito

sa abáng candun~gan nang dusang totoo.

Bucód pa sa rito ay pauang nadamay

sina Padre Lara, Sevilla at Dandan,

Rosario, Guevarra, Hilario del Pilar,

Tuason, Desiderio tagalog na tanán.

Saca sina Sánchez, León at Carrillo,

Enriquez at Serra, Máximo Paterno

ay pauang natapon cusang dinestierro

sa iba't iba n~gang bahagui nang Mundo.

Natan~gi n~ga lamang sina Padre Burgos,

Gómez at Zamora at si Zalduang puspos

ang hindi natapon at cusang násunod

sa nan~ga destierrong balót nang himutóc.

Palibhasa disin sa salaping lacás

sa diligencia n~ga pilit na lumabas

ang apat na ito sa castillong cagyat

sila ay mapasoc na cusang maghirap.

Madali't salita ay hindi nagdaan

yaong isang buan apat na tinuran

sa sadyang _Consejo de Guerra_ ang n~galan

sila'y ipinasoc nang pinunong tanán.

Lahat nang matouid ni na Padre Burgos,

Gómez at Zamora ay pauang naayop

nang lacás at bisa nang salaping handóg

niyong man~ga fraileng asal ay balaquiot.

Ang Consejong ito nang cusang minulán

icadalauang puo't anim yaong bilang

nang buang Febrero hapon yaong lagay

nang panahóng lubós na lubhang mapanglao.

Baquit ang nahalal Presidenteng tiquís

sa gayong Consejo ang sacdal nang lupít

Coronel nang hocbó, ang n~galan at sambit

Francisco Moscoso na ualang cauan~gis.

Fiscal instructor si Manuel Boscasa

Comandante naman catungculan niya

na isa sa man~ga caututan bagá

nang dila nang fraileng man~ga palamara.

A las cuatro n~gani nang ito'y minulán,

si Padre Burgos n~ga ang una sa tanán

sacá isinunod si Zamorang hirang

at sacá si Gómez na casamang tunay.

Anopa't ang lahat na man~ga defensor

ay ualang nagaua sa Consejong yaon

palibhasa disin caalam nang pusóng

na fraileng sucaban caya-napagayón.

Pagca't ang lumabás ó hatol na tunay

ang _Pena de Muerte_ ang siyang cacamtán

nang apat na ito sa pagcacadamay

na parang namuno sa gulóng nagdaan.

Ang hatol na ito matanto ni Burgos

ay cusang tumugón sa Consejong bantóg

siya'y di papayag sa defensang lubós

nang caniyang defensor sa fraileng caumpóc.

Pagca't aniya siya'y hindi umaamin

na siyang namuno sa bintang na tambing

caya't ang tutol niya sa tanáng casalio

siya'y ualang malay niyaong pagtatacsil.

Ang bagay na itó di rin pinaquingán

nang tanáng doroon cay Burgos na saysay

palibhasa n~gani sila'y binayaran

niyong man~ga fraileng higuít sa halimao.

Uala ring nangyari cundi ang maghari

sa canilang dibdib ang masamáng budhi

na maipapatáy si Burgos na bunyi

at pati nang tatló na casamang tan~gi.

Caya n~ga't ang hatol n~g Consejong hirang

apat na may sala alisán nang búhay

dalhin sa Capilla doon ay ilagay

hangáng may panahón macapan~gumpisál.

Sumunód na arao nang pagca-umaga

ang plaza de armas pinatanuran na

isang regimiento hocbóng infantería

sacá ang escuadrón niyaong caballería.

Caramihang tauo ang siyang casunód

na pauang nagtaglay n~g muc-hang malungcot

sa pagcacaabá nang palad na capós

niyaong tatlóng paring bibitaying lubós.

Si padre Burgos n~ga siyang unang una

at si padre Gómez at padre Zamora

pauang ualang malay sa atáng na sala

saca ang dinayang Francisco Zaldua.

Ang apat na ito't pauang filipinos

sa bayang tinubua'y maalam umirog

lalong lalo na n~ga ang daquilang Burgos

na anác na tunay tubo sa Ilocos.

Si padre Zamora tagalog na tunay

at tubong Maynila sa dacong Pandacan

na naguing Rector n~ga't Cura sa Catedral

niyaong nacaraang panahón at arao.

Si P. Gómez naman ay tauong Sta. Crúz

sacop nang Maynila sa diquít ay puspós

sa lahing mabuti nagbuhat na lubós

ang amá at iná mabuti ang loob.

Sa gremiong Mestizo nang m~ga Sangleyes

siyang nasasacop cusang natititic

pagca't siya'y ancán nang man~ga japonés

sa unang daco pa dito'y nagsi-alís.

