Ukol sa mg̃a kaisipán (ó oración)

GURÒ. ¿Anó ang tinátawag na _kaisipán_ (ó oración)?

NAG-AARAL. Tinátawag na kaisipán sa Balarilà ang dalawá, ó ang kabuùan

ng̃ mg̃a pang̃ung̃usap na nagbabadyá ng̃ isáng ganáp na pagkukurò.

G. ¿Iláng urì mayroón ang kaisipán?

N. Dalawá: _dalisay_ (ó simple) at _mayhalò_ (ó compuesta).

G. ¿Anó ang _kaisipáng dalisay_?

N. Ang binubuô lamang ng̃ íisáng pangwatas (ó verbo), hal.: Ang

aklát ay _nagtuturò_ sa bayan.

G. ¿Anó ang _kaisipáng mayhalò_?

N. Ang binubuô namán ng̃ dalawáng kaisipán (ó oración), hal.: Huwág

kang _gagawâ_ ng̃ masamâ kung ayaw kang _maparusahan_.

G. Ang kaisipáng dalisay, ¿sa anó nabábahagi?

N. Sa tinátawag na _pang̃una_ at _pang̃alawá_.

G. ¿Alín ang kaisipáng _pang̃una_?

N. Ang binubuô ng̃ _pang̃ulo_ (ó sujeto), _pangwatas_ (ó verbo) at

_pangtung̃o_ (ó complemento), hal.: Ang araw ay sumisilang sa umaga.

Sa halimbawàng itó ang _araw_ ay siyáng pang̃ulo, _sumisilang_ ay

pangwatas at _umaga_ ay pangtung̃o.

G. ¿Alín ang kaisipáng _pang̃alawá_?

N. Ang binubuô lamang ng̃ pang̃ulo at pangwatas, hal.: Ang buwán ay

sumisilang. Sa halimbawà namáng itó, ang _buwán_ ay siyáng pang̃ulo

at _sumisilang_ ang pangwatas.

G. ¿Anó ang tinátawag na _pang̃ulo_ ng̃ kaisipán?

N. Ang isáng salitâ, ó kabuùan ng̃ mg̃a salitâ na tumutukoy sa ng̃alan

ó bagay na siyáng gumagawâ ó gumaganáp sa ibinabadyá ng̃ pangwatas,

hal.: _Si Lucio_ ay bumabasa ng̃ aklát; _ang batàng mabaít_ ay

nagtatapát sa magulang.

G. ¿Paano ang pagkakilala sa pang̃ulo ng̃ kaisipán?

N. Pang̃unahan ang pangwatas ng̃ tanóng na _¿sino ang?_ Iangkáp

natin itó sa mg̃a halimbawàng nakaraán, at ganitó dapat sabihin:

_¿sino ang bumabasa?_ _¿sino ang nagtatapát?_ Ang kasaguta’y madalîng

mababatíd na siyáng pang̃ulo ng̃ bawà’t kaisipán: _Si Lucio_ sa una,

at sa ikalawá’y _ang batàng mabaít_.

G. ¿Anó ang tinátawag na _pangtung̃o_ ng̃ kaisipán?

N. Ang salitâ, ó kabuùan ng̃ mg̃a salitâ na binabanggít sa ng̃alan ó

bagay na siyáng ginagawâ ó ginaganáp nang isinasaysáy ng̃ pangwatas,

hal.: Si Daniel ay gumagawâ ng̃ _tinapay_; si Yoyong ay bumibilí

ng̃ _mg̃a aklát_.

G. ¿Mayroóng ilán ang hugis ng̃ pangtung̃o?

N. May dalawá: _tapát_ (ó directo) at _likô_ (ó indirecto).

G. ¿Anó ang tinátawag na pangtung̃ong _tapát_?

N. Ang ng̃alan ó bagay na tinatanggáp ng̃ tápatan ang kahulugán ng̃

pangwatas, hal.: Akó’y naglulutò ng̃ _isdâ_.

G. ¿Paano ang pagkakilala na ang pangtung̃o (ó complemento) ay

tumatanggáp ng̃ tápatan sa gawâ ng̃ pangwatas?

N. Makikilala sa pamamagitan ng̃ isáng pagsusurì, na, kung ang

náturang pangtung̃o ay maáarìng gawíng pang̃ulo (ó sujeto) ng̃

kaisipán, na, ang pangwatas ay ilálagáy sa pangtiyák (ó voz pasiva).

Ilagáy natin sa bagay na itó ang halimbawàng _si Yoyong ay humukay

ng̃ lupà_, at kung magkaganitó’y magigíng: _ang lupà ay hinukay ni

Yoyong_. Dahil namán dito ang _lupà_ ay pangtung̃ong tapát na siyáng

tumatanggáp ng̃ tápatan sa gawâ ng̃ pangwatas.

G. ¿May ibá pa bang kaparaanán sa pagkilala ng̃ pangtung̃ong tapát?

N. Oo pò, sa pamamagitan ng̃ ganitóng tanóng: _¿Sino ang?_ ó _¿anóng

bagay?_ na sinusundán ng̃ pangtiyák na pangwatas at ng̃ pang̃ulo

ng̃ kaisipán. Halimbawà: Si Huan ay sumaksák kay Lucio; si Nicanor

ay nagpakò ng̃ kahoy. Iangkáp natin ang mg̃a tanóng na: ¿sino ang

sinaksák ni Huan?--_Si Lucio_; ¿anóng bagay ang pinagpakuan ni

Nicanor?--_Ang kahoy_.

G. ¿Anó ang pangtung̃ong _likô_ (ó indirecto)?

N. Ang ng̃alan ó bagay na hindî tinatanggáp ng̃ tápatan ang gawâ

ng̃ pangwatas, hal.: Akó’y maglalakbáy sa Tayabas.

G. ¿Paano namán ang pagkakilala, na, ang gawâ ng̃ pangwatas ay hindî

tinatanggáp ng̃ tápatan?

N. Makikilala siyá sa pamamagitan ng̃ paglalagáy ng̃ kaisipán sa

pangtiyák (ó pasiva), na ang náturang pagtung̃o (ó complemento) ay

hindî maáarìng ilagáy sa pang̃ulo (ó sujeto) ng̃ kaisipán. Tikmán

nating ilagáy sa pangtiyák ang halimbawàng _si Lucio ay maglalakbáy sa

Tayabas_. Kung magkaganitó’y magigíng: _Ang Tayabas ay paglalakbayán

ni Lucio_ at dito’y mapagkikilalang ang _Tayabas_ ay hindî tinatanggáp

ng̃ tápatan ang gawâ ng̃ pangwatas.

Balarilang Tagalog · 第 329 / 396 题