[271] Ang nangyari ay nangyari na. Pasalamat tayo sa Dios at wala ca
n~gayón sa capuluang Marianas upáng magtaním n~g camote.
[272] ¡Huwag po sana cayóng halíng; iyá'y ang Virgen sa Antipolo! Iyáng
ang nacapangyayari sa lahát; huwag po sana cayóng halíng!
[273] ¡Cung iya'y hindi lalaki at hindi siyá mamatáy, iya'y babaeng
totoong mainam na mainam!
[274] ¡Wala! gaya n~g sabi namin: ang sumucob sa magaling na lilim ay
mabuting pamalo ang sa canyá'y inilálapit.
[275] ¡Siyá n~ga! Sa canya'y totoong nararapat; sinabi co na sa una cong
pagcakita pa sa canyá: ito'y isang filibustero. ¿Ano ang sinabi sa iyo,
pinsan, n~g general? ¿Ano naman ang sinabi mo sa canyá, anó ang balitang
sinabi mo sa canya tungkól cay Ibarra?
[276] Maniwala po cayó na pagca siya'y hinatulan n~g parusang patayín,
na gaya n~g maáasahan, ay dahil sa aking pinsan.
[277] ¡Ay, pagcabutibuti mong pumaraan sa matalinong pakikipagsalitaan!
Nalalaman naming icaw ang tanun~gan n~g capitan general, na hindi
mapanatag cung hindi ca makita!... ¡Ah, Clarita!; pagcalakilaking tuwa
ang makita co icáw!
[278] Naparito cami't n~g upáng cayó'y aming dalawin; ¡cayó'y
nacaligtas, salamat sa inyóng m~ga caibigan!
[279] Siya n~ga, Clarita, n~guni't nacaraan na ang panahón n~g m~ga
himala; sinasabi naming m~ga castila: Magculang tiwala ca sa Virgen at
cumarimot ca.
[280] Naparito n~ga po cami't ang sadya pa naman namin ay pakiusapan
cayó tungcól sa _Virgen._
[281] Magsasalitaan tayo tungcól sa pamumuhay.
=LXI.=
=ANG PANGHUHULI SA DAGATAN.=
--Pakinggán pô ninyó ang aking gágawing aking inisip,--ani Elías na nag
ninilaynilay, samantalang pinatutun~guhan nilá ang San Gabriel. Itatagò
co cayó n~gayón sa bahay n~g isá cong caibigan sa Mandaluyong; dádalhin
co sa inyó ang lahát ninyóng salapî, na aking iniligtás at itinagò co sa
paanán n~g balitì, sa matalinghagang pinaglibin~gan sa inyóng núnong
lalaki; at umalís cayó rito sa Filipinas.
--¿At n~g pasaibang lupaìn acó?--ang isinalabat ni Ibarra.
--Upáng manatili cayó sa capayapaan sa natitira pa ninyóng búhay. May
m~ga caibigan cayó sa España, cayó'y mayaman, macapagpapa_indulto_ cayó.
Sa papaano mang paraan, ang ibang lupai'y isáng bayang sa ati'y lalong
magalíng cay sa sarili.
Hindi sumagót si Crisóstomo; naglininglining na hindi umiimic.
Dumarating silá n~g sandalíng iyón sa ilog Pasig, at nagpasimulâ ang
bangcâ n~g pagsalun~ga sa agos. Nagpápatacbo ang isang nagcacabayo sa
ibabaw n~g tuláy n~g España at may náririn~gig na isáng mahaba't
matinding tunóg n~g pito.
--Elías,--ang muling sinabi ni Ibarra; nanggaling ang inyóng casawîang
pálad sa aking familia, iniligtas ninyóng macaalawa ang aking búhay, at
hindi lamang may malaking utang na loob acó sa inyó, cung di namán
cautan~gán co rin sa inyó ang pagsasauli n~g inyóng cayamanan, at
yayamang gayó'y sumama cayó sa akin at magsama tayong parang magcapatid.
Dito'y sawi rin cayóng capalaran.
Umiling n~g boong capanglawan si Elias, at sumagót:
--¡Hindi mangyayari! Tunay n~ga't hindi acó mangyayaring sumintá't
magtamó n~g ligaya sa lupang aking kinamulatan, n~guni't mangyayaring
acó'y magkahirap at mamatáy sa lupaíng iyán at marahil ay dahil sa
canyá; handóg dín cahi't cacaunti! ¡Ibig cong ang capahamacan n~g akíng
baya'y siyáng aking maguíng capahamacán, at sa pagcát hindi
pinapagcacaisa tayo n~g isáng mahal na caisipan, sa pagcá't hindi
tumítiboc ang ating m~ga pusò sa íisang pan~galan, nais cong mapakisama
acó sa aking m~ga cababayan sa casawiang palad n~g lahát, mapakisama man
lamang acó sa pagtan~gis sa pagdaralita naming lahát, na inisín n~g
íisang casamáng palad ang lahat naming m~ga pusò!
--¿Cung gayó'y bakit inihahatol ninyó sa aking acó'y manaw?
--Sa pagcá't sa ibáng panig ay mangyayaring cayó'y lumigaya at acó'y
hindi, sa pagcá't hindi cayó handa sa pagcacahirap, at sa pagcá't
casususutan ninyó ang inyóng bayan, cung dahil sa canyá'y masawing palad
cayó isáng araw; at wala n~g totoong casamasamaang palad na gaya n~g
masusot sa canyáng bayang kinamulatan.
--¡Hindi matuwíd ang inyóng palagáy sa akin!--ang bigláng sinabi ni
Ibarra sa masaclap na tutol;--nalilimutan ninyóng carárating co pa
lamang dito'y pagdaca'y hinanap co ang canyang icagagaling.
--Huwág pô cayóng manghinuha, guinoo, hindi co cayó sinísisi; ¡maano na
n~gang cayó'y siyáng uliranín n~g lahat! Datapuwa't aayaw acóng humin~gi
sa inyó n~g m~ga hindi mangyayari, at huwag po cayóng magagalit cung
sabihin co sa inyóng cayó'y dinaraya n~g inyóng pusò. Dating iniibig pô
ninyó ang kinamulatan ninyóng bayan, sa pagcá't ganyán ang sa inyó'y
itinurò n~g inyóng amá; dating iniibig pô ninyó ang kinamulatan ninyóng
bayan, palibhasa'y sa canyá naroroon ang inyóng sinta, cayamanan,
cabataan, sa pagcá't n~gumin~giti sa inyó ang lahát hindi pa gumagawa sa
inyó n~g lihís sa catuwiran ang kinamulatan ninyóng bayan; dating
iniibig ninyó ang kinamulatan ninyóng bayan, cawan~gis n~g ating
pag-ibig sa lahát n~g bagay na nagbibigay sa atin n~g caligayahan.
Datapuwa't ang araw na cayó'y maghirap, magutom, pag-usiguin, ipagcanulo
at ipagbilí n~g inyó ring m~ga cababayan, sa araw na iya'y inyóng
susumapain ang inyóng sariling catawan, ang inyóng kinamulatang bayan at
ang lahat.
--Nacasasakit sa akin ang inyong m~ga salita,--aní Ibarra na
naghíhinanakit.
Tumun~gó si Elias, nagdilidili at muling nagsalita:
--Ibig cong iligtás cayó sa carayaan, guinoo, at ilihís co sa inyó ang
isáng malungcót na pagsasapit sa panahóng hináharap. Inyó pong
alalahanin ang pakikipag-usap co sa inyó sa bangca ring itó at liwanag
nitó ring buwang itó, na may isáng buwan na n~gayón, humiguit cumulang;
sumasaligaya cayó niyón. Hindi macarating hanggang sa inyó ang pamanhíc
n~g m~ga culang-palad; pinawaláng halagá ninyó ang caniláng m~ga daíng,
sa pagcá't daing n~g m~ga masasamáng tao, lalong pinakinggán ninyó ang
caniláng m~ga caaway at, cahi't acó'y nan~gatuwira't cayo'y aking
pinamanhica'y cumampí rin cayó sa panig n~g m~ga umáapi sa canilá, at
niyaó'y sumasainyóng m~ga camáy ang acó'y sumamáng tao ó ang acó'y
papatáy upáng aking maganáp ang isáng mahál na pan~gacò. Hindi itinulot
n~g Dios, sa pagcá't namatáy ang matandáng punò n~g m~ga tulisán ...
¡Nacaraan ang isáng buwán at n~gayó'y ibá na ang inyóng caisipán!
--Sumasacatuwiran po cayó, Elías, n~guni't ang tao'y isáng hayop na
sumusunod sa casalucuyang m~ga nangyayari: niyó'y nabubulagan acó,
masama ang aking loob, ¿ayawán co ba? N~gayó'y inaclás n~g capahamacán
ang aking piríng; tinuruan acó n~g aking pag-iisá at paghihirap sa
bilangguan; nakikita co n~gayón ang cakilakilabot na _cáncer_ na
cumíkitib sa m~ga namamayan dito n~gayón, na cumacapit sa canyáng m~ga
lamán at nagcacailan~gan n~g isáng makirót at ganáp na paglipol.
¡Binucsán nilá ang aking m~ga matá, ipinamalas sa akin ang bulóc na
sugat at caniláng pinipilit na acó'y maguing masamáng tao! At yamang
caniláng inibig, magpifilibuster acó, n~guni't tunay na filibustero;
tatawaguin co ang lahát n~g culang pálad, ang lahát n~g nacaráramdam n~g
tibóc n~g pusò sa loob n~g canyáng dibdib, yaóng m~ga taong sa inyó'y
nan~gagpasugò sa akin ... hindi acó maguiguing masamáng tao, cailán ma'y
hindi masamáng tao ang nakikibaca dahil sa canyáng kinaguisnang bayan,
tumbalíc. Sa loob n~g tatlóng daang taó'y silá'y hinahalina natin,
hinihin~gan natín silá n~g pagsintá, minímithî nating tawaguin siláng
capatíd, ¿anó ang caniláng isinaságot? Tayo'y sinasagot n~g lait at
paglibác, at ikinacait sa atin patí n~g ating calagayang pagca tao na
gaya rin n~g ibá. ¡Waláng Dios, waláng pag-asa, waláng habág sa capuwa
tao; wala n~ga cung di ang catuwiran n~g lacás!
