GURÒ. ¿Paano ang pagkakabuôbuô ng̃ mg̃a kaisipáng mayhalò?
NAG-AARAL. Sa dalawáng kaparaanán: una, ang gayón ding ayos ng̃
pangwatas na walâng namamagitnâng ibá pang salitâ na siyáng
naglalakip sa dalawáng kaisipán, at ikalawá’y ang gayóng hugis na may
namamagitnâng ibáng pang̃ung̃usap; hal.: sa unang paraán: _Ang harì
ay nananaog sa hagdán_, _ang mg̃a tao’y nagtiting̃inan sa kanyá_.
G. ¿Anó ang dapat mabatíd ukol sa mg̃a kaisipáng ganitó?
N. Ang pagtatang̃ì sa tinátawag na pang̃ulong kaisipán (ó oración
principal) na may kahulugáng ganáp, at ang tinátawag na panghulíng
kaisipán (ó oración accesoria) na siyáng nagbibigáy ng̃alan sa kanyá.
G. Sa halimbawàng binanggít, ¿alín ang pang̃ulong kaisipán at alín
ang panghulí?
N. Ang pang̃ulong kaisipán ay itó: _Ang mg̃a tao’y nagtiting̃inan sa
kanyá_. Ang panghulí ay itó namán: _Ang harì ay nananaog sa hagdán_.
G. ¿Anóng salitâ ang dapat ipagitnâ sa paglalakip ng̃ dalawáng
kaisipán?
N. Ang salitâng _na_, hal.: _ang bayan NA nakikiníg ng̃ayón, ay
siyáng nagpapatotoó_. Ang pang̃ulong kaisipán sa halimbawàng itó ay:
_ang bayan ay siyáng nagpapatotoó_; ang panghulí ay: _na nakikiníg
ng̃ayón_. Sa unang kaisipán, ang pang̃ulo’y _ang bayan_; at sa
ikalawá, ang pang̃ulo’y _ang bayan_ din, ng̃unì’t itó’y kinakatawanán
ng̃ salitâng _na_.