GURÒ. ¿Paano ang pagbigkás ng̃ _a_ sa wikàng tagalog?
NAG-AARAL. Ang pagbigkás ng̃ _a_ sa ating wikà ay kawangkîng kawangkî
ng̃ pagbigkás sa wikàng kastilà, liban lamang kung nagtatagláy ng̃
mg̃a kudlít na mariín (ó agudo) at banayad (ó grave), palibhasà ang
tunóg ng̃ mg̃a kudlít na itó’y lubhâng kaibá sa tunóg ng̃ kudlít
ng̃ salitâng kastilà.
G. ¿Paano namán ang pagbigkás sa _e_?
N. Ang pagbigkás sa _e_ ay katulad din ng̃ sa kastilà, liban kung
may tagláy na kudlít paris nang sinabi sa _a_.
G. Ang _i_, ¿paano namán ang pagbigkás?
N. Ang _i_, sa una at kalagitnâan ng̃ pang̃ung̃usap ay walâng iniwan
sa kastilà. Kung nasa sa hulíng pantíg (ó sílaba) ang tunóg ay
bumubukás ng̃ kauntî, at may bahagyâng pagkakahawig sa mg̃a salitâng
inglés na _sorry_, _carry_, atbp., na ang tinurang tunóg ay isáng
pagduduób ng̃ _e_ at _i_.[5]
Halimbawà ang salitâng _lalaki_: ang _i_ dito ay dî ganitó binibigkás,
kundî _ie_ ó ang pagduduób ng̃ mg̃a tunóg ng̃ _i_ at _e_.
G. ¿Paano ang pagbigkás sa _o_?
N. Sa gitnâ ng̃ pang̃ung̃usap ay paris din sa kastilà ng̃unì’t sa
katapusán ang kanyáng tunóg ay nagigíng katumbás ng̃ _ou_.
G. At ang _u_, ¿paano kung bigkasín?
N. Ang pagbigkás sa _u_ ay katulad din ng̃ sa kastilà kailan ma’t
na sa gitnâ ng̃ pang̃ung̃usap.
G. ¿Ang _o_ at _u_ ay magkawang̃ís bagá?
N. Hindî pò, sapagkâ’t ang isá’t isá ay may sariling tunóg at may
sariling kágamitán.
G. Kung may sariling tunóg ang bawà’t isá, ¿bakit ang _o_ ay nagigíng
katumbás ng̃ _ou_ sa katapusán ng̃ pang̃ung̃usap?
N. Ang bagay na iyá’y isáng pagduduób ng̃ _o_ at _u_, pagbigkás
ó tunóg na katutubò sa mg̃a dilàng tagalog na siyáng sanhî ng̃
ipinaghihirap sa pagbigkás ng̃ mg̃a europeo.
Halimbawà ang salitâng _utos_: ang _o_ dito ay dî ganyán dapat
bigkasín paris bagá ng̃ pagkakásulat kundî ang paglalakip ng̃ tunóg
na _o_ at _u_ ay siyáng nárarapat gawín.
G. Sa ganitóng pag-áalang̃aning pagbigkás na nangyayari magíng sa
_e_ at _i_ at magíng sa _o_ at _u_ sa katapusán ng̃ salitâ, ¿ay
paano ang tumpák na pagsulat na dapat sundín?
N. Ang pag-áalang̃ang pagsulat na ibinubung̃a ng̃ ganyáng pagduduób,
gaya ng̃ _lalaki_ ó _lalake_, _utos_ ó _utus_, atbp., ay maliliwanagan
sa bahagi ng̃ Pagsulat (ó Ortografía).