Nagn~gan~galit si Ibarra; nan~gan~gatal ang canyáng boong catawán.
Dumaan silá sa tapát n~g palacio n~g General, at caniláng námasid na
tíla nan~gagsísigalaw at nan~gagcácagulo ang m~ga bantáy na sundalo.
--¿Canilá na yatang nasiyasat ang pagcacatanan?--ang ibinulóng ni
Elías--Humigâ po cayó, guinoo, at cayó'y tatabunan co n~g damó, sa
pagcá't daraan tayo sa tabi n~g Polvorista'y baca máino n~g bantay na
sundalo cung bakit dalawá tayo.
Ang bangcâ ay isá riyán sa maninipis at makikipot na sasakyáng hindi
lumalacad cung di dumúdulas sa ibabaw n~g tubig.
Alinsunod n~ga sa inacalà na ni Elías, siyá'y pinahintô n~g bantáy na
sundalo at tinanóng cung saan siyá galing.
--Nagdalá po acó n~g damó sa Maynilà, sa m~ga oidor at sa m`ga
cura,--ang isinagót, na canyáng guinagád ang anyô n~g pananalitâ n~g
m~ga tagá Pandacan.
Lumabás ang isáng sargento't inalám cung anó ang nangyayari.
--¡Sulong!--ang sinabi sa canya nitó; ipinauunawà co sa iyó na huwag
cang magpápasacay sa iyong bangcâ can~gino man; bagong catatacas n~g
isáng bilanggò. Cung siyá'y mahuli mo at maibigay mo sa aki'y bibigyan
catá n~g isáng magaling na pabuyà.
--Opó, guinoo; ¿anó po ba ang m~ga icakikilala co sa canyá?
--Siyá'y nacalevita at nagwiwicang castilà; halá, ¡icaw ang bahalà!
Lumayô ang bangcâ. Lumin~gón si Elias at canyáng nakita ang anyô n~g
bantáy na sundalong nacatindig sa tabi n~g pampáng.
--Masasayang sa atin ang iláng minutong panahón,--ang sabing
marahan;--dapat pumasoc tayo sa ilog Beata at n~g cunuwari'y taga
Peñafrancia acó. Makikita po ninyó ang ilog na inawit ni Francisco
Baltazar.
Natutulog ang bayan sa liwanag n~g buwán. Nagtindíg si Crisóstomo't
upáng canyáng takhán ang catahimican n~g m~ga linaláng na tulad sa
líbin~gan. Makipot ang ilog at ang canyáng m~ga pampan~gi'y capatagang
natátamnan n~g damó.
Itinapon sa pampáng ni Elias ang canyáng dala, tinangnán ang isáng
mahabang tikín at cumuha sa ilalim n~g damó n~g m~ga bayóng na waláng
lamán. Nagpatuloy sila n~g pamamangca.
--Cayó po ang may arì n~g inyóng calooban, guinoo, at n~g inyóng
hinaharap na panahón,--ang sinabi niyá cay Crisóstomo, na nananatili sa
hindi pag-imíc.--N~guni't cung itutulot po ninyó sa akin ang isáng
pagpapahiwatig, sasabihin co sa inyó: Tingnán po ninyóng magalíng ang
inyóng gágawin, inyóng papag-aalabin ang pagbabaca, palibhasa'y cayó'y
may salapî at catalinuhan at macacakita agád cayó n~g maraming m~ga
kagawad, at sa cawaláng palad ay maraming masasamâ ang loob. Datapuwa,
sa pagbabacang itóng inyóng gagawin, ang lalong man~gahihirapa'y ang
m~ga waláng icapagtátanggol at ang m~ga waláng malay. Ang m~ga damdamin
ding may isáng buwán na n~gayóng sa aki'y umudyóc na sa inyó'y makiusap,
upáng hin~gin ang m~ga pagbabagong útos, ang m~ga damdamin ding iyan ang
siyáng umaakit n~gayón sa aking sa inyó'y magsabi na maglininglining
muna cayó. Hindi pô nag-iisip ang m~ga tagaritong humiwaláy sa Iná n~g
ating kináguisnang lupà; waláng hiníhin~gì cung di cauntíng calayaan,
cauntíng pagbibigay catuwiran at cauntíng guiliw. Tutulun~gan cayó n~g
m~ga may galit, n~g m~ga masasamáng tao, n~g m~ga walà n~g pagcasiyahan
sa samâ n~g loob, datapuwa't hindi makikialam ang bayan. Magcacamali po
cayó, cung dahil sa nakita ninyóng ang lahát ay madilím ay mag-acalà po
cayóng walâ n~g pagcasiyahan sa samâ n~g loob ang bayan. Nagdaralitâ
n~gâ ang bayan, tunay n~gâ, datapuwa't umaasa pa, nananalig pa, at cayâ
lamang siyá titindig ay cung maubos na ang canyang pagtitiís, sa
macatuwíd bagá'y cung cailán ibiguin n~g m~ga namamahalang maubos ang
pagtitiis na iyán, bagay na may calayuan pa. Acó man ay hindi marahil
sumama sa inyó, hindi acó gagamit cailán man n~g m~ga huling panggamót
na iyán, samantalang nakikita cong may pag-asa pa ang m~ga tao.
--¡Cung magcagayo'y gagawin cong hindi cayó casama!--ang mulíng sinabi
ni Crisóstomong talagáng handâ na.
--¿Iyán pô ba ang matibay na panucalà ninyó?
--¡Ang matibay at tan~gì, sacsí co ang pan~galan n~g aking amá! Hindi co
maaaring ipaagaw n~g pagayón na lamang ang aking capayapaa't ligaya, acó
na waláng ibáng hinan~gád cung di ang cagalin~gan, acó na ang lahát ay
aking iguinalang at tiniis dahil sa pagsinta sa isáng religióng
magdarayà at mapagpaimbabaw, dahil sa pagsintá sa isáng bayang aking
tinubuan. ¿Anó ang caniláng itinumbás sa akin? Ang acó'y ibaón sa isang
imbíng bilangguan at sìraín ang magandáng caasalan n~g aking talagáng
maguiguing esposa. ¡Hindi! ¡cung hindi acó manghiganti'y maguiguing
isáng casamasamàang gawâ, maguiguing pagpapalacás n~g caniláng loob
upáng silá'y gumawâ n~g bago't bagong m~ga paglabág sa catuwiran!
¡Hindi, cung di co gawín ang gayó'y maguiguing isáng caruwagan, cahinâan
n~g loob, humibíc at tuman~gis gayóng may dugó't may buhay, gayóng
inilangcáp nilá sa paglait at paghamít ang paglulugsô n~g capurihán!
¡Tatawaguin co ang bayang mangmáng na iyán, ipakikilala co sa canyá ang
imbí niyang calagayan; na huwág siyáng umisip sa m~ga capatíd; walâ n~gâ
cung hindi m~ga lobo na nan~gaglálamunan, at sasabihin co sa caniláng
laban sa caapiháng itó'y tumítindig at tumututol ang waláng hanggáng
carapatán n~g tao upang tuclasín sa lacás ang canyáng calayaan!
--¡Ang bayang waláng malay ang siyáng maghihirap!
--¡Lalong magalíng! ¿Maipakikihatid po ba ninyó acó hanggáng sa
cabunducan?
--¡Hanggáng sa malagay cayó sa capanatagán!--ang sagót ni Elías.
Mulíng silá'y lumabás sa Pasig. Manacanacang nagsasalitaan silá n~g m~ga
waláng cabuluhán.
--¡Santa Ana!--ang ibinulóng ni Ibarra,--¿napagkikilala po ba ninyó ang
bahay na itó?
Casalucuyang dumaraan silá sa tapát n~g bahay na líwaliwan sa labás n~g
bayan n~g m~ga jesuita.
--¡Diya'y aking tinamó ang mahabang panahóng maligaya't masayá!--ang
buntong-hinin~gá ni Elías.--Napaririyan camí buwán buwán ... n~g
panáhóng iyó'y wan~gis acó sa m~ga ibá: may cayamanan, may familia,
nananag-inip at nakikiníkinita ang isáng magandáng panahóng sásapit.
Nakikita co n~g m~ga panahóng iyón ang aking capatíd na babae na na sa
isáng colegiong calapít; hinahandugan acó n~g m~ga bordadong gawâ n~g
canyáng m~ga camáy ... sinasamahan siyá n~g isáng caibigang babae, na
isáng magandáng dalaga. Nagdaang lahát na parang isáng panaguinip.
Nanatili silá sa hindi pag-imíc hanggáng sa dumating sa Malapad-na-bató.
Ang nacapamangcâ cung gabi sa Pasig, minsan man lamang, sa isá riyán sa
m~ga caayaayang gabíng handóg n~g Filipinas, pagca nagsasabog ang buwan,
mulâ sa dalisay na bugháw, n~g malungcót na pagpapaalaala; pagca
itinatagò n~g dilím ang caimbihán n~g m~ga tao at kinúcublihan n~g
catahimican ang abáng alin~gawn~gaw n~g caniláng tinig; pagca ang
Naturaleza ang tan~ging nagsasalità, ang m~ga gayón ang macauunawà n~g
pinagdidilidili n~g dalawáng binatà.
Nagtútucâ ang carabinero sa Malapad-na-bató, at n~g makitang waláng
lamán ang bangcâ, at waláng anó mang idinudulot na sucat niyáng
másamsam, ayon sa dating caugaliang pinaglamnán na n~g calahatlahatang
m~ga carabinero at n~g m~ga carabinerong nan~garoroon, pinabayaan siláng
macaraan agád.
Hindi rin naman nagsasapantaha n~g anó man ang guardia civil sa Pasig,
caya't hindi silá binagabag.
Nagpasimulâ n~g paguumaga n~g silá'y dumating sa dagatang noo'y maamo't
payapang tulad sa isáng calakilakihang salamín. Cumuculimlím ang buwán
at nagcuculay rosa ang Casilan~ganan. Naaninagnagan nilá sa malayò ang
isáng bagay na culay nag-aaboabó, na untiunting lumalapit.
