Salitâng Pangdiwà (ó Sustantivo)

GURÒ. ¿Anó ang kahulugán ng̃ _salitâng pangdiwà_?

NAG-AARAL. Salitâng pangdiwà, ang bahagi ó pangkát ng̃ kaisipán na

tumutukoy ó nagpapakilala ng̃ mg̃a pang̃alan ng̃ tao, hayop ó bagay

sang-ayon sa kanyáng kalikasán, diwà ó halagá; hal.: Bahay, tubig,

dagat, Pedro, Bulakán. Dapat mabatíd na ang _pangdiwà_ ay maáarìng

lumagáy ó lumagì sa kaisipán sa kanyáng sarili lamang, at dahil dito

kung kayâ ikinapit ang ganyáng pamagát.

G. ¿Alín ang pang̃ulong bahagi ng̃ pangdiwà?

N. Ang dalawáng itó: _pangdiwà sa bagay_ at _pangdiwà sa tao_.

G. ¿Anó ang pangdiwà sa bagay?

N. Ang náuukol sa madlâng pang̃alan ng̃ tao, hayop ó bagay na

karaniwan na tumutukoy sa íisáng panig ó hugis, hal.: tao, pusà,

ilog, mg̃a pang̃alang bumabanggít sa lahát ng̃ tao, sa lahát ng̃

pusà at sa lahát ng̃ ilog.

G. ¿Anó namán ang pangdiwà sa tao?

N. Ang náuukol sa tiyák na pang̃alan ng̃ tao, hayop ó bagay upáng

mápaibá ó huwág mápalahók sa ibáng pang̃alang tumutukoy rin sa

kanyáng panig ó hugis, hal.: _Maynilà_, _Ricardo_, _Bagumbayan_,

mg̃a pamagát na bumabanggít sa isáng bayan, sa isáng tao at sa isáng

daán ó lansang̃an.

G. ¿Anó ang dapat matantô ukol sa salitâng pangdiwà?

N. Na, sa Wikàng Tagalog, ang pangdiwà’y hindî pabagobago sa kiyás

(ó género), hal.: áso, pusà, kabayo, mg̃a salitâng hindî matiyák

kung ásong lalaki ó pusàng babae, ó anó man.

G. ¿Pano ang dapat gawín upáng matiyák ang kiyás ng̃ pang̃alan ng̃

isáng tao ó hayop?

N. Ang mg̃a pang̃alang tumutukoy sa tao ó hayop ay dapat dagdagán

ng̃ _lalaki_ kung sa kiyás na itó bumabanggít at _babae_ kung dito

namán náuukol, upáng mákilala ang tagláy na kiyás ng̃ isá’t isá;

hal.: sa batà, batàng lalaki, kung itó ang nais tukuyin, sa pusà,

pusàng babae, kung itó namán ang ibig banggitín.

G. ¿Mayroón kayâ sa ating wikà ng̃ mg̃a salitâ ó pang̃alan na sa

kaniyáng sarili’y tumutukoy sa lalaki ó sa babae, kahì’t na ang mg̃a

itó’y hindî idagdág?

N. Mayroón pò, bagamá’t ang mg̃a salitâng itó’y kákauntî, hal.:

_amá_, na sa lalaki tumutukoy, at _iná_ sa babae namán, amaín at

ali, binatà at dalaga, bagongtao at binibini, at ibá pa.

G. ¿Anó ang dapat mabatíd ukol sa mg̃a ng̃alan ng̃ tao?

N. Ang mg̃a ng̃alan ng̃ tao na ng̃ayó’y kasalukuyang ginágamit

natin, palibhasà’y hirám sa wikàng kastilà ay may sariling kiyás na

tagláy, sa makatuwíd bagá’y ang isáng ng̃alan ay nauúnawàan agád

kung nahihinggíl sa lalaki ó sa babae; hal.: Claro ó Clara, Domingo

ó Dominga, Pascual ó Pascuala.

G. ¿Paano ang paglalagáy sa bilang na dalawá ó marami (ó número

plural) ng̃ mg̃a salitâng pangdiwà?

N. Sa dalawáng kaparaanán:

_Una._--Kung pangdiwàng dalisay (ó simple) ay sa pamamagitan ng̃

_mg̃a_, hal.: mg̃a tao, mg̃a bahay, mg̃a hayop, mg̃a bulaklák.

_Ikalawá._--Ang isáng pangdiwàng mayhalò na nagbuhat sa _mag_ ay

inúulit ang unang pantíg ng̃ ugát, hal.: mag-iná, mag-amá, magbayáw,

ay ginagawâng mag-íiná, mag-áamá, magbábayáw, kung tumutukoy sa

dalawá ó marami.

G. ¿Paano ang pagbábaling sa salitâng pangdiwà?

N. Sa pamamagitan ng̃ mg̃a pang-akbáy na _si_ at _ang_ at ang

kaníkanyáng sinásakláw. Náitó ang mg̃a halimbawà:

Balarilang Tagalog · 第 56 / 396 题