Paglalakip na likhâ (ó Sintaxis figurada)

GURÒ. ¿Anó ang _paglalakip na likhâ_?

NAG-AARAL. Yaóng paglalakip na, sa ikalálakás ó ikagagandá ng̃

pagbabadyá ay nagpapáhintulot na baguhin ang likás na ayos ó hanáy

ng̃ mg̃a pang̃ung̃usap, bawasan ó dagdagán, ng̃ ilán ó lumabág kayâ

sa mg̃a tuntunin ng̃ Paglalakip; hal.: _Dinggín mong mataós sa

iyóng pusò ang kalunoslunos na daíng ng̃ mg̃a dukhâ, ng̃unì’t huwág

pagpupuri ang iyóng iukol sa halakhák ng̃ mayayaman_.

G. ¿Paano dapat ilagáy ang mg̃a salitâng itó sang-ayon sa sinúsunód

na mg̃a tuntunin ng̃ paglalakip na likás?

N. Sa ganitóng ayos: _Ang kalunoslunos na daíng ng̃ mg̃a dukhâ ay

dinggín mong mataós sa iyóng pusò, kay sa mg̃a halakhák ng̃ mayayaman,

ng̃unì’t huwág pagpupuri ang iyóng iukol_.

G. ¿Ilán at alínalín ang mg̃a pahintulot sa pagbubuô (ó figuras de

construcción)?

N. Limá: _pagpapalít_ (ó hipérbaton), _pagkukulang_ (ó elipsis),

_paglalabis_ (ó pleonasmo), _pagtatanyág_ (ó silepsis) at _paglilipat_

(ó traslación).

G. ¿Anó ang tinátawag na _pagpapalít_ (ó hipérbaton)?

N. Ang pagkakapalítpalít ó pagkakabagobago ng̃ likás na hanáy ng̃

mg̃a pang̃ung̃usap, hal.: _Hinukay ni Lukas ang lupà_; _nahalò ang

bigás sa palay_; na, kung iayon sa talagáng tuntunin ay ganitó dapat

sabihin: _ang lupà’y hinukay ni Lukas_; _ang bigás ay nahalò sa

palay_.

G. ¿Ang lahát bang salitâ ay maáarì ng̃ gamitin sa paraáng itó?

N. Hindî pò, at ang katunaya’y mayroóng mg̃a pangkát ng̃ kaisipán

na hindî maáarìng pagpalitín, gaya ng̃ pang-akbáy, pang-ukol at

pangbigkís. Halimbawà’y hindî maáarìng gawíng ganitó: _Lucio SI_;

_aklát ANG_; _bahay bató NA_; _tubig Mariláw SA_; atbp., sa lugál

na sabihing: _Si Lucio_, _ang aklát_, _bahay na bató_, _tubig sa

Mariláw_.

G. ¿Anó ang tinátawag na _pagkukulang_ (ó elipsis)?

N. Ang pag-áalís ng̃ iláng pang̃ung̃usap, na sa biglâng ting̃ín

ó paggamit ay walâng halagá, ng̃unì’t lubhâng kailang̃an kung

pakasusurìin at iáayon sa tuntuning likás ng̃ pagbubuô. Ginágamit

ditong malimit ang mg̃a salitâ sa paggalang ó pagbabatìán, na sa

kálawigang totoó ng̃ mg̃a pang̃ung̃usap, kung kayâ’y ináalís ang

ilán at ang binibigkás lamang ay yaóng mahalagá na mawawatasan ng̃

kausap.

Madalás nating marinig ang mg̃a bigáy-galang na: _Magandáng araw pò_;

_tao pò_; at ang tanóng na _¿anó?_ Sa mg̃a pang̃ung̃usap na itó ay may

iláng inalís, at ang talagáng dapat sabihin ay ganitó: _Bigyán ka

pò_ (ó _kayó_ ó _silá_) _ng̃ magandáng araw_; _may táong tumatawag_

ó _humahanap_ at _¿anó ang ibig mo?_ ó _¿anó ang sinabi mo?_

G. ¿Anó ang tinátawag na _paglalabis_ (ó pleonasmo)?

N. Ang pagdaragdág ng̃ iláng salitâ na hindî kailang̃an ó labis,

ng̃unì’t nagbibigáy ng̃ magandáng pagbabadyá at nagpapalayô sa mg̃a

álinlang̃an ng̃ ibig sabihin ó ipatunay, hal.: _Ang ibo’y nakita

ko NG̃ AKING MG̃A MATÁ_; _ang ugong ay NARINÍG NG̃ AKING TAING̃A_.

Sa mg̃a halimbawàng itó’y labis ang mg̃a salitâng _ng̃ aking mg̃a

matá_, at _ng̃ aking taing̃a_, at sukat nang sabihing: _ang ibo’y

nakita ko_, at _ang ugong ay aking nariníg_.

Gayón din ang sukat másabi sa mg̃a salitâng: _umakyát SA ITAÁS_,

_pumanaog SA IBABÂ_, _lumipád SA HIMPAPAWÍD_, _lumang̃óy SA TUBIG_,

sapagkâ’t ang katotohana’y labis ang mg̃a salitâng _sa itaás_, _sa

ibabâ_, _sa himpapawíd_, _sa tubig_, palibhasà’y hindî mangyayaring

umakyát sa ibabâ, pumanaog sa itaás, lumipád sa lupà, ni lumang̃óy sa

katihan; ng̃unì’t ang mabuting paggamit ay pinagtitibay ang ganitó.

G. ¿Anó ang _pagtatanyág_ (ó silepsis)?

N. Ang ginagawâng pagkakaayon (ó concordancia), na ang ináalam ay

hindî ang mg̃a pang̃ung̃usap kundî ang itinatanyág ó kinakatawanán.

Sa ating wikà, ang mg̃a pangtayô sa ng̃alan ng̃ tao (ó pronombre

personal) na _kayó_ at _silá_ na kapuwà na sa bilang na dalawá

ó marami (ó plural), ay malimit gamitin sa bilang na íisá kapág

tumutukoy sa paggagalang̃an, gaya ng̃: _KAYÓ pò G. Agustin ang

tinutukoy ko_; _SILÁ pò’y si G. Aguilar_, na maáarì rin namáng

sabihin at siyá ng̃âng katumbás na: _ikáw pò G. Agustin_, _siyá pò’y

si G. Aguilar_.

G. ¿Anó ang _paglilipat_ (ó traslación)?

N. Ginágamit itó sa iláng mg̃a panahón ng̃ pangwatas na may kátuturáng

kung pagkasusurìing maigi ay hindî angkáp kayâ’t kailang̃ang halinhán

ó ilipat sa ibáng panahón, gaya ng̃ madalás sabihing: _BABASA akó

ng̃ayón_ sa lugál na _BUMABASA akó ng̃ayón_; _huwág kang TUMAKBÓ_ sa

lugál na _huwág kang TATAKBÓ_; _huwág kang KUMAIN_ sa dapat sabihing

_huwág kang KAKAIN_, at ibá pa.

Balarilang Tagalog · 第 335 / 396 题