--Dito ang tun~go n~g falúa,--ang ibinulóng ni Elías;--humigâ po cayó at
cayó'y tátacpan co nitóng m~ga bayóng.
Lalong lumiliwanag at nakikita n~g magalíng ang anyô n~g sasakyán.
--Lumalagay silá sa pag-itan n~g pampáng at natin,--ang ipinahiwatig ni
Elías na nababalisa.
At untiunting binago ang tun~go n~g canyáng bangcâ, na anó pa't
sumasagwang patun~go sa Binan~gunan. Nahiwatigan niyá n~g malakíng
pan~gin~gilabot na nagbabago namán n~g tumpá ang falúa, samantalang
sinisigawan siya n~g isáng tinig.
Humintô si Elías at nag-isíp-ísip. Malayò pa ang tabí at silá'y
marárating n~g bala n~g m~ga fusíl n~g falúa. Inacalang magbalíc sa
Pasig; lalong matúlin ang canyáng bangcâ cay sa falúa. N~guni ¡laking
casamáng palad! nakita niyáng nanggagaling sa Pasig ang isáng bangcâ at
námamasdang cumíkinang ang m~ga capacete at m~ga bayoneta n~g m~ga
guardia civil.
--Húli na tayo,--ang ibinulóng na namúmutlâ.
Pinagmasdán niyá ang canyáng malalakíng bísig, guinamit ang tan~ging
pasiyáng nálalabi at nagpasimulâ n~g pagsagwán n~g boong lacás niyá, na
ang tumpá'y sa dacong pulô n~g Talim. Samantala'y sumusun~gaw ang araw.
Dumúdulas sa túbig ang bangcâ n~g totoong matúlin; nakita ni Elías, sa
ibabaw n~g falúa, na pumípihit, ang ilang taong nacatindíg, na siyá'y
kinácawayan.
--¿Marúnong po ba cayóng magpalacad n~g isáng bangcà?--ang tanóng cay
Ibarra.
--Marunong pô, ¿bakit?
--Sa pagcá't mapapahamac tayo cung hindi acó tátalon sa túbig at n~g
silá'y aking iligáw. Hahabulin nilá acó, acó'y mabuting luman~góy at
sumisid ... silá'y ilálayô co sa inyó, at pagcacágayo'y magpipilit
cayóng lumigtás.
--¡Huwag, matira po cayó at ipagbili natin n~g mahál ang ating buhay sa
canilá!
--Waláng cabuluhán, walâ tayong sandata; papatayin tayong tulad sa
maliliit na ibon, n~g caniláng m~ga fusil.
Nárin~gig n~g sandaling iyón, ang isáng _chis_ sa tubig, cawan~gis n~g
pagpatac sa tubig n~g isáng bagay na maínit, na casunód agád-agád n~g
isáng putóc.
--¿Nakita na ninyó?--aní Elías, at inilagay sa bangcâ ang
sagwán.--Magkikita tayo sa gabíng sinusundan n~g Pascó sa pinaglibin~gan
sa inyóng nunong lalaki. ¡Lumigtás po cayó!
--¿At cayó pô?
--Iniligtás acó n~g Dios sa lalong mahihigpít na m~ga pan~ganib.
Naghubád si Elías; pinunit n~g isáng bála ang canyáng tan~gang barò at
nárin~gig ang dalawáng putóc. Hindi siyá nagulumihanan, kinamayán n~g
mahigpít si Ibarra, na nananatilí sa pagcahigà sa bangcâ; tumindíg at
lumucsó sa tubig na itinúlac muna n~g paá ang muntíng sasakyán.
Nárin~gig ang iláng sigáw, at hindi nalaon at sa malayô-layô n~g cauntî
ay sumipót ang úlo n~g binatà, na parang ibig na humin~gá, at sacâ
mulíng lumubóg sa tubig.
--¡Ayún, ayún siyá!--ang sigawan n~g iláng tinig at mulíng humáguing ang
m~ga bála.
Hinabol siyá n~g falúa at n~g bangcâ; isáng bahagyang guhit n~g bulà ang
siyáng pinagcacakitaan n~g canyáng dinaraanan, na anó pa't nalalao'y
lalong nálalayô sa bangcâ na lulutanglutang na anaki'y waláng tao.
Cailan ma't sumusun~gaw sa tubig ang lumálan~goy at n~g humin~gá,
pagdaca'y pinagbabarilanan siyá n~g m~ga guardia civil at n~g m~ga
faluero.
Tumátagal ang paghahabulan; malayò na ang bangcà ni Ibarra, lumalapit
namán sa tabí ang lumálan~goy, at ang layò na lamang ay may m~ga
limampóng dipá. Pagód na ang m~ga gumagaod, datapuwa't si Elías ay gayón
din, sa pagcá't madalás isipót ang ulo, at sa ibá't ibang daco
sumísipot, na wari'y inilíligaw mandín ang m~ga umuusig sa canyá. Hindi
na itinuturò n~g tacsíl na bulâ n~g tubig ang dinaraanan n~g maninisid.
Minsan pang nakita nilá siyá sa dacong ang layò sa tabí ay sampóng dipá,
binaril siyá nilá ...; nagdaan pagcatapos ang m~ga minuto; walâ n~g
sumipót uli sa ibabaw n~g payapa at waláng taong tubig sa dagátan.
Nang macaraan ang calahating oras, sinasapantahà n~g isáng manggagaod na
canyáng námasdan sa tubig, sa malapít sa guílid, ang m~ga bacás n~g
dugô, n~guni't umíiling ang canyáng m~ga casama, sa isáng anyóng hindi
mapagwarì cung sumasang-ayon silá ó hindi.
=LXII.=
=PAGPAPALIWANAG NI PARI DAMASO.=
Naguíng waláng cabuluháng mátimbon sa ibabaw n~g isáng mesa ang m~ga
mahahalagáng handóg sa pagcacasál; cahi't ang m~ga brillante na nasa
caniláng m~ga _estuche_ na terciopelong azul, ang m~ga bordado mang
pinyá, ang m~ga pieza man n~g sutlâ ay hindi nacaaakit sa m~ga panin~gín
ni María Clara. Tinítingnan n~g dalaga, na hindi nakikita at hindi
binabasa ang pamahayagang nagbabalità n~g pagcamatáy ni Ibarra, na
nalunod sa dagátan.
Caguinsagunsa'y naramdaman niyáng dumarapo sa ibabaw n~g canyáng m~ga
matá ang dalawáng camay, tinátan~gnan siyá at isáng masayáng tínig, ang
cay parì Dámaso, ang sa canya'y nagsásalitâ:
--¿Síno acó? ¿síno acó?
Lumucsó si María Clara sa canyáng upuan at pinagmasdán siyáng may
malakíng tácot.
--Tan~garia, ¿natácot ca ba, há? Hindi mo acó hinihintay, ¿anó?
Talastasín mong naparito acóng galing sa m~ga lalawigan upang humaráp sa
iyóng casál.
At lumapit na tagláy ang isáng n~gitì n~g ligaya, at inilahad cay María
Clara ang camáy at n~g hagcán. Lumapit si María Clarang nan~gan~gatal at
ilinapit n~g boong paggalang ang camáy na iyón sa canyáng m~ga labì.
--¿Anó ang nangyayari sa iyo, María?--ang tanóng n~g franciscano, na
nawalan n~g masayáng n~gitî at napuspós n~g balísa;--malamíg ang camáy
mo, namumutlâ ca ... ¿may sakit ca ba, bunso co?
At hinila ni parì Dámaso si María Clara sa canyáng candun~gang tagláy
ang isáng pagliyag na hindi nasasapantaha nino mang canyáng macacaya,
tinangnán ang dalawáng camáy n~g dalaga, at siyá'y tinanóng sa
pamamag-itan n~g titig.
--Walâ ca na bang catiwalà sa iyóng ináama?--ang itinanóng na ang anyó'y
naghíhinananakit mandín;--halá umupô ca rito't saysayin mo sa akin ang
m~ga maliliit na bagay na isinásamà n~g iyong loob, gaya n~g dating
guinagawa mo sa akin n~g panahóng icaw ay musmós pa, pagca nacacaibig
cang gumawa n~g m~ga muñecang pagkit. Nalalaman mo n~g magpacailan man
ay minámahal catá ... cailán ma'y hindi catá kinagalitan....
Nawalâ ang magaspáng at bugál-bugál na tinig ni parì Dámaso at ang
humalili ay mairog na anyô n~g pananalitâ. Nagpasimula si María Clara
n~g pag-iyác.
--¿Tumatan~gis ca ba, anác co? ¿bakit ca ba umíiyac? ¿Nakipagcagalit ca
ba cay Linares?
Nagtakip n~g m~ga tain~ga si María Clara.
--¡Huwág sana ninyó siyáng bangguitín ... n~gayón!--ang sigáw n~g
dalaga.
Tiningnán siyá ni parì Dámasong puspós n~g pagtatacá.
--¿Aayaw ca bang ipagcatiwalà sa akin ang iyong m~ga lihim? ¿Hindi ba
laguing pinagsicapang cong bigyáng catuparan ang bawa't iyong maibigan?
Itinin~gala n~g dalaga sa canyá ang m~ga matáng punô n~g m~ga luhà,
sandaling siyá'y tinitigan, at muling tuman~gis n~g malakíng capaitan.
--¡Huwág cang tuman~gis n~g ganyán, anác co, sa pagcá't nagbíbigay sákit
sa akin ang iyong m~ga luhà! ¡Saysayín mo sa akin ang iyóng m~ga
ipinagpipighatî; makikita mo cung tunay na minamahal ca n~g iyóng
ináama!
Marahang lumapit sa canyá si María Clara, lumuhód sa canyáng paanán,
itinin~galâ sa canyá ang mukháng napapaliguan n~g luhà, at saca sinabi
sa canyá n~g tinig na bahagyâ n~g mawatasan:
--¿Iniibig po ba ninyó acó?
--¡Musmós!
--¡Cung gayó'y ... ampunin ninyó ang aking amá at huwág po ninyó acóng
ipacasál!