Nang ito'y mag-aral camusmusang edad

dahil sa naquita sa gayong capahát

man~ga catalasan nang isip na in~gat

at bait na tan~gi na ualang catulad.

Caya sa talino at dunong na taglay

siya ay nagpari at nagcurang tunay

saca nag Vicario Foráneo naman

sa bayang Bacoor na sacop n~g Tan~guay.

Cahulihulihan nacamtáng tibobos

pagca Examinador Sinodal na lubós

sa Arzobispado na ualang caayos

m~ga carunun~gan na caniyang inimpóc.

At siya rin naman naguing sugong tunay

nang m~ga castila sa cay Luis Parang

cusang naghimagsic niyaong dacong arao

caya siyang mula nang capayapaan.

Tumulong din naman sa m~ga pag-usig

nang m~ga tagalog sa córte nang Madrid

ang lahat nang fraile dito'y mapa-alis

siyang naguing dahil caniyang pagcapiit.

Ang naguing sundalong si Miguel Zaldua

taga Camarines Vicol na talagá

cusang naguing quintos na nahulog bagá

sa batallóng hayág niyaong Artilleria.

Ito'y nadestino sa lauigang Tan~guay

naguing asistente nang tenienteng hirang

na si Faustino Villabrilleng tunay

saca nag-asaua sa isang timtiman.

Ang timtimang ito na naguing asaua

ay isang babaye lubós caquilala

nang fraileng si Gómez Recoleto baga

na Prior sa Tan~guay sa simbahan nila.

Ito't hindi iba siyang humicayat

na masamáng fraile sa magcasing liyag

na paghimagsiquin jornalerong lahat

doon sa Arsenal cusang napahamac.

Ito'y siyang mula nang pagcacasama

at pagcacadamay nang cauauang Zaldua

na cusang nadaya pati nang asaua

nitong m~ga fraileng lilo't palamara.

Sa sabi at saad nang m~ga nagsulit

ang babayeng ito ay cusang napiit

sa cárcel nang dusa n~galan ay Bilibid

siya ay napasoc nagtiis nang sáquit.

Bayaang co ito ang ipagtuturing

ang oras nang gabi nang cusang dumating

may isang dalaga na lubhang mahinhing

nag-isip ang tatlo ay cusang agauin.

Ang n~gala'y Clarita na sacdál nang gandá

cusang nagmasaquit nagnasang iadyá

si na P. Burgos, Gómez at Zamora

nang gabí ring yaon doon sa Capilla.

Caya n~ga humanap nang macacatulong

at may anim na puo ang caniyang naipon

pauang sandatahan nang m~ga talibóng

ang iba'y revolver pistola't remington.

A las doce n~gani canilang tiapan

ang lahat nang cuartel cusang lolooban

n~guni't di nangyari pagca't piniguilan

nang iláng clérigo cusang nacaalám.

Caya pa n~ga ito nang maalamang lubós

nang m~ga clérigong nasabi cong puspós

suot lalaqui na sa bay-uang may sucsoc

nang isang magara't mainam na guloc.

Ang bagay na ito dapat n~gang pagmasdán

at tularan sana nang babayeng tanán

man~ga filipinang aquing cababayan

marunong umibig sa tinubuang bayan.

Ang bagay na itó ay iiuan co na

at ang sasabihin madaling umaga

nang arao nang sáquit binatbát nang dusa

ang apat n~gang itó bibitaing sadya.

Ito't hindi ibá di dapat limutin

mapanglao na arao na calaguim-laguim

dalauang puo't ualó ang bilang na tambing

nang Febrerong buan sa sabi at turing.

Nang mag á las seis ang lahat n~g caual

nang man~ga castila cusang pinatahán

sa Santa Lucía n~ga at sa Bagumbayan

na pauang barilán at may cañóng tagláy.

Sacá sa muralla nang Fuerza Santiago

ang hocbóng castilang man~ga artillero

pauang naca-abáng sa maguiguing guló

na nababalita sa panahóng ito.

Nang cusang sumapit á las sieteng oras

yaong bibitayáng binacod na cagyat

nang man~ga sundalo na dalá't aquibat

nang Segundo Cabo Espinar na hayag.

Bitayáng nasabi itinayóng tunay

doon sa Espaldón pooc na malumbay

at may sampuong metro yaong cataasan

sa lupang tuntun~gan sa sabi at saysay.

Ang tugtóg nang tambor at m~ga corneta

dito na minulán na hinipan baga

casabáy ang ayos nang man~ga música

sa tinig nang marcha ang pagcacabadyá.

