Ang panghatì at ang paraán ng̃ pagkakabahábahagi ng̃ mg̃a pantíg

GURÒ. ¿Anó ang ibig ipakilala ng̃ panghatì (ó guión)?

NAG-AARAL. Ang panghatì ay siyáng nagpapakilala na ang isáng

pang̃ung̃usap ay hindî buô.

G. ¿Paano ang mabuting paraán ng̃ pagbábahagi?

N. Kung tayo’y sumusulat, at sakalìng mangyari na sa katapusán

ng̃ isáng talatà (ó renglón) ay hindî magkahustó ang isáng buông

pang̃ung̃usap, itó’y kinakailang̃ang hatìin sa hustó ó buông pantíg

upáng malagáy ng̃ tumpák; hal.: _na-sa_, _bug-tóng_, _pa-la-gáy_,

_á-na-san_.

G. ¿Tumpák bagá ang pagbábahaging ganitó na ang isáng ting̃ig (ó

vocal) ng̃ isáng salitâ ay mátirá sa isáng talatà?

N. Ang mg̃a salitâng nagsisimulâ ó nagtatapós sa ting̃ig (ó vocal),

ang ting̃ig na itó’y dî dapat ilagáy na siyáng siyá lamang magíng sa

una at magíng sa hulí ng̃ talatà. Halimbawà ang salitâng _a-ba-ka-dá_

ay hindî tumpák kung ilálagáy ang _a-_ sa katapusán ng̃ talatà (ó

línea) at ang _ba-ka-dá_ ay sa kabilâ namán. Gayón din ang sukat

másabi hinggíl sa salitâng _to-to-ó_: itó’y hindî dapat hatìin sa

_toto_ sa talatàng katapusán at ang _ó_ ay sa kabilâ namán.

G. ¿Paano ang pagbábahagi sa mg̃a salitâng ugát?

N. Ang mg̃a salitâng ugát (ó raíz) ay dî dapat hatìin katulad ng̃

ginagawâ sa mg̃a salitâng kastilà, kundî ang nátutumpák ay hatìin

paris ng̃ sa ating pagbigkás. Halimbawà: _tuk-lóng_, _kud-lít_,

_pat-láng_, at ibá pa, at hindî _tu-klóng_, _ku-dlít_, _pa-tláng_.

G. ¿Paano ang tumpák na paghahatì sa mg̃a salitâng binawasan (ó

sincopado)?

N. Ang mg̃a salitâng binawasan na lubhâng marami sa sariling wikà,

gaya ng̃ _matwíd_, _agwát_, _takwíl_, _kálulwá_, _kalwalhatian_, atbp.

ay dapat paghatìhatìin ng̃ ganitó: _mat-wíd_, _ag-wát_, _tak-wíl_,

_ká-lul-wá_, atbp.

G. ¿Paano ang mabuting pagbábahagi sa mg̃a salitâng pinag-angkóp?

N. Ang mg̃a salitâng pinag-angkóp sa pamamagitan ng̃ mg̃a anyô (ó

partícula) gaya ng̃ _pag_, _mag_, at ibá pa ay dapat hatìin nang

huwág masisirà ang ganitóng pagkakahiwáhiwaláy; hal.: _pag-a-sa_,

_pag-i-big_, _mag-i-sip_, _mag-a-ka-la_.

Balarilang Tagalog · 第 373 / 396 题