At saca sinabi n~g dalaga ang hulíng pagkikita nilá ni Ibarra, n~guni't
inilin~gid niyá ang lihim n~g canyáng paguiguing tao.
Bahagyâ nang macapaniwalà si parì Dámaso sa canyáng náririn~gig.
--¡Samantalang siyá'y buháy,--ang ipinatuloy n~g dalaga,--inacalà cong
lumaban, naghíhintay acó, acó'y umaasa! Ibig cong mabúhay upang
macárin~gig acó n~g m~ga balitang tungcól sa canyá ... ¡datapuwa't
n~gayóng siyá'y pinatáy, walâ na n~gang cadahilanan upáng mabuhay acó't
magcasákit!
Sinabi niyá ang m~ga salitáng itó n~g madálang, mahinà ang tinig,
banayad, waláng luhà.
--N~guni't tan~gá, ¿hindi ba macalilibong magaling si Linares cay ...?
--¡Nang buháy pa siyá'y macapag-aasawa acó ... inaacalà cong magtanan
pagcatapos ... waláng hináhan~gad ang aking amá cung di ang
pakikicamag-ánac! N~gayóng patáy na siyá, sino ma'y hindi macatatawag sa
aking esposa ... Nang buháy pa siyá'y mangyayaring acó'y magpacasamâ,
málalabi sa akin ang sayá n~g loob sa pagcaalam na siyá'y buháy pa at
marahil maaalaala acó; n~gayóng siyá'y patáy na ... ang convento ó ang
libin~gan.
Palibhasa'y totoong matindí ang pananalita n~g dalaga, nawala cay parì
Dámaso ang masayáng anyô at naggunamgunam.
--¿Lubhâ bang malakí ang pag-ibíg mo sa canyá?--ang itinanóng n~g
pautál.
Hindi umimic si María Clara. Inilun~gayn~gay ni parì Dámaso sa canyáng
dibdib ang canyáng ulo at hindi umimic.
--¡Anác co!--ang biglang sinabi n~g tinig na sira;--patawarin mo acó, na
hindi co sinasadya'y aking ipinahamac ang iyong caligayahan. Ang
mangyayari sa iyo sa hinaharap ang aking iniisip, minimithî co ang iyong
caligayahan. ¿Paano ang aking pagpapahintulot na pacasál icaw sa isáng
tagá rito, upang icaw ay aking mapanood ná esposang cahabaghabág at
ináng culang palad? Hindi co maialís sa iyóng ulo ang iyóng pagsintá,
caya't humadláng acó n~g boo cong lacás, guinawa co ang lahát n~g lihís
sa catuwiran, dahil sa iyó, sa iyo lamang dahil. Cung icaw ay naguing
asawa niyá, tatan~gis ca pagcatapos, dahil sa calagayang pagca inianác
dito n~g asawa mo, na laguing nabibin~git sa lahát n~g pag-api't
pagpapahirap na waláng calasag sa pagsasanggaláng; cung maguíng iná ca
na'y tatan~gisan mo ang casawiang palad n~g iyong m~ga anác; cung silá'y
papag-aralin mo't n~g dumúnong, inihahandà mo sa canilá ang masacláp na
mararating; maguiguing caaway silá n~g religión, at cung magcágayo'y
makikita mo silá sa pagcabitay ó sa pagcapatapon; cung pabayaan mo
namáng mangmáng, makikita mo namáng silá'y tinatampalasan at
sumasacaimbihán! ¡Hindi co n~ga mangyaring maitulot! Dahil dito'y
inihahanap catá n~g isáng asawang macapaghahandóg sa iyó n~g pagca ináng
maligaya n~g m~ga anác na macapag-uutos at hindi mapag-uutusan, na
macapagpaparusa't hindi magdaralità.... Nalalaman cong mabait n~ga ang
yong catoto buhat sa camusmusán, minámahal co siyá't gayón din ang
canyáng amá, datapuwa't pinagtamnán co silá n~g gálit, mula n~g makita
cong silá ang maguiguing dahil n~g iyong casawaliang palad, sa pagcá't
catá'y minamahal, catá'y pinacasisintá, catá'y iniibig na cawan~gis n~g
pag-ibig sa isáng anác; waláng umiirog sa akin cung di icaw na n~ga
lamang; napanood co ang iyóng pag-lakí; hindi nacararaan ang isáng oras
na hindi catá inaalaala; napapanaguinip co icaw; icaw ang tan~ging
catuwaan co....
At tuman~gis si parì Dámasong tulad sa isáng musmós.
--¡Cung gayón, cung acó'y inyóng minámahal, huwag po sanang ipahamac
ninyó acó magpacailán man; patáy na siyá, ibig cong mag-monja!
Itinuon n~g matandâ ang noo sa canyáng camáy.
--¡Mag-monja, mag-monja!--ang inulit ulit.--Hindi mo nalalaman, anác co,
ang pamumuhay, ang talinghagang nagcúcubli sa loob n~g m~ga pader n~g
convento, hindi mo nalalaman! Macalilibong iniibig cong mapanood cong
icaw ay nagcacasákit sa mundo, cay sa makita co icaw na nacuculong sa
convento. Sa mundo'y máririn~gig ang iyong m~ga daíng, doo'y wala cung
di ang m~ga pader ... ¡Icaw ay magandá, totoong magandá, hindi ca
sumilang sa maliwanag upang icaw ay másoc sa pag-momonja, upang maguing
esposa ca ni Cristo! Maniwalà ca sa akin, anác co, kinacatcat na lahát
n~g panahón; macalilimot ca cung malaon, iibig ca, iibig ca sa asawa mo
... cay Linares.
--¡O ang convento ó ... ang camatayan!--ang inulit ni María Clara.
--¡Ang convento, ang convento ó ang camatayan!--ang mariing sabi ni parì
Dámaso.--María, matanda na acó, hindi na mangyayaring tumagál pa ang
aking pagcacalin~ga sa iyo't sa iyóng capanatagan.... Humirang ca n~g
ibang bagay, humanap ca n~g ibáng sisintahin, ibáng binatà, cahi't na
sino, datapuwa't huwag lamang ang convento.
--¡Ang convento ó ang camatayan!
--¡Dios co, Dios co!--ang isinigaw n~g sacerdote, na tinacpan n~g m~ga
camáy ang ulo;--pinarurusahan mo acó, anóng gagawin! datapuwa't
calin~gain mo ang aking anác na babae!...
At linin~gón ang dalaga:
--¿Ibig mong maguing monja? maguiguing monja ca; aayaw acong mamatáy
icaw.
Hinawacan ni Maria Clara ang canyang dalawáng camay, pinisíl, hinagcán
at lumuhod.
--¡Ináama co, ináama co!--ang inulit-ulit.
Umalis pagcatapos si parì Damasong mapangláw, nacatun~gó at nagbúbuntong
hinin~gá.
--¡Dios, Dios, tunay n~gang nabubuhay ca, yamang acó'y iyóng
pinarurusahan! ¡n~guni't manghiganti ca sa akin at huwag mong pahirapan
ang waláng casalanan, iligtás mo ang aking anác!
=LXIII.=
=ANG GABING SINUSUNDAN N~G PASCO N~G PAN~GAN~GANAC.=
Sa itaas, sa balisbís n~g isáng bundóc, sa tabí n~g isáng agúsan,
natatago sa guitnâ n~g m~ga cahoy ang isáng dampâ na nacalagay sa ibabaw
n~g m~ga licolicong punò n~g m~ga cahoy. Sa ibabaw n~g canyáng bubóng na
cúgon ay gumagapang na saganà sa calaguan ang calabaza, na humihitic n~g
m~ga bun~ga at n~g m~ga bulaclác; napapamutihan ang abáng tahanang iyón
n~g m~ga sun~gay n~g usa't n~g m~ga bun~gô n~g baboy-ramó, na may m~ga
pan~gil ang ibá. Diyán tumatahan ang isáng mag-ánac na tagalog, na ang
pan~gan~gaso't pagpuputól n~g cahoy na panggatong ang guinágawa.
Sa lilim n~g isáng cahoy, ang nunong lalaki'y gumágawa n~g m~ga walis na
tinting, samantalang naglálagay ang isáng dalaga sa isáng bacol n~g m~ga
itlóg n~g inahíng manóc, m~ga dayap at m~ga gulay. Dalawáng batà, isáng
lalaki't isáng babae'y magcasamang naglálaro. May isá pang batàng
lalaking putlain, mukháng namámanglaw, malalaki ang m~ga matá at malalim
cung tumin~gín, at siyá'y nacaupô sa ibabaw n~g isáng nacahigáng punò
n~g cahoy. Mapagkikilala natin sa canyáng namamayat na mukha ang anác na
lalaki ni Sisa, si Basilio, na capatíd ni Crispín.
--Paggalíng n~g paá mo,--ang sabi sa canyá n~g batang babae;--maglálaro
tayo n~g pico-picong-tagúan, acó ang inainahan.
--Saasama ca sa amin sa pag-akyát sa taluctóc n~g bundóc,--ang dagdág
n~g batàng lalaki;--iinom ca n~g dugó n~g usáng pinigaan n~g catas n~g
dayap at icaw ay tatabâ, at cung mataba ca na'y tuturuan catá n~g
paglucso sa magcabicabilang malalaking bató, na na sa ibabaw n~g agúsan.
N~gumin~gitî n~g mapangláw si Basilio, tinítingnan ang súgat n~g canyáng
paá at pagcatapos ay ibinabaling ang panin~gin sa araw na mainam na
totoo ang sicat.
--Ipagbili mo ang m~ga walís na itó,--anáng nunong lalaki sa dalaga;--at
ibilí mo n~g anó man ang m~ga capatid mo, sa pagcá't Pascó n~gayón.
--¡M~ga reventador, ibig co n~g m~ga reventador!--ang sigáw n~g batàng
lalaki.
--¡At ibig co namán ang isáng ulong mailagáy co sa aking manica!--ang
sigáw namán n~g batàng babae, at tinangnán sa tápis ang canyáng capatid.
--At icaw, ¿anó namán ang ibig mo?--ang tanóng n~g nunò cay Basilio.
Tumindíg itóng nahihirapan at lumapit sa matandáng lalaki.
--Guinoo,--ang sinabi niyá;--¿nagcasakít po palá acóng mahiguít na isáng
buwán?
--Buhat n~g masumpong ca naming hindi nacacaalam-tao't punô n~g m~ga
sugat ay dalawang buwan na sa itaás ang nacararaan; ang isip nami'y
mamámatay icaw....
--¡Gantihín nawa cayó n~g Dios; camí po'y totoong mahihirap!--ang mulíng
sinabi ni Basilio; datapuwa't yayamang Pascó n~gayón, ibig cong pa sa
bayan upáng aking tingnán ang aking iná't capatid na maliit. Marahil
hinahanap nilá acó.
--N~guni't anác co, hindi ca pa magalíng at malayo ang bayan mo; hindi
ca darating doon sa hating gabí.
--¡Hindi po cailan~gan, guinoo! Marahil po'y totoong namamanglaw ang
aking iná't capatíd na maliit; sa taón taó'y nagsasamasama camí sa
fiestang itó ... n~g taóng nagdaa'y isáng isda ang aming kinaing tatló
... ang iná co marahil ay iyác n~g iyác n~g paghánap sa akin.
--¡Hindi ca darating na buháy sa bayan, batà! Sa gabíng itó'y may
inahíng manóc tayo at tapa n~g baboy-ramó. Hahanapin ca n~g aking m~ga
anác na lalaki cung umuwi siláng galing sa parang....
--Marami po cayóng m~ga anác, at ang aking iná'y wala cung di camíng
dalawá lamang; ¡marahil ipinalalagay na acóng patáy! ¡Ibig co pô siyang
bigyán sa gabíng itó n~g galác, n~g isáng aguinaldo ... isáng anác!
Naramdamán n~g matandáng lalaking nangguiguilid ang canyáng luhà,
ipinatong sa ulo n~g batàng lalaki ang canyáng camáy at sinabi sa
canyáng nababagbag ang pusò:
--¡Tila ca matandáng tao! Halá, paroon ca na, hanapin mo ang iyong
nanay, ibigay mo sa canyá ang aguinaldo ... n~g Dios, gaya n~g sabi mo;
cung nalaman co lamang ang pan~galan n~g iyong bayan, sana'y naparoon
acó n~g icaw ay may sakit. Lácad na, anác co, at samahan ca nawa n~g
Dios at n~g poong si Jesús. Sasamahan ca n~g apó cong si Lucía hanggáng
sa bayang malapit dito.
--¿Bakit, aalis ca ba?--ang tanóng sa canyá n~g batàng lalaki.--Diyán sa
ibabá'y may m~ga sundalo, maraming m~ga tulisán. ¿Aayaw ca bang makita
ang aking m~ga reventador? ¡Pum! ¡purumpum!
--¿Aayaw ca ba n~g pico-picong taguan?--ang tanóng namán n~g batàng
babae;--¿nacapagtago ca na ba? ¿Hindi ba totoong nacatutuwa ang habulin
at magtago?
N~gumitî si Basilio; dinampót ang canyáng tungcód at nagsalitáng
nanglálaglag ang m~ga luhà sa m~ga matá:
--Bábalic acó agad,--anyá;--dadalhín co rito ang maliit cong capatíd,
makikita ninyó siyá at cayó'y makikipaglarô sa canyá; siyá'y casíng lakí
mo.
--¿Pipilaypilay rin ba cung lumacad?--ang tanóng n~g batàng babae;--cung
gayó'y siyá ang ating gagawing iná-inahan sa pico-pico.
--Huwag mo camíng calilimutan,--ang sabi sa canyá n~g matandáng
lalaki;--dalhín mo itong tapa n~g baboy-ramó at ibigay mo sa iyong
nanay.
Sinamahan siyá n~g m~ga batá hanggáng sa tulay na cawayang nacalagáy sa
ibabaw n~g agúsang main~gay ang lagaslás.
Pinacapit siyá ni Lucía sa canyáng m~ga bisig at nawalâ silá sa m~ga
panin~gín n~g m~ga batà.
Malicsíng lumacad si Basilio, bagá man may tali ang canyáng binti.
....................................................................
Humahaguinit ang han~ging sa labás at nan~gán~galigkig sa guináw ang
m~ga tagá San Diego.
Niyó'y gabíng sinúsundan n~g Pascó n~g Pan~gan~ganác, n~guni't gayón
ma'y malungcót ang bayan. Waláng nacasabit sa m~ga bintanang isáng farol
man lamang na papel, waláng anó mang cain~gayan sa m~ga bahay na
nagbabalità n~g casayahang gaya n~g m~ga nacaraang taón.
Sa «entresuelo» n~g bahay ni capitang Basilio'y nagsasalitaan sa tabí
n~g isáng _rejas_, ito't si don Filipo (pinapagcaibigan silá n~g
pagcapahamac ni don Filipo), samantalang sa cabiláng _rejas_ namá'y
tumátanaw sa daan si Sinang, ang canyáng pinsang si Victoria at ang
magandáng si Iday.
Nagpápasimula n~g pagsicat ang buwáng patunáw sa naaabot n~g panin~gin
at pinapagcuculay guintô ang m~ga alapaap, m~ga cahoy at m~ga bahay, at
tulóy nan~gagbibigay n~g mahahaba't wari'y m~ga fantasmang m~ga anino.
--¡Hindi cácauntî ang inyóng capalarang lumabás, na alinsunod sa pasyá
n~g hucóm ay walang casalanan, sa m~ga panahóng itó!--ang sabi ni
capitang Basilio cay don Filipo;--tunay n~ga't sinunog nilá ang inyóng
m~ga libro, n~guni't lalong malakí ang nan~gawalâ sa m~ga ibá.
Lumapit sa _rejas_ ang isáng babae at tumin~gín sa dacong loob.
Nagníningning ang canyáng m~ga matá, namamayat ang canyáng mukhâ, lugáy
at gusót ang canyáng m~ga buhóc, binibigyan siya n~g buwán n~g cacaibáng
anyô.
--¡Si Sisa!--ang bigláng sinabi ni don Filipo, at saca siyá humaráp cay
capitang Basilio, samantalang lumálayô ang ulól na babae.
--¿Hindi po ba na sa sa bahay siyá n~g médico?--ang
itinanóng;--¿gumaling na po ba?
N~gumitî n~g masacláp si capitang Basilio.
Natacot ang médicong siyá'y isumbóng na caibigan ni don Crisóstomo, at
ang guinawa'y pinaalís si Sisa sa canyáng bahay. N~gayó'y muling
nagpapacabicabila na namáng ulól na gaya n~g dati, umaawit, hindi
gumagawâ n~g masamâ can~gino man at natitira sa gubat....
--¿Anó anó pa po ang m~ga nangyari sa bayan mulâ n~g umalis camí rito?
Nalalaman cong tayo'y may curang bago at bagong alférez....
--¡Catacotacot na m~ga panahón, umúudlot ang cataohan!--ang ibinulóng ni
capitang Basilio, na ang nacaraan ang iniisip.--Tingnán po ninyó,
kinabucasan n~g inyóng pag-alís ay nasumpun~gang patáy ang sacristang
mayor, nacabitin sa palupo n~g canyáng bahay. Dinamdám na totoo ni parì
Salví ang canyáng pagcamatáy at sinamsam na lahát ang canyáng m~ga
papel.--¡Ah, namatáy rin ang filósofo Tasio, at ibinaón siya sa
libin~gan n~g m~ga insíc.
--¡Cahabaghabag namán si don Anastasio!--ang ibinuntóng hinin~gá ni don
Filipo,--¿at ang canyang m~ga libro?
--Sinunog na lahát n~g m~ga madasalin, sa pagcá't sa ganyá'y inaacalà
niláng silá'y mararapat sa Dios. Walâ acong nailigtas cahi't ang libro
man lamang ni Ciceron ... waláng guinawáng anó man ang gobernadorcillo
upang sansalain ang gayóng gawâ.
Capuwà hindi umimíc ang dalawá.
Naririn~gig n~g sandalíng iyón ang awit na cahapishapis at mapangláw n~g
ulól na babae.
--¿Nalalaman mo ba cung cailán ang casál ni María Clara,--ang tanóng ni
Iday cay Sinang.
--Hindi,--ang isinagót nitó;--tumanggap acó n~g isáng sulat ni María
Clara, n~guni't aayaw cong bucsán sa tacot na aking maalaman. ¡Caawaawa
si Crisóstomo!
Ang balità'y cung di cay Linares, si capitang Tiago'y nabitay sana, ¿anó
ang cahihinatnán ni María Clara?--ang pahiwatig ni Victoria.
Nagdaan ang isáng batàng lalaking pipilaypilay; tumatacbóng ang tun~go'y
sa plaza na pinanggagalin~gan n~g awit ni Sisa. Siya'y si Basilio.
Nasumpun~gan n~g batà ang canyáng bahay, na waláng tao at guibà;
pagcatapos n~g maraming pagtatanóng, ang canyáng nausisa lamang ay ang
canyáng iná'y ulól at nagpapagalagala sa bayan; walâ siyang cabalibalità
cay Crispin.
Kinain ni Basilio ang luhà, linunod ang canyáng pighatî, hindi na
nagpahin~ga't hinanap ang canyáng iná. Dumatíng sa bayan, ipinagtanóng
ang canyáng iná, at dumatíng ang awit sa canyáng m~ga tain~ga.
Piniguilan n~g culang palad ang pan~gan~gatál n~g canyáng m~ga bintî at
nag-acalang tumacbó't n~g payacap sa canyáng iná.
Linisan n~g ulól na babae ang plaza't tinun~go ang tapát n~g bahay n~g
bagong alférez. N~gayo'y gaya rin n~g unang may isáng bantay na sundalo
sa pintuan, at isáng ulo n~g babae ang siyáng nanun~gaw sa bintanà,
n~guni't hindi na ang Medusa, n~gayó'y isáng batà ang gulang; hindi
pawang sawíng palad ang bawa't alférez.
Nagpasimulâ n~g pag-awit si Sisa sa tapat n~g bahay, na tinititigan ang
buwang nagduruyan sa isáng lan~git na azul at napapag-itanan n~g m~ga
alapaap na culay guintô. Nakikita siyá ni Basilio'y hindi macapan~gahas
lumapit, at marahil hinihintay niyáng umalis doon; lumalacad sa
magcabilacabila, n~guni't pinan~gin~gilagan ang paglapit sa cuartel.