Dito na quinuha ang na sa Capilla

apat na taan na namamatáy bagá,

ang man~ga sundalo nagbihis de gala

saca n~ga barilán na may bayoneta.

Casama sa lacad ang m~ga Cofradía

nang Misericordia na caacbáy bagá

tanang Comunidad nang Religión Santa

nang Poong si Cristong sumacop sa sala.

Si Miguel Zaldua ang una sa lahat

cusang inalacad balót niyaong posas

isang Franciscano at Recoletong cagyat

siyang caagapay na cumacausap.

Sacá ang casunod yaong isang lupong

sari-saring órden nang fraileng pulutóng

dalauang Jesuita na capulong-pulong

ni Padre Zamora na nagcura Rector.

Isang Agustino at Recoleto naman

ang siyang casunód cusang umaacbay

sa cay Padre Gómez na nagcura naman

at Examinador Vicario sa Tan~guay.

Cahuli-hulihan ay si padre Burgos

na ina-acbayán nang dalauang puspós

na m~ga Jesuitang natauag sa Dios

na nananalan~gin nang lubhang tibobos.

Baua't isa n~gani sa apat na ito

ay binabantayán apat na sundalo

at isang oficial sacá isang cabo

at may m~ga hauac isang crucifijo.

Nang sila'y dumating sa laang bitayán

sila'y inahintó sacá binasahan

nang bunying sentenciang sila'y mamamatay

cusang bibitayin sa salang quinamtan.

Matapos mabasa ang sentenciang titic

ang nadayang Zaldua unang ipinanhic

doon sa bitayán at inaupong tiquís

sacá yaong liig ay cusang inipit.

Si Padre Zamora ang siyang sumunód

si Padre Gómez naman ang icatlong puspós

na cusang tumutol hangang sa matapos

ang hinin~gang ibig sa m~ga balaquiot.

Bilang na icapat at huling binitay

ay si Doctor Burgos na di nagulat man

nagturing sa haráp nang caniyang calaban

aniya; _¡Miserables!_ cayong fraileng tanán.

Saca nang maupo sa uupang cagyat

tumin~gin sa lan~git sa Dios tumauag

_¡Poon co, Iná co, caloloua co'y tangáp

nang camahalan mo't ito'y di co tatap!_

Nang masabi ito panaho'y nagdilím

at parang naglucsa ang lan~git na tabing

sucat isang sinag sa Arao na ningning

ang siyang tumitig sa apat na MARTIR.

Ang tanang nanood na m~ga tagalog

pauang lumuluha sa quinamtang lungcót

caya ang iba n~ga naglucsang tibobos

bilang na pagdamay sa m~ga natapos.

Nang ito'y mangyari ay nagsi-ouing lahat

yaong m~ga fraile masayá't magalác

baga ma't ang sindác sa dibdib namugad

hindi ini-inó niyaong man~ga sucáb.

Di naman nalaon ang apat na bangcay

nitong ualang palad ay quinuhang tunay

nang carro fúnebre nang bunying Hospital

ni San Juan de Dios cusang nalalaan.

Saca n~ga dinalá tunay inihatid

niyaong sa Hermandad Misericordiang tiquís

sa Pacong libin~gan cusang nalilibid

nang Caballería't sundalong maquisig.

Hangáng nilalacad nagsunod-sunoran

ang maraming tauo hangang sa libin~gan

at ualang usapan na bulong-bulon~gan

cundi ang sa fraile na man~ga casamán.

Sucat hangáng dito ititiguil co na

itong pag-aauit nang abá cong _Musa_

yamang natanto na guilio cong nanasa

ang abáng sinapit nitong apat baga.

Ang hiling co lamang huag lilimutin

sa cailan pa man ualang pagmamalio

n~g m~ga KAPATID abáng m~ga MARTIR

sa tinubuang lupa (PATRIANG) guiniguilio.

At cung mangyayari atin pang alayan

sa taón-taón n~ga isang capistahan

bilang pa ala-ala sa canilang tanán

touing 28 N~G FEBRERONG buan.

Para baga naman ating guinagaua

cung cusang nadating arao na mistula

n~g _pagcacabaril_ sa MAPAGPALAYA

nitong FILIPINAS, RIZAL na daquila.

Cung magcacagayón cusang nalalaan

sa m~ga Capatid pag-utusang tunay

acong inyong lingcód, magpacailan man

at HONORIO LÓPEZ ang aquing pan~galan.

Ang Tunay na Búhay ni P. Dr. José Burgos at Nang Manga Nacasama Niya na Sina P. Jacinto Zamora, P. Mariano Gómez at and Nadayang Miguel Zaldua · 第 8 / 9 题