¡Ang Diwa Mo!
_Kasamang Angel!_
_Dahil sa pagkabasa ko ng
iyong kathang ¡NASAWING
PAGASA! na pangapat
na buñga ng iyong panulat,
sa pitak ng pahayagang
ANG DEMOCRACIA ay
natula ko ang sumusunod:_
Nang ikaw ay di ko nakikilala pa't
Ang ilan mong katha ay aking mabasa,
Akala ko mandi'y isa kang poetang
May sapat n~g gulang at pagkabihasa.
Oo, akala ko, ikaw'y isa na rin
Sa m~ga kilalang Santos, Matanglawin,
Peña, Regalado, Mariano't Ben Ruben
Na, inuuban na sa gayong gawain.
Dahil sa ang iyong m~ga gawang katha
Ay nan~gasusulat na lahat sa tula,
M~ga tulang hindi pangsira sa wika
At bagkus pangayos, pangbuhay sa diwa.
N~guni't sa limbagan n~g Pamahalaan
Nang aking mamalas iyong kabataan:
Yaong paghan~ga ko'y lalong naragdagan
At halos di kita mapaniwalaan.
Isang katulad mo! isang batangbata
Ang makayayari n~g maraming katha;
M~ga kathang busog sa m~ga hiwaga ...
At bihibihira ang nakagagawa?
Sinong di hahan~ga sa dunong mong angkin
Lalo't sa lagay mo, ikaw, uuriin?
Ah! di sa pan~galan lamang ikaw Angel!
Sa puso ma't diwa ikaw ay Angel din!
Angel ka n~gang buhat doon sa Olimpo
Na pinaparito n~g diyos Apolo,
Upang makatulong sa pagbungkal dito
N~g mina n~g Wika nating Pilipino.
Na, nan~gatatago sa parang at gubat
At sa m~ga bundok na lubhang mataas;
Sa sapa at batis sa ilog at dagat
Na puno n~g m~ga magandang alamat.
Ang kasangkapan mo na iisaisa
Ang nan~gagagawa ay katakataka,
Sa sama'y pangbuti, sa dun~go'y pasigla
Sa sira'y pangbuo't pangaliw sa dusa.
Kasangkapang laging laan sa pagdamay
Sa nan~gaaapi at nahihirapan,
Mabait na guro sa han~gal ó mangmang,
Sulong maliwanag sa nadidiliman.
¡Oh, ang íyong diwa na nagpapagawa
Sa iyong panitik na gintong mistula,
N~g m~ga puntahing banal at dakila
Sa ikabubunyi n~g sariling Lupa!...
Bayaan mong ako'y magpilit tumugtog
Sa aking kudyaping mahina at paos,
Tanda n~g paghan~ga at pagpuring lubos
Sa m~ga gawa mong dakila at bantog.