Pinakikinggang magalíng n~g babaeng batà pang na sa sa bintanà ang awit
n~g ulól na babae, at ipinag-utos sa bantáy na sundalong papanhikin ang
ulól na iyón sa cuartel.
Pagcakita ni Sisang lumalapit ang sundalo at n~g marin~gig ang tinig
nito, sa malaking tacot ay nagpacatacbótacbó, at ang Dios ang nacacaalam
cung paano ang pagtacbó n~g isáng ulól. Sinundán siyá ni Basilio, at sa
pan~gan~ganib na bacá hindi na niya makita'y tumacbó at nalimutan tulóy
ang sakít n~g canyáng m~ga paá.
--¡Tingnán na n~ga lamang ninyó cung paano ang paghabol n~g batàng iyán
sa ulól na babae!--ang sigáw na nagagalit n~g isáng alilang babae, na na
sa daan.
At n~g makita niyáng ipinagpapatuloy ang paghagad sa ulól na babae,
dumampót n~g isáng bató't inihaguis sa batà, at sinabi:
--¡Ayán ang iyó! ¡pagcasayangsayang at natatalì ang áso!
Naramdamán ni Basilio ang isáng pucól sa canyáng ulo, n~guni't nagtuloy
n~g pagtacbó at hindi inalumana. Tinátahulan siyá n~g m~ga áso,
sumisigaw ang m~ga gansâ, binúbucsan ang m~ga ibáng bintanà at may
sumusun~gaw na isáng mapagusisa, at sinásarhan namán ang ibáng bintana,
sa pan~gan~ganib na bacâ iyo'y cawan~gis din n~g gabi n~g m~ga
caguluhan.
Dumatíng silá sa labás n~g bayan. Nagpasimulà si Sisa n~g paghinà n~g
pagtacbó; malakíng totoó ang calayuan niyá sa humahabol sa canyá.
--¡Nanay, acó pô!--ang isinigáw sa canyá n~g siyá'y mátanawan.
Bahagyâ lamang nárin~gig n~g ulól na babae ang tinig ay nagpasimulâ na
namán n~g pagtácas.
--¡Nanay, acó pô!--ang isinigáw n~g bata na waláng pagcasiyahan sa
pighatî.
Hindi nacácarin~gig ang ulól na babae, sinúsundan siyá n~g anác na
humihin~gal. Naraanan na nilá ang m~ga pananím at malapit na silá sa
gubat.
Nakita ni Basiliong pumasoc sa gubat na iyón ang canyáng iná at siyá'y
pumasoc namán. Ang m~ga damó, ang maliliit na cahoy, ang matiníc na m~ga
yantóc at ang m~ga ugát na umuutláw sa lupá ay nan~gagsisihadláng sa
tacbó n~g dalawá. Sinúsundan n~g anác ang naaaninagnagán niyáng catawán
n~g canyáng iná, na manacanacang liniliwanagan n~g m~ga sínag n~g buwang
pumapasoc sa m~ga pag-itan n~g m~ga san~gá. Yaón ang talinghagang gubat
n~g familia ni Ibarra.
Macailang natisod at nárapâ ang batà, n~guni't tumítindig, hindi
nagdaramdam sakít; ang boong caluluwa niyá'y pumatun~go sa canyáng m~ga
matá, na sumúsunod sa anyô n~g irog niyáng iná.
Caniláng dinaanan ang ílat na bumubulong n~g matimyás; ang m~ga tiníc
n~g cawayang nan~gahulog sa putic n~g pampáng ay tumitimo sa m~ga paá
niyáng hubád: hindi humihintô si Basilio upáng bunutin ang m~ga tiníc na
iyón.
Nakita niyá n~g boong pagtatacá na tinutun~go n~g canyáng iná ang
malagóng parang at pumasoc sa pintóng cahoy na pangsará sa
pinaglibin~gan n~g matandáng castilà sa paanán n~g balitì.
Binantâ ni Basiliong siyá'y pumasoc namán, n~guni't nasunduan niyáng
nacasará ang pintô. Ipinagsasanggalang ang pintóng iyón n~g ulól na
babae, n~g canyáng m~ga payát na bísig at gusamót na ulo, na anó pa't
pinapananatili n~g canyáng boong lacás sa pagcásara.
--¡Nanay, acó pô, acó pô, acó'y si Basilio, ang inyóng anác!--ang sigáw
n~g batang hapô na, at nagpacálugmoc.
Datapuwa't hindi nagluluwag ang ulól na babae; isinisicad ang canyáng
m~ga paá sa lupà at ipinaglalabang mainam ang pintô.
Sinuntóc ni Basilio ang pintô, inihahampas doon ang ulong napapaliguan
n~g dugô, umiyác, n~guni't waláng cabuluháng lahát. Nagtindíg n~g boong
hírap, pinagmasdán ang pader at iniisip niyáng canyáng hagdanán,
n~guni't walâ siyáng nasumpun~gang magawang hagdán. Nilibot niyá, n~g
magcágayon, at nakita niyá ang isáng san~gá n~g malungcót na cahoy na
humahalang sa isá namang san~gá rin n~g ibang cahoy. Nag-ukyabít siyá:
gumágawâ n~g cababalaghán ang canyáng pagsintáng-anác, nagpalipatlipat
siyá sa m~ga san~gá hanggang sa dumating sa balitì, at napanood pa
niyáng itinutuon ang ulo n~g canyáng iná sa pintô.
Nárin~gig ni Sisa ang in~gay na guinágawâ ni Basilio sa m~ga san~gá,
lumin~gón at nag-acalang tumacas, n~guni't nagpatihulog sa cahoy ang
anác, niyácap niyá ang canyáng iná at pinuspós n~g halíc, at hinimatáy
pagcatapos.
Námasdan ni Sisa ang noóng napapaliguan n~g dugô; yumucód sa canyá, ang
m~ga matá n~g babae'y tila mandín tatacas sa kinálalagyan, pinagmasdan
siyá sa mukhâ at ang m~ga namúmutlang pagmumukháng iyó'y siyáng pumagpág
n~g bait na gumugupiling sa canyáng m~ga utac n~g ulo, may sumipót na
tulad sa isáng kisláp sa canyáng pag-iisip, nakilala ang canyáng anác
at, nagpacabigáybigáy n~g isáng sigáw, at pagcatapos ay nahandusay sa
hinimatáy na batàng canyáng niyayacap at hináhagcan.
Nanatiling hindi cumikilos ang iná at ang anác....
Nang pagsauláng-tao si Basilio'y nakita niyang hindi nacacaalam tao ang
canyáng iná. Tinawag niyá ang canyáng iná, canyáng ipinan~galan ang
lalong matitimyás na palayaw, at n~g mamasid niyáng hindi naguiguising
at hindi man lamang humihin~ga'y nagtindig, tinun~go ang agos at cumuha
n~g cauntíng túbig na canyáng inilagáy sa binalisungsóng na dahon n~g
saguing, at canyáng winiligán n~g tubig na iyon ang namumutláng mukhà
n~g canyáng iná. N~guni't hindi cumilos n~g camunti man lamang ang ulól
na babae, nananatili sa pagcapikit.
Pinagmasdán siyá ni Basiliong nagugulat; idinaiti ang canyáng tain~ga sa
pusò n~g babae; n~guni't ang payát at lantá n~g dibdib ay malamig at
hindi tumitiboc: inilagáy niyá ang canyáng m~ga labì sa m~ga labì n~g
canyáng iná ay walâ siyáng naramdamang camunti man lamang na paghin~gá.
Niyacap n~g culang palad ang bangcáy at tuman~gis n~g boong capaitan.
Lumiliwanag ang buwan sa lan~git n~g boong cadakilaan, nagbubuntong
hinin~gá ang mahinhíng amihan sa paghihip at humuhuni ang m~ga cagaycáy
sa ilalim n~g m~ga damó.
Ang gabíng pawang caliwanagan at catuwaan sa lubháng maraming m~ga
musmós, na sa mainit na sinapupunan n~g m~ga casambahay ipinagdiriwang
ang fiestang lalong may m~ga matatamis na nagugunitá; ang fiestang
nagpapaalaala n~g unang titig n~g pagsintá na ipinadalá n~g lan~git sa
lupà; sa gabíng iyáng ang lahát n~g magcacasambahay na m~ga binyaga'y
cumacain, umiinom, sumasayaw, umaawit, tumatawa, naglálarò, sumisinta,
nan~gaghahalican ... sa gabíng iyán, na sa m~ga lupaíng malalamíg ay
nagtátaca ang camusmusan sa warí'y himaláng cahoy na pino, na humihitic
n~g m~ga ilaw, m~ga manica, m~ga matamis at makikintáb na palarang
papel, na pinanonood n~g nan~gasisilaw na mabibilog na m~ga matáng
kinaaninuhan n~g pagca waláng malay, ang gabíng iyá'y waláng idinudulot
cay Basilio cung di isáng pan~gun~gulila. ¿Sino ang nacacaalam? Marahil
sa bahay n~g malungcuting si parì Salví ay nan~gaglalarô rin ang m~ga
batà, marahil ay caniláng inaawit:
Ang Gabing-Magandá'y dumating,
Gabing-Magandá'y aalis din...
Ang batà'y tuman~gis at humibíc n~g di anó lamang, at n~g tumin~galâ
siyá'y canyáng nakita sa canyáng haráp ang isáng tao na pinagmamasdan
siyáng waláng imíc. Tinanóng siyá n~g hindi kilalang lalaking iyón n~g
marahan:
--¡Icaw ba ang anác!
Tuman~gô ang batà.
--¿Anó ang inaacalà mong gawín?
--¡Ilibíng!
--¿Sa libin~gan?
--Walà acóng salapî, at bucód sa roó'y hindi ipahihintulot n~g cura.
--¿At paano?
--Cung tulun~gan sana ninyó acó....
--Mahinang mahina acó,--ang sagót n~g hindi kilalá, na untiuntíng
nagpacahandusay sa lupà, na nininiin n~g dalawáng camáy; may sugat acó,
dalawáng araw n~g hindi acó cumacain at hindi acó natutulog ... ¿Walâ
bang ibáng napaparito n~gayóng gabí?
Nanatili ang taong iyón sa pagdidilidili at pinagmamasid ang mahalagáng
pagmumukhâ n~g batàng lalaki.
--¡Pakinggán mo!--ang ipinagpatuloy na ang tinig ay lalong mahina;
marahil ay patáy na rin acó bago sumicat ang araw ... Sa may m~ga
dalawampóng hacbáng buhat dito, sa cabiláng ibayo n~g batis na itó, may
nacatimbóng maraming cahoy na panggatong; dalhín mo rito,
pagpatungpatun~gin mo, ilagáy mo sa ibabaw ang aming m~ga bangcáy,
tacpán mo n~g cahoy rin at sacâ mo susuhan n~g apóy, n~g maraming apóy,
hanggáng sa cami'y maguing abó....
Nakikinig si Basilio.
--Pagcatapos, cung sacali't walâ sino mang dumatíng ... huhucay ca rito,
macacasumpong ca n~g maraming guintô ... at ang lahát na iyá'y iyo.
¡Mag-aral ca!
Nalalao'y lalong hindi mawatasan ang tinig n~g hindi kilaláng tao.
--Hayo't humanap ca n~g cahoy ... ibig cong tulun~gan catá.
Yumao si Basilio, humaráp sa Silan~ganan ang hindi kilalá at bumulóng na
wari'y nagdárasal:
--¡Mamamatay acóng hindi co nakikitang numingníng ang liwaywáy sa lupàng
aking tinubuan!... ¡cayóng man~gacacakita n~g liwaywáy na iyan, batiin
ninyó siyá ... huwag ninyóng limutin ang m~ga nahandusay sa boong
magdamág!
Itinaás ang m~ga matá sa lan~git, gumaláw ang canyáng m~ga labíng
anaki'y bumúbulong n~g isáng dalan~gin, tumun~gó pagcatapos at
untiuntíng nahandusay sa lupà....
Nang macaraan ang dalawang oras, si hermana Rufa'y na sa sa batalán n~g
caniláng bahay at guinagawa ang paghihilamos na caugalian pagcacaumaga,
upang pumaroon sa misa. Tinátanawan n~g mapamintacasing babae ang
calapít na gubat at canyáng nakitang may pumapaimbulog na nalululong
macapál na úsoc; nagcunót ang m~ga kilay at, punô n~g banál na galit, ay
nagsalitâ:
--¿Sino cayà ang hereje na sa araw n~g fiesta'y nagcacain~gin? Cayà
dumarating ang maraming m~ga capahamacán. ¡Tingnán mong pa sa Purgatorio
ca, at makikita mo cung cucunin catá roon, hamac na tao!
=PANGWACAS NA BAHAGUI.=
Sa pagcá't buhay pa ang marami sa m~ga taong sinaysay namin ang caniláng
m~ga guinawâ sa casulatang itó, at sa pagca namán nan~gawalâ na sa ating
m~ga matá ang m~ga ibá sa m~ga taong iyón, hindi n~gâ mangyayaring
malagyán namin n~g tunay na pangwacás na bahagui ang aclát na itó. Sa
icagagaling n~g tao'y papatayin namin n~g boong galac ang lahát n~g m~ga
taong sinaysáy namin dito, na aming sisimulan cay parì Salví at
wáwacasan namin cay doña Victorina, datapuwa't hindi mangyayari ...
¡m~ga buháy silá! yamang hindi camí cung di ang lupaíng itó rin lamang
ang siyáng sa canilá'y magpapacain....
Mulà n~g pumasoc sa convento si María Clara'y iniwan ni parì Dámaso ang
bayang dating canyáng kinalalagyan at sa Maynilà na siya tumitira, na
gaya rin namán ni parì Salví, na samantalang naghíhintay n~g
catungculang pagca Obispo ó Arzobispo'y manacánacang nagsesermon sa
simbahan n~g Santa Clara, at sa convento nitó, n~g Santa Clara sa
macatuwid, siyá'y gumaganap n~g isáng mataas na catungculan. Hindi pa
maraming buwan ang nacararaan ay tumanggáp si parì Dámaso n~g utos n~g
cagalanggalang na parì Provincial upáng ganapín ang pagcucura sa isáng
malayong lalawigan. Ayon sa sábiha'y nápacalaki ang canyáng tinamóng
samâ n~g loob sa bagay na iyón, caya n~ga't kinabucasa'y násumpun~gang
patáy siya sa canyáng tinutulugan. Ang sabi n~g ibá'y namatáy sa
_apoplegia_, anáng ibá'y sa ban~gun~got, n~guni't pinaram n~g médico ang
pag-aalinlan~gan, sinaysáy niyáng biglâ raw namatáy.
Alin man sa m~ga bumabasa sa ami'y hindi makikilala n~gayón cung
caniláng makita si capitang Tiago. Iláng linggó pa muna bago magmonja si
María Clara'y nangyari sa canyá ang isáng malakíng panglulupaypay n~g
calooban, na anó pa't nagpasimulâ siyá n~g pamamayat at naguing totoong
malungcutin, mapaglininglining at culang tiwalà, tulad sa canyáng
naguing caibigang si capitang Tinong. Nang másara na ang m~ga pintuan
n~g convento n~g Santa Clara'y caracaracang ipinag-utos sa canyáng
nahahapis n~g di anó lamang na pinsang si tía Isabel, na tipunin at
cunin ang lahat n~g bagay na naguing pag-aarì n~g canyáng anác at n~g
canyáng nasirang asawa, at siyá'y pumaroon sa Malabón ó sa San Diego, sa
pagcá't sa haharaping panahó'y ibig niyáng mamahay na mag-isá. Nagsákit
n~g catacottacot sa liampó at sa pagsasabong, at nagpasimulâ n~g
paghitít n~g opio. Hindi na na pa sa sa Antipulo at hindi na rin
nagpapamisâ; ikinatutuwang totoo n~g canyáng matandáng babaeng
capan~gagáw, na si doña Patrocinio, ang canyáng pagdiriwang, sa
pamamag-itan n~g paghilíc samantalang siyá'y nakikinig n~g m~ga sermón.
Cung manacânaca'y maglacádlacád cayó, cung dacong hapon, sa únang daan
n~g Santo Cristo, makikita ninyóng nacaupô sa tindahan n~g isáng insíc
ang isáng maliit na tao, nanínilaw, payát, hucót, malalalim ang m~ga
mata at anyóng nag-áantoc, culay marumi ang m~ga labi at ang m~ga cucó
at tumítin~gin sa tao n~g wari'y hindi nakikita. Pagdatíng n~g gabí'y
makikita ninyó siyáng tumindíg n~g boong hirap, at nanúnungcod na
pinatutun~guhan ang isáng makipot na daan, pumapasoc sa isáng maliit na
bahay na marumí at sa ibabaw n~g pintô nitó'y nababasa ang malalakíng
letrang mapupula: FUMADERO PUBLICO DE ANFION. Itó'y yaóng totoong
cabalitaang si capitang Tiago, na n~gayó'y lubós n~g nacalimutan n~g
lahát, na anó pa't patí n~g sacristán mayor ay hindi na siyá naaalaala.
Idinagdag ni doña Victorina sa canyáng m~ga culót na buhóc na postizo at
sa canyáng pag-aandaandalusahan, pakikiwan~gis bagá sa m~ga tagá
Andalucía sa pagsasalitâ, ang bagong caugaliang siyá ang nan~gan~gasiwà
sa pagpapalacad n~g m~ga cabayo n~g coche, at pinipilit niyáng si don
Tiburcio'y huwag cumílos. Sa pagcá't maraming nangyayaring capahamacan
dahil sa cahinaan na n~g canyáng m~ga matá, n~gayó'y gumagamit siyá n~g
«quevedo» (salamin sa m~ga matáng isinisipit sa ilóng ang pinacatangcáy)
na nagbibigay sa canyá n~g anyóng naguing cabalitaan. Hindi na muling
natawag ang doctor upang gumamót can~gino man, napapanood siyá n~g m~ga
alilang waláng n~gipin sa maraming araw n~g isáng linggó, bagay, na
alinsunod sa talastás na n~g m~ga bumabasa'y masamáng tandâ.
Ang tan~ging tagapagtanggól n~g culang palad na itó, na si Linares, ay
malaon n~g nagpapahin~galay sa Pacò, sa pagcá't pinatáy siyá n~g
pag-iilaguín at n~g masasamáng guinágawâ sa canyá n~g canyáng hipag.
Napasa España ang nagdiwang na alférez, na ang catungcula'y teniente na
may gradong comandante, at iniwan ang canyáng mairog na asawa sa canyáng
barong franela, na hindi mapagsiyasat cung anó na ang culay. Nang makita
n~g cahabaghabag na Ariadna ang pagcápabayà sa canyá, namintacasi ring
gaya n~g anác na babae ni Minos cay Baco at sa pakikipacatoto sa tabaco,
na anó pa't nan~gin~ginom at humihitít n~g boong alab n~g loob, na hindi
na lamang ang m~ga nagdádalaga ang sa canyá'y natatacot, cung di namán
ang m~ga matatandang babae't ang m~ga batà.
Marahil m~ga buhay pa ang ating m~ga cakilala sa San Diego, sacali't
hindi silá nan~gamatáy sa pagputóc n~g vapor «Lipa» na nagpaparoo't
parito sa lalawigan. Sa pagcá't sino ma'y waláng nan~gasiwà upang
maalaman cung sinosino ang m~ga caawâawang namatáy sa gayóng
capahamacán; at cung canicanino ang m~ga hìta at m~ga camáy na sumabog
sa pulô n~g Convalecencia at sa m~ga pampáng n~g ilog, lubós na hindi
nalalaman namin cung napasama ó hindi sa nan~gamatáy na iyón ang alin
man sa m~ga cakilala n~g m~ga mambabasa sa amin. Natutuwà na camí at
gayon din ang gobierno at ang m~ga pámahayagan n~g panahóng iyón, sa
pagcacalám na ang iisaisang fraileng nacasacáy sa vapor ay nacaligtás,
at walâ na camíng hinihin~ging ibá pa. Ang pan~gulo sa amin ay ang buhay
n~g banál na m~ga sacerdote, na papanatilihin nawà n~g Dios ang caniláng
paghaharì sa Filipinas sa icagagaling n~g aming m~ga caluluwa.[282]
Tungcól cay María Clara'y walà n~g naguíng balitang anó pa man, liban na
lamang sa anaki'y siyá'y iniin~gatan n~g libin~gan sa canyáng
sinapupunan. Ipinagtanóng naming macailan siyá sa iláng taong may
malalaking capangyarihan sa santo convento n~g Santa Clara, n~guni't
sino ma'y waláng nag-ibig magsabi sa amin n~g isá man lamang salità,
cahi't ang m~ga masalitang madasaling tumátanggap n~g bantóg na fritada
n~g atáy n~g inahíng manóc, at n~g salsa na lalò pang cabalitaang
tinatawag na «salsa n~g m~ga monja», na guinágawâ n~g matalinong
taga-paglutong babae n~g m~ga Virgen n~g Pan~ginoóng Dios.
Gayón man:
Isáng gabí n~g Septiembreng umaatun~gal ang bagyó at hináhampas n~g
canyáng calakilakihang m~ga pacpác ang m~ga bahay sa Maynilà;
dumáragundong ang m~ga culóg sa tuwing sandalî, waláng humpáy halos ang
pagtatangláw n~g m~ga lintíc at kidlát sa m~ga iniwáwasac n~g buhawi at
naglulubog sa m~ga namamayan sa caguicláguicláng tacot. Napapanood sa
liwanag n~g kidlát ó n~g lintíc na nagpapakilwágkilwág, na tulad sa
áhas, ang paglipád n~g isáng panig n~g bubun~gan ó n~g isáng bintana na
dalá n~g han~gin, ang pagcáguibâ n~g bahay na cakilakilabot ang
lagapacan: waláng isáng coche at waláng isáng taong lumalacad sa m~ga
daan. Pagca náririn~gig sa malayò ang paós na ugong n~g culóg na inuulit
n~g macasangdaan n~g alin~gawn~gaw, cung magcágayo'y naririn~gig ang
pagbubuntóng-hininga n~g han~ging umiipoipo sa ulán, na siyáng gumágawâ
n~g ulit-ulit na _tric-trac_ sa m~ga nacasarang dahon n~g bintanang
capís.
Dalawang guardia ang sumisilong sa isáng bagong guinagawang bahay sa
malapit sa convento: isáng sundalo't isáng _distinguido_.
--¿Anó ang atang guinágawâ rito?--ang sabi n~g sundalo;--sino ma'y
waláng lumalacad sa daan ... dapat tayong pumaroon sa isáng bahay;
tumatahan ang babae co sa daang Arzobispo.
--Malayolayô rin buhat dito hanggáng doon at mababasâ tayo,--ang sagót
n~g _distinguido_.
--¿Anó ba ang cabuluhan noon, huwág lamang patayín tayo n~g lintíc?
--¡Bah! huwág cang mag-alaala; dapat magcaroon ang m~ga monja n~g isáng
«pararayo» upang silá'y máligtas.
--¿Siyá n~ga ba?--anáng sundalo,--n~guni't anóng cabuluhan n~g
pararayo'y n~gitn~git n~g dilím ang gabí?
At tumin~galâ upang macakita sa cadiliman: n~g sandaling iyó'y cumináng
ang isáng kidlát na inulit at pagdaca'y sinundán n~g malacas at
calaguimlaguim na culóg.
--¡Nacú! ¡Susmariosep!--ang bigláng sinabi n~g sundalo, na nagcucruz at
tulóy hinihila ang canyáng casama;--¡umalís tayo rito!
--¿Anó ang nangyayari sa iyó?
--¡Tayo na, umalís tayo rito!--ang inúlit n~g sundalo na nagtataguctucan
ang n~gipin sa tacot.
--¿Anó ang nakita mo?
--¡Isáng fantasma!--ang ibinulóng na nan~gán~gatal ang boong catawán.
--¿Isáng fantasma?
--¡Sa ibabaw n~g bubun~gan ... marahil siyá ang monja na naglíligpit n~g
m~ga bága sa boong gabi!
Tumin~galâ ang _distinguido_ at ibig niyáng makita.
--¡Jesús!--ang bigláng sinabi at siyá nama'y nagcruz.
Siyá n~gâ namán, sa makináng na ilaw n~g kidlát ay canyáng nakita ang
isáng anyóng taong nacatindíg, halos sa palupo n~g bahay, nacataas sa
lan~git ang mukhà't ang m~ga kamáy, na para manding humíhin~gî sa canyá
n~g awa. ¡M~ga lintíc at culóg ang itinútugón n~g lan~git!
Nang macatapos ang ugong n~g culóg ay nárin~gig ang isáng mapangláw na
daíng.
--¡Hindi gawâ n~g han~gin ang daing na iyán, iyá'y sa fantasma!--ang
ibinulóng n~g sundalo, na siyáng canyáng pinacatugón sa guinawang sa
canyá'y pagpindót n~g canyáng casama.
--¡Ay! ¡ay!--ang naglulumampas na daíng sa han~gin at nan~gin~gibabaw sa
in~gay n~g ulán: hindi matacpán n~g m~ga haguinít n~g han~gin ang
matamís at cahabaghabag na tinig na iyóng puspós n~g capighatîan.
Mulíng cumináng ang isáng kidlát na nacasisilaw ang tindí.
--¡Hindi, hindi fantasma!--ang bigláng sinabi n~g _distinguido_;--mulí
pang nakita co siyá; casinggandá n~g Virgen ... ¡Umalís na tayo rito't
magbigáy álam tayo!
Hindi na hinintay n~g sundalong ulitin pa ang pagyacag sa canyá't
nan~gagsialís ang dalawá.
¿Sino cayâ ang humihibic sa calaguitnaan n~g gabí, na hindi inaalintana
ang malacás na han~gin, ang ulán at bagyó? ¿sino cayà ang matatacuting
virgeng esposa ni Jesucristo, na nakikilaban sa nan~gagn~gan~galit na
bagyó, tubig, lintíc at culóg at hinirang pa namán ang cagulatgulat na
gabí at ang may calayaang lan~git, upang itaghóy mulà sa isáng
mapan~ganib na cataasan ang canyáng m~ga daing sa Dios? ¿Linisan cayà
n~g Dios ang canyáng templo at aayaw n~g dingguín ang m~ga hibíc sa
canyá? ¿Bacâ cayà hindi macalampás sa bubun~gán n~g convento ang m~ga
mithî n~g cáluluwa at n~g macapailánglang hanggáng sa trono n~g lubháng
Mahabaguin?
Humihip n~g boong galit ang bagyó halos sa magdamág; hindi sumicat ang
isá man lamang bituin sa boong gabí; nagpatuloy ang waláng pagcasiyahan
sa hirap na m~ga ¡ay! na nacacahalo n~g m~ga buntóng hinin~gá n~g
han~ging malacás, datapwa't nasunduan niyáng bin~gí ang Naturaleza't ang
m~ga tao; nagpuyát palibhasa ang Dios ay hindi siyá náririn~gig.
Kinabucasan, n~g mapaspás na sa lan~git ang maiitim na m~ga alapaap ay
mulíng sumicat ang araw sa guitnâ n~g nadalisay na himpapawíd, humintô
sa pintuan n~g convento n~g Santa Clara ang isáng coche at doo'y nanaog
ang isáng lalaki, na napakilalang siyá'y kinacatawan n~g may
capangyarihan at hinin~ging siyá'y pakipag-usapin sa abadesa at sa lahát
n~g m~ga monja.
Ang sabi'y may humaráp na isáng monjang basáng basá at punít-punít ang
suot na hábito, tumatan~gis at isinumbóng ang cakilakilabot na m~ga
cagagawan at hinin~ging siyá'y tangkilikin n~g tao laban sa m~ga
catampalasanan n~g pagbabanalbanalan. Ang sábihan din namá'y totoong
cagandagandahan ang monjang iyon, na may m~ga matáng ang cagandaha't
catamisa'y walâ pang nakikitang macacawan~gis.
Hindi siya inampón n~g kinacatawan n~g may capangyarihan,
nakipagsalitaan itó sa abadesa at iniwan ang monjang iyón at hindi
pinakinggán ang canyáng m~ga samò at m~ga luhà. Napanood n~g monjang
sinarhan ang pintô pagcalabás n~g tao, na gaya marahil n~g panonood, n~g
hinatulang magdusa, n~g pagsasará sa canyá n~g pintuan n~g lan~git,
sacasacali't dumating ang araw na maguiguing casíng ban~gís at mawawalán
n~g damdamin ang lan~git na gaya n~g m~ga tao. Ulól daw ang monjang iyón
ang sabi n~g abadesa.
Hindi marahil nalalaman n~g taong iyóng sa Maynilà'y may isáng hospicio
na pinag-aalagaan sa m~ga nasisira ang isip; ó bacà cayà namán
ipinalálagay niyáng ang convento n~g m~ga monja'y isáng ampunan n~g m~ga
ulól na babae, bagá man hinahacang may catatagáng camangman~gan ang
taong iyóng upáng macapagpasiya cung sirà ó hindi ang pag-iisip n~g
isáng tao.
Sinasabi rin namáng baligtád ang ipinasiya n~g general J. n~g canyáng
mabalitaan ang nangyaring iyón; tinangcâ niyáng tangkilikin ang ulól na
babae caya't hinin~gî niyá itó.
N~gunit n~gayó'y waláng humaráp na sino mang dalagang cagandagandahang
waláng umampón, at hindi itinulot n~g abadesang dalawin at tingnán ang
convento, at sa ganitó'y tumutol siyá sa pan~galan n~g Religión at n~g
m~ga Santong Cautusán sa Convento.
Hindi na mulíng napagsalitaanan pa ang nangyaring iyón, at gayón din ang
tungcól sa cahabaghabag na si María Clara.
=WACAS ÑG PAGSASAYSAY.=