GURÒ. ¿Anó ang tinátawag na _pagkakaayon_?
NAG-AARAL. Ang pagkakásalig ng̃ mg̃a pang̃ung̃usap sa ibá’t ibáng
pangkát ó bahagi ng̃ kaisipán.
G. ¿Paano ang pagkakaayon ng̃ pang-akbáy (ó artículo) sa pangdiwà
(ó sustantivo)?
N. Sa Wikàng Tagalog, palibhasà ang mg̃a salitâ ay walâng tagláy na
kiyás (ó género) kung sa kanyáng sarili lamang, kayâ’t ang pang-akbáy
ay walâng kailang̃ang gamitin magíng sa ng̃alan ó bagay na tumutukoy
sa lalaki ó kayâ’y sa babae, hal.: _Si_ Pedro, _si_ Luisa, _ang_ amá,
_ang_ iná, _ang_ pusà, _ang_ áso, atbp. Ng̃unì’t kung bumabanggít
sa bilang (ó número) ay kailang̃ang gamitin ang _si_ at _ang_ sa
íisá, at _siná_ at _ang mg̃a_ sa dalawá ó marami, hal.: _Si_ Lucio,
_ang_ bulaklák (kung tumutukoy sa íisá); _siná_ Lucio at Huan, _ang
mg̃a_ bulaklák (kung bumabanggít namán sa dalawá ó marami).
G. ¿Paano ang pagkakaayon ng̃ pangturing (ó adjetivo) sa pangdiwà
(ó sustantivo)?
N. Ang pagkakaayon ng̃ dalawáng itó ay másasabing walâng kabuluhán,
sapagkâ’t maáarì siláng pagsamahin kahì’t na ang isá’y tumutukoy sa
lalaki at ang ikalawá’y sa babae, ó báligtaran, hal.: _mabuting_
amá, _mabuting_ iná, _magandáng_ dalaga, _magandáng_ binatà. Kung
tumutukoy sa bilang (ó número) ay kailang̃ang tantùin kung sa anó
bumabanggít, hal.: malantíg na dalirì, malinaw na salamín, kung sa
íisá; kung sa dalawá ó marami ay nagigíng: malalantig na dalirì,
malilinaw na salamín.
G. Sakalìng mayroóng dalawá ó higít na pangdiwà na tumutukoy sa
bilang na íisá (ó singular), at ang mg̃a itó’y isasama sa íisáng
pangturing lamang, ¿sa anó itó dapat ilagáy?
N. Dapat ilagáy sa bilang na dalawá ó marami (ó plural). Kung ang
pangturing na isasama ay mayhalò ay inúulit lamang ang unang dalawáng
titik ng̃ unang pantíg ng̃ ugát, hal.: Si Kulás at si Lucio ay
marurunong; ang manggá at ang santól ay matatamís. Kung pangturing
namáng dalisay ay pinang̃ung̃unahan ng̃ _mg̃a_, hal.: Si Luisa at
si María ay _mg̃a pang̃it_; ang áso at pusà ay _mg̃a duwág_.
G. ¿Paano namán ang pagkakaayon ng̃ pangtayô (ó pronombre) sa pangdiwà
(ó sustantivo)?
N. Kung tungkól sa kiyás (ó género) ay hindî kailang̃ang mapasama sa
alín man, hal.: _itó_’y lalaki, _itó_’y babae, atbp. Kung tungkól
sa bilang ay kailang̃ang ialinsunod sa tumutukoy ng̃ salitâ, hal.:
akó’y tao, itó’y saging, sa íisá; akó’y mg̃a tao, itó’y mg̃a saging,
kung sa dalawá ó marami.
G. ¿Paano ang pagkakaayon ng̃ pangwatas (ó verbo) sa pangdiwà (ó
sustantivo)?
N. Ang pangwatas na karaniwan sa Wikàng Tagalog ay walâng kailang̃ang
malakip sa pangdiwà kahì’t na itó’y nagtatagláy ng̃ anó mang bilang
(ó número) at katawán (ó persona), hal.: ang ibon ay _kumakain_,
ang mg̃a ibon ay _kumakain_; _si Pedro_ ay sumulat, _siná Lucio_ ay
sumulat. Ng̃unì’t may iláng pangwatas na ang karamiha’y nagbubuhat sa
anyông “ma”, na kailang̃ang isalig kung sa anóng bilang tumutukoy,
hal.: ang pusà ay _nagisíng_, ang mg̃a pusà ay _nang̃agisíng_; ang
tao ay _natatalisod_, ang mg̃a tao ay _nang̃atatalisod_. Sa unang
halimbawà, ang pangwatas na _nagisíng_ ay na sa bilang na íisá (ó
singular) na naáayon sa pangdiwàng _pusà_ na nasa gayón ding bilang.
Sa ikalawá ang _nang̃agisíng_ ay na sa bilang na dalawá ó marami (ó
plural) na naáayon namán sa _mg̃a pusà_ na nasa bilang ding dalawá
ó marami.
G. ¿Paano namán ang pagsasama ng̃ pangtayông kinatawán (ó relativo)
sa salitâng pangdiwàng náuuná sa kanyá (ó antecedente)?
N. Pagsasamahin silá sa pamamagitan ng̃ bilang (ó número), na ang
pangtayông kinatawán ay dapat ibatay sa pangdiwàng náuuná, hal.:
Tinawag ko ang _batà_, at _itó_ ay lumapit agád. Ang pangdiwàng
_batà_ ay na sa bilang na íisá kayâ’t ang pangtayông _itó_ ay na sa
gayón ding bilang. Kung sabihin namáng: Tinawag ko ang _mg̃a batà_,
at ang _mg̃a itó_’y lumapit agád. Ang salitâng _mg̃a batà_ ay na sa
bilang na dalawá ó marami, kung kayâ namán ang pangtayô’y inilagáy
din sa náturang bilang: _mg̃a